Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay isang mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon na kapag ang mag-asawa ay ibinuklod sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood at tapat sa kanilang mga tipan, ang kanilang kasal at pagsasama bilang mag-asawa ay tatagal hanggang sa kabilang-buhay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng walang hanggang kasal sa plano ng Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pag-unawa sa kasal
Ipinahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Isa sa mga dakilang gawain sa ating panahon … ay ang ipaunawa sa mga tao ang tunay na kahulugan at layunin ng kasal. (David A. Bednar, “The Divine Pattern of Eternal Marriage,” Ensign, Set. 2020, 41)
Paano ninyo ipapaliwanag “ang tunay na kahulugan at layunin ng kasal”?
Ano ang ilang halimbawa ng maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa kasal ngayon?
Walang hanggang kasal
Noong Mayo 1843, habang nasa Ramus, Illinois, sinabi ni Joseph Smith kina Benjamin at Melissa Johnson na balak niyang ikasal sila ayon sa batas ng Panginoon. Dahil ikinasal na sila, pabirong sinabi ni Benjamin na pakakasalan lamang niya ulit si Melissa kung liligawan siya nito. Ngunit seryoso si Joseph. Itinuro sa kanila ng Propeta ang doktrina ng walang hanggang kasal, pagkatapos ay ibinuklod ang mag-asawa sa kawalang-hanggan. Si William Clayton ay naglilingkod bilang tagasulat ni Joseph sa panahong iyon at isinulat niya ang mga turo nito, na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 131 (tingnan sa “Our Hearts Rejoiced to Hear Him Speak,” sa Revelations in Context [2016], 279–280).
Ano ang itinuturo sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng kasal sa plano ng Ama sa Langit?
Sa palagay ninyo, paano tayo maihahanda ng kasal na maging higit na katulad ng Diyos?
Ang kahalagahan ng kasal sa plano ng Diyos
Pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na mungkahi para makahanap ng mga karagdagang sagot sa tanong na “Bakit mahalaga sa Diyos ang kasal?” Idagdag ang mga katotohanang natutuhan mo sa listahan ng mga sagot sa iyong study journal.
Saliksikin ang mga banal na kasulatan. Pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 49:15–17; 132:19. Maghanap ng mga karagdagang passage na pag-aaralan sa pamamagitan ng paghahanap ng paksang “kasal” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Pag-aralan ang mga turo ng mga lider ng Simbahan. Hanapin ang salitang “kasal” sa Gospel Library app o sa bahaging mga paksa ng archive ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya.
Magpadala ng text message sa isang kapamilya o pinagkakatiwalaang nakatatanda na nagtatanong kung paano nila sasagutin ang tanong na “Bakit mahalaga sa Diyos ang kasal?”
Ano ang isang bagay na natutuhan ninyo na hindi pa ninyo nalaman noon?
Paano makatutulong sa inyo ang mga turo na ito kapag may napansin kayo na mga ideya sa mundo na salungat sa mga batas ng Diyos tungkol sa kasal?
Paano nakaiimpluwensya sa nadarama ninyo tungkol sa kasal ang pagtingin sa kasal mula sa pananaw ng Diyos?
Ipaliwanag ang doktrina ng kasal
Isipin na kunwari ay pinag-uusapan ninyo ng kaibigan mo ang iyong mga mithiin sa hinaharap. Nang banggitin mo na umaasa kang makasal, itinanong ng kaibigan mo, “Bakit pa ba mahalaga ang kasal?”
Ano ang isasagot mo sa iyong kaibigan gamit ang mga turo na napag-aralan mo ngayon?