“Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: Para sa Lahat ng Nagtuturo sa Tahanan at sa Simbahan (2022)
“Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral
Talagang nakakamanghang makita na naglalakad sa ibabaw ng tubig ang Tagapagligtas. Ngunit hindi iyon sapat para kay Pedro. Gusto niyang gawin ang ginawa ng Tagapagligtas, pumunta sa kinaroroonan Niya, at maranasan din iyon. “Ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig,” sabi niya. Tumugon ang Tagapagligtas sa isang simpleng paanyaya: “Halika.” Dahil diyan, bumaba si Pedro mula sa kinakanlungang bangka at ipinakita sa atin na ang pagkadisipulo ay nangangailangan ng paggawa at pagkilos (tingnan sa Mateo 14:24–33). Nangangailangan ito ng pananampalataya kay Cristo at masigasig na pagsisikap. Ngunit naghahatid din ito ng saganang gantimpala ng paglakad na kasama ng Tagapagligtas.
“Halika.” “Halikayo at tingnan ninyo.” “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.” “Humayo ka, at gayundin ang gawin mo” (Mateo 14:29; Juan 1:39; Lucas 18:22; 10:37). Sa simula ng Kanyang ministeryo, inanyayahan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod na maranasan para sa kanilang sarili ang mga katotohanan, kapangyarihan, at pagmamahal na ibinigay Niya. Ginawa Niya ito dahil ito talaga ang ibig sabihin ng pagkatuto. Hindi lang ito pakikinig o pagbabasa; ito rin ay pagbabago, pagsisisi, at pag-unlad. Sa mga salita ng Tagapagligtas, ang pagkatuto ay dumarating “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118; idinagdag ang pagbibigay-diin). At kabilang sa pananampalataya ang pagkilos para sa ating sarili, at hindi pinakikilos ng iba (tingnan sa 2 Nephi 2:26).
Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, inaanyayahan natin ang mga tinuturuan natin na humingi, maghanap, at tumuktok (tingnan sa Mateo 7:7–8). At tinatanggap natin ang paanyayang iyan. Nang magkakasama, sa pamamagitan ng sarili nating pananampalataya kay Cristo at masigasig na pagsisikap, malalaman natin sa ating sarili kung ano ang ibig sabihin ng lumakad na kasama Niya.
Tinulungan ng Tagapagligtas ang Iba na Maging Responsable sa Kanilang Pag-aaral
Ang paggawa ng mga gabara para ligtas na makatawid sa karagatan ay isang mahirap na gawain para sa sinuman. Ang kapatid ni Jared ay “patuloy na binibigyang-tagubilin ng kamay ng Panginoon” (Eter 2:6), tumatanggap ng mga tagubilin tungkol sa hugis ng mga gabara at kung paano sila makakahinga sa loob nito. Ngunit ano ang napansin mo sa tugon ng Panginoon nang magtanong ang kapatid ni Jared tungkol sa pagbibigay ng liwanag sa mga gabara? (tingnan sa Eter 2:22–25). Paano pinagpala ang kapatid ni Jared sa paanyayang sumampalataya siya sa paraang ito? (tingnan sa Eter 3:1–16).
Maaaring madaling sabihin lang sa mga mag-aaral ang lahat ng bagay na sa palagay mo ay dapat nilang malaman. Gayunman, ipinayo ni Elder David A. Bednar: “Ang layunin natin ay hindi dapat ‘Ano ang sasabihin ko sa kanila?’ Sa halip, ang dapat nating itanong sa ating sarili ay ‘Ano ang paanyayang maibibigay ko sa kanila? Anong mga inspiradong tanong ang maaari kong itanong na, kung handa silang sumagot, ay magsisimulang mag-anyaya sa Espiritu Santo sa kanilang buhay?’” (evening with a General Authority, Peb. 7, 2020, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).
