Seminary
Lesson 82—Doktrina at mga Tipan 71: Pagtugon sa mga Bumabatikos sa Simbahan ng Tagapagligtas


“Lesson 82—Doktrina at mga Tipan 71: Pagtugon sa mga Bumabatikos sa Simbahan ng Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 71,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 82: Doktrina at mga Tipan 71-75

Doktrina at mga Tipan 71

Pagtugon sa mga Bumabatikos sa Simbahan ng Tagapagligtas

si Joseph Smith na nangangaral

Noong taglamig ng 1831, ipinamahagi sa Kirtland ang mga liham na naglalaman ng maling impormasyon tungkol kay Joseph Smith at sa Simbahan. Sa Doktrina at mga Tipan 71, iniutos ng Tagapagligtas kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na maglakbay sa buong rehiyon at itama ang mga kasinungalingan (tingnan sa talata 1–2). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano tayo nais ng Tagapagligtas na tumugon kapag binabatikos ng mga tao ang ating mga paniniwala.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagsagot sa mga bumabatikos sa Simbahan ng Tagapagligtas

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng kasaysayan ng Doktrina at mga Tipan 71, ibahagi ang sumusunod na talata o ibuod ito sa sarili mong mga salita.

Tumindi ang pag-uusig kay Joseph Smith at sa mga Banal sa Kirtland noong taglamig ng 1831. Nagsimulang lisanin ng ilang Banal ang Simbahan, kabilang na sina Ezra Booth at Symonds Ryder. Sinimulang ilathala ni Booth ang mga liham na umaatake kay Joseph at nagtatangkang pabagsakin ang gawain ng Panginoon (tingnan sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume A-1, 153–54, josephsmithpapers.org). Nagsumamo si Joseph sa Panginoon na payuhan siya, at natanggap niya ang Doktrina at mga Tipan 71.

  • Paano ka tutugon sa mga pag-atake sa Simbahan ng Tagapagligtas at kay Joseph Smith?

    Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung saan nasaksihan nila ang pambabatikos sa Simbahan o sa ebanghelyo. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung sa paanong paraan kaya nais ng Tagapagligtas na tumugon sila kapag binabatikos ng mga tao ang kanilang mga paniniwala. Hikayating magkaroon ng maikling talakayan habang sinasagot ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong.

  • Paano natin malalaman ang pinakamainam na paraan ng pagharap sa mga sitwasyon kung saan binabatikos ng iba ang ating mga paniniwala o nagbabahagi sila ng maling impormasyon tungkol sa Simbahan ng Tagapagligtas?

  • Sa iyong palagay, kailan mas makabubuting balewalain ang pambabatikos?

Pag-isipang mabuti kung gaano ka kakumpiyansa na alam mo kung paano ka nais ni Jesus na tumugon. Sa iyong pag-aaral, alamin ang iba’t ibang paraan na tinuturuan tayo ng Tagapagligtas na tumugon.

Tinuturuan tayo ng Tagapagligtas na magsalita at ibahagi ang Kanyang ebanghelyo

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 71:1–3, at alamin kung paano nais ng Tagapagligtas na tumugon sina Joseph at Sidney sa pagkalat ng mga kasinungalingan tungkol sa Simbahan noong panahong iyon.

  • Ano ang nakatawag ng iyong pansin?

  • Ayon sa talata 1, ano ang ibinigay ng Tagapagligtas para tulungan sina Joseph at Sidney na malaman kung paano tutugon?

  • Paano tayo matutulungan ng payo ng Tagapagligtas sa panahon natin ngayon?

    Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan na tuturuan tayo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ng Espiritu kung paano tutugon sa mga bumabatikos sa Kanyang Simbahan.

  • Sa iyong palagay, bakit ang paggamit ng mga banal na kasulatan at pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu ang pinakamainam na paraan ng pagtugon sa pambabatikos?

  • Sa paanong paraan nakakaapekto ang impluwensya ng Espiritu sa pagtugon natin sa pambabatikos?

