Lesson 85—Doktrina at mga Tipan 76:1–19: “Ang mga Mata ng Aming Pang-unawa ay Nabuksan”
“Lesson 85—Doktrina at mga Tipan 76:1–19: ‘Ang mga Mata ng Aming Pang-unawa ay Nabuksan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 76:1–19,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Noong Enero 1832, pinagnilayan nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon ang kahulugan ng Juan 5:29 habang ginagawa ang inspiradong pagsasalin ng Biblia. Habang nagninilay sila, nakaranas sila ng sunud-sunod na mga pangitain kung saan inihayag ng Panginoon ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang plano. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo kapag nag-ukol sila ng oras na pagnilayan ang mga salita ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Paghahangad ng personal na paghahayag
Ano ang ilang kalagayan o sitwasyon na kinakaharap mo, o maaaring makaharap mo, kung saan gusto mong makatanggap ng patnubay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
Bakit nais mong tulungan ka ng Panginoon sa mga bagay na ito?
Ngayon ay malalaman mo ang isang paraan na maaanyayahan mo ang Panginoon na mangusap sa iyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa iyong pag-aaral, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu na makatutulong sa iyo sa isa sa mga sitwasyon o tanong na natukoy mo.
Ang pangitain
Noong Pebrero 16, 1832, sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at 12 iba pang kalalakihan ay nasa silid sa itaas ng tahanan nina John at Elsa Johnson sa Hiram, Ohio. Habang ginagawa nina Joseph at Sidney ang inspiradong pagsasalin ng Biblia, pinag-aaralan nila ang Juan 5:29, isang talata sa banal na kasulatan na naglalarawan sa langit, at gusto pa nilang malaman ang higit pa tungkol dito. Habang nagninilay-nilay sila, nakakita sila ng isang pangitain, na isinulat sa Doktrina at mga Tipan 76. Ipinakita ng Tagapagligtas kina Joseph at Sidney ang magkakasunod na magkakaibang pangitain na nagturo sa kanila ng mahahalagang katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.
Ang Doktrina at mga Tipan 76 ay nagsimula sa pagbabahagi ng Panginoon ng mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang sarili.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:1–10, at hanapin ang mga salita o parirala na sa palagay mo ay nagpapakita ng nais ni Jesucristo na maunawaan natin tungkol sa Kanya. Tandaan na ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos (talata 5) ay sambahin, mahalin, at pagpitaganan Siya.
Ano ang mas naipaunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas?
Paano makakaimpluwensya sa iyo ang mga bagay na ito na nalaman mo tungkol sa Tagapagligtas?
Ang pagninilay sa mga banal na kasulatan ay humahantong sa paghahayag
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:11–19, at alamin ang ginawa nina Joseph at Sidney bago nila naranasan ang kanilang pangitain.
Ano sa palagay mo ang mga ginawa nina Joseph at Sidney at naranasan nila ang mga naranasan nila?
Anong katotohanan ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa isang paraan na maihahanda natin ang ating sarili na tumanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
Inilarawan ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin mapag-aaralan at mapagninilayan ang mga banal na kasulatan sa paraang humahantong sa paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
2:3
Kapag sinabi kong “pag-aralan,” higit pa ito sa pagbabasa. … Kung minsa’y nawawari kong nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, at muling binabasa ang talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo. Sa ganitong pag-aaral, maaaring ilang kabanata o talata lang ang mabasa ninyo sa kalahating oras, pero bibigyan ninyo ng puwang sa inyong puso ang salita ng Diyos, at kakausapin Niya kayo. (D. Todd Christofferson, “Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Liahona, Mayo 2004, 11)
Ano ang ilang balakid na maaaring makahadlang kung minsan sa pagninilay natin? Ano ang makatutulong sa atin na madaig ang mga hadlang na ito?
Sanayin ang pag-aaral at pagninilay nang may panalangin
Maglaan ng oras na magsanay sa pag-aaral at pagninilay ng mga banal na kasulatan. Isipin ang kalagayan o sitwasyon na tinukoy mo kanina kung saan gusto mong tulungan ka ng Panginoon. Manalangin na mapatnubayan, pagnilayan ang binabasa mo, at bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu na makapagbibigay sa iyo ng patnubay o tulong na kailangan mo. Isulat ang mga naisip at impresyon mo sa iyong study journal.
Paano nakatulong ang pag-aaral at pagninilay ng mga banal na kasulatan para maihanda ka sa pagtanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
Ano ang itinuro sa iyo ng karanasang ito tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo?
Ano ang maaari mong gawin, o patuloy na gawin, para makatanggap ng karagdagang tulong at paghahayag mula sa Panginoon?