Seminary
Lesson 128—Doktrina at mga Tipan 115: “Sa Ganito Tatawagin ang Aking Simbahan”


“Lesson 128—Doktrina at mga Tipan 115: ‘Sa Ganito Tatawagin ang Aking Simbahan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 115,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 128: Doktrina at mga Tipan 115–120

Doktrina at mga Tipan 115

“Sa Ganito Tatawagin ang Aking Simbahan”

Mga salin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw

Upang matakasan ang pag-uusig sa Jackson County, Missouri, libu-libong Banal ang nagtipon sa humigit-kumulang 50 milya (80 km) pahilaga at bumuo ng bagong pamayanang tinatawag na Far West. Sa isang paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith sa Far West, inihayag ng Panginoon na ang Kanyang Simbahan ay dapat tawaging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Tinawag sa maling pangalan

Maaari kang makipag-usap sa ilang estudyante bago magsimula ang klase. Sabihin sa kanila na tawagin ka sa maling pangalan sa harap ng iba pang miyembro ng klase bago mo simulang ituro ang lesson. Maaari itong maging isang kasiya-siyang paraan para matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan ang kahalagahan ng paggamit ng mga tamang pangalan.

  • Ano na ang mga naging karanasan ninyo na nauugnay sa pagtawag sa inyo sa maling pangalan? Ano ang ipinadarama sa inyo ng ganitong mga uri ng mga karanasan?

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga maling pangalan na ginagamit kung minsan ng mga tao kapag tinutukoy ang Simbahan?

Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga dahilan kung bakit mahalagang gamitin ang tamang pangalan ng Simbahan. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naiisip. Pagkatapos, habang nag-aaral sila, hikayatin silang maghanap ng mga katotohanang makatutulong sa kanila na mas maunawaan ang kahalagahan ng paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas.

Ipinahayag ni Jesucristo ang pangalan ng Kanyang Simbahan

Ipaliwanag na matapos makaranas ng mas matinding pag-uusig mula sa mga kaaway ng Simbahan, nilisan ni Propetang Joseph Smith ang Kirtland, Ohio, noong Enero 1838. Lumipat siya at ang kanyang pamilya sa Missouri, kung saan itinatag ng mga Banal ang isang bagong pamayanan na tinatawag na Far West. Hindi nagtagal matapos lumipat, nakatanggap ang Propeta ng paghahayag kung saan nagbigay ang Panginoon ng patnubay tungkol sa pagtatayo ng Simbahan sa Far West.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 115:1–4, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga lider ng Simbahan sa Far West.

  • Ano ang itinuro ni Jesucristo tungkol sa pangalan ng Kanyang Simbahan?

    Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na matukoy na ipinahayag ni Jesucristo na ang pangalan ng Kanyang Simbahan ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Anyayahan ang mga estudyante na markahan ang pangalan ng Simbahan ni Cristo sa Doktrina at mga Tipan 115:4.

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng pangalang ito tungkol sa Simbahan?

  • Sa inyong palagay, bakit nais ni Jesucristo na tukuyin natin ang Kanyang Simbahan sa tamang pangalan nito?

Bilang bahagi ng inyong talakayan tungkol sa mga naunang tanong, maaaring makatulong na anyayahan ang mga estudyante na basahin ang 3 Nephi 27:7–8. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na iugnay o i-cross reference ang mga talatang ito sa Doktrina at mga Tipan 115:4.

Ang kahalagahan ng paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan

Kung maaari, bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan” (Liahona, Nob. 2018, 87–90). Mag-print ng mga kopya para sa mga estudyanteng walang digital access.

Habang nag-aaral ang mga estudyante, anyayahan silang alamin ang mga turo na tumutulong sa kanilang maunawaan ang kahalagahan ng paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas. Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang buong mensahe nang mag-isa, o maaari kang magtalaga ng maliliit na grupo na mag-aaral sa mga bahagi nito at pagkatapos ay sabihin sa kanila na ibahagi sa klase ang natutuhan nila.

Upang matulungan ang mga estudyante na matalakay ang kanilang mga natuklasan, maaari mong itanong ang tulad ng “Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa dahilan kung bakit mahalaga sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan?” o “Ano ang pinakamahalaga at pinakanauugnay para sa inyo mula sa mensahe ni Pangulong Nelson? Bakit?”

Kung hindi posible para sa mga estudyante na mag-aral nang direkta mula sa mensahe, maaari mong gamitin ang sumusunod na pahayag.

