Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pagkatuto ay makatutulong sa atin na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maalala at masuri kung paano nakatulong sa kanila ang kanilang mga karanasan sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan na espirituwal na umunlad.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
I-assess ang inyong espirituwal na pag-unlad
Ano ang ilang iba’t ibang trail marker na inilaan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo upang gabayan tayo sa landas ng tipan pabalik sa Kanilang piling?
Paano maaaring maging simbolo ng Tagapagligtas ang isang trail marker?
Habang pinagninilayan ninyo ang inyong karanasan sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan, mapanalanging anyayahan ang Espiritu na tulungan kayong matukoy ang pagsulong na ginagawa ninyo palapit sa Ama sa Langit at sa inyong Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ano ang ilan sa mga espirituwal na katotohanang natutuhan o ipinamuhay mo na nakatulong sa iyo na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Paano ka nabigyan ng mga katotohanang ito ng direksyon at kaligtasan sa landas ng tipan?
Anong mga scripture passage mula sa Doktrina at mga Tipan ang naging makabuluhan sa iyo? Bakit?
Ipaliwanag kung paano pinagpapala ng priesthood at mga susi ng priesthood ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan
Sina Becky at Michael ay magkapatid na sumapi kamakailan sa Simbahan. Sila lamang ang mga miyembro sa kanilang pamilya. Pareho silang may malakas na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, kay Propetang Joseph Smith, at sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, ngunit alam nilang marami pa silang dapat matutuhan. Sa simbahan, sa isang araw ng Linggo, narinig nila ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kung paano pinagpapala ng priesthood at ng mga susi ng priesthood ng Tagapagligtas ang bawat miyembro ng Simbahan. Hindi talaga nila alam kung ano ang ibig sabihin niyon.
Ano ang magagamit ninyo mula sa inyong pag-aaral kamakailan sa Doktrina at mga Tipan upang matulungan sina Becky at Michael na mas maunawaan kung paano tayo pinagpapala ng kapangyarihan ng priesthood at ng mga susi ng priesthood ng Tagapagligtas bilang mga miyembro ng Simbahan?
Mas magtiwala na ang mga Apostol ay mga natatanging saksi ni Jesucristo
Ano ang nagawa ninyo kamakailan na nakaapekto sa inyong patotoo na ang mga propeta at apostol ay talagang mga natatanging saksi ni Cristo?
Pumili ng isang mensahe na ibinigay kamakailan ng Unang Panguluhan o Korum ng Labindalawang Apostol na naging makabuluhan sa iyo. Pagnilayan kung paano nakaimpluwensya ang mensaheng iyon sa nadarama mo tungkol kay Jesucristo.
Sumagot sa isang paanyaya sa social media ng isa sa mga miyembro ng Unang Panguluhan o ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ibahagi ang paanyaya sa iyong social media page.
Sa social media, sumagot sa isang post o magpadala ng direktang mensahe sa isang miyembro ng Unang Panguluhan o ng Korum ng Labindalawang Apostol na nagpapahayag ng iyong pasasalamat para sa isang mensahe kamakailan na nakatulong sa iyo na mas mapalapit sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Maghandang sambahin ang Panginoon sa templo
Anong mga pagsisikap ang ginawa ninyo kamakailan upang maging mas handang sambahin ang Panginoon sa templo?
Maghangad ng personal na paghahayag na gagabay sa inyo habang sinasagot ninyo ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong sa inyong study journal:
Anong mga sakripisyo ang ginawa o handa mong gawin upang ipakita na ang pagsamba sa Panginoon sa templo ay isang prayoridad sa buhay mo?
Anong mga pagpapala ang nakita mo sa iyong buhay nang pagnilayan mo ang iyong mga sagot sa mga tanong sa temple recommend bilang paghahanda sa pagpasok sa bahay ng Panginoon?
Ano ang ginawa mo para magsikap na maging karapat-dapat na sambahin ang Panginoon sa templo?
Isipin kung paano ka pinagpala dahil sa iyong mga pagsisikap. Ano ang patuloy mong gagawin o sisimulang gawin upang mas maging handang sumamba sa Kanyang templo?