Seminary
Lesson 89—Doktrina at mga Tipan 78: Ang Kamalig ng Panginoon


“Lesson 89—Docktrina at mga Tipan 78: Ang Kamalig ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 78,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 89: Doktrina at mga Tipan 77–80

Doktrina at mga Tipan 78

Ang Kamalig ng Panginoon

Tindahan ni Newel K. Whitney

Iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith, Sidney Rigdon, Newel K. Whitney, at iba pang high priest na bumuo ng grupong tinatawag na Nagkakaisang Samahan [United Firm]. Pinamahalaan ng samahan ang mga ari-arian, kamalig, at paglalathala ng Simbahan at nagbigay ito ng resources upang makatulong na tugunan ang mga temporal na pangangailangan ng mga Banal. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang hangaring maging katulad ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga nangangailangan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang Nagkakaisang Samahan

Ang isang paraan para simulan ang lesson ay sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na gumawa ng isang sitwasyon tungkol sa isang pamilyang may mga temporal na pangangailangan. Bilang bahagi ng sitwasyon, isama ang mga problemang pinansyal na kinakaharap ng pamilya at ang mga partikular na pangangailangan nila. Ang sitwasyong ito ay gagamitin kalaunan sa lesson.

Ipaliwanag na marami pang matututuhan ang mga estudyante tungkol sa mga paraan kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon na pangalagaan ang mga nangangailangan habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 78. Anyayahan ang mga estudyante na maghangad ng paghahayag para malaman kung sino ang ninanais ng Panginoon na tulungan nila at kung ano ang magagawa nila.

Noong Marso 1, 1832, nakipagpulong si Propetang Joseph Smith sa isang grupo ng high priest sa Kirtland, Ohio. Sa pulong, idinikta ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 78. Kasunod nito, binuo ang Nagkakaisang Samahan. Batay sa batas ng paglalaan, pinamahalaan ng Nagkakaisang Samahan ang mga ari-arian, gawaing pinansyal, at paglalathala ng Simbahan sa Ohio at Missouri. Sa pamamagitan ng samahan, nagtatag ang Panginoon ng isang kamalig upang pangalagaan ang mga nangangailangan, at tinagubilinan sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Newel K. Whitney na maglakbay patungong Missouri (Sion) upang isaayos ito.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 78:1–6, at alamin kung bakit ninais ng Panginoon na isaayos ng Kanyang mga tagapaglingkod ang kanilang sarili sa ganitong paraan.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga hangarin ng Panginoon para sa Kanyang mga tao?

  • Sa inyong palagay, bakit kailangang pangalagaan ang mga maralita upang “isulong ang adhikain” ng Sion? Paano ito makapagbibigay ng kaluwalhatian sa Ama sa Langit?

Ang kamalig ng Panginoon

Maaaring magdala ng kahon sa klase at lagyan ito ng label na “Ang Kamalig ng Panginoon.” Itanong sa mga estudyante kung ano sa palagay nila ang kamalig ng Panginoon. Maaari kang mag-anyaya ng isang bishop o branch president para talakayin kung paano ginagamit ang kamalig ng Panginoon sa inyong area.

Basahin ang sumusunod na kahulugan ng kamalig ng Panginoon, at alamin kung paano tinutulungan ng Tagapagligtas ang mga nangangailangan.

Ang lahat ng resources na magagamit ng Simbahan para matulungan ang mga taong may mga pangangailangan sa temporal na aspekto ng buhay ay tinatawag na storehouse o kamalig ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:18–19). Kabilang dito ang handog ng mga miyembro na oras, talento, pakikiramay, kagamitan, at pera para matulungan ang mga nangangailangan.

Mayroong kamalig ng Panginoon sa bawat ward at stake. Ang mga lider ay kadalasang tinutulungan ang mga indibiduwal at pamilya na makahanap ng mga solusyon sa kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng paggamit sa kaalaman, kakayahan, at paglilingkod na ibinibigay ng mga miyembro ng ward at stake. (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 22.2.1, ChurchofJesusChrist.org)

Talakayin ang mga partikular na paraan na makapag-aambag ang kabataan sa kamalig ng Panginoon (ibig sabihin, oras, mga talento, pakikiramay, kagamitan, pera). Bigyan ng isang piraso ng papel ang mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng kahit isang partikular na bagay na personal nilang maiaambag sa kamalig ng Panginoon at pagkatapos ay ilagay ang kanilang papel sa kahon.

