“Lesson 65—Doktrina at mga Tipan 50, Bahagi 1: Pag-iwas sa Panlilinlang,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 50, Bahagi 1,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 65: Doktrina at mga Tipan 49–50
Doktrina at mga Tipan 50, Bahagi 1
Pag-iwas sa Panlilinlang
Sa kanilang kasabikan na maranasan ang mga espirituwal na kaloob, ang ilan sa mga naunang nagbalik-loob sa Kirtland, Ohio, ay nalinlang sa pag-iisip na ang ilang kakaibang pagpapakita ay mula sa Espiritu Santo kahit hindi naman. Nagbigay ng tagubilin ang Panginoon upang matulungan silang mahiwatigan kung ano ang nagmula sa Kanya at kung ano ang hindi. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano sila matutulungan ng Panginoon na matukoy ang katotohanan at maiwasan ang panlilinlang.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang pusang may guhit
Ibinahagi ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na kuwento:
[Si] Lolo Grover [ay] nakatira sa isang bahay sa labas ng probinsiya, at malayo sa lungsod. Tumatanda na si Lolo Grover. Naisip namin na dapat makita siya ng mga anak namin bago siya pumanaw. Kaya, isang hapon, nagbiyahe kami nang malayo papunta sa kanyang abang tahanan. Umupo kami para magkuwentuhan at ipinakilala sa kanya ang mga anak namin. Hindi nagtagal sa aming pag-uusap, gustong lumabas para maglaro ng dalawang anak naming lalaki na siguro ay lima at anim na taong gulang.
Nang marinig ni Lolo Grover ang kanilang hiling, yumuko siya at itinapat ang kanyang mukha sa kanila. … Sinabi niya sa kanila sa seryosong tinig, “Mag-ingat kayo—maraming skunk sa labas.” Nang marinig namin ito, lalo kaming nagulat ni Lesa; nag-alala kami na baka wisikan sila ng isang skunk! Di nagtagal lumabas ang mga bata para maglaro habang patuloy kaming nagkuwentuhan.
Kalaunan, noong nasa kotse na kami para umuwi, tinanong ko ang mga bata, “Nakakita ba kayo ng skunk?” Sumagot ang isa sa kanila, “Hindi po, wala kaming nakita na kahit anong skunk, pero nakakita po kami ng itim na pusa na may puting guhit sa likod!” (Gary E. Stevenson, “Huwag Mo Akong Linlangin,” Liahona, Nob. 2019, 93)
-
Sa iyong palagay, bakit hindi nakilala ng mga bata ang skunk?
-
Ano ang panganib kapag hindi mo nakikilala ang tunay na katangian ng isang bagay?
-
Paano nauugnay ang kuwentong ito sa nais ni Satanas na paniwalaan natin tungkol sa kanya?
-
Ano ang ilang paraan na tinatangka ni Satanas na linlangin ang mga tinedyer ngayon?
-
Sa iyong palagay, bakit napakabisa kung minsan ng mga panlilinlang ni Satanas?
Panlilinlang sa mga naunang Banal
Nang dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, noong mga unang araw ng Pebrero 1831, napansin niya na “may mga kakatwang paniwala at mga mapanlinlang na espiritu ang unti-unting lumalaganap” sa mga Banal (sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], vol. A-1, 93, josephsmithpapers.org).
Isinulat ni John Whitmer ang sumusunod tungkol sa panahong ito.
Ang ilan ay nagkaroon ng mga pangitain at hindi masabi kung ano ang nakita nila, ang ilan ay nag-iisip na nasa kanila ang espada ni Laban, at iwinawasiwas ito [na parang kawal na nakasakay sa kabayo], may mga umaaktong parang Indian na kunwari ay nagtutuklap ng anit, may ilan na nagpapadausdos sa sahig o biglang tatalilis … [sa] sahig na simbilis ng ahas. … Sa gayon nabulag ng diyablo ang mga mata ng ilang mabubuti at matatapat na disipulo. (John Whitmer, History, 1831–circa 1847, 26, josephsmithpapers.org)
Dahil nag-aalala tungkol sa mga bagay na ito, nagtanong si Joseph Smith sa Panginoon at natanggap ang Doktrina at mga Tipan 50. Sa mga talata 1–9, nagbabala ang Panginoon sa mga elder ng Simbahan tungkol sa mga mapanlinlang na espiritu at maging sa mga miyembro na nililinlang ang iba.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:1–3, at alamin ang ilan sa mga babala ng Panginoon.
-
Sa iyong palagay, bakit gumagamit si Satanas ng panlilinlang para ilayo tayo kay Jesucristo?
Basahin ang mga sumusunod na talata, at alamin kung paano mo kukumpletuhin ang sumusunod na katotohanan: Tutulungan tayo ng Panginoon na maiwasan ang panlilinlang kapag tayo ay …
-
Ano ang ibig sabihin ng turong ito?
-
Paano makatutulong ang turong ito na matanggap mo ang tulong ng Panginoon para maiwasan ang mga panlilinlang ni Satanas?
Isang malinaw na paraan para maiwasan ang panlilinlang
Nagtapos ang Panginoon na tinitiyak nang buong pagmamahal na dahil sa Kanya, hindi natin kailangang matakot. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:40–44, at alamin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas.
-
Ano ang pinakanapansin mo mula sa mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas?
-
Paano makatutulong sa atin ang kaalamang ito tungkol sa Kanya sa isang mundong puno ng panlilinlang?
-
Paano mo nalaman o pinaniniwalaan ang mga katotohanang ito tungkol kay Jesucristo?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa kung paano natin maaanyayahan ang tulong ng Panginoon para maiwasan ang panlilinlang:
Ang mga impluwensiya ng mundo ay kahika-hikayat at napakarami. Ngunit napakaraming impluwensiya ang mapanlinlang, mapanukso, at makapaglalayo sa atin sa landas ng tipan. Upang maiwasan ang tiyak na pagdurusang kahahantungan nito, sumasamo ako sa inyo ngayon na labanan ang panunukso ng mundo sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon para sa Panginoon sa inyong buhay—sa bawat araw.
Kung ang karamihan sa impormasyong nakukuha ninyo ay mula sa social media o sa iba pang media, ang inyong kakayahang marinig ang mga bulong ng Espiritu ay mababawasan. Kung hindi rin ninyo hinahangad ang patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng araw-araw na panalangin at pag-aaral ng ebanghelyo, pinahihina ninyo ang inyong sarili laban sa mga pilosopiya na maaaring kaganyak-ganyak ngunit hindi totoo. Kahit ang pinakamatatapat na Banal ay maaaring malihis dahil sa walang humpay na panunukso ng mundo.
Mga kapatid, sumasamo ako sa inyo na maglaan ng panahon para sa Panginoon! Patibayin at gawing hindi matitinag sa pagdaan ng mga panahon ang inyong pundasyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na magtutulot na tuwina ninyong makasama ang Espiritu Santo. (Russell M. Nelson, “Maglaan ng Oras para sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2021, 120)
-
Anong mga karagdagang kaalaman ang nahanap mo na makatutulong sa iyo na maiwasan ang panlilinlang?