“Lesson 114—Doktrina at mga Tipan 101:1–42: ‘Sa Kabila ng Kanilang mga Kasalanan, Ang Aking Kalooban ay Napupuspos ng Pagkahabag,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 101:1–42,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 114: Doktrina at mga Tipan 98–101
“Sa Kabila ng Kanilang mga Kasalanan, ang Aking Kalooban ay Napupuspos ng Pagkahabag“
Nahirapan ang mga Banal sa Missouri na mamuhay nang matwid tulad ng iniutos ng Panginoon. Dahil dito, nawala sa kanila ang karamihan sa kapangyarihan at proteksyon ng Panginoon at sila ay pinalayas ng mga kaaway nila mula sa kanilang mga tahanan. Sa kabila nito, tiniyak ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal at pagkahabag sa kanila. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na madama ang pagkahabag at awa ng Tagapagligtas para sa kanila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at tanungin ang mga estudyante ng iba’t ibang posibleng dahilan kung bakit malungkot ang dalagita. Maaari mong ilista ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara.
Pagkatapos ng sapat na oras, ibahagi sa mga estudyante na ang mga pagsubok na nararanasan natin ay maaaring dulot ng iba’t ibang dahilan. Kabilang sa mga iyon ang sarili nating mga pagpili, likas na bahagi ng buhay, o mga maling pagpili ng iba. Maaari mong ilista ang tatlong kategoryang ito sa isa pang bahagi ng pisara at hayaan ang mga estudyante na paghiwa-hiwalayin ang mga dahilang inilista nila sa bawat kategorya.
Maaari mong tingnan ang pahayag sa bahaging “Karagdagang Resources” mula sa entry na “Paghihirap ” sa Mga Paksa at Mga Tanong para sa karagdagang impormasyon tungkol sa tatlong dahilan na ito ng pagdurusa.
Ang tugon ng Panginoon sa pagdurusa ng mga Banal
Maaari mong basahin o ibuod ang sumusunod na impormasyon ng konteksto gamit ang sarili mong mga salita.
Noong 1833, naging marahas ang oposisyon sa Missouri nang magsimulang gumamit ng puwersa ang mga mandurumog upang paalisin ang mga Banal sa Independence. Hindi sigurado ang mga Banal kung lalaban sila o aalis dahil lumalamig na ang panahon at tumitindi na ang tensyon. Si Propetang Joseph Smith ay nasa Kirtland, Ohio, noong panahong iyon ngunit binabalitaan siya tungkol sa kalagayan ng mga Banal. Batid ang kanilang pasakit at kapighatian, nanalangin ang Propeta upang tanungin ang Ama sa Langit kung maibabalik sila sa kanilang mga tahanan sa Missouri. Siya ay nakatanggap ng paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 101 . (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga pagsubok ng mga Banal, tingnan sa Mga Banal , Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan , kabanata 17 .)
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:1–2 , at alamin kung bakit pinahintulutan ng Panginoon na magdusa ang mga Banal sa ganoong paraan.
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na bukod pa sa pagdurusa dahil sa kanilang mga kasalanan, ang mga Banal ay nagdusa dahil sa mga maling pagpili ng iba (mga mandurumog) at bilang likas na bahagi ng buhay (ang panahon ng taglamig).
Para sa sumusunod na aktibidad, maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Maaari mo silang anyayahang basahin ang mga talata, maghahanap ang isa sa magkapartner ng mga bagay na maaaring masakit marinig at ang isa naman ay maghahanap ng mga bagay na maaaring nakapapanatag na marinig.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:3–9 , at hanapin kung ano ang maaaring nakakapanatag na marinig at kung ano ang masakit marinig.
Ano ang nahanap ninyo?
Ayon sa talata 3 at 9 , paano tinitingnan ng Panginoon ang mga nagkasala?
Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng mga katotohanan, kabilang ang kahit nagkasala tayo, nahahabag at naaawa pa rin sa atin ang Panginoon .