Anyayahan ang isang estudyante na tanggalin ang mga bagay sa kamalig at pangasiwaan ang talakayan tungkol sa kung paano makatutulong ang mga partikular na kontribusyon sa pamilya sa sitwasyong ginawa ng klase. Ulitin ang aktibidad na ito nang ilang beses.

Ang sumusunod na pahayag ay ginawa upang mapag-isipan ng mga estudyante nang mag-isa.

Isipin kung gaano ka kahandang mag-ambag ng iyong oras, mga talento, at resources para tulungan ang mga nangangailangan (handang-handa, medyo handa, o hindi masyadong handa).

Hikayatin ang mga estudyante na maghangad ng inspirasyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo para matulungan sila na mas maging handang tulungan ang mga nangangailangan at para‌ din malaman ang mga paraan na makapag-aambag sila sa kamalig ng Panginoon.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 78:7–8, 14–15, at alamin ang mga pagpapalang ipinapangako ng Panginoon.

  • Paano makakaimpluwensya ang mga pagpapalang ito sa inyo at sa mga taong kilala ninyo?

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga nangangalaga sa mga nangangailangan?

    Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan na tulad ng sumusunod: Ang pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan ay nakatutulong sa ating maghanda para sa isang lugar sa kahariang selestiyal.

    Ang Mateo 25:31–40 ay magagamit upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntunin.

  • Sa inyong palagay, paano nakatutulong ang pangangalaga sa mga nangangailangan na ihanda tayo sa pagmamana ng kahariang selestiyal?

  • Paano naging halimbawa ang Tagapagligtas ng nangangalaga sa mga nangangailangan?

  • Paano madaragdagan ng isang tao ang kanyang hangarin na mahalin at pangalagaan ang mga nangangailangan tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas?

Ang magagawa natin

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 78:17–22, at maghanap ng mahahalagang salita o parirala na makatutulong sa atin na sundin ang Tagapagligtas.

Upang matulungan ang mga estudyante na makibahagi sa talakayan, maaari mong i-display ang mga sumusunod na tanong at hayaang pag-isipan ng mga estudyante kung paano sila sasagot. Maaari kang random na pumili ng mga estudyante na sasagot sa pamamagitan ng paghiling sa isang tao na pumili ng isang buwan ng taon. Ang mga nakahandang estudyante na isinilang sa buwan na iyon ay maaaring pumili ng tanong na sasagutin ngunit hindi sila dapat mapilitang makibahagi.

icon ng training Tulungan ang bawat estudyante na makapag-ambag sa karanasan sa pagkatuto: Para sa karagdagang pagsasanay dito, tingnan ang training na pinamagatang “Lumikha ng ligtas na kapaligiran kung saan iginagalang ang lahat at alam nilang pinahahalagahan ang kanilang kontribusyon” na matatagpuan sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo. Maaari mong praktisin ang kasanayan sa pamamagitan ng pagpapabatid na pinahahalagahan mo ang mga estudyante bago pa man sila magkomento o kapag itinaas nila ang kanilang kamay para magkomento.

  • Anong mga salita o parirala ang pinakamakabuluhan para sa inyo? Bakit?

  • Ano ang natutuhan ninyo na makatutulong sa ating sundin ang kautusan ng Tagapagligtas na pangalagaan ang mga nangangailangan?

  • Ano ang natutuhan ninyo na nagpapakita sa hangarin ng Tagapagligtas na maging katulad Niya tayo?

Bigyan ang mga estudyante ng isa pang piraso ng papel. Bigyan sila ng panahon upang matukoy ang mga pahiwatig na maaaring natanggap nila tungkol sa pagtulong sa isang taong nangangailangan o mga partikular na paraan na sa palagay nila ay makapag-aambag sila sa kamalig ng Panginoon. Anyayahan silang isulat ang kanilang mga impresyon. Pagkatapos ay maaaring ilagay ng mga estudyante ang kanilang papel sa kahon na kumakatawan sa kamalig ng Panginoon bilang paraan ng pagpapakita ng kanilang kahandaang tumulong, o maaari nilang iuwi ang papel bilang paalala.