Seminary
Lesson 113—Doktrina at mga Tipan 98: Lahat ng Bagay ay Magkakalakip na Gagawa para sa Ating Ikabubuti


“Lesson 113—Doktrina at mga Tipan 98: Lahat ng Bagay ay Magkakalakip na Gagawa para sa Ating Ikabubuti,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 98,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 113: Doktrina at mga Tipan 98–101

Doktrina at mga Tipan 98

Lahat ng Bagay ay Magkakalakip na Gagawa para sa Ating Ikabubuti

Mga pag-uusig sa Missouri

Noong tag-init ng 1833, ang tensyon sa pagitan ng mga taga-Missouri at ng mga Banal sa Jackson County ay humantong sa mararahas na mandurumog na umatake sa mga tahanan, nanira ng mga negosyo, at nagpaalis sa lahat ng miyembro ng Simbahan sa lugar. Sa Doktrina at mga Tipan 98, ang Tagapagligtas ay nagbigay ng kapanatagan at payo sa mga nagdurusang Banal at tinagubilinan ang mga lider ng Simbahan kung paano haharapin ang hindi makatarungang pagtrato sa kanila. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matutong matiyagang maghintay sa Panginoon sa panahon ng paghihirap.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagtitiyaga

Maaari mong simulan ang lesson sa pagtulong sa mga estudyante na pag-isipan ang tungkol sa pagtitiyaga. Maihahanda sila nito na matutuhan ang tungkol sa matiyagang paghihintay sa Panginoon sa panahon ng paghihirap. Maaari mong isulat sa pisara ang salitang “matiyaga“ at itanong ang ilan sa mga sumusunod.

  • Kailan mahirap na maging matiyaga?

  • Ano ang ilang halimbawa ng sitwasyon kung saan kinailangan ninyong maging matiyaga?

  • Sa scale na 1–10, kung saan 10 ang pinakamatiyaga, gaano kayo katiyaga sa inyong palagay?

  • Sa anong mga sitwasyon maaaring nais ng Panginoon na maging matiyaga kayo? Bakit?

Ang pagpapalayas sa mga Banal mula sa Jackson County, Missouri

Ang sumusunod na talata ay maaaring basahin o ibuod gamit ang sarili mong mga salita upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng kasaysayan ng bahagi 98.

Nang dumating ang mga Banal sa Missouri upang itayo ang Sion, nagkaroon ng mga tensyon sa mga residente ng Jackson County. Tumindi pa ang mga problema dahil sa mga kaguluhan sa pulitika, hindi pagkakasundo sa relihiyon, at maling pagpapasya (kabilang na ang hindi pagtatayo ng templo gaya ng iniutos ng Tagapagligtas). Noong tag-init ng 1833, nagtipon ang mga bihilanteng [vigilante] grupo upang puwersahang palayasin ang mga Banal mula sa Jackson County. Binugbog, binuhusan ng alkitran, at mga balahibo sina Bishop Edward Partridge at Charles Allen. Ang palimbagan ni W. W. Phelps ay winasak, at ikinalat ang mga pahina ng Book of Commandments. Buong tapang na dinampot ni Vienna Jaques, pati ng magkapatid na sina Mary at Caroline Rollins, ang lahat ng pahina ng mga paghahayag na kaya nilang makuha bago masira ang mga ito. Tumakbo sila at itinago ang kanilang sarili at ang mga paghahayag mula sa mga mandurumog. Sa pagsalakay, maraming mga Banal ang napilitang umalis sa kanilang mga tahanan habang may nakatutok na baril sa kanila (tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 196–208).

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang tungkol sa mga pagsubok o paghihirap na maaaring nararanasan nila. Hikayatin silang maghangad ng personal na paghahayag habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 98 at makinig sa kung ano ang nais ipagawa sa kanila ng Panginoon.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 98:1–3, at alamin kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa mga panalangin ng mga Banal sa Jackson County.

  • Paano maaaring nakatulong ang payo na ito sa mga Banal sa Missouri?

  • Paano ito maaaring makatulong sa inyo o sa isang taong kilala ninyo na nahaharap sa isang bagay na mahirap?

  • Ano ang ilang alituntunin na matutukoy ninyo mula sa mga talatang ito?

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang alituntunin. Ang isang paraan para matulungan ang mga estudyante na tumukoy ng mga alituntunin ay ang pagsusulat sa pisara ng sumusunod na hindi kumpletong pahayag at pagsasabi sa mga estudyante na kumpletuhin ito.

Habang matiyaga tayong naghihintay sa Panginoon, nakipagtipan Siya na

Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang pahayag gamit ang mga alituntunin na tulad ng mga sumusunod:

  • sasagutin ang ating mga panalangin.

  • may darating na kabutihan mula sa ating mga paghihirap.

Matiyagang paghihintay sa Panginoon

Maghangad ng inspirasyon upang malaman kung aling mga alituntunin ang pagtutuunan ng pansin. Isipin ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, at pumili ng materyal na sa palagay mo ay lubos na makatutulong. Magpasya kung alin sa mga sumusunod na materyal ang ibabahagi sa iyong mga estudyante. Hindi mo kailangang talakayin ang lahat ng ito.

Ang isa pang opsiyon ay hatiin ang mga estudyante sa mga grupo at atasan ang bawat grupo na pag-aralan ang isa sa mga pahayag o passage sa Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang natutuhan.

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa paghihintay sa Panginoon. Basahin ang pahayag, o panoorin ang video na “Umasa kay Cristo” mula sa time code na 9:13 hanggang 10:06, sa ChurchofJesusChrist.org.