Tulungan ang mga estudyante na talakayin kung paano tayo matutulungan ng alituntuning ito na umasa sa Panginoon sa ating panahon. Maaaring makatulong ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod.
Ano ang natututuhan ninyo tungkol sa Panginoon sa pagiging mahabagin at maawain Niya sa atin kapag nagkakasala tayo sa halip na balewalain ang ating mga kasalanan?
Sa inyong palagay, bakit nahahabag at naaawa sa atin si Jesucristo bilang tugon sa ating mga kasalanan?
Nahihikayat ng katangian ni Cristo
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung bakit personal nilang kailangan ang pagkahabag at awa ng Tagapagligtas. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano mapagpapala ng pagtanggap ng Kanyang habag at awa ang kanilang buhay.
Bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataong talakayin ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Ang sumusunod na aktibidad ay naghihikayat sa mga estudyante na pag-aralan at pagkatapos ay talakayin ang mga katotohanan ng ebanghelyo na natututuhan nila. Para sa karagdagang training sa kung paano ito gawin, tingnan ang training na may pamagat na “Hikayatin ang mga mag-aaral na ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila ,” na matatagpuan sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro . Maaaring sanayin ang kasanayan sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa mga estudyante na ibahagi sa isa’t isa ang natututuhan nila.
Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at ipabasa sa kanila ang pahayag at scripture passage sa ibaba. Pagkatapos ay maaari nilang talakayin ang mga tanong nang magkasama.
Basahin ang sumusunod na pahayag at scripture passage, at alamin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa katangian ni Jesucristo na makatutulong sa isang taong nagkasala.
Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:
13:12
Hindi katulad natin, nakikita ni Cristo nang malinaw ang lahat ng anggulo ng isang partikular na sitwasyon. Kahit na alam Niya ang mga kahinaan natin, hindi tayo isinusumpa ng Tagapagligtas, sa halip ay patuloy na nakikipagtulungan sa atin nang buong habag. (Ulisses Soares, “Ang Walang-Maliw na Pagkahabag ng Tagapagligtas ,” Liahona , Nob. 2021, 15)
Mga Hebreo 4:14–16
Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan kung paano ka napagpala ng pagkahabag at awa ng Tagapagligtas. Anyayahan ang mga estudyante na handa ring magbahagi ng mga karanasan. Tandaan na ikaw o ang mga estudyante ay hindi dapat magbahagi ng mga karanasan na masyadong personal o magtapat ng mga nagawang kasalanan noon.
Maaari mong ibahagi sa mga estudyante na ang mga Banal sa Missouri ay umaasang maitatayo ang Sion sa Independence ngunit napilitang umalis. Bagama’t maaaring hindi makaugnay ang mga estudyante sa pagkawala ng Sion, maaari nilang madama na may nawala sa kanila na isang bagay na mahalaga o sagrado, tulad ng mga kaibigan o oportunidad na umunlad sa espirituwal. Anyayahan silang basahin ang mga sumusunod na talata at pag-isipan kung ano ang itinuturo ng mga ito tungkol sa Tagapagligtas.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:16–19 , at hanapin ang kapanatagan at pananaw na ibinibigay ng Panginoon.
Ano ang ipinauunawa sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa pananaw ng Tagapagligtas?
Ano ang itinuturo ng Panginoon tungkol sa Sion na maaaring nauugnay sa ating buhay ngayon?
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang sariling mga hamon at pagpili. Maaari nilang sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.
Anong talata mula sa Doktrina at mga Tipan 101:1–19 ang gusto mong tandaan?
Ano ang nadama mo tungkol sa pagkahabag o awa ng Tagapagligtas na maaaring maging pagpapala sa iyong buhay?
Ano ang isang hakbang na magagawa mo upang kumilos ayon sa iyong nadama?