Maaari mong anyayahan ang isang estudyante na isulat sa pisara ang “Pagtugon ayon sa paraan ng Tagapagligtas.” Maaari mo ring ipasulat sa klase ang heading na ito sa isang pahina ng kanilang study journal. Maaaring gumawa ng listahan ang mga estudyante sa pamamagitan ng pagsulat ng “paggamit ng mga banal na kasulatan” at “pagsunod sa Espiritu” sa ilalim ng heading na ito. Gamit ang listahang ginawa nila, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong magsanay na tumugon sa mga sitwasyon sa paraan ng Tagapagligtas.

Ginamit ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang simbolo ng nag-aapoy na mga sibat para ilarawan ang pambabatikos ng iba sa ating mga paniniwala. Habang pinag-aaralan mo ang pahayag na ito, isipin kung ano ang puwede mong idagdag sa listahan ng “Pagtugon ayon sa paraan ng Tagapagligtas.”

Elder Neil L. Andersen

Sa kalasag ng ating pananampalataya kay Jesucristo, nagiging mga tagapamayapa tayo, na pinapawi … ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng kaaway [tingnan sa Efeso 6:16; Doktrina at mga Tipan 3:8]. …

Paano pinakakalma at pinalalamig ng isang tagapamayapa ang nag-aapoy na mga sibat? Tiyak na hindi sa pagsasawalang-kibo sa harap ng mga humahamak sa atin. Sa halip, nananatili tayong tiwala sa ating pananampalataya, na ibinabahagi ang ating mga paniniwala nang may pananalig ngunit laging walang galit o masamang hangarin. …

Ang mga tagapamayapa ay hindi nagsasawalang-kibo; sila ay mapanghikayat sa paraan ng Tagapagligtas.

Ano ang nagbibigay sa atin ng lakas upang mapalamig, mapakalma, at maapula ang nag-aapoy na mga sibat na nakatuon sa mga katotohanang mahalaga sa atin? Ang lakas ay nagmumula sa ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga salita. (Neil L. Andersen, “Pagsunod kay Jesus: Pagiging Isang Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2022, 17–18)

Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung ano ang idaragdag nila sa listahan matapos rebyuhin ang pahayag ni Elder Andersen. Maaari kang magtanong ng tulad ng:

  • Paano kayo magiging tagapamayapa kapag tumutugon kayo sa iba?

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 71:4–7, at alamin ang itinuro ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa partikular na sitwasyong ito upang maitama ang maling impormasyong inilathala.

  • Ano ang natuklasan mo?

  • Anong koneksyon ang nakikita mo sa payo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito at sa mga turo ni Elder Andersen?

icon ng training Bigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo: Ang sumusunod na aktibidad ay isang pagkakataon para mabigyang-diin ang halimbawa ni Jesucristo. Para sa higit pang pagsasanay dito, tingnan ang training na pinamagatang “Bigyang-diin ang Halimbawa ni Jesucristo” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magtuon kay Jesucristo. Maaari mong sanayin ang kasanayang “Tulungan ang mga estudyante na maiugnay ang natututuhan nila sa kung paano ipinapakita ni Cristo ang alituntunin.”

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang maraming pagtugon na tulad ng kay Cristo na makatutulong sa kanila na ipagtanggol ang kanilang mga paniniwala, maaari mong igrupo ang klase para sa sumusunod na aktibidad.

Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang mga banal na kasulatan para makahanap ng mga halimbawa o turo na nagpapakita ng iba’t ibang paraan ng pagtugon ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga disipulo sa pambabatikos. Kung kailangan ng mga estudyante ng karagdagang patnubay, maaari mong ipakita ang ilan sa mga sumusunod na passage na naglalarawan sa mga karanasan at turo ng Tagapagligtas para mapag-aralan nila.

Sabihin sa mga estudyante na talakayin sa kanilang grupo ang natuklasan nila at pagkatapos ay pumili ng isang lider ng talakayan na magbabahagi ng impormasyon sa klase.

  • Mateo 4:3–11 (Tumugon si Jesus sa mga tukso ni Satanas sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan.)

  • Lucas 23:8–10 (Nakatayo si Jesus sa harapan ni Herodes, at nanatiling tahimik.)

  • Juan 8:2–11 (Iniligtas ni Jesus, na sinasalungat ng mga pinunong Judio, ang buhay ng isang babae.)

