Seminary
Lesson 88—Doktrina at mga Tipan 76:71–112: “Matatatag sa Pagpapatotoo kay Jesus”


“Lesson 88—Doktrina at mga Tipan 76:71–112: ‘Matatatag sa Pagpapatotoo kay Jesus,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 76:71–112,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 88: Doktrina at mga Tipan 76

Doktrina at mga Tipan 76:71–112

“Matatatag sa Pagpapatotoo kay Jesus”

tatlong antas ng kaluwalhatian

Matapos makakita ng iba’t ibang pangitain, kabilang na ang mga pangitain tungkol sa kaluwalhatian ng Ama at Anak, ang pagbagsak ni Lucifer, at ang kahariang selestiyal, nakita nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang mga magmamana ng kahariang terestriyal at telestiyal. Ang bukod-tanging katangian ng mga nasa kahariang terestriyal ay hindi sila matatag sa kanilang pagpapatotoo kay Jesus. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maging mas matatag sa kanilang pagpapatotoo kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isang Pagpapatotoo kay Jesucristo

Maaari mong isulat ang mga salitang Pagpapatotoo kay Jesucristo sa pisara. Itanong sa mga estudyante kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang patotoo ay isang bagay na alam nating totoo sa ating puso at isipan na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng pagpapatunay ng Espiritu Santo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2). Pagkatapos ay talakayin ang sumusunod na tanong:

icon ng training Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya ng introspeksyon: Para sa karagdagang training kung paano ito gawin, tingnan ang training na may pamagat na “Lumikha ng mga kapaligiran at oportunidad upang maturuan ng Espiritu Santo ang mga mag-aaral” na makikita sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magturo sa Pamamagitan ng Espiritu. Maaari mong sanayin ang kasanayan sa pamamagitan ng paggawa ng mga pagsusuri sa sarili para sa estudyante tungkol sa isang doktrina, katotohanan, o alituntunin.

  • Paano makakaapekto sa inyo ang patotoo tungkol sa Tagapagligtas sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan?

Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang sarili nilang mga patotoo tungkol kay Jesucristo, pati na kung paano nakaapekto ang kanilang mga patotoo sa kanilang mga ginagawa. Maaari mo rin silang anyayahang pag-isipan ang mga ninanais nila para sa kanilang mga patotoo.

Hikayatin ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral na maghanap ng mga turo na makatutulong sa kanila na maunawaan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo at pamumuhay ayon sa nalalaman nila.

Pangitain tungkol sa mga kaharian ng kaluwalhatian

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibuod ang napag-aralan na nila tungkol sa pangitaing nakasulat sa Doktrina at mga Tipan 76. Pagkatapos ay ipaliwanag ang sumusunod.

Maaaring naaalala ninyo na ang Doktrina at mga Tipan 76 ay naglalaman ng paglalarawan tungkol sa isang dakilang pangitain na ibinigay ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon. Bilang bahagi ng kanilang pangitain, nalaman nina Joseph at Sidney ang mga katangian ng mga taong mananahan sa iba’t ibang kaharian ng kaluwalhatian pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli.

Maaaring makatulong na ipaliwanag na hindi pag-aaralan ng mga estudyante ang lahat ng talatang naglalarawan sa mga kaharian ng kaluwalhatian sa lesson na ito. Ang kaluwalhatiang selestiyal ay inilarawan sa talata 50–70, 92–96; ang kaluwalhatiang terestriyal sa talata 71–80; at ang kaluwalhatiang telestiyal sa talata 81–90, 98–112. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan o lagyan ng label ang mga talatang ito sa kanilang mga banal na kasulatan upang mas detalyado nila itong mapag-aralan nang mag-isa.

Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan, at alamin ang mga pagkakaiba sa mga patotoo ng mga nananahan sa bawat isa sa mga kaharian ng kaluwalhatian:

Kapag tapos nang mag-aral ang mga estudyante, anyayahan silang talakayin ang mga sumusunod na tanong bilang isang klase o sa maliliit na grupo:

  • Anong mga pagkakaiba ang napansin ninyo sa pagitan ng mga patotoo ng mga grupong ito?

  • Ano ang maituturo nito sa inyo tungkol sa uri ng patotoo na kinakailangan upang mamana ang kahariang selestiyal?

Tulungan ang mga estudyante na tumukoy ng katotohanan na tulad ng sumusunod: Kung tayo ay matatag sa pagpapatotoo kay Jesucristo, makakamtan natin ang kahariang selestiyal ng Diyos.

Matatag sa ating pagpapatotoo kay Jesucristo

  • Ano sa inyong palagay ang ibig sabihin ng pagiging matatag sa ating mga pagpapatotoo kay Jesucristo?

Bilang bahagi ng inyong talakayan tungkol sa naunang tanong, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang 2 Nephi 31:20–21 at hanapin ang mga turo na makadaragdag sa kanilang pang-unawa. Maaari ding makatulong ang sumusunod na pahayag.

Tinutulungan tayo ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol na maunawaan ang ibig sabihin ng pagiging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus:

15:34
Elder Quentin L. Cook

Nilinaw sa ika-76 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan na ang pagiging “matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” [Doktrina at mga Tipan 76:79] ang simple at mahalagang pagsubok sa pagitan ng mga magmamana ng mga pagpapala ng kahariang selestiyal at ng mga mapupunta sa kahariang terestriyal. Upang maging matatag, kailangan nating magtuon sa kapangyarihan ni Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo upang mapagtagumpayan ang kamatayan at, sa pamamagitan ng pagsisisi, malinis tayo mula sa kasalanan, at kailangan nating sundin ang doktrina ni Cristo. [tingnan sa 2 Nephi 31:17–21]. Kailangan din natin ang liwanag at kaalaman tungkol sa buhay at mga turo ng Tagapagligtas na gagabay sa atin sa pagtupad ng tipan, pati na sa mga sagradong ordenansa sa templo. Dapat tayong maging matatag kay Cristo, magpakabusog sa Kanyang salita, at magtiis hanggang wakas [2 Nephi 31:20–21]. (Quentin L. Cook, “Matatag sa Pagpapatotoo kay Jesus,” Liahona, Nob. 2016, 43)

  • Sa anong dahilan maaaring maging mahirap para sa inyo o sa iba na manatiling matatag sa inyong pagpapatotoo kay Jesucristo?

  • Ano ang tumutulong sa inyo na magsikap na maging matatag sa inyong pagpapatotoo sa Tagapagligtas?

Bilang bahagi ng talakayan tungkol sa naunang tanong, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap at magbahagi ng mga banal na kasulatan na humihikayat sa kanila na maging matatag sa kanilang pagpapatotoo kay Jesucristo. Maaari mong imungkahi na magsimula sila sa Helaman 5:12.

Gumawa ng plano

Pagnilayan sandali kung ano ang magagawa ninyo para maging mas matatag sa inyong pagpapatotoo kay Jesucristo. Kumpletuhin ang tatlong sumusunod na pahayag sa inyong study journal.

  1. Maaari akong maging matatag sa aking pagpapatotoo kay Jesus ngayon sa pamamagitan ng …

  2. Maaari akong maging matatag sa aking pagpapatotoo kay Jesus sa susunod na ilang buwan sa pamamagitan ng …

  3. Matutulungan ko ang iba na manatiling matatag sa kanilang mga pagpapatotoo kay Jesus sa pamamagitan ng …

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na komportableng magbahagi ng isa o mahigit pa sa kanilang mga nakumpletong pahayag. Para tapusin ang lesson, anyayahan ang isang tao na ibahagi ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo o magbahagi ka ng sarili mong patotoo tungkol sa Kanya.