Seminary
Lesson 115—Doktrina at mga Tipan 101:43–101: Mga Talinghaga tungkol sa Sion


“Lesson 115—Doktrina at mga Tipan 101:43–101: Mga Talinghaga tungkol sa Sion,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 101:43–101,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 115: Doktrina at mga Tipan 98–101

Doktrina at mga Tipan 101:43–101

Mga Talinghaga tungkol sa Sion

mga talinghaga sa D&T

Nang marinig ni Propetang Joseph Smith ang matinding pag-uusig na dinanas ng mga Banal sa Missouri, nagsumamo siya sa Panginoon para sa kanila. Bilang bahagi ng Kanyang tugon, gumamit ang Tagapagligtas ng mga talinghaga upang magbigay ng payo at kapanatagan sa mga Banal. Ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong pag-aralan ang isang talinghaga at matuklasan ang espirituwal na kahulugan nito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Madalas magturo si Jesucristo gamit ang mga talinghaga

Maaari kang magpakita ng mga karaniwang bagay gaya ng mga gamit sa paaralan, ilang damit, o electronic na kagamitan. O sabihin sa mga estudyante na tingnan ang mga bagay sa paligid ng silid-aralan o ang mga bagay na mayroon sila. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang bagay at mag-isip ng isang malikhaing paraan para maihambing ito sa isang aspeto ng plano ng Ama sa Langit o kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Halimbawa, maaari nilang ikumpara ang isang cell phone sa panalangin, dahil ang panalangin ang ginagamit natin upang makipag-ugnayan sa Ama sa Langit. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang item at espirituwal na paghahambing sa isang kapartner o sa buong klase.

Madalas magturo si Jesucristo sa pamamagitan ng paggamit ng mga simpleng kuwento na kilala bilang mga talinghaga. Sa mga talinghagang ito, inihahambing ni Jesus ang mga pamilyar na bagay o sitwasyon sa mga espirituwal na katotohanan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Talinghaga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga talinghagang itinuro ng Tagapagligtas?

  • Ano ang ilang espirituwal na katotohanan na matututuhan natin mula sa mga turo ng Tagapagligtas sa mga talinghagang iyon?

Halimbawa, maaaring ibahagi ng mga estudyante ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano (tingnan sa Lucas 10:25–37), na nagtuturo tungkol sa pagmamahal at paglilingkod sa kapwa tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas. O maaari nilang ibahagi ang talinghaga tungkol sa sampung birhen (tingnan sa Mateo 25:1–13), na nagtuturo sa atin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Upang maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang isang talinghaga tungkol sa pagtubos ng Sion, maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang naaalala nila mula sa huling mga lesson tungkol sa mga pagsubok na tiniis ng mga Banal sa Missouri. Kung kinakailangan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na buod:

Sa panahon ng matinding pag-uusig, gumamit ang Tagapagligtas ng mga talinghaga upang ituro kay Joseph Smith at sa mga Banal ang tungkol sa pagtubos ng Sion (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:43). Noong huling bahagi ng 1833, humantong ang karahasan ng mga mandurumog sa pagpapaalis ng mahigit sa 1,000 Banal sa Jackson County, Missouri, at mahigit sa 200 ng kanilang mga tahanan ang sinunog. Tinanong ni Propetang Joseph Smith sa Panginoon kung bakit pinalayas ang mga Banal sa Sion at ano ang dapat na gawin upang sila ay makabalik. Tumugon ang Panginoon sa pamamagitan ng isang talinghaga.

Pag-aaral ng mga talinghaga

Itinuro ni Elder David A. Bednar ang sumusunod tungkol sa pagkatuto mula sa mga talinghaga ng Tagapagligtas:

13:57
Elder David A. Bednar

Ang nilayong kahulugan o mensahe ng isang talinghaga ay kadalasang hindi nakalantad. Sa halip, nagbibigay lamang ito ng banal na katotohanan sa isang tumatanggap nito ayon sa kanyang pananampalataya sa Diyos, personal na espirituwal na paghahanda, at kahandaang matuto. Ito ang dahilan kung bakit dapat gamitin ng isang indibiduwal ang kanyang kalayaang pumili at aktibong “humingi, maghanap, at tumuktok” [tingnan sa Mateo 7:7–8; Lucas 11:9–10] upang matuklasan ang mga katotohanang nakapaloob sa talinghaga. (David A. Bednar, “Isuot Mo ang Iyong Lakas, O Sion,” Liahona, Nob. 2022, 92)

  • Paano naiimpluwensyahan ng ating pananampalataya kay Jesucristo ang ating kakayahang maunawaan ang Kanyang mga turo?

  • Ano ang ipinahihiwatig sa Kanya ng ating pagsisikap na pag-aralan ang mga salita ng Tagapagligtas tungkol sa nadarama natin para sa Kanya?

icon ng handoutMaaari mong ibigay sa mga estudyante ang handout na may pamagat na ”Paano Pag-aralan ang mga Talinghaga ng Tagapagligtas” upang gabayan sila sa buong lesson na ito.

Paano Pag-aralan ang mga Talinghaga ng Tagapagligtas

  1. Maghanap ng mahahalagang detalye. Maaaring kabilang sa mga detalyeng ito ang mga tao, lugar, bagay, kilos, o pangyayari.