Isipin kung paano mo maaanyayahan ang mga mag-aaral na maging responsable sa kanilang pag-aaral. Halimbawa, maaari mo silang anyayahang magtanong, maghanap ng mga sagot, magnilay, at magbahagi o magsulat ng mga naiisip at nadarama nila. Kapag ginawa nila ito, mapapalakas nila ang kanilang pananampalataya, matutuklasan ang mga katotohanan sa salita ng Diyos, at magkakaroon ng sarili nilang mga karanasan sa mga katotohanang ito. Kapag naging responsable tayo sa sarili nating pag-aaral, masasabi natin ang sinabi ni Joseph Smith, “Nalaman ko para sa aking sarili” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:20).
Mga Tanong na Pag-iisipan: Bakit mahalaga para sa mga mag-aaral na maging aktibo sa halip na walang gawin sa kanilang pag-aaral? Paano mo sila matutulungan na maging responsable sa kanilang pag-aaral? Paano ka natulungan ng mga guro na gawin ito? Anong mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan ang maiisip mo kung saan inanyayahan ang mga tao na matuto para sa kanilang sarili? Paano nakakaapekto ang mga halimbawang ito sa paraan ng pagtuturo mo?
Mula sa mga Banal na Kasulatan: 1 Nephi 11; Doktrina at mga Tipan 9:7–8; 58:26–28; 88:118–125; Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–20
Hinikayat ng Tagapagligtas ang Iba na Kilalanin Siya sa pamamagitan ng Pag-aaral ng Kanyang Salita
Nang dumating ang panahon para opisyal na itatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw, sinabi Niya sa Kanyang mga tagapaglingkod, “Manalig sa mga bagay na nakasulat” (Doktrina at mga Tipan 18:3). Tunay ngang ang Aklat ni Mormon, na halos tapos na nilang isalin, ay naglalaman ng makatutulong na tagubilin para sa gawain, kabilang na kung paano magbinyag, pangasiwaan ang sakramento, at iba pang mahahalagang detalye. Ngunit nais din ng Tagapagligtas na makita ng Kanyang mga tagapaglingkod ang Kanyang mga paghahayag bilang pagkakataong marinig Siya at makilala Siya nang mas lubos. Sa paghahayag ding iyon, sinabi Niya sa kanila, “Ang aking tinig ang nangusap ng mga [salitang] ito sa inyo; … dahil dito, maaari ninyong patotohanan na narinig ninyo ang aking tinig, at nababatid ang aking mga salita” (Doktrina at mga Tipan 18:35–36).
Isipin ang mga taong tinuturuan ninyo. Ano ang nadarama nila tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan? At ano rin ang nadarama mo tungkol dito? Ito ba ay higit pa sa obligasyon sa araw-araw? Kapag pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, nadarama mo ba na tuwirang nagsasalita sa iyo ang Tagapagligtas? Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Saan tayo maaaring pumunta para pakinggan Siya? Maaari tayong magbasa ng mga banal na kasulatan. … Ang araw-araw na masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos ay mahalaga para sa espirituwal na kaligtasan lalo na sa tumitinding ligalig sa panahong ito. Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo araw-araw, ang mga salita ni Cristo ay magsasabi sa atin kung paano tumugon sa mga paghihirap na hindi natin inakalang dadanasin natin” (“Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 89). Habang nagtuturo ka, hikayatin ang mga mag-aaral na pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang may layuning hanapin ang Tagapagligtas—hindi lamang paghahanap ng mga talata o katotohanan tungkol sa Kanya kundi paghahanap sa Kanya. Ang marinig araw-araw ang tinig ng Panginoon sa mga banal na kasulatan ay pundasyon sa habambuhay na masigasig at personal na pag-aaral ng ebanghelyo.
Mga Tanong na Pag-iisipan: Isipin ang mga gawi mo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Paano napalakas ng pag-aaral ng salita ng Diyos ang iyong kaugnayan sa Kanya? Ano ang magagawa mo para mapagbuti ang iyong pag-aaral? Paano mo mahihikayat ang iba na pag-aralan nang masigasig at regular ang salita ng Diyos? Anong mga pagpapala ang matatanggap nila kapag ginawa nila ito?