  • Doktrina at mga Tipan 100:5–7 (Ipinangako ng Panginoon na ibibigay Niya sa atin ang mga salitang sasabihin natin kung magpapahayag tayo sa Kanyang pangalan.)

  • Doktrina at mga Tipan 121:41–45 (Nagbigay ang Panginoon ng payo tungkol sa paraan kung paano iwawasto o itutuwid ang isang tao.)

Maaari mong anyayahan ang mga lider ng grupo na ibahagi sa klase kung ano ang tinalakay nila at idagdag ito sa listahan ng mga naaangkop na sagot sa pisara. Ipaalala sa mga estudyante na may mga pagkakataon na maaaring ipahiwatig sa atin ng Espiritu na manatiling tahimik sa halip na hayagang iwasto ang sinabi ng isang tao.

Magsanay na tumugon sa paraan ng Tagapagligtas

Upang matulungan ang mga estudyante na maipakita ang kanilang pagkaunawa sa alituntuning pinag-aralan ngayon, maaari mong ibigay o ipakita ang mga sumusunod na sitwasyon. Habang tinatalakay ng mga estudyante ang iba’t ibang paraan kung paano tayo maaaring tumugon, hikayatin sila na maghanap ng mga ideya sa listahang ginawa nila kanina. Tulungan silang maunawaan na maaaring maraming tamang paraan ng pagtugon sa bawat sitwasyon. Matutulungan tayo ng Espiritu na malaman kung ano ang nais ng Ama sa Langit na gawin o sabihin natin kapag nangyari ang ganitong mga sitwasyon.

Maaari kang gumawa ng iba’t ibang sitwasyon na mas makatutugon sa mga pangangailangan ng iyong klase o magdagdag ng mga detalye sa mga sitwasyon sa ibaba para mas mapukaw ang interes ng mga estudyante. Maaari mo ring sabihin sa klase na gumawa ng sarili nilang mga sitwasyon mula sa kanilang mga personal na karanasan. Maaaring mainam din na anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila noon.

Magbahagi ng ilang iba’t ibang paraan na maaari kang tumugon sa bawat isa sa mga sumusunod na sitwasyon sa paraang tulad ng kay Cristo:

  • Nag-post ka ng larawan ng templo sa social media, at may sumagot na pumupuna sa Simbahan dahil sa pagkakaroon nito ng matataas na pamantayan para makapasok sa templo.

  • Sa isang pagtitipon ng pamilya, nagsabi ang isang tiyuhin ng masasamang bagay tungkol kay Propetang Joseph Smith.

  • Sinabi ng isang kaibigan na kahangalan ang maniwala sa isang Diyos na hindi mo mapapatunayan na buhay.

  • May isang tao sa trabaho mo na nagsasabi sa iyong mga katrabaho na hindi mga Kristiyano ang Mga Banal sa mga Huling Araw.

Sa sariling panahon ng Tagapagligtas

Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay masunurin sa paghahayag na natanggap nila. Naglakbay sila sa buong lugar, nangaral ng ebanghelyo ng Tagapagligtas at itinama nila ang mga ipinakalat na kasinungalingan.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 71:8–11, at alamin ang katiyakang ibinibigay ng Tagapagligtas sa lahat ng nagtatanggol sa Kanyang Simbahan at sa Kanyang ebanghelyo.

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang gawain?

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng walang tinig o sandata ang mananaig laban sa atin (tingnan sa talata 9–10)?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kahit wala silang perpektong tugon sa isang tao, hindi pahihintulutan ng Tagapagligtas ang mga kaaway ng Kanyang Simbahan na manaig magpakailanman. Nangako ang Tagapagligtas na ang mga bumabatikos ay “lilituhin sa [Kanyang] sariling panahon” (talata 10).

  • Ano ang natutuhan mo ngayon na makatutulong sa iyo na harapin ang mga sitwasyon kung saan binabatikos ng isang taong kilala mo ang Simbahan o ang mga turo ng Tagapagligtas?

Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng paghikayat sa mga estudyante na sundin ang payo ng Tagapagligtas kapag naharap sila sa mga sitwasyon kung saan binabatikos ng iba ang Simbahan at ang ebanghelyo. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kapangyarihang ibinibigay sa mga taong magtatanggol sa kanilang mga paniniwala tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.