Seminary
Lesson 119—Doktrina at mga Tipan 107:1–20: “Ang Banal na Pagkasaserdote”


“Lesson 119—Doktrina at mga Tipan 107:1–20: ‘Ang Banal na Pagkasaserdote,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 107:1–20,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 119: Doktrina at mga Tipan 106–108

Doktrina at mga Tipan 107:1–20

“Ang Banal na Pagkasaserdote”

kabataang isini-set apart o itinatalaga para sa isang calling

Noong tagsibol ng 1835, ang mga miyembro ng bagong tatag na Korum ng Labindalawang Apostol ay naghahanda nang umalis para sa kanilang mga unang misyon. Ang paghahayag na ito mula sa Panginoon ay nagbigay ng mga detalye upang tulungan sila at ang iba na magampanan ang kanilang mga responsibilidad sa priesthood. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng paggamit ng kapangyarihan ng Tagapagligtas at ng Kanyang awtoridad ng priesthood habang naglilingkod sila sa Kanyang Simbahan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga Kaakibat

Simulan ang klase sa pag-aanyaya sa isang estudyante na magdrowing sa pisara ng isang puno na may maraming sanga. Anyayahan ang klase na tukuyin kung aling mga bahagi ng puno ang mga kaakibat o kaugnay (ang mga sanga at dahon). Sabihin sa estudyanteng nagdrowing ng puno na ihiwalay ang isa sa mga kaakibat sa pamamagitan ng pagbura ng bahaging nagdurugtong sa sanga at sa katawan ng puno. Sabihin sa klase na talakayin ang mga sumusunod na tanong upang maihanda silang maunawaan kung bakit kailangan nating manatiling nakaugnay sa Tagapagligtas at sa Kanyang priesthood:

  • Ano ang nangyayari sa isang kaakibat kapag hiniwalay ito sa puno? Bakit?

Basahin ang Juan 15:5, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas na nauugnay sa object lesson na ito.

  • Ano ang nalaman ninyo?

  • Bakit kailangan ang pananatiling nauugnay sa Tagapagligtas sa ating mga pagsisikap na maglingkod sa Kanyang Simbahan?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang kaugnayan kay Jesucristo. Anyayahan silang maghangad ng inspirasyon habang pinag-iisipan nila kung paanong hindi lamang sila personal na pagpapalain ng kaugnayang ito kundi bibigyan din sila ng lakas na pagpalain ang iba sa pamamagitan ng mga calling at ministering assignment sa Simbahan.

Mga kaakibat sa priesthood

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng bahagi 107, ibahagi ang sumusunod na impormasyon gamit ang sarili mong mga salita:

Noong Marso 28, 1835, ang mga miyembro ng bagong tatag na Korum ng Labindalawang Apostol ay naghahandang magmisyon sa silangang Estados Unidos. Hindi sigurado ang ilang Apostol kung paano maglilingkod sa kanilang mga bagong calling o tungkulin. Inihayag ng Panginoon ang Doktrina at mga Tipan 107 para turuan sila tungkol sa priesthood at hikayatin sila sa kanilang mga tungkulin.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 107:1–4, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa priesthood.

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Melchizedek Priesthood?

Ihambing ang pangalan ng priesthood na makikita sa talata 3 sa itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan:

Elder Dieter F. Uchtdorf

Si Cristo ang pinagmumulan ng lahat ng tunay na awtoridad at kapangyarihan ng priesthood sa mundo. Ito ang Kanyang gawain, kung saan tayo ay may pribilehiyong tumulong. (Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kagalakan sa Pagkakaroon ng Priesthood,” Liahona, Nob. 2012, 59)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na ang lahat ng kapangyarihan ng priesthood ay mula mismo kay Jesucristo?

Bago basahin ang mga sumusunod na talata, anyayahan ang mga estudyante na balikan ang kanilang talakayan tungkol sa mga kaakibat. Magdrowing ng isa pang puno sa pisara, at lagyan ito ng label na Ang Simbahan ni Jesucristo. Pagkatapos ay ilista sa pisara ang sumusunod: Melchizedek Priesthood, Aaronic Priesthood, Relief Society, Young Women, Sunday School, Primary.

Basahin nang may kapartner ang Doktrina at mga Tipan 107:5, 13–14, at alamin kung alin sa mga salita sa pisara ang maihahambing ninyo sa katawan ng puno at maihahambing ninyo sa mga kaakibat.

  • Batay sa nabasa ninyo, ano ang maihahambing ninyo sa katawan ng puno? Ano ang mga kaakibat?

    Habang sinasagot ng mga estudyante ang mga naunang tanong, maaari mong lagyan ang katawan ng puno ng label na Ang Melchizedek Priesthood at ang mga kaakibat (o mga sanga) bilang Ang Aaronic Priesthood at ang mga organisasyon ng Simbahan na nakalista sa pisara.

    Sabihin sa mga estudyante na markahan ang katotohanan sa talata 5 na lahat ng awtoridad at tungkulin sa Simbahan ng Tagapagligtas ay mga kaakibat sa Pagkasaserdoteng Melquisedec o Melchizedek Priesthood.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa paghahambing ng Panginoon ng mga organisasyon ng Aaronic Priesthood at Simbahan sa mga “nakaakibat” sa Kanyang Melchizedek Priesthood?

icon ng trainingGamitin ang mga salita ng mga propeta para ipaliwanag ang doktrina at mga alituntunin: Ang sumusunod ay isang halimbawa ng paggamit ng mga salita ng propeta upang mapalalim ang pag-unawa ng mga estudyante sa doktrina. Para sa karagdagang pagsasanay dito, tingnan ang training na may pamagat na, “Magturo mula sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw” na matatagpuan sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro. Maaari mong praktisin ang kasanayan na, “Maghanda ng mga paanyaya na tutulong sa mga estudyante na maiugnay ang mga katotohanang matatagpuan sa mga banal na kasulatan sa sinasabi ng mga buhay na propeta.”

Ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod tungkol sa awtoridad ng priesthood sa mga tungkulin sa Simbahan:

Pangulong Dallin H. Oaks

Sa huli, ang lahat ng susi ng priesthood ay hawak ng Panginoong Jesucristo, na Siyang may-ari ng priesthood. Siya ang nagpapasiya kung anong mga susi ang itatalaga sa mga tao sa mundo at kung paano gagamitin ang mga susing iyon. …

… Yamang nakasaad sa mga banal na kasulatan na “lahat ng ibang mga maykapangyarihan [at] tungkulin sa simbahan ay nakaakibat sa [Melchizedek priesthood na] ito” (D&T 107:5), lahat ng ginagawa sa ilalim ng mga susi ng priesthood na iyon ay ginagawa nang may awtoridad ng priesthood. (Dallin H. Oaks, “Ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2014, 50.)

Ipaalala sa mga estudyante na si Jesucristo ang pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihan ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:3). Maaari mong isulat ang Ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa tabi ng Ang Melchizedek Priesthood sa katawan ng puno.

  • Paano makatutulong na nauunawaan ninyo na ang bawat tungkulin sa Simbahan ay nakaakibat sa kapangyarihan ng Tagapagligtas para mapaglingkuran nang mas mabuti ang mga nasa paligid ninyo?

  • Kailan ninyo nadama ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na tumutulong sa inyong paglilingkod sa Simbahan?

Nararanasan ang kapangyarihan ng priesthood

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga sumusunod na passage at talakayin sa kanilang kapartner ang tatlong tanong sa ibaba. Maaari mong ipakita ang mga tanong para sa reperensya ng estudyante.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 107:8, 18–20, at alamin ang mga paraan na nagbibigay ang Tagapagligtas ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Kanyang priesthood sa mga naglilingkod sa Simbahan.

icon ng doctrinal mastery Ang Doktrina at mga Tipan 107:8 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan para madali nilang mahanap ang mga ito.

  • Ano ang ilang “espirituwal na bagay” (talata 8) na ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Melchizedek Priesthood?

    Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kasama sa pangangasiwa sa “mga espirituwal na bagay” ang pagbibigay ng basbas, mga ordenansa, at mga tipan.

  • Paano nakatutulong ang “mga panlabas na ordenansa” ng Aaronic priesthood (tulad ng binyag at sakramento) na tinukoy sa talata 20 na maiugnay kayo kay Jesucristo?

  • Kailan naging isang pagpapala sa inyong buhay ang kaugnayan ng ibang tao sa Tagapagligtas habang naglilingkod sila?

Maaari kang magbahagi ng halimbawa ng isang taong pinagpala nang maglingkod ang iba sa paraang nag-uugnay sa kanya sa kapangyarihan ng Tagapagligtas. Ang isang halimbawa ay makikita sa video na “The Tender Mercies of the Lord” mula sa time code na 6:55 hanggang 8:53, na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Sa mensaheng ito, ibinahagi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang kuwentong tungkol sa isang lider ng priesthood na ginabayan ng Diyos sa paglilingkod sa mga kabataan sa kanyang stake.

2:3

The Tender Mercies of the Lord

I testify that the tender mercies of the Lord are available to all of us and that the Redeemer of Israel is eager to bestow such gifts upon us.

Personal na pagsasabuhay

Itinuro ni Sister Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President, kung paano napapalakas ng awtoridad ng priesthood ang mga kabataang babae sa kanilang mga tungkulin o calling. Tingnan kung paano maiaangkop ang kanyang pahayag sa lahat ng kabataan habang naglilingkod sila.

Pangulong Bonnie L. Oscarson

Ang mga kabataan ng Simbahan ay kailangang ituring ang kanilang sarili na mahalagang kabahagi sa gawain ng kaligtasan na pinamamahalaan ng priesthood at hindi lamang nagmamasid at sumusuporta. May mga calling kayo at itinalaga ng mga mayhawak ng susi ng priesthood upang gumanap bilang mga lider na may kapangyarihan at awtoridad sa gawaing ito. Kapag ginampanan ninyo ang inyong calling sa mga panguluhan ng klase at espirituwal kayong naghanda, sumangguni sa isa’t isa, tumulong sa paglilingkod sa mga miyembro ng inyong klase, at itinuro ninyo ang ebanghelyo sa isa’t isa, ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin sa gawaing ito at pagpapalain kayo at ang inyong mga kasama. (Bonnie L. Oscarson, “Tumanggap ng Responsibilidad nang May Lakas, Kababaihan ng Sion,” Liahona, Nob. 2016, 14)

  • Ano ang tumimo sa inyo mula sa pahayag na ito? Bakit?

    Anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Maaari mong hilingin sa mga boluntaryo na ibahagi ang kanilang mga sagot.

  • Ano ang natutuhan mo ngayon tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng kapangyarihan ng Tagapagligtas at ng Kanyang awtoridad ng priesthood habang naglilingkod ka sa Simbahan?

Isaulo

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ay “Ang Pagkasaserdoteng Melquisedec [ay] may kapangyarihan at karapatan … [na] mangasiwa sa mga espirituwal na bagay.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.