“Magturo sa pamamagitan ng Espiritu,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: Para sa Lahat ng Nagtuturo sa Tahanan at sa Simbahan (2022)
“Magturo sa pamamagitan ng Espiritu,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Magturo sa pamamagitan ng Espiritu
Nang atasan ng Tagapagligtas sina Joseph Smith at Sidney Rigdon na ipangaral ang Kanyang ebanghelyo, ipinangako Niya sa kanila, “Ang Espiritu Santo ay ibubuhos sa pagpapatotoo sa lahat ng bagay anuman ang inyong sasabihin” (Doktrina at mga Tipan 100:8; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 42:15–17; 50:17–22). Ang pangako ring iyon ay para sa lahat ng nagtuturo ng ebanghelyo, pati na sa iyo. Habang itinuturo mo ang ebanghelyo ni Jesucristo, mapapasaiyo ang Espiritu Santo para gabayan ka at patotohanan ang katotohanan sa isip at puso ng mga tinuturuan mo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2). Hindi ka nag-iisa kapag nagtuturo ka, sapagkat “hindi [ikaw] ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo” (Marcos 13:11).
Ang Espiritu Santo ang tunay na guro. Walang mortal na guro, gaano man siya kahusay o kadalubhasa, ang makahahalili sa Kanyang gawain sa pagpapatotoo ng katotohanan, pagpapatotoo kay Cristo, at pagpapabago ng mga puso. Ngunit lahat ng guro ay maaaring maging kasangkapan sa pagtulong sa mga anak ng Diyos na matuto sa pamamagitan ng Espiritu.
Espirituwal na Inihanda ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili na Magturo
Upang makapaghanda para sa Kanyang ministeryo, si Jesus ay gumugol ng 40 araw sa ilang “upang makasama ang Diyos” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1). Ngunit ang Kanyang espirituwal na paghahanda ay nasimulan na noon pa man. Nang tuksuhin Siya ni Satanas, nagamit Niya ang “mga salita ng buhay” na Kanyang pinagyaman para sa “oras na iyon” na kakailanganin Niya ang mga ito (Doktrina at mga Tipan 84:85). Isipin ang sarili mong mga pagsisikap para espirituwal na ihanda ang iyong sarili na magturo. Ano ang natutuhan mo sa Mateo 4:1–11 tungkol sa kung paano mo matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa iyong espirituwal na paghahanda?
Ang Espiritu ang tunay na guro at tunay na pinagmumulan ng pagbabalik-loob. Ang mabisang pagtuturo ng ebanghelyo ay hindi lamang nangangailangan ng paghahanda ng lesson kundi espirituwal na paghahanda ng iyong sarili bago ka magsimulang magturo. Kung handa ka sa espirituwal, mas maririnig at masusunod mo ang tagubilin ng Espiritu habang nagtuturo ka. Ang paraan para maanyayahan ang Espiritu Santo sa iyong pagtuturo ay anyayahan Siya sa iyong buhay. Kabilang dito ang masigasig na pagsisikap na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo nang buong puso. At dahil wala ni isa sa atin ang nagagawa ito nang perpekto, nangangahulugan din ito ng pagsisisi sa araw-araw.
Mga Tanong na Pag-iisipan: Ano ang ibig sabihin sa iyo ng espirituwal na ihanda ang iyong sarili na magturo? Ano ang nadama mong gawin para mapagbuti mo ang espirituwal na paghahanda ng iyong sarili? Sa iyong palagay, paano makagagawa ng kaibhan ang espirituwal na paghahanda sa iyong pagtuturo?
Mula sa mga Banal na Kasulatan: Ezra 7:10; Lucas 6:12; Alma 17:2–3, 9; Doktrina at mga Tipan 11:21; 42:13–14
Ang Tagapagligtas ay Palaging Handang Tumugon sa mga Pangangailangan ng Iba
Si Jairo, ang pinuno ng sinagoga, ay lumuhod sa paanan ni Jesus, na nagsusumamo sa Kanya na tulungan ang kanyang naghihingalong anak na babae. Nakipagsiksikan si Jesus at ang Kanyang mga disipulo para makalabas sa maraming tao patungo sa bahay ni Jairo nang biglang mapatigil si Jesus. “Sino ang humawak sa akin?” tanong Niya. Tila isang kakatwang tanong ito—sa nagsisiksikang mga tao, sino ang hindi makakahawak sa Kanya? Ngunit alam ng Tagapagligtas na sa maraming taong iyon, may taong lumapit sa Kanya na mayroong partikular na pangangailangan at nananampalatayang tatanggapin ang paggaling na ibinibigay Niya. May oras pa para puntahan ang anak ni Jairo. At sinabi muna Niya sa babaeng humawak ng Kanyang damit, “Anak, [mapanatag ka]: pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa” (tingnan sa Lucas 8:41–48).
