Seminary
Lesson 139—Doktrina at mga Tipan 130: Pagtuturo ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas


“Lesson 139—Docktrina at mga Tipan 130: Pagtuturo ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 130,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

Lesson 139: Doktrina at mga Tipan 129–132

Doktrina at mga Tipan 130

Pagtuturo ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas

tinuturuan ni Jesus ang mga tao

Ang ebanghelyo ay epektibong maituturo sa malalaking pagpupulong o sa maliliit, at pribadong pagtitipon. Ginamit ng Tagapagligtas ang mga pamamaraang iyon sa Kanyang ministeryo, gayundin si Propetang Joseph Smith. Ang teksto ng Doktrina at mga Tipan 130 ay naglalaman ng ilan sa mga turo ng Propeta sa maliliit na pagtitipon ng mga Banal na nakatira sa Ramus, Illinois. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na magsanay sa pagtuturo ng mga elemento ng doktrina ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mga sumusunod na aktibidad sa pag-aaral ay ginawa upang tulungan ang mga estudyante na ituro ang iba’t ibang bahagi ng lesson. Kung ayaw mong magturo ang mga estudyante, sumangguni sa “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” para sa mga ideya sa pagtuturo na maaari mong gamitin.

Si Jesucristo, ang Dalubhasang Guro

Para simulan ang klase, maaari kang magpakita ng larawan ni Jesucristo na nagtuturo sa mga tao at anyayahan ang mga estudyante na isipin kung ano kaya ang mararamdaman nila kung naroon sila. Maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Ano kaya ang maiisip o madarama ninyo kung naroon kayo habang nagtuturo si Jesus?

  • Sa palagay ninyo, paano naging epektibong guro ang Tagapagligtas?

Ipaliwanag na bilang mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas, marami tayong pagkakataon para ituro ang Kanyang ebanghelyo. Maaari mo ring ipakita ang sumusunod na mensahe mula sa Unang Panguluhan tungkol sa pagtuturo:

ang Unang Panguluhan

Mahal naming mga kapatid,

Isang magandang pagkakataon ang maituro ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo! May partikular na tungkulin man kayo na magturo o wala, kayo ay isang guro. Bilang disipulo ng Dalubhasang Guro na si Jesucristo, may mga pagkakataon kayong ibahagi ang Kanyang liwanag saanman kayo magtungo—sa tahanan, sa simbahan, sa paglilingkod ninyo sa iba, at sa inyong mga kaibigan. Ang pagtuturo ng ebanghelyo ay isang sagradong responsibilidad. Mahalagang bahagi ito ng gawain ng Panginoon, at pinakamabisa ito kapag ginagawa natin ito sa Kanyang paraan. (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: Para sa Lahat ng Nagtuturo sa Tahanan at sa Simbahan [2022], 1)

  • Ano ang ilang pagkakataon ng mga tinedyer para magturo at magpatotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?

Ipaliwanag sa mga estudyante na magkakaroon sila ng pagkakataong maghanda ng maikling lesson mula sa ilan sa mga turo sa Doktrina at mga Tipan 130 at magsanay sa pagtuturo ng kanilang lesson sa iba. Kung pinaplano mong hayaang magturo ang ilang estudyante sa buong klase, magandang pagkakataon ito upang siguraduhin sa kanila na hindi mo ito ipapagawa sa sinumang ayaw itong gawin.

Bago magsimula ang mga estudyante sa paghahanda ng mga lesson, maaari mong ibahagi ang sumusunod na impormasyon ng konteksto.

Noong Abril 2, 1843, nakipagkita si Propetang Joseph Smith sa mga Banal sa Ramus, Illinois, na humigit-kumulang 20 milya ang layo mula sa Nauvoo. Itinuro ni Joseph ang iba’t ibang katotohanan ng ebanghelyo, kabilang ang mga detalye tungkol sa Panguluhang Diyos, ang kahalagahan ng pagtatamo ng kaalaman sa buhay na ito, at kung paano natin matatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Nakatala ang mga turo ng Propeta sa Doktrina at mga Tipan 130.

Maghandang magturo

icon ng handoutUpang matulungan ang mga estudyante na maghandang magturo, ipamahagi ang handout na may pamagat na “Pagtuturo ng mga Katotohanan mula sa Doktrina at mga Tipan 130.” Anyayahan ang mga miyembro ng klase na sundin ang mga hakbang sa paghahanda ng lesson para sa patnubay. Dahil ang Doktrina at mga Tipan 130:22–23 ay isang doctrinal mastery passage, maaaring kailanganing hilingin sa ilang estudyante na maghandang talakayin ang paksang iyon upang matiyak na maituturo ang mga talatang iyon sa lesson.

Habang naghahanda ang mga estudyante, lumibot sa buong silid at tumulong kung kinakailangan. Maaari kang magbigay ng ilang mungkahi sa kung ano ang magagamit nila upang tulungan ang iba na aktibong makibahagi. Maaaring kabilang dito ang mga tanong sa talakayan, visual, bagay, pagbabahagi ng mga personal na karanasan, o pagsusulat.

Pagtuturo ng mga Katotohanan mula sa Doktrina at mga Tipan 130

Paghahanda ng lesson:

Hakbang 1: Pumili ng isa sa mga paksa sa pag-aaral sa ibaba at pag-aralan ang resources na ibinigay. Bigyang-pansin ang mga pahiwatig, ideya, at impresyon mula sa Espiritu Santo tungkol sa binabasa mo. Maaari ka ring maghanap ng iba pang resources upang mapalalim ang iyong pang-unawa sa iyong piniling paksa.

