“Lesson 148—Paghalili sa Panguluhan: Pinili ng Panginoon na Mamuno sa Simbahan,“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Paghalili sa Panguluhan,“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Noong panahon ni Joseph Smith, hindi pa kailanman naranasan ng mga miyembro ng Simbahan na mamatayan ng isang propeta. Ang pagkakamartir o pagkamatay bilang martir nina Joseph at Hyrum ay hindi lamang masakit sa damdamin ngunit posible ring magdulot ng kalituhan at kawalang-katiyakan kung sino ang mamumuno sa Simbahan. Gayunpaman, ang Panginoon ay naghanda ng paraan upang magpatuloy ang Kanyang Simbahan sa ilalim ng pamumuno ng propeta. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na madagdagan ang kanilang tiwala na patuloy na pamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang gawain kahit pumanaw ang isang propeta.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang bagong lider ng Simbahan
Para simulan ang klase, maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon.
Kunwari ay may kaibigan kang nagngangalang Gabriel na sumapi sa Simbahan kamakailan kasama ang kanyang pamilya. Isang araw pagkaalis sa seminary, tinanong ka niya ng ilang bagay tungkol sa pamumuno sa Simbahan. Iniisip niya kung ano ang mangyayari kapag namatay ang Pangulo ng Simbahan at kung paano pinipili ang isang bagong propeta. Iniisip pa nga niya kung paano natin matitiyak na tamang tao ang napiling propeta.
Sa scale na 1 hanggang 5, 1 bilang mababa at 5 bilang mataas, gaano ka kakumpiyansa sa kakayahan mong sagutin ang tanong ni Gabriel?
Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan kung paano ginagawa ang mga pagbabago sa pamunuan ng Simbahan?
Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na hingin ang tulong ng Espiritu Santo sa kanilang pag-aaral habang higit pa nating pinag-aaralan ang huwaran na itinatag ng Panginoon para sa pagpili ng mga mamumuno sa Kanyang Simbahan