Bilang guro, maaaring nakikita mo kung minsan ang iyong sarili na nagmamadaling tapusin ang inihanda mong ituro. Bagama’t maaaring mahalaga iyan, tiyakin na sa iyong pagmamadali ay hindi mo nababalewala ang agarang pangangailangan ng isang taong tinuturuan mo. Bukod pa sa espirituwal na patnubay na hiningi mo habang naghahanda kang magturo, hingin din ang patnubay ng Espiritu habang nagtuturo ka. Sikaping mahiwatigan ang mga pangangailangan, tanong, at interes ng mga mag-aaral. Matutulungan ka ng Espiritu Santo na mahiwatigan kung paano tinatanggap o nauunawaan ng isang mag-aaral ang isang bagay na itinuro mo. Maaari Niyang ipahiwatig sa iyo kung minsan na baguhin ang iyong mga plano. Halimbawa, maaaring mainspirasyunan kang gumugol ng mas maraming oras kaysa sa pinlano mo para sa isang paksa o iwan ang ilang paksa na tatalakayin kalaunan para bigyang-diin ang isang bagay na mas mahalaga ngayon sa mga mag-aaral.
Mga Tanong na Pag-iisipan: Kailan mo nadama na alam ng iyong magulang o iba pang guro ang iyong mga pangangailangan bilang mag-aaral? Alam ba ng mga tinuturuan mo na mas interesado ka na matuto sila kaysa tapusin ang isang lesson? Paano mo mas malinaw na maipababatid sa kanila ang ninanais mo?
Mula sa mga Banal na Kasulatan: 1 Pedro 3:15; Alma 32:1–9; 40:1; 41:1; 42:1
Ang Tagapagligtas ay Nagbigay ng mga Pagkakataon sa mga Tao na Maturuan ng Espiritu Santo
Nahirapan ang maraming tao noong panahon ni Jesus na maunawaan kung sino Siya talaga, ngunit maraming opinyon. “Ang sabi ng iba ay [ikaw] si Juan na Tagapagbautismo,” ang ulat ng Kanyang mga disipulo, “ang iba ay si Elias; at ang iba ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.” Ngunit nagtanong si Jesus na nag-anyaya sa Kanyang mga disipulo na isantabi ang mga opinyon ng iba at tingnan ang saloobin ng kanilang sariling puso: “Ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Nais Niyang mahanap nila ang kanilang sagot hindi mula sa “laman at dugo” kundi mula sa “aking Ama na nasa langit.” Ang ganitong uri ng patotoo—personal na paghahayag mula sa Espiritu Santo—ang naghikayat kay Pedro na ipahayag na, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy” (tingnan sa Mateo 16:13–17).
Upang espirituwal na makaligtas sa mga huling araw, kakailanganin ng mga taong tinuturuan mo ang espirituwal na patotoo sa katotohanan. Hindi mo ito maibibigay sa kanila, ngunit maaari mo silang anyayahan, hikayatin, bigyang-inspirasyon, at turuan na magkaroon nito. Maipaliliwanag mo nang malinaw—sa iyong mga salita at gawa—kung gaano kahalaga ang Espiritu Santo sa pag-aaral ng ebanghelyo. Isipin, halimbawa, ang kapaligiran sa pag-aaral na nilikha at pinananatili mo. Ang isang bagay na kasingsimple ng pag-aayos ng mga silya sa silid o pagbati at pakikipag-ugnayan mo sa mga mag-aaral ay simula ng espirituwal na karanasan para sa mga mag-aaral. Maaari mo ring anyayahan ang mga mag-aaral na espirituwal na ihanda ang kanilang sarili na matuto, tulad ng espirituwal na paghahanda mo para magturo. Sabihin sa kanila na maging responsable sa ginagawa nila. At maaari kang magbigay ng mga pagkakataon para madama nila ang Espiritu na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang patotoong iyan ay magiging “bato” para sa kanila, “at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa [kanila]” (Mateo 16:18).
Mga Tanong na Pag-iisipan: Ano ang napansin mo na nakatutulong sa isang espirituwal na kapaligiran para sa pag-aaral ng ebanghelyo? Ano ang nakagagambala rito? Ano ang nakatutulong sa mga tinuturuan mo upang matuto mula sa Espiritu? Isipin ang lugar kung saan ka madalas magturo. Ano ang pakiramdam mo kapag naroon ka? Paano mo mas epektibong maaanyayahan na pumaroon ang Espiritu?
