Seminary
Lesson 87—Doktrina at mga Tipan 76:50–70: “Ginawang Ganap sa pamamagitan ni Jesus”


“Lesson 87—Doktrina at mga Tipan 76:50–70: ‘Ginawang Ganap sa pamamagitan ni Jesus,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 76:50–70,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 87: Doktrina at mga Tipan 76

Doktrina at mga Tipan 76:50–70

“Ginawang Ganap sa pamamagitan ni Jesus”

isang tao na nakatingin sa kalangitan

Sa pangitain ng mga kaharian ng kaluwalhatian na nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon, naunawaan natin ang mahalagang ginagampanan ni Jesucristo sa buhay ng lahat ng magmamana ng kahariang selestiyal. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na makadama ng pag-asa na makatatanggap sila ng kadakilaan sa pamamagitan ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Posible bang matamo ang kahariang selestiyal?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon at talakayin ang mga sumusunod na tanong. Ang mga estudyante ay bibigyan ng pagkakataon na mas pormal na tumugon sa sitwasyon kalaunan sa lesson.

Si Luke ay isang binatilyo na may pananampalataya sa Diyos at ginagawa niya ang lahat para mamuhay nang matwid. Nais niyang maging karapat-dapat para makapiling ang Diyos pagkatapos ng buhay na ito. Gayunman, alam ni Luke na hindi niya palaging sinusunod ang mga kautusan at malayo siya sa pagiging ganap o perpekto. Kung minsan pinanghihinaan siya ng loob dahil sa kanyang mga kahinaan at iniisip niya na imposibleng maging karapat-dapat para sa kahariang selestiyal.

  • Paano kaya nakakaugnay ang iba pang mga teenager sa nararamdaman ni Luke?

  • Anong bahagi ng kanyang naiisip ang tama o mali? Bakit?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kanilang sariling damdamin o tanong tungkol sa kakayahang magbalik sa kinaroroonan ng Diyos at matanggap ang mga pagpapala ng kadakilaan. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng kadakilaan ay manahanan nang walang hanggan kasama ng Ama sa Langit sa kahariang selestiyal. Tinutukoy din sa mga banal na kasulatan ang pagpapalang ito bilang buhay na walang hanggan.

Hikayatin ang mga estudyante na habang nag-aaral sila, maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila na makadama ng higit na pag-asa na matatanggap nila at ng iba ang pagpapalang ito sa pamamagitan ni Jesucristo.

Pangitain tungkol sa kahariang selestiyal

Maaaring naaalala mo na sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay nakakita ng isang kamangha-manghang pangitain habang ginagawa nila ang kanilang inspiradong pagsasalin ng Biblia. Bilang bahagi ng pangitaing ito, nalaman nila na ang langit ay mayroong iba’t ibang antas o kaharian ng kaluwalhatian. Sa lesson na ito, pagtutuunan natin ang natutuhan nina Joseph at Sidney tungkol sa kahariang selestiyal at sa mga magmamana nito.

Upang matulungan ang mga estudyante na maghandang pag-aralan ang bahaging ito ng pangitain, sabihin sa kanila na gumawa ng chart na may dalawang column at may mga sumusunod na heading sa isang pahina ng kanilang study journal.

Paano makakapasok ang mga tao sa kahariang selestiyal

Mga pagpapalang matatanggap ng mga tao sa kahariang selestiyal

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:50–70 at punan ang chart batay sa natutuhan mo.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na makipagtulungan sa isang kapartner na basahin ang mga talata at kumpletuhin ang chart. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magtanong tungkol sa nabasa nila.

Ang ilan sa mga pahayag sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong sa pagsagot sa mga tanong ng mga estudyante.

  • Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na makabuluhan sa iyo? Bakit?

  • Paano mo ilalarawan ang impluwensya ni Jesucristo sa buhay ng mga taong magmamana ng kahariang selestiyal?

    Bilang bahagi ng talakayan tungkol sa naunang tanong, tiyaking nauunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Sa pamamagitan ni Jesucristo tayo ay magagawang ganap at matatanggap natin ang mga pagpapala ng kadakilaan.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging ganap sa pamamagitan ni Jesucristo?

  • Paano makatutulong sa atin ang katotohanang ito na makadama ng higit na pag-asa na mamanahin natin at ng iba ang kahariang selestiyal balang-araw?

Pag-asa sa pamamagitan ni Jesucristo

icon ng headshotUpang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pag-asang mayroon tayong lahat sa pamamagitan ni Jesucristo, maaari mo silang anyayahang pag-aralan ang mga pahayag na matatagpuan sa kalakip na handout. Sabihin sa kanila na markahan ang mga pariralang makabuluhan para sa kanila. Sa halip na ipabasa sa mga estudyante ang pahayag ni Elder J. Devn Cornish, maaari mo ring ipanood sa kanila ang video na “Am I Good Enough?” (3:28), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

3:31

Am I Good Enough?

If you will really try and will not rationalize or rebel—repenting often and pleading for grace—you positively are going to be “good enough.”