“Iba’t iba ang pinagmumulan ng paghihirap. Ang mga pagsubok ay maaaring dumating dahil sa kapalaluan at pagsuway mismo ng isang tao. Maiiwasan ang mga pagsubok na ito sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay. Ang iba pang mga pagsubok ay likas lamang na bahagi ng buhay at maaaring dumating paminsan-minsan kahit matwid na namumuhay ang mga tao. Halimbawa, maaaring makaranas ng mga pagsubok ang mga tao sa oras ng pagkakasakit o kawalang-katiyakan o pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Maaaring dumating kung minsan ang paghihirap dahil sa mga maling pasya at masasakit na salita at ginawa ng ibang tao” (Mga Paksa at Mga Tanong, “Paghihirap ,” topics.ChurchofJesusChrist.org ).
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
15:23
Gaano man karaming pagkakataon ang iniisip ninyong lumagpas sa inyo, gaano man karaming pagkakamali ang inaakala ninyong nagawa ninyo o mga talentong wala kayo, o gaano man kayo napalayo sa inyong tahanan at pamilya at sa Diyos, pinatototohanan ko na hindi pa rin kayo ganap na napalayo sa pag-ibig ng Diyos. Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo. (Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan ,” Liahona , Mayo 2012, 33)
Sinabi ni Elder C. Scott Grow ng Pitumpu:
2:3
Si Jesucristo ang Dakilang Manggagamot ng ating kaluluwa. Maliban lang sa mga kasalanang ginawa ng mga anak ng kapahamakan, walang kasalanan o paglabag, pasakit o kalungkutan, na hindi mapapagaling ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Kapag nagkakasala tayo, sinasabi sa atin ni Satanas na naliligaw tayo. Sa kabilang banda, ang ating Manunubos ay naghahandog ng pagtubos sa lahat—anuman ang nagawa nating mali—maging sa inyo at sa akin. (C. Scott Grow, “Ang Himala ng Pagbabayad-sala ,” Liahona , Mayo 2011, 109)
Sa isang brodkast para sa mga kabataan, ibinahagi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na halimbawa ng isang kabataan na hindi nakadarama na siya ay karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos:
59:34
Ang banal na pagpaparusa ay may tatlong layunin: (1) hikayatin tayong magsisi, (2) dalisayin at pabanalin tayo, at (3) kung minsan, upang itama ang direksyon ng buhay natin sa alam ng Diyos na mas mabuting landas. (D. Todd Christofferson, “Ang Lahat Kong Iniibig, ay Aking Sinasaway at Pinarurusahan” ,” Liahona , Mayo 2011, 98)
Bago palayasin ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, nakatanggap sila ng ilang babala na sila ay magdaranas ng mga paghihirap kung hindi sila magsisisi. Halimbawa, noong Enero 1833, kinastigo ni Joseph Smith sina William W. Phelps at Sidney Gilbert dahil sa mga liham na isinulat nila na kritikal at negatibo. Sumulat ng isang liham sina Orson Hyde at Hyrum Smith sa mga lider ng Simbahan sa Missouri na nagbabala sa kanila tungkol sa “mahalay, masama, & at mapanirang mga pahayag” patungkol kay Propetang Joseph Smith. Dahil sa mga kasalanang ito at iba pa, nagbabala sina Orson Hyde at Hyrum Smith na ang mga Banal sa Missouri ay makakaranas ng “kaparusahan at & paghuhukom” (The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833 , ed. Matthew C. Godfrey and others [2013], 367, 373–74).
Kung nadarama mong makatutulong ang isang sitwasyon sa mga estudyante para maunawaan ang katotohanang natukoy nila sa Doktrina at mga Tipan 101:3, 9 , maaari kang gumamit ng isang sitwasyon na tulad ng sumusunod:
Si Grace ay isang dalagita na ilang taon nang hindi nakikibahagi sa Simbahan o sa ebanghelyo. Sa panahong ito, marami siyang nagawang pagpili na hindi naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas. Dahil sa mga pagpiling ito, nadama niya na malayo siya sa Simbahan at sa mga kabataang kaedad niya sa kanyang ward. Ang pananaw niya tungkol kay Jesucristo ay isa Siyang perpektong nilalang na hindi sumasang-ayon sa kanyang mga pagpili. Mas komportable siyang balewalain ang mga ideya o tanong tungkol sa relihiyon sa kanyang buhay. Nadarama rin niya na nawalan na siya ng mga pagkakataong matuto at umunlad tulad ng iba pang kabataang kaedad niya matapos ang matagal niyang pagkawala.
