Seminary
Lesson 130—Pagpapalayas mula sa Missouri: Pagbaling sa Diyos sa Panahon ng Ating mga Paghihirap


“Lesson 130—Pagpapalayas mula sa Missouri: Pagbaling sa Diyos sa Panahon ng Ating mga Paghihirap,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pagpapalayas mula sa Missouri,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 130: Doktrina at mga Tipan 115–120

Pagpapalayas mula sa Missouri

Pagbaling sa Diyos sa Panahon ng Ating mga Paghihirap

Mga Banal na itinataboy palabas ng Missouri

Ang taglagas at taglamig ng 1838–39 ay panahon ng matinding paghihirap para sa mga Banal sa Missouri. Habang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng mga miyembro ng Simbahan at ng iba pang mga residente sa Missouri, iniutos ni Gobernador Lilburn W. Boggs na itaboy ang mga Banal mula sa estado. Sa panahon ng mga paghihirap na ito, marami ang bumaling sa Diyos at tumanggap ng Kanyang tulong. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng mas matinding hangaring bumaling sa Diyos kapag nahaharap sila sa mahihirap na sitwasyon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Saan kayo babaling?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917-2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Joseph B. Wirthlin

Ang paraan ng pagharap natin sa paghihirap ay maaaring magkaroon ng malaking bahagi sa kaligayahan at tagumpay natin sa buhay. (Joseph B. Wirthlin, “Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” Liahona, Nob. 2008, 26)

  • Ano ang ilang halimbawang naiisip ninyo na nagpapakita sa itinuturo sa pahayag na ito?

Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mahihirap na sitwasyong nararanasan o naranasan na nila noon. Pagkatapos ay anyayahan silang isipin kung paano sila karaniwang tumutugon o tumugon sa kanilang mahihirap na sitwasyon. Maaari mong hilingin sa ilang handang estudyante na magbahagi sa klase ng mga sagot na hindi masyadong personal.

Hikayatin ang mga estudyante habang nag-aaral sila na pagtuunan ng pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu. Ang mga espirituwal na pahiwatig ay makatutulong sa kanila na malaman kung paano nais ng Diyos na tumugon sila sa kanilang mahihirap na sitwasyon.

Mga paghihirap sa Missouri

Ipaliwanag na noong 1839, tinatayang 8,000 hanggang 10,000 mga Banal ang nakatira sa hilagang Missouri. Sa pagitan ng Enero at Marso, marami ang napilitang lisanin ang kanilang mga lupain at tahanan. Ang mga sumusunod na buod ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang konteksto na humantong sa mga sitwasyong ito. Maaari mong ipakita ang mga buod, o i-print ang mga ito at magtalaga ng ilang estudyante upang ibahagi ang mga ito sa klase.

Sa halip na gamitin ang mga buod, maaari mong ipanood ang “1838: The Year the Saints Were Driven Out of Missouri” (5:15), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

5:14
  1. Limang taon matapos itaboy ang mga Banal mula sa Jackson County, Missouri, nagtatag sila ng mga bagong komunidad sa iba pang lugar ng estado. Maraming residente sa Missouri ang nagalit sa dumaraming bilang ng mga Banal, gayundin sa mga pahayag na ginawa ng mga lider ng Simbahan na ipagtatanggol ng mga Banal ang kanilang sarili laban sa mga mandurumog sa hinaharap. Gumulo pa ang mga bagay-bagay nang magsimulang magbanta ang isang maliit na grupo ng mga miyembro ng Simbahan laban sa mga kaaway ng Simbahan (tingnan sa Mga Banal, 1:357–60).

  2. Ang tumitinding tensyon sa pagitan ng mga Banal at ng mga residente sa Missouri ay humantong kalaunan sa mga pisikal na labanan. Napilitang tumakas ang mga Banal sa ilang maliit na pamayanan dahil ang kanilang mga tahanan at ari-arian ay winasak ng mga mandurumog. Noong Oktubre 25, 1838, tatlong lalaking Banal sa mga Huling Araw at isang miyembro ng militia ng Missouri ang napatay sa nakikila bilang Labanan sa Ilog Crooked (tingnan sa Mga Banal, 369–75, 1:377–82, 383–95).