Mula sa mga Banal na Kasulatan: Josue 1:8; 2 Timoteo 3:15–17; 2 Nephi 32:3; Jacob 2:8; 4:6; Doktrina at mga Tipan 33:16
Inanyayahan ng Tagapagligtas ang Iba na Maghandang Matuto
Maging ang pinakamabubuting binhi ay hindi lalago sa matigas, mabato, o matinik na lupa. Gayon din, maging ang doktrinang pinakamahalaga at nagpapalakas ng pananampalataya ay malamang na hindi magpabago sa pusong hindi pa handang tanggapin ito. Bahagi iyan ng mensahe ng talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa isang manghahasik, mga binhi, at lupa na iba’t iba ang kalagayan. Sa “mabuting lupa”—ang pusong napalambot at naalisan ng mga espirituwal na bato at tinik—nagbubunga ang salita ng Diyos na nagbibigay-buhay (tingnan sa Mateo 13:1–9, 18–23).
Ang espirituwal na paghahanda ay mahalaga—para sa iyo at sa mga taong tinuturuan mo. Kaya paano tayo makatutulong na ihanda ang ating puso upang maging “mabuting lupa” ang mga ito para sa salita ng Diyos? Isipin ang mga sumusunod na alituntunin ng paghahanda, na maipamumuhay mo at mahihikayat mo sa buhay ng mga tinuturuan mo. Manalangin upang malaman kung ano ang nais ng Panginoon na matutuhan mo. Mamuhay sa paraang maaanyayahan mo ang Kanyang presensya sa iyong buhay. Magsisi araw-araw. Pag-ibayuhin ang iyong hangaring matuto sa pamamagitan ng tapat na pagtatanong. Pag-aralan ang salita ng Diyos na nananampalatayang ituturo Niya sa iyo ang mga sagot. Buksan ang iyong puso sa anumang ituturo Niya sa iyo.
Habang naghahanda ang mga mag-aaral na matuto sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng espirituwal na mga mata na makakakita at mga tainga na makaririnig sa nais ng Panginoon na malaman nila (tingnan sa Mateo 13:16).
Mga Tanong na Pag-iisipan: Ano ang ginagawa mo para maihanda ang iyong sarili na matuto? Paano nakakaapekto ang iyong paghahanda sa pagtingin, pakikinig, at pag-unawa mo sa salita ng Diyos? Paano mo mahihikayat ang iba na maghandang matuto? Anong kaibhan ang magagawa nito sa paraan ng pagtanggap nila ng mga katotohanan ng ebanghelyo?
Mula sa mga Banal na Kasulatan: Enos 1:1–8; Alma 16:16–17; 32:6, 27–43; 3 Nephi 17:3
Hinikayat ng Tagapagligtas ang Iba na Ibahagi ang mga Katotohanang Natutuhan Nila
“Mabagal ako sa pagsasalita,” ang panangis ni Enoc nang tawagin siya ng Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo. Ngunit ang pagiging mahusay sa pagsasalita ay hindi kailanman kinakailangan para maging tagapaglingkod ng Panginoon. Sa halip, ipinangako ng Panginoon kay Enoc na kung sapat ang kanyang pananampalataya na ibuka ang kanyang bibig, darating ang mga salita. “Akin kitang bibigyan ng sasabihin,” wika Niya (Moises 6:31–32). Si Enoc ay nanampalataya, at tunay na nangusap ang Panginoon sa pamamagitan niya, sa mga salitang lubos na makapangyarihan na nagpanginig sa mga tao (tingnan sa Moises 6:47). Sa katunayan, pinayanig ng mga ito ang lupa. Ang mga bundok ay natinag, ang tubig sa mga ilog ay lumiko, at ang mga bayan ay natakot sa mga tao ng Diyos, “napakamakapangyarihan ng salita ni Enoc, at napakalakas ng kapangyarihan ng wikang ibinigay ng Diyos sa kanya” (Moises 7:13).
Nais ng Panginoon na tayong lahat—hindi lamang ang Kanyang mga propeta—ay magkaroon ng kapangyarihang mangusap ng Kanyang salita. Iyan ang nais Niya para sa ating lahat, pati na sa mga taong tinuturuan mo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:20–21). Ang ating mga salita ay maaaring hindi magpatinag sa mga bundok o magpaliko sa mga ilog, ngunit makatutulong ang mga ito na mabago ang mga puso. Kaya nga napakahalagang bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Ang paggawa nito ay makatutulong sa kanila na maipamuhay ang mga katotohanang itinuro sa kanila at maipahayag ang mga ito. Tutulungan din sila nitong magkaroon ng tiwala sa kanilang kakayahang ibahagi ang mga katotohanan sa iba pang sitwasyon.