15:45
Elder M. Russell Ballard

[Ang] paghihintay sa Panginoon [ay] nangangahulugan ng patuloy na pagsunod at espirituwal na pag-unlad palapit sa Kanya. Ang paghihintay sa Panginoon ay hindi pag-aaksaya ng inyong oras. Hindi ninyo dapat maramdaman kahit kailan na para kayong naghihintay sa loob ng isang silid.

Ang paghihintay sa Panginoon ay nangangailangan ng pagkilos. Natutuhan ko sa pagdaan ng mga taon na lumalakas ang ating pag-asa kay Cristo kapag naglilingkod tayo sa ibang tao. Sa paglilingkod na kahalintulad ng ginawa ni Jesus, likas na pinalalakas natin ang ating pag-asa sa Kanya.

Ang personal na pag-unlad na mararating ng isang tao ngayon habang naghihintay sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako ay walang kasinghalaga at sagradong bahagi ng Kanyang plano para sa bawat isa sa atin. (M. Russell Ballard, “Umasa kay Cristo,” Liahona, Mayo 2021, 55)

  • Ano ang ilang paraan kung paano tayo matiyagang makapaghihintay sa Panginoon sa panahon ng paghihirap?

Ginamit ni Pangulong Russell M. Nelson ang Doktrina at mga Tipan 98:1–3 upang ituro ang tungkol sa mga sagot sa ating mga panalangin.

2:3
Pangulong Russell M. Nelson

Kung magdarasal tayo taglay ang walang-hanggang pananaw, hindi natin kailangang isipin kung naririnig ba ang ating taos-pusong mga pagsamo. …

Pinili ng Panginoon ang matitinding salita upang panatagin tayo! Tatak! Testamento! Sumumpa! Nag-utos! Hindi mababagong tipan! Mga kapatid, maniwala sa Kanya! Pakikinggan ng Diyos ang inyong taimtim at taos-pusong mga dalangin, at titibay ang inyong pananampalataya. (Russell M. Nelson, “Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2011, 35)

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng pahayag na ito tungkol sa Panginoon?

  • Paano makatutulong sa isang tao ang pag-unawa sa mga turong ito para matiyagang makapaghintay sa Kanya?

Basahin ang 2 Nephi 2:1–2, at alamin ang itinuro ng propetang si Lehi sa kanyang anak na si Jacob tungkol sa kanyang mga paghihirap.

  • Sa anong mga paraan “ilalaan [ng Panginoon] ang [ating] mga paghihirap para sa [ating] kapakinabangan”?

Ang payo ng Tagapagligtas

Para mapag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 98:11–22, maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang kapartner o mas maliit na grupo. Maaaring pumili ang mga estudyante ng isang alituntunin na pagtutuunan at pagkatapos ay maghanap ng payo ng Tagapagligtas na makatutulong sa isang tao na ipamuhay ang alituntuning iyon.

Halimbawa, ang pariralang “kanyang ibibigay sa matapat taludtod sa taludtod” (talata 12) ay makatutulong sa isang tao na matiyagang maghintay sa Panginoon habang sinasagot Niya nang paunti-unti ang mga panalangin nito. Ang pariralang “talikuran ninyo ang lahat ng masama at mangunyapit sa lahat ng mabuti” (talata 11) ay makatutulong sa isang tao na mamuhay nang matwid upang itulot ng Diyos na ang kanyang mga paghihirap ay “magkakalakip na gagawa para sa [kanyang] ikabubuti” (talata 3).

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 98:11–22, at alamin ang payo ng Tagapagligtas na makatutulong sa inyo o sa isang tao na matiyagang naghihintay sa Panginoon.

  • Ano ang nalaman ninyo sa mga talatang ito na makatutulong sa isang tao na matiyagang maghintay sa Panginoon?

  • Anong mga salita o parirala ang ibabahagi ninyo sa isang tao na may pinagdaraanang pagsubok? Bakit?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon kung saan tinulungan sila ng Tagapagligtas na makita ang kabutihang maaaring dumating sa panahon ng pagsubok. Maaari mong ipanood ang video na “God Will Lift Us Up” (4:59) o ang video na “Mountains to Climb” (5:05), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

4:59
5:12

Magbigay ng pagkakataon para sa mga estudyanteng handang magbahagi kung paano sila tinulungan ng Tagapagligtas na matiyagang maghintay sa Kanya sa panahon ng pagsubok. Kung naaangkop, maaaring magbahagi ang mga estudyante ng isang karanasan kung saan nakita nila ang kabutihang dumating dahil sa isang pagsubok.

Ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas

Sa inyong study journal, mapanalanging sagutin ang mga sumusunod na tanong mula sa natutuhan ninyo ngayon:

  • Ano ang natutuhan mo na makadaragdag sa iyong kakayahan na matiyagang maghintay sa Panginoon?

  • Ano ang nadama mong dapat mong gawin na makatutulong sa iyo na matiyagang maghintay sa Tagapagligtas kapag naharap ka sa mahihirap na hamon?

Para tapusin ang klase, maaari kang magbahagi ng isang karanasan kung saan matiyaga kang naghintay sa Panginoon o nagbigay Siya ng isang pagsubok para sa iyong ikabubuti at sa Kanyang kaluwalhatian. Maaari mong patotohanan ang kahandaan ng Ama sa Langit na pagpalain tayo sa panahon ng paghihirap habang naghihintay tayo sa Kanya.