  3. Ang Gobernador ng Missouri na si Lilburn W. Boggs ay nakatanggap ng labis na eksaheradong mga ulat na nagsasabing 50 hanggang 60 taga-Missouri ang napatay sa labanan. Nakatanggap din ang gobernador ng mga sinumpaang pahayag mula sa mga galit na dating lider ng Simbahan na nagpatotoo nang may kabulaanan laban kay Joseph Smith. Noong Oktubre 27, 1838, naglabas si Gobernador Boggs ng isang ehekutibong utos o executive order, na nagpapahayag na, “Dapat ituring bilang mga kaaway ang mga Mormon at dapat lipulin o itaboy mula sa estado” (tingnan sa Mga Banal, 1:395–96).

  4. Matapos ilabas ni Gobernador Boggs ang kanyang utos, inaresto ng mga miyembro ng militia ng Missouri si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan. Sinalakay ng mga mandurumog ang bayan ng Far West at iba pang mga pamayanan ng Banal sa mga Huling Araw (tingnan sa Mga Banal, 1:397–410, 411–20).

    • Kung miyembro na kayo ng Simbahan sa panahong ito, paano ninyo ilalarawan ang mga damdamin o mga tanong na posibleng mayroon kayo?

    • Anong mga pagkilos ang posibleng gawin ninyo?

Sa mahihirap na panahong ito, maraming Banal ang nagpakita ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagbaling sa Diyos.

icon ng handoutAng sumusunod na salaysay ay makatutulong sa mga estudyante na makakita ng isang halimbawa kung paano pinili ng isang miyembro ng Simbahan na bumaling sa Diyos sa panahon ng kanyang mga paghihirap. Maaari mong ipamahagi ang handout na may pamagat na “Ang Salaysay ni Amanda Smith sa Hawn’s Mill.“

Maaari ninyong pag-aralan ang salaysay na ito nang sama-sama bilang isang klase, kung saan may ilang estudyante na nagsasalitang magbasa nang malakas ng iba’t ibang bahagi ng salaysay. Maaari ding pag-aralan ng mga estudyante ang salaysay sa isang maliit na grupo.

Ang Salaysay ni Amanda Smith sa Hawn’s Mill

Pioneer na batang babae sa bukid

Noong Oktubre 30, 1838, sinalakay ng mga mandurumog ng Missouri ang isang pamayanan ng Banal sa mga Huling Araw na kilala bilang Hawn’s Mill. Binaril ng mga mandurumog ang mga lalaki at batang lalaki na pumasok sa isang pandayan upang maghanap ng kanlungan at ipagtanggol ang kanilang mga tao. Labimpitong Banal sa mga Huling Araw ang napatay sa pagsalakay, at mahigit isang dosena ang sugatan.

Kabilang sa nasugatan ang anim na taong gulang na si Alma Smith, na nawalan ng buong balakang matapos siyang mabaril. Labis na nag-aalala ang ina ni Alma na si Amanda Barnes Smith nang matagpuan niya ito. Nagdalamhati rin siya para sa kanyang asawa at sa kanyang 10 taong gulang na anak na lalaki, na kapwa napatay sa pagsalakay.

Dahil walang makatulong sa kanya, tinipon ni Amanda ang kanyang natitirang mga anak at nanalangin para sa patnubay. “O aking Ama sa Langit,’ pagsusumamo niya, “Nakikita po Ninyo ang aking kawawa at sugatang anak at nalalaman ang kawalan ko ng karanasan. O, Ama sa Langit, patnubayan po Ninyo ako sa kung ano ang aking gagawin.”

Nang matapos ni Amanda ang kanyang panalangin, narinig niya ang isang tinig na nag-uutos sa kanya na maghalo ng mga abo sa tubig. Ginamit niya ang pinaghalong tubig at abo para hugasan ang sugat ni Alma hanggang sa maging malinis ito. Pagkatapos, naisipan ni Amanda na kumuha ng mga ugat sa isang elm tree at dinikdik niya ang mga ito para maging sapal. Inilagay niya ang sapal sa sugat ni Alma at binalot ito ng tela.