Mula sa mga Banal na Kasulatan: Lucas 24:31–32; Juan 14:26; 16:13–15; Moroni 10:4–5; Doktrina at mga Tipan 42:16–17; 50:13–24
Tinulungan ng Tagapagligtas ang Iba na Maghangad, Makahiwatig, at Kumilos ayon sa Personal na Paghahayag
Nais ng Panginoon na makipag-ugnayan sa atin—at nais Niyang malaman natin na Siya ay nakikipag-ugnayan sa atin. Noong 1829, nalaman ng isang 22-taong-gulang na guro na nagngangalang Oliver Cowdery ang tungkol sa nakamamangha at magandang doktrina na ang sinuman ay maaaring makatanggap ng personal na paghahayag. Ngunit may mga tanong siya na katulad ng itinanong ng marami sa atin: “Talaga bang sinusubukan ng Panginoon na mangusap sa akin? At paano ko malalaman ang sinasabi Niya?” Upang masagot ang mga tanong na ito, inanyayahan ni Jesucristo si Oliver na isiping muli ang isang pribadong sandali ng espirituwal na pagsasaliksik. “Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan?” tanong Niya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:21–24). Kalaunan, itinuro Niya kay Oliver ang iba pang mga paraan na maaaring mangusap sa kanya ang Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3; 9:7–9; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 11:12–14).
Sa pamumuhay sa mundong madalas ay nakalilimot na sa mga espirituwal na bagay, kinakailangan nating lahat ng tulong na mahiwatigan ang tinig ng Espiritu. Maaaring nadama na natin ang Espiritu nang hindi ito natatanto. At lahat tayo ay maaaring marami pang malaman kung paano hangarin ang Espiritu, mahiwatigan ang Kanyang impluwensya, at kumilos ayon sa mga pahiwatig na ibinibigay Niya sa atin. Habang nagtuturo ka, tulungan ang mga mag-aaral na tuklasin ang mga paraan ng pakikipag-ugnayan ng Espiritu—at kung paano Siya nakipag-ugnayan sa kanila. Ang isa sa mga pinakamagandang kaloob na maibibigay mo bilang guro ay tulungan ang mga tinuturuan mo na umunlad sa habambuhay na paghahangad ng personal na paghahayag.
Mga Tanong na Pag-iisipan: Bakit mahalagang matutong tumanggap ng personal na paghahayag? Natulungan ka na ba ng isang tao na maunawaan kung paano maghangad at makahiwatig ng paghahayag? Paano mo mahihikayat ang mga tinuturuan mo na maghangad, makahiwatig, at kumilos ayon sa paghahayag mula sa Espiritu Santo?
Mula sa mga Banal na Kasulatan: Galacia 5:22–23; Alma 5:45–47; Doktrina at mga Tipan 42:61; 121:33; Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–20
Ang Tagapagligtas ay Nagpatotoo sa mga Tinuruan Niya
Sa isang napakagiliw na sandali ng pagtuturo at paglilingkod, hinangad ni Jesus na panatagin ang Kanyang kaibigang si Marta, na ang kapatid na lalaki ay pumanaw na. Ibinahagi Niya sa kanya ang isang simpleng patotoo tungkol sa walang hanggang katotohanan: “Muling mabubuhay ang iyong kapatid” (Juan 11:23). Ang Kanyang patotoo ay naghikayat kay Marta na ibahagi ang kanyang sariling patotoo: “Alam kong siya’y muling mabubuhay sa muling pagkabuhay sa huling araw” (Juan 11:24). Pansinin kung paano naulit ang huwarang ito sa Juan 11:25–27. Ano ang hinangaan mo sa halimbawa ng Tagapagligtas? Bakit mahalagang bahagi ng pagtuturo ang pagbabahagi ng patotoo tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo?
Ang iyong patotoo ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa mga tinuturuan mo. Hindi kinakailangang masabi ito nang mahusay o mahaba. At hindi kinakailangang magsimula ito sa “Gusto kong magpatotoo.” Ibahagi lamang ang iyong nalalaman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang pagpapatotoo tungkol sa katotohanan ay napakalakas kapag tapat at taos-puso ito. Magpatotoo nang madalas tungkol sa Tagapagligtas, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang impluwensya sa iyong buhay, at hikayatin ang mga tinuturuan mo na gayon din ang gawin. At tandaan na kung minsan ang pinakamalakas na patotoo ay hindi ang ibinahagi ng guro kundi ng kapwa mag-aaral.
Mga Tanong na Pag-iisipan: Maghanap ng mga halimbawa sa mga banal na kasulatan na naglalarawan ng malakas na impluwensya ng pagpapatotoo ng isang tao. Ano ang natutuhan mo mula sa mga halimbawang iyon? Kailan ka napagpala dahil sa patotoo ng isang tao? Paano nakaimpluwensya ang pagbabahagi ng iyong patotoo sa mga tinuturuan mo? Paano ito nakaimpluwensya sa iyo?
Mula sa mga Banal na Kasulatan: Mga Gawa 2:32–38; Mosias 5:1–3; Alma 5:45–48; 18:24–42; 22:12–18; Doktrina at mga Tipan 46:13–14; 62:3