Lesson 147—Doktrina at mga Tipan 135: Ang Pagkakamartir ni Joseph Smith, ang Propeta
“Lesson 147—Doktrina at mga Tipan 135: Ang Pagkakamartir ni Joseph Smith, ang Propeta,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 135,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Pagkaraan ng maraming taon ng pamumuno sa mga Banal, ibinilanggo si Propetang Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum sa Piitan ng Carthage. Noong Hunyo 27, 1844, sumalakay ang mga mandurumog at pinaslang ang dalawang lalaki. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na mapalakas ang kanilang patotoo tungkol kay Joseph Smith bilang Propeta ng Pagpapanumbalik ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
“Ang Propeta at Tagakita ng Panginoon”
Paano maiiba ang inyong buhay kung wala ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith?
Paano naimpluwensyahan ni Joseph Smith at ng kanyang gawain bilang propeta ang inyong kaalaman at ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Ang mga pangyayari na humantong sa Piitan ng Carthage
Payapang namuhay sa Illinois si Joseph Smith at ang mga Banal nang humigit-kumulang tatlong taon. Noong 1842, sila ay muling nagsimulang makaranas ng oposisyon. Ang mga tumiwalag sa Simbahan at ang mga kaaway ng Simbahan ay nagkaisa sa paglaban sa Propeta at sa mga Banal. Ang ilang mamamayan ng Illinois ay nagsimulang mangamba at magalit sa impluwensysa ng mga Banal sa pulitika. Ang iba naman ay lalong nainggit sa pag-unlad ng ekonomiya sa Nauvoo. Ang pag-uusig laban sa mga Banal ay humantong din sa mga maling pagkaunawa tungkol sa mga gawain, tulad ng pag-aasawa nang higit sa isa, na iniulat nang mali ng ilang nag-apostasiyang miyembro ng Simbahan. Pagsapit ng tag-init ng 1844, labis na tumindi ang pagkapoot sa Simbahan.
Noong Hunyo 7, 1844, si William Law, na naglingkod bilang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, at ang iba pang mga nag-apostasiya ay naglathala ng unang isyu ng pahayagan na tinawag na Nauvoo Expositor upang pasiklabin ang galit ng publiko sa Propeta at sa Simbahan. Itinuring ni Joseph Smith at ng karamihan sa Nauvoo city council na nakakaperhuwisyo sa publiko ang pahayagan at iniutos nilang wasakin ang palimbagan ng Nauvoo Expositor. Ang utos na ito ay naaayon sa batas noong panahon ni Joseph Smith.
Ilang residente ng karatig na lugar ang tumutol sa mga Banal at sa pagkawasak ng palimbagan. Pinayuhan ni Gobernador Thomas Ford ng Illinois si Joseph Smith at ang iba pang lider ng Simbahan na maglakbay patungo sa bayan ng Carthage at lutasin ang sitwasyon ayon sa batas. Pinangakuan niya sila ng lubos na proteksyon at makatarungang paglilitis kung kusa silang pupunta. Sa kabila ng mga pangakong ito, kumbinsido ang Propeta na papatayin siya kung pupunta siya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 135:4). Gayunpaman, noong Hunyo 24, 1844, nilisan nina Joseph at Hyrum Smith at ng ilang iba pa ang Nauvoo patungo sa Carthage upang subukan at panatilihing ligtas ang mga Banal mula sa karahasan ng mga mandurumog.
Matapos manatili nina Joseph at Hyrum sa bilangguan nang ilang araw, sumalakay ang mga mandurumog.
Ang pagkakamartir
Inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 135, na orihinal na inilathala nang wala pang tatlong buwan matapos ang pagkakamartir, kung ano ang nangyari. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 135:1–2, at alamin ang mga detalye tungkol sa pagkakamartir o pagpaslang at kung sino ang nakasaksi nito. (Kung gusto ninyo ng mas marami pang detalye, basahin ang Doktrina at mga Tipan 135:4–7.)
Ano ang natuklasan ninyo?
Ano ang maaaring maisip o madama ninyo kung naging saksi kayo sa kahindik-hindik na pangyayaring ito?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 135:3, at alamin ang ilan sa mga paraan na pinagpala tayo ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Anong mga katotohanan ang mahalaga sa iyo? Bakit?
Bagama’t nagwakas ang mortal na buhay ni Joseph Smith noong Hunyo 27, 1844, ang kanyang gawain, patotoo, at impluwensya ay nakatulong sa milyun-milyong anak ng Ama sa Langit na lumapit kay Jesucristo at matanggap ang mga pagpapala ng kaligtasan.
“Ang kanyang misyon at kanyang mga gawain”
Isulat ang “Ang gawain ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith” sa gitna ng isang pahina sa iyong study journal.
Sa paligid ng pariralang ito, isulat o idrowing ang 4-5 bagay na itinuro o ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ni Joseph Smith. Kung maaari, magsama ng scripture reference para sa bawat paraan. Halimbawa:“Ang Unang Pangitain” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–19).
Isama ang iyong mga naiisip at nadarama kung paano nakatutulong sa iyo ang bawat bagay na inilista mo upang mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Halimbawa:Sa pamamagitan ni Joseph Smith, mas nauunawaan ko ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Alam ko na sasagutin ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin at ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay dalawang magkahiwalay na persona.
2:3
Dapat nating alalahanin palagi ang sakripisyong ginawa nina Joseph at Hyrum Smith, pati na ng napakaraming iba pang matatapat na lalaki, babae, at bata, upang maitatag ang Simbahan para matamasa ko at ninyo ang maraming pagpapala at lahat ng katotohanang inihayag sa atin ngayon. Hindi dapat makalimutan ang kanilang katapatan kailanman! (M. Russell Ballard, “Hindi Ba Tayo Magpapatuloy sa Isang Napakadakilang Adhikain?,” Liahona, Mayo 2020, 11)
Kung nais ng isang tao na mas maunawaan kung paano siya pinagpala ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ano ang irerekomenda ninyong gawin niya?