Seminary
Lesson 126—Doktrina at mga Tipan 112: “Ang Panginoon Mong Diyos ay Aakayin Ka sa Kamay”


“Lesson 126—Doktrina at mga Tipan 112: ‘Ang Panginoon Mong Diyos ay Aakayin Ka sa Kamay,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 112,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 126: Doktrina at mga Tipan 111–114

Doktrina at mga Tipan 112

“Ang Panginoon Mong Diyos ay Aakayin Ka sa Kamay”

Si Cristo na nagmiministeryo sa isang bata

Ang kababaang-loob ni Jesucristo ay nakatulong sa Kanya na maunawaan at maisakatuparan ang kalooban ng Kanyang Ama sa Kanyang buong mortal na ministeryo (tingnan sa Juan 5:30). Sa Doktrina at mga Tipan 112, itinuro ng Tagapagligtas kay Thomas B. Marsh na makatutulong sa atin ang kababaang-loob na makatanggap ng patnubay mula sa ating Ama sa Langit. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na mapagpakumbabang humingi ng patnubay mula sa Ama sa Langit.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paghahangad ng banal na patnubay

Upang maihanda ang mga estudyante na matutuhan ang tungkol sa pagtanggap ng patnubay mula sa Ama sa Langit, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang kanilang mga sagot. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa o dalawa sa mga tanong na sasagutin sa kanilang study journal.

  • Anong patnubay ang kailangan mo mula sa Ama sa Langit sa iyong buhay?

  • Ano ang nakatutulong sa iyo na tumanggap ng patnubay mula sa Ama sa Langit?

  • Ano kung minsan ang humahadlang sa pagtanggap ng patnubay mula sa Ama sa Langit?

Habang tinatalakay natin ang isa sa mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa pagtanggap ng banal na patnubay, bigyang-pansin ang itinuturo sa inyo ng Espiritu tungkol sa kung paano ninyo mapagbubuti ang kakayahan ninyong sumunod sa Kanya.

Ang kababaang-loob ay humahantong sa banal na patnubay

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang tungkol sa konteksto ng Doktrina at mga Tipan 112 at kung bakit humihingi ng patnubay mula sa Panginoon si Thomas B. Marsh, maaari mong ipakita ang sumusunod na impormasyon at ipabasa ito sa isang estudyante:

Noong 1837, naglingkod si Thomas B. Marsh bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nagkaroon ng diwa ng apostasiya at paghahanap ng kamalian sa ilan sa mga Banal sa Kirtland, kabilang ang ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noong Enero ng 1837, nag-organisa ang mga lider ng Simbahan ng bangko na tinatawag na Kirtland Safety Society. Sa pagharap sa iba’t ibang hamon, kabilang na ang krisis sa pananalapi sa buong bansa, ang bangko sa huli ay nalugi, na nagpatindi sa pagsalungat laban kay Propetang Joseph Smith. Nag-alala tungkol sa mga pagtuligsang ito, nilisan ni Thomas B. Marsh ang kanyang tahanan sa Missouri at naglakbay patungong Kirtland, na determinadong makipag-usap sa Labindalawa at magpakita ng suporta kay Joseph. Gayunpaman, pagdating niya, nalaman ni Pangulong Marsh na nagpadala si Joseph ng dalawang miyembro ng Labindalawa sa England upang magmisyon. Bilang pangulo ng korum, ikinalungkot ni Pangulong Marsh na hindi muna sumangguni sa kanya si Joseph. Gayunpaman, binisita ni Thomas B. Marsh si Joseph Smith upang humingi ng patnubay mula sa Panginoon.