Hakbang 2: Gumawa ng lima hanggang pitong minutong lesson outline para sa pinili mong paksa. Maaari mong gamitin ang ilan sa mga sumusunod na tanong upang matulungan kang maghanda:

  • Paano maaaring makaapekto at dapat na makaapekto ang mga katotohanang ito sa ating kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Paano ko magagamit ang mga banal na kasulatan at salita ng mga propeta upang tulungan ang iba na mas maunawaan ang paksang ito?

  • Ano ang magagawa ko upang matulungan ang iba na makibahagi sa lesson at maging mga aktibong kalahok?

  • Anong mga karanasan ang maibabahagi ko o ano ang mapatototohanan ko?

  • Ano ang magagawa ko upang matulungan ang iba na maipamuhay ang paksang ito?

Mga paksang pag-aaralan at resources:

Opsiyon 1: Ang kaalaman at katalinuhan ay kasama nating babangon sa Pagkabuhay na Mag-uli.

Resources na pag-aaralan:

Doktrina at mga Tipan 130:18–19; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:118; 93:36

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Neal A. Maxwell

Kung pag-iisipan natin kung ano ang kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli, tila malinaw na ang ating katalinuhan ay babangon kasama natin, ibig sabihin ay hindi lamang ang ating IQ, kundi pati ang kakayahan nating tumanggap at magpamuhay ng katotohanan. Ang ating mga talento, katangian at kasanayan ay kasama nating babangon; walang alinlangang pati na ang ating kakayahang matuto, taglay na disiplina sa sarili, at kakayahang magtrabaho. (Neal A. Maxwell, We Will Prove Them Herewith [1982], 12)

Opsiyon 2: Nagtatamo tayo ng mga pagpapala mula sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga batas.

Resources na pag-aaralan:

Dotrina at mga Tipan 130:20–21; tingnan din sa Juan 7:17; Doktrina at mga Tipan 82:10

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Kung talagang gusto ninyo ang isang pagpapala, dapat ninyong alamin kung ano ang mga batas na sumasaklaw sa pagpapalang iyon at pagkatapos ay magsikap na maging masunurin sa mga batas na iyon. (Russell M. Nelson, “The Mission and Ministry of the Savior: A Discussion with Elder Russell M. Nelson,” Ensign, Hunyo 2005, 19)

Opsiyon 3: Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay may katawang may laman at mga buto. Ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu.

Resources na pag-aaralan:

Doktrina at mga Tipan 130:22–23; tingnan din sa Mateo 3:13–17; Mga Gawa 7:55–56

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

Naniniwala tayo na ang tatlong banal na personang ito na bumubuo sa isang Panguluhang Diyos ay nagkakaisa sa layunin, sa pag-uugali, sa patotoo, sa misyon. Naniniwala tayo na Sila ay kapwa puspos ng makadiyos na habag at pagmamahal, katarungan at awa, pagtitiyaga, pagpapatawad, at pagtubos. Sa palagay ko tumpak na sabihing naniniwala tayo na Sila ay isa sa bawat mahalaga at walang hanggang aspeto maliban sa paniniwala na Sila ay tatlong persona sa iisang katawan. … Ipinapahayag namin na makikita sa mga banal na kasulatan na ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay magkakahiwalay na persona, tatlong banal na nilalang. (Jeffrey R. Holland, “The Only True God and Jesus Christ Whom He Hath Sent,” Liahona, Nob. 2007, 40–41)

Karanasan sa pagtuturo

icon ng training Ipabatid sa mga mag-aaral na pinahahalagahan ang kanilang mga kontribusyon: Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang mga lesson na inihanda nila, tulungan silang malaman na ang kanilang mga kontribusyon sa lesson ay importante at pinahahalagahan. Upang higit na masanay ito, tingnan ang training na may pamagat na “Ipaalam na pinahahalagahan mo ang mga estudyante bago pa man sila magkomento o kapag itinaas nila ang kanilang kamay para magkomento.” na makikita sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo.

Matapos mong bigyan ng oras ang mga estudyante para maghanda ng lesson outline, maaari mong anyayahan ang ilan na ituro ang kanilang mga lesson sa harap ng klase. Maaari mo ring hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo, at maaari nilang halinhinang turuan ang isa’t isa. Sa mga pagtuturo ng estudyante, hikayatin ang mga miyembro ng klase na maging magalang at ganap na makibahagi sa proseso ng pagkatuto. Kung may sinumang estudyante na hindi kumportableng magturo sa seminary o kung wala nang oras bago magkaroon ng pagkakataon ang lahat, hikayatin silang subukang ituro ang kanilang lesson sa tahanan, sa simbahan, o sa isang kaibigan. Upang tapusin ang lesson, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na makatutulong sa inyo sa inyong mga kasalukuyang sitwasyon?

  • Ano ang natutuhan ninyo ngayon tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo ng Tagapagligtas?

  • Paano makatutulong sa inyo ngayon at sa hinaharap ang paggamit sa mga pagkakataon na ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo?

icon ng doctrinal masteryAng Doktrina at mga Tipan 130:22–23 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.

Isaulo

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan ng Doktrina at mga Tipan 130:22–23 at rebyuhin ang mga ito sa mga susunod na lesson. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa passage na ito ay “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto … ; ang Anak din; subalit ang Espiritu Santo ay … isang personaheng Espiritu.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”