Bagama’t ang batas ng Diyos noon pa man sa kasal ay sa pagitan ng isang lalaki at isang babae (tingnan sa Jacob 2:27, 30), may mga pagkakataon na iniutos Niya sa ilan sa Kanyang mga anak na mag-asawa nang higit sa isa. Ang mga unang taon ng ipinanumbalik na Simbahan ay isa sa mga panahong iyon. Iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na mag-asawa nang higit sa isa at ituro ang alituntunin sa iba. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan pa ang tungkol sa kautusan ng Panginoon sa ilang Banal na mag-asawa nang mahigit sa isa noong mga unang araw ng Simbahan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mahihirap na kautusan
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Noon pa man ay pinagagawa na ng Diyos ang Kanyang pinagtipanang mga anak ng mahihirap na bagay. (Russell M. Nelson, “Manindigan Bilang mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito,” Liahona, Okt. 2016, 27)
Ano ang ilang halimbawa ng mahihirap na bagay na ipinagagawa ng Diyos sa Kanyang mga anak?
Sa inyong palagay, bakit inuutusan ng Diyos kung minsan ang Kanyang mga anak na gumawa ng mahihirap na bagay?
Sa ating dispensasyon, iniutos ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na gawin ang maraming mahihirap na bagay. Ang isang mahirap na utos na ibinigay ng Diyos kay Joseph Smith ay pasimulan ang maramihang pag-aasawa, na kilala rin bilang poligamya, noong mga unang araw ng Simbahan.
Ang mga tagubilin ng Panginoon tungkol sa maramihang pag-aasawa
Habang isinasalin ang Biblia, nabasa ni Propetang Joseph Smith ang tungkol sa ilan sa mga tagapaglingkod ng Diyos na nag-asawa ng mahigit sa isang babae. Para malaman kung ano ang itinanong ni Joseph sa Diyos, basahin ang Doktrina at mga Tipan 132:1. Pagkatapos ay basahin ang mga talata 2 at 34–37, at alamin kung paano tumugon ang Panginoon sa tanong ng Propeta.
Anong katotohanan ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa kailan katanggap-tanggap ang maramihang pag-aasawa sa Panginoon?
Sa Aklat ni Mormon, nalaman natin na ilang Nephita ang nagsimulang mag-asawa nang higit sa isa na labag sa kalooban ng Diyos. Binigyang-katwiran nila ang kanilang mga ginawa batay sa mga salaysay sa banal na kasulatan mula sa Lumang Tipan (tingnan sa Jacob 2:23–24; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 132:38–39). Kinundena ng Panginoon ang mga gawaing ito at itinuro sa mga Nephita ang Kanyang pamantayan para sa kasal.
Basahin ang Jacob 2:26–27, 30, at alamin ang mga turo ng Panginoon sa mga Nephita.
Ano ang idinagdag ng mga talatang ito sa pagkaunawa ninyo tungkol sa maramihang pag-aasawa?
Paano makatutulong ang kaalamang ito sa mga tanong ninyo tungkol sa maramihang pag-aasawa sa mga unang araw ng Simbahan?
Maramihang pag-aasawa sa mga naunang Banal
Ano ang natutuhan ninyo mula sa inyong pag-aaral na nakatulong sa inyo?
Ano ang pakiramdam ni Joseph Smith at ng iba pang mga naunang miyembro ng Simbahan nang iutos sa kanila na mag-asawa nang mahigit sa isa?
Paano tinulungan ng Diyos ang mga Banal sa mahirap na utos na ito?
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
15:1
Ang pananampalataya ay hindi humihingi ng sagot sa bawat tanong ngunit naghahangad ng katiyakan at katapangan upang sumulong, at kung minsan ay tinatanggap na, “Hindi ko alam ang lahat, ngunit sapat ang nalalaman ko upang magpatuloy sa landas ng pagkadisipulo.” (Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Liahona, Nob. 2015, 66)
Ibuod ang natutuhan mo
Isipin kunwari na nakikipag-usap ka sa isang kaibigan na nag-iisip kung sinuway ni Joseph Smith ang kalooban ng Diyos nang pasimulan niya ang maramihang pag-aasawa sa Simbahan. Ibuod sandali sa inyong journal ang ilang punto na maaari ninyong ibahagi sa inyong kaibigan nang may kabaitan at tiyaga.