Mga Seminary at Institute
Tulungan ang mga Mag-aaral na Lumapit kay Jesucristo


“Tulungan ang mga Mag-aaral na Lumapit kay Jesucristo,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: Para sa Lahat ng Nagtuturo sa Tahanan at sa Simbahan (2022)

“Tulungan ang mga Mag-aaral na Lumapit kay Jesucristo,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

si Jesucristo na nakaupo kasama ang mga bata

Bilang mga guro ng ebanghelyo ni Jesucristo, tinutulungan natin ang iba na makaunawa at magtiwala sa Kanyang mga turo, kapangyarihan, at pagmamahal.

Tulungan ang mga Mag-aaral na Lumapit kay Jesucristo

Ang higit na magagawa mo bilang guro upang mapagpala ang mga mag-aaral ay ang tulungan sila na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo at madama ang Kanilang pagmamahal (tingnan sa Juan 17:3). Isipin ang mga karanasan na nakatulong sa iyo na makilala at mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Ano ang ginawa mo para malaman ang tungkol sa Kanilang mga katangian, kapangyarihan, at pagmamahal? Paano nagdulot sa iyo ng kagalakan ang pagmamahal mo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Pagkatapos ay isipin kung ano ang magagawa ng Kanilang pagmamahal at kapangyarihan sa bawat taong tinuturuan mo. (Tingnan sa Alma 26:16; Moises 5:11.)

Ang pinakamithiin natin sa buhay na ito ay maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit at makabalik sa Kanya. Ang paraan para maisakatuparan natin ang mithiing iyan ay sa pamamagitan ng paglapit kay Jesucristo (tingnan sa Juan 14:6). Kaya nga, tulad ng itinuro ng propetang si Nephi, “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo” (2 Nephi 25:26).

Kailangan ng bawat anak ng Diyos ang liwanag at katotohanan na nagmumula sa Tagapagligtas at maaari niyang piliing tanggapin ito. Ang ibig sabihin ng maging guro ng ebanghelyo ni Jesucristo ay tulungan ang iba na makaunawa at magtiwala sa Kanyang mga turo, nakatutubos na kapangyarihan, at sakdal na pag-ibig. Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang mga sumusunod na ideya para mahikayat mo ang iba na mas kilalanin si Jesucristo at sundin Siya.

Tulungan ang mga Mag-aaral na Madama ang Pagmamahal, Kapangyarihan, at Awa ng Panginoon sa Kanilang Buhay

Magandang malaman ang tungkol sa pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Tagapagligtas, ngunit kinakailangan din nating maranasan ito. Ang makita kung paano Niya pinagpala at pinagaling ang mga tao sa mga banal na kasulatan ay tumutulong sa atin na magkaroon ng mas malaking pananampalataya na mapagpapala at mapapagaling Niya tayo. Halimbawa, ang pag-aaral ng tungkol sa mga karanasan ni Daniel ay hindi kumpleto kung hindi niya tayo mahihikayat na magtiwala sa Panginoon kapag naroon tayo sa sarili nating yungib ng mga leon.

Kapag tinutulungan mo ang mga mag-aaral na madama ang “magiliw na awa” ng Panginoon (1 Nephi 1:20), kapwa sa mga banal na kasulatan at sa sarili nilang mga karanasan, madarama at malalaman nila na kasama nila ang Panginoon at magiliw Siyang tatayo sa tabi nila (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:6). Makikita at madarama nila ang katotohanan ng pagmamahal at awa ng Panginoon sa kanilang personal na mga pangangailangan at sitwasyon.

itinuturo ni Jesus ang Sermon sa Bundok

Matutulungan ng mga guro ang mga mag-aaral na maranasan ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Tagapagligtas.

Tulungan ang mga Mag-aaral na Patibayin ang Kanilang Ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Ang layunin ng pagtuturo at pag-aaral ng tungkol kay Jesucristo ay tulungan ang bawat tao na mas mapalapit sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Tulungan ang mga tinuturuan mo na huwag kalimutan kailanman ang layuning iyon. Hikayatin sila na patibayin ang kanilang ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, patuloy na pagsisisi, pakikipag-usap sa Ama sa panalangin, at pagpapatotoo tungkol sa Ama at sa Anak. Turuan ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng salita at halimbawa kung paano tayo ibinibigkis sa Kanila ng paggawa at pagtupad ng mga tipan. Tulungan silang malaman kung gaano tayo kahalaga sa Kanila at kung gaano Nila tayo minamahal. Palakasin ang kanilang pananampalataya na si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang perpektong Pagbabayad-sala, ang tanging daan pabalik sa ating Ama. Magbigay ng mga pagkakataon sa mga mag-aaral na makatanggap ng patotoo mula sa Espiritu Santo, “na siyang nagpapatotoo sa Ama at sa Anak” (Moises 5:9).

Tulungan ang mga Mag-aaral na Magsikap nang Mabuti na Maging Higit na Katulad ni Jesucristo

Sa huli, ang pag-aaral ng tungkol kay Jesucristo ay naghihikayat sa atin na maging higit na katulad Niya. Ngunit ang pagiging katulad Niya ay nangyayari lamang kapag kumikilos tayo nang may pananampalataya, sa loob at sa labas ng klase, na kusang pinipiling sundin ang Kanyang halimbawa at tanggapin ang Kanyang biyaya. Sabihin sa mga mag-aaral na hingin ang tulong ng Espiritu Santo upang matukoy ang mga paraan na maaari silang maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Gabayan at suportahan ang habambuhay na pagsisikap ng mga mag-aaral na maging katulad Niya.

Itinuro ni Jacob na “lahat ng bagay na ibinigay ng Diyos mula pa sa simula ng daigdig” ay makapagtuturo sa atin ng tungkol kay Jesucristo (2 Nephi 11:4). Ang pagtuturo mo ay maaaring isa sa mga bagay na iyon. Ituon kay Jesucristo ang bawat pagtuturo at pag-aaral. Kapag kayo ng mga mag-aaral mo ay “nangungusap … tungkol kay Cristo, nagagalak … kay Cristo, nangangaral … tungkol kay Cristo” (2 Nephi 25:26), maititimo nang malalim ng Espiritu Santo ang patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa isip at puso ng bawat tao. Kapag tinulungan mo ang iyong mga mag-aaral na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo para sa kanilang sarili, mas malamang na babaling sila sa Kanila para humingi ng tulong, pag-asa, at paggaling sa buong buhay nila.