  2. Gumawa ng mga paghahambing. Alamin kung ano ang maaaring sinasagisag o sinisimbolo ng bawat isa sa mga detalye sa talinghaga. Maaaring makatulong ang mga clue o pahiwatig sa konteksto, mga tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagninilay.

  3. Tumuklas ng mahahalagang aral. Matapos maghambing, humingi ng tulong sa Espiritu Santo upang matuklasan ang mahahalagang aral na itinuturo ng Tagapagligtas sa talinghaga.

  4. Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral. Humingi ng tulong sa Ama sa Langit at sa Espiritu Santo para malaman kung ano ang maaari mong gawin upang personal na maipamuhay ang mga aral na matutuklasan mo.

Ang talinghaga tungkol sa isang taong maharlika

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na magamit ang apat na hakbang sa pag-aaral ng mga talinghaga. Maaari mong ipakita ang sumusunod na chart o kopyahin ito sa pisara. Bumuo ng anim na grupo, at atasan ang bawat isa na kumpletuhin ang iba’t ibang parisukat sa chart. O sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang chart sa kanilang study journal at punan ito nang mag-isa.

Maghanap ng mahahalagang detalye

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:43–62. Para sa bawat grupo ng mga talata, gumawa ng simpleng drowing o sumulat ng buod para ilarawan ang mga talata.

Doktrina at mga Tipan 101:43–45. Ang mga tagubilin ng taong maharlika

Doktrina at mga Tipan 101:46–50. Ang mga ginawa ng mga tagapaglingkod

Doktrina at mga Tipan 101:51. Ang bunga ng mga ginawa ng mga tagapaglingkod

Doktrina at mga Tipan 101:52–54. Ang tugon ng taong maharlika

Doktrina at mga Tipan 101:55–58. Ang mga sumunod na tagubilin ng taong maharlika

Doktrina at mga Tipan 101:59–62. Ang tugon ng tagapaglingkod

Kapag natapos na ang mga estudyante, anyayahan silang ibahagi ang kanilang natuklasan. Tiyakin na nauunawaan nila ang mga detalye ng talinghaga.

Maaari ninyong tapusin bilang isang klase ang huling tatlong hakbang sa pag-aaral ng mga talinghaga.

Gumawa ng mga paghahambing

  • Anong mga clue o pahiwatig ang makatutulong sa atin na makita na ang taong maharlika ay kumakatawan kay Jesucristo?

  • Ano ang maaaring katawanin ng ubasan o ng tore?

  • Paano nagiging katulad sa ginawa ng mga tagapaglingkod ang ating mga ginagawa kung minsan?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang doctrinal mastery passage na Ezekiel 3:16–17 at maghanap ng posibleng paghahambing para sa mga bantay. Ang sumusunod na konteksto ay makatutulong sa mga estudyante na gumawa ng mga karagdagang paghahambing:

Tulad ng mga tagapaglingkod sa talinghaga na tumatangging magtayo ng tore, kinaligtaan ng mga Banal sa Missouri na magtayo ng templo tulad ng tagubilin sa kanila ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 57:3; 84:3–4; 97:10–12).

Para sa mga Banal sa Jackson County, ang tagapaglinkod na binanggit sa talata 55 ay kumakatawan kay Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 103:21). Sinunod ni Joseph Smith ang utos ng Panginoon at bumuo ng isang grupo na tinawag na Kampo ng Sion upang tubusin ang lupain ng Sion. Ang Kampo ng Sion ay tatalakayin sa mga lesson na Doktrina at mga Tipan 103 at 105.

Tumuklas ng mahahalagang aral

  • Ano ang ilang mahahalagang aral na maaaring itinuturo ng Panginoon sa pamamagitan ng talinghagang ito?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng talinghagang ito tungkol sa mga katangian ni Jesucristo?

    Kung nahihirapan ang mga estudyante na tukuyin ang mahahalagang aral, maaari mong ibigay ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na alituntunin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano inilalarawan ng talinghaga ang mga katotohanang ito. Kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Panginoon, pinalalakas Niya tayo upang mapaglabanan ang mga espirituwal at pisikal na kaaway. Ang mga propeta ay nagsisilbing mga bantay sa tore, nagbibigay ng mga babala sa atin mula sa Panginoon tungkol sa mga paparating na panganib. Sa pamamagitan ng gawain sa templo, inihahanda tayo ng Tagapagligtas na mapaglabanan ang kaaway.

  • Bakit maaaring nakatulong ang mga aral na ito sa mga Banal noong 1833?

  • Paano mo nakita ang katibayan ng isa o mahigit pa sa mga katotohanang ito sa iyong buhay?

Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral

  • Ano ang ilan sa mga paraan kung paano mo maipapamuhay ang talinghagang ito sa ating panahon?

Humingi ng tulong sa Espiritu Santo upang makatukoy ng isa o dalawang paraan kung paano maipapamuhay ang isang katotohanan na mahalaga para sa iyo mula sa talinghagang ito. Isulat ang mga impresyon mo sa iyong study journal.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa pag-aaral ng mga talinghaga na magagamit nila upang mapagbuti ang kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Hikayatin ang mga estudyante sa kanilang pagsisikap na manampalataya kay Jesucristo habang personal nilang pinag-aaralan, pinagninilayan, at ipinamumuhay ang Kanyang mga turo.