Mga Tanong na Pag-iisipan: Isipin ang isang pagkakataon na nagsalita ka sa isang tao tungkol sa isang katotohanan ng ebanghelyo. Ano ang natutuhan mo mula sa karanasang iyon? Kailan ka nagpasalamat dahil nagkaroon ng lakas ng loob ang isang tao na ibahagi ang kanyang mga iniisip at pinaniniwalaan? Paano makikinabang ang mga taong tinuturuan mo mula sa mga pagkakataong magsalita tungkol sa mga bagay na natutuhan nila? Anong mga pagkakataon ang maaari mong ibigay sa kanila?
Mula sa mga Banal na Kasulatan: Alma 17:2–3; Moroni 6:4–6; Doktrina at mga Tipan 84:85; 88:122; 100:5–8
Inanyayahan ng Tagapagligtas ang Iba na Ipamuhay ang Kanyang Itinuro
“Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao.” “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway.” “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan.” “Pumasok kayo sa makipot na pintuan.” (Mateo 5:16, 44; 7:7, 13.) Ang ilan sa mga pinakamalinaw at di-malilimutang paanyaya sa buong ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa ay nasambit nang turuan Niya ang Kanyang mga disipulo sa isang gilid ng bundok kung saan tanaw ang Dagat ng Galilea. Ang layunin ng Tagapagligtas ay baguhin ang buhay, na nilinaw Niya sa Kanyang pangwakas na paanyaya: “Ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at ginaganap ang mga ito, ay matutulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato” (Mateo 7:24; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Bumubuhos ang ulan at bumabaha at humahampas ang hangin sa buhay ng lahat. Ang pag-aaral ng tungkol sa ebanghelyo ay hindi sapat kung nais ng mga mag-aaral na makayanan ang lahat ng pagsubok na mararanasan nila. Kaya nga hindi tayo dapat mag-atubiling anyayahan ang mga mag-aaral na pag-isipan kung paano nila ipamumuhay ang natutuhan nila. Bilang paggalang sa kalayaang pumili ng iba, marami sa ating mga paanyaya ang magiging pangkaraniwan: “Ano ang nadama mong gawin?” Paminsan-minsan kailangang maging mas partikular ang ating mga paanyaya: “Pipili ka ba ng isang katangian ng Tagapagligtas na gusto mong pagsikapang taglayin?” Kapag nagbibigay ka ng mga pagkakataon sa mga mag-aaral na mapakinggan, madama, at maibahagi ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo, ituturo Niya sa kanila kung ano mismo ang kinakailangan nilang gawin. Tulungan ang mga mag-aaral na pag-isipan ang mga pagpapalang matatanggap kapag ginawa nila ang natutuhan nila, at hikayatin silang magpatuloy kahit nahihirapan sila. Ang pamumuhay ayon sa katotohanan ang pinakamabilis na daan tungo sa mas malakas na pananampalataya, patotoo, at pagbabalik-loob. Tulad ng sinabi ng Tagapagligtas, ang pamumuhay nang ayon sa doktrina ng Ama ang tiyak na daan para malaman nating lahat na totoo ang doktrina (tingnan sa Juan 7:17).
Mga Tanong na Pag-iisipan: Kailan ka nahikayat na kumilos dahil sa paanyaya ng isang tao? Paano nito napagpala ang iyong buhay? Pansinin ang mga paanyayang ibinigay sa mga banal na kasulatan at ng mga lider ng Simbahan. Ano ang natutuhan mo na makatutulong sa iyo kapag inanyayahan mo ang iba na kumilos? Sa anong mga paraan mo maipa-follow-up ang iyong mga paanyaya?
Mula sa mga Banal na Kasulatan: Lucas 10:36–37; Juan 7:17; Santiago 1:22; Mosias 4:9–10; Doktrina at mga Tipan 43:8–10; 82:10