Pag-asa sa pamamagitan ni Jesucristo

Bakit kailangan ko ang tulong ni Jesucristo para maging ganap?

Ibinahagi ni Elder J. Devn Cornish ng Pitumpu:

Elder J. Devn Cornish

Madalas na nagtatanong ang ating mga miyembro, “Sapat ba ang kabutihan ko?” o “Makakapunta ba talaga ako sa kahariang selestiyal?” Siyempre, wala naman talagang “magiging sapat na karapat-dapat.” Wala ni isa sa atin ang “magtatamo” o “magiging karapat-dapat” sa ating kaligtasan, ngunit natural lang na magtanong kung katanggap-tanggap tayo sa harapan ng Panginoon, na siyang pagkaunawa ko sa mga tanong na ito. …

Sasabihin ko ito nang simple at malinaw. Ang mga sagot sa mga tanong na “Sapat na ba ang kabutihan ko?” at “Magiging karapat-dapat ba ako” ay “Oo! Sapat ang kabutihan mo” at “Oo, magiging karapat-dapat ka hangga’t ikaw ay nagsisisi at hindi pinangangatwiranan ang pagkakamali mo at hindi ka mapanghimagsik.” Ang Diyos ng langit ay hindi isang walang-pusong referee na naghahanap ng anumang dahilan para matanggal tayo sa laro. Siya ang ating lubos na mapagmahal na Ama, na ang higit na inaasam ay ang makabalik sa Kanyang piling ang lahat ng Kanyang mga anak at makasama Niya bilang mga walang-hanggang pamilya. Tunay ngang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang huwag tayong mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan! Nawa’y maniwala kayo, at nawa’y umasa at mapanatag kayo sa walang hanggang katotohanang iyan. Nais ng Ama sa Langit na makamit natin ito! Iyan ang Kanyang gawain at kaluwalhatian. (J. Devn Cornish, “Sapat na ba ang Kabutihan Ko? Magiging Karapat-dapat ba Ako?,” Liahona, Nob. 2016, 32–33)

Ano ang magagawa ko para maging “ganap sa pamamagitan ni Jesus”?

Itinuro ni Sister Carol F. McConkie, dating Young Women General Presidency:

Sister Carol F. McConkie

Ang ating pag-asang maging banal ay nakasentro kay Cristo, sa Kanyang awa at Kanyang biyaya. Sa pagsampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong maging malinis, walang bahid-dungis, kapag pinagkaitan natin ang ating sarili ng lahat ng kasamaan [tingnan sa Moroni 10:32–33] at tapat na magsisi. Binibinyagan tayo sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ang ating mga kaluluwa ay pinababanal kapag tinanggap natin ang Espiritu Santo nang may bukas na puso. Linggu-linggo, tumatanggap tayo ng ordenansa ng sakramento. Sa pagsisisi, na may taos na hangaring magpakabuti, nakikipagtipan tayo na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, alalahanin Siya, at sundin ang Kanyang mga utos nang sa tuwina ay makasama natin ang Kanyang Espiritu. Kalaunan, kapag nagsikap tayong makaisa ang Ama, Anak, at Espiritu Santo, makakabahagi tayo sa Kanilang kabanalan [tingnan sa 2 Pedro 1:4]. (Carol F. McConkie, “Ang Kagandahan ng Kabanalan,” Liahona, Mayo 2017, 10)

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dale G. Renlund

Mas mahalaga sa Diyos kung ano tayo ngayon at kung ano tayo sa hinaharap kaysa sa kung ano tayo noon. Mahalaga sa Kanya na patuloy tayong nagsisikap. (Dale G. Renlund, “Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2015, 56)

Pagkatapos ng sapat na oras na makapag-aral ang mga estudyante, sabihin sa kanila na talakayin ang natutuhan at nadama nila. Ang isang paraan para magawa ito ay ipaalala sa kanila ang sitwasyon mula sa simula ng lesson. Maaari mo silang anyayahang magsulat ng sagot kay Luke na makatutulong sa kanya na makadama ng pag-asa na makakapasok siya sa kahariang selestiyal. Sabihin sa kanila na isama sa kanilang sagot ang mga turo mula sa Doktrina at mga Tipan 76, pati na rin ang ilang bagay mula sa isa o mahigit pa sa mga pahayag na pinag-aralan nila. Pagkatapos ay maaaring ibahagi o ibuod ng mga estudyante ang kanilang sagot sa isang kapartner, o maaaring magbahagi sa klase ang mga estudyanteng gustong magbahagi.

Pagnilayan ang natutuhan mo

Tapusin ang lesson sa pagbibigay sa mga estudyante ng oras na pagnilayan ang natutuhan at nadama nila ngayon. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal:

  • Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon na nagbigay sa iyo ng pag-asa sa pamamagitan ni Jesucristo?

  • Paano maaaring makaapekto ang natutuhan o nadama mo sa pamumuhay na nais mo sa araw-araw?