Tinalakay ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon:

Pangulong Russell M. Nelson

Ang pangalan ng Simbahan ay hindi dapat binabago. Kapag malinaw na ipinapahayag ng Tagapagligtas ang dapat ipangalan sa Kanyang Simbahan, at inuunahan pa Niya ng pahayag na, “Sa ganito tatawagin ang aking simbahan,” seryoso Siya. …

Mahal kong mga kapatid, ipinapangako ko na kung gagawin natin ang lahat para ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ibubuhos Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw, sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman. Magkakaroon tayo ng kaalaman at kapangyarihan ng Diyos para tulungan tayong dalhin ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. (Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 87, 89)

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako sa atin ni Pangulong Nelson kapag ginamit natin ang tamang pangalan ng Simbahan ni Jesucristo?

“Bumangon at magliwanag”

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 115:5–6, at alamin kung paano hinahangad ng Panginoon na pagpalain ang mga tao sa buong mundo sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga paanyaya ng Panginoon, maaari kang mag-ukol ng oras sa pagsuri ng mahahalagang salita o parirala. Halimbawa, maaari mong hilingin sa mga estudyante na idrowing o iaksiyon ang pariralang “bumangon at magliwanag“ (talata 5). Maaaring makatulong sa mga estudyante na maunawaang ang salitang sagisag na ginamit sa talata 5 ay tumutukoy sa sagisag, na “isang watawat … kung saan ang mga tao ay nagtitipon sa pagkakaisa ng layunin o pagkakakilanlan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sagisag,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Paano maaaring makatulong sa atin ang paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon na maigalang ang mga paanyaya ng Panginoon sa talata 5–6?

  • Paano kayo o ang isang kapamilya ninyo nagiging liwanag sa iba sa pamamagitan ng paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas?

Bilang bahagi ng inyong talakayan tungkol sa naunang tanong, maaari mong ibahagi ang sumusunod na karanasan, na ibinuod ni Elder Neil L. Andersen.

Ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isa sa maraming karanasan ng mga tao sa buong mundo:

13:36
Elder Neil L. Andersen

Libu-libong mga Banal sa mga Huling Araw ang walang takot na nagpapahayag ng pangalan ng Simbahan. Habang ginagawa natin ang ating bahagi, magsusunuran ang iba pa. Gustung-gusto ko ang kuwentong ito mula sa Tahiti.

Nagpasiyang sundin ng sampung taong gulang na si Iriura Jean ang payo ni Pangulong Nelson.

“Sa kanyang klase sa paaralan, pinag-usapan nila ang kanilang ginawa noong katapusan ng linggo … at ikinuwento ni Iriura ang tungkol … sa simbahan.

“Sinabi ng titser niyang si Vaite Pifao, ‘O, Mormon ka pala?’

“Matapang na sinabi ni Iriura, ‘Hindi po, … miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw!’

Sumagot ang titser niya, ‘Oo nga, … Mormon ka.’

“Ipinagpilitan ni Iriura, ‘Hindi po titser, miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw!’

“Namangha si Ms. Pifao sa matibay na paniniwala ni Iriura at napaisip kung bakit ipinipilit nitong gamitin ang mahabang pangalan ng kanyang simbahan. [Nagpasiya siyang dagdagan ang kaalaman tungkol sa Simbahan.]

“[Hindi nagtagal, nang si Sister] Vaite Pifao ay nabinyagan [nagpasalamat siya] na nagpasiyang sundin ni Iriura ang payo ni Pangulong Nelson.” (Neil L. Andersen, “Ang Pangalan ng Simbahan Ay Hindi Dapat Mababago,” Liahona, Nob. 2021, 118–19)

icon ng trainingMagtanong ng mga bagay na naghihikayat ng pagtuklas: Upang matulungan kang magsanay sa pagtatanong ng mga bagay na makatutulong sa mga estudyante na makatuklas ng mga katotohanan, tingnan ang training na may pamagat na “Lumikha ng mga tanong na naghihikayat ng pagsasaliksik na tutulong sa mga estudyante na matuklasan ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo sa sarili nila at hindi [naghihikayat] ng partikular na sagot mula sa kanila” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Ituro ang Doktrina.

  • Ano ang mahalaga para sa inyo mula sa karanasang ito?

  • Ano ang natutuhan o nadama ninyo ngayon na tumutulong sa inyo na mas maunawaan ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang utos ng Panginoon na gamitin ang tamang pangalan ng Simbahan sa mga pakikipag-ugnayan nila sa iba.