“Ngayon humiga ka nang ganyan, at huwag gumalaw,” sinabi niya sa kanyang anak, “at igagawa ka ng Panginoon ng isa pang balakang.”

Dahil sa sugat ni Alma, hindi makalikas si Amanda at ang kanyang pamilya matapos ang pagsalakay. Sa paglipas ng mga linggo, nagtakda ang mga mandurumog ng huling araw ng pag-alis niya at ng iba pang mga natitirang Banal. Tumindi ang takot ni Amanda habang papalapit ang itinakdang araw na iyon. Nagtago siya sa isang bungkos ng mga tangkay ng mais para makapagdasal siya nang malakas para walang makarinig. Pagkatapos ay narinig niya ang isang tinig na umulit ng mga salitang ito:

  • Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala,

  • Kahit kailanman ay ’di ko itatatwa;

  • Pilitin mang s’ya’y yanigin ng kadiliman,

  • ’Di magagawang talikuran kailanman!

Ang mga salitang ito mula sa himnong “Saligang Kaytibay” (Mga Himno, blg. 47) ay tumulong kay Amanda na makadama ng panibagong lakas at tapang.

Hindi nagtagal, nasa labas si Amanda nang marinig niyang nagsigawan ang kanyang mga anak sa loob ng kanilang bahay. Nagmadali siyang pumunta sa bahay at nakita si Alma na tumatakbo sa loob ng silid. “Magaling na ako, Inay, magaling na ako!“ sigaw niya. Hindi nagtagal ay nilisan ni Amanda at ng kanyang mga anak ang Hawn’s Mill.

(Sinipi at ibinuod mula sa Mga Banal, 1:397–401, 404–406, 433–35)

  • Ano ang mahalaga para sa inyo mula sa salaysay na ito?

  • Ano ang natutuhan o nadama ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang binabasa ninyo ang salaysay na ito?

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa naunang tanong, maaari mo silang anyayahang ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila na makatutulong sa kanila sa mga pagsubok nila. Angisang katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante ay ito: Kapag bumaling tayo sa Diyos sa panahon ng ating mga paghihirap, mararanasan natin ang Kanyang patnubay, kapanatagan, at lakas.

Maaari ninyong kantahin o pakinggan ang himnong “Saligang Kaytibay” (Mga Himno, blg. 47) nang sama-sama bilang isang klase. Ang mga salitang nagpalakas kay Amanda Smith ay matatagpuan sa talata 7.

Mga banal na kasulatan na tumutulong sa atin na bumaling sa Diyos

Mag-ukol ng ilang oras upang maghanap ng mga banal na kasulatan na makapagpapatindi sa hangarin ninyong bumaling sa Diyos kapag nahaharap kayo sa mga paghihirap. Maaari ninyong pag-aralan ang ilan o ang lahat ng sumusunod na passage o maghanap ng ibang mga passage.

  • Ano ang nakita ninyong makabuluhan sa mga talatang pinag-aralan ninyo? Bakit?

  • Kailan kayo pinagpala ng Diyos o ang iba pang kakilala ninyo nang bumaling kayo sa Kanya nang maharap kayo sa isang mahirap na sitwasyon?

Bilang bahagi ng inyong talakayan tungkol sa naunang tanong, maaari kang magbahagi ng halimbawa mula sa sarili mong buhay.

Isipin ang iyong buhay

Upang matulungan ang mga estudyante na mapagnilayan ang kanilang natutuhan at nadama, anyayahan silang sagutan sa kanilang study journal ang kahit isa lang sa mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon na makapagpapalakas sa iyo sa susunod na pagkakataong maharap ka sa isang mahirap na sitwasyon?

  • Ano ang nadama mo na kailangan mong gawin dahil sa napag-aralan mo ngayon?

Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo, at hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa anumang pahiwatig na maaaring natanggap nila.