Ano ang maaaring makatulong kay Grace para makaunawa siya mula sa natutuhan o nadama ninyo ngayon?
Paano makakaapekto sa ating motibasyon na magsisi ang pag-unawa natin sa pagkahabag at awa ni Jesucristo?
Anong patotoo o karanasan mula sa inyong sariling buhay ang maibabahagi ninyo kay Grace tungkol sa pagkahabag at awa ng Tagapagligtas?
Maaaring makapagbigay-inspirasyon sa mga estudyante na malaman ang tungkol sa mga kalagayan sa panahon ng Milenyo.
Maaari mong ipaliwanag na, bilang bahagi ng Kanyang pagbibigay-kapanatagan sa mga Banal, ibinahagi sa kanila ng Panginoon ang pinalawak na pananaw hinggil sa Sion at ang pagtitipon at pagpapala ng mga Banal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:16–19 ). Pinalawak pa ng Panginoon ang pananaw na iyan sa pagtuturo sa mga Banal tungkol sa darating na Milenyo, na kasunod ng pagtatayo ng Sion at ng Ikalawang Pagparito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:20–23 ).
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:27–35 , at alamin ang inihayag ng Panginoon na mangyayari sa panahon ng Milenyo. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang natutuhan nila na kapana-panabik para sa kanila. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magtanong ng anumang bagay na gusto nilang malaman tungkol sa mga talata. Maaaring isulat ng mga estudyante sa kanilang banal na kasulatan na ang mga talatang ito ay tumutukoy sa Milenyo.
Pagkatapos ay maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:36–38 at ipabahagi sa kanila kung paano makatutulong ang mga talatang ito para masagot nila ang mga sumusunod na tanong:
Ano ang nais ng Tagapagligtas na madama ninyo kasabay ng pagkabatid ninyo tungkol sa kung ano ang darating?
Paano mababago ang ating pananaw tungkol sa kasalukuyang hamon kung batid natin ang tungkol sa kung ano ang darating?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang Doktrina at mga Tipan 101:39–41 (tingnan din sa Mateo 5:13 ), maaari mong itanong sa kanila kung para saan ginagamit ang asin. Tulungan silang maunawaan na ang asin ay nagpapasarap ng lasa ng pagkain, nagpepreserba ng pagkain, at mayroon ding nakapagpapagaling na mga sangkap. Sabihin sa kanila na basahin ang talata 39–40 , at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga tao at asin.
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Carlos E. Asay (1926–1999): “Sinabi sa akin ng isang kilalang chemist na hindi mawawala ang lasa ng asin kahit lumipas pa ang maraming taon. Nawawala ang lasa dahil nahaluan ito at dahil sa kontaminasyon” (Carlos E. Asay, “Salt of the Earth: Savor of Men and Saviors of Men ,” Ensign , Mayo 1980, 42). Maaari mong itanong ang mga sumusunod:
Paano nagiging tulad ng asin ang kalalakihan at kababaihan sa mga tao sa mundo?
Paano maikukumpara ang analohiyang ito sa mga Banal sa Missouri?
Paano mapapanatili ng mga tao ng Panginoon ang pagiging karapat-dapat nila sa panahong ito?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:41–42 , at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas na kailangang mangyari upang muling maging karapat-dapat ang mga Banal. Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magbahagi at tulungan silang maunawaan na nais ng Panginoon na maging dalisay ang Kanyang mga Banal sa pamamagitan ng pagpaparusa at pagpapakumbaba ng kanilang sarili sa Kanyang harapan.