Magpasiya kung aling paraan sa pagbabasa ang pinakamakatutulong sa iyong mga estudyante na pag-aralan ang mga sumusunod na talata. Maaari mong hatiin ang mga talata sa bawat estudyante o sa mga grupo ng mga estudyante. O maaaring magboluntaryo ang maraming estudyante na basahin nang malakas ang mga grupo ng mga talata habang sumasabay sa pagbabasa ang mga kaklase.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 112:2–3, 10, 12–15, 20–22, 28, 33–34, at alamin ang payo na ibinigay ng Panginoon kay Thomas B. Marsh na makatutulong sa kanya na tumanggap ng patnubay mula sa Panginoon.

  • Anong mga makabuluhang salita at parirala ang nahanap ninyo?

  • Ano ang ilang alituntunin na matutukoy natin mula sa mga talatang ito?

Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng maraming alituntunin mula sa kanilang pag-aaral. Sundin ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo na magtanong pa at palalimin ang pag-unawa ng mga estudyante sa mga alituntuning natukoy nila. Ang natitirang bahagi ng lesson na ito ay magtutuon sa katotohanang kung tayo ay mapagpakumbaba, aakayin tayo ng Ama sa Langit at sasagutin Niya ang ating mga panalangin (tingnan sa talata 10).

Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa alituntuning ito, maaari mong igrupo ang mga estudyante upang talakayin ang mga sumusunod na tanong. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang pahayag ni Elder Soares at talakayin ang sumusunod na tanong:

  • Paano ninyo bibigyang-kahulugan ang kababaang-loob?

  • Sa inyong palagay, paano nakatutulong ang kababaang-loob sa pagtanggap ng mga sagot sa ating mga panalangin?

Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:

11:21
Elder Ulisses Soares

Naniniwala ako, mga kapatid, na ang mga mapagpakumbaba lamang ang nakakikilala at nakauunawa sa mga sagot ng Panginoon sa kanilang mga panalangin. Ang mga mapagpakumbaba ay madaling turuan, nakikilala nila na dumedepende sila sa Diyos at hinahangad na mapailalim sa Kanyang kagustuhan. Ang mga mapagpakumbaba ay maamo at may kakayahang impluwensyahan ang iba na gawin din ang gayon. Ang pangako ng Diyos sa mga mapagpakumbaba ay aakayin Niya sila sa kamay. Naniniwala ako na maiiwasan natin ang mga pagliko at kalungkutan sa ating buhay kapag lumakad tayong kasabay ng Panginoon. (Ulisses Soares, “Maging Maamo at may Mapagpakumbabang Puso,” Liahona, Nob. 2013, 10)

  • Ano pa ang nakita ninyo na nakatutulong na mas palalimin ang inyong pag-unawa sa talata 10?

Maaari kang magbigay ng maikling pagkakataon para sa ilang grupo na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang talakayan.

Mga paraan na maaari tayong maging mapagpakumbaba sa ating mga panalangin

Mag-isip ng mga paraan para matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano natin maipapakita ang kababaang-loob sa ating mga panalangin. Maaari ding ilista ng mga estudyante sa pisara ang kanilang mga ideya. Maaari din nilang pag-aralan at talakayin ang ilan sa mga sumusunod na ideya. Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi kung ano ang itinuturo sa kanila ng Espiritu.

Ang sumusunod ay ilang paraan na maipapakita natin ang kababaang-loob kapag nagdarasal tayo:

Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga pagkakataon na sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin na bigyan sila ng gabay at patnubay na kailangan nila. Maaaring ibahagi ng ilang handang estudyante ang kanilang mga karanasan.

Ang sumusunod ay naglalayong bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong gumawa ng plano na mapagpakumbabang humingi ng patnubay mula sa Ama sa Langit:

Pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang sinasagot ninyo ang mga sumusunod na tanong sa inyong study journal:

  • Anong gabay o patnubay ang hinahangad mo mula sa Ama sa Langit?

  • Ano ang magagawa mo upang mapagpakumbabang hingin ang Kanyang patnubay?

Sabihin sa mga estudyante na kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila. Maaari kang magbahagi ng isang personal na karanasan tungkol sa pagtanggap ng patnubay ng Ama sa Langit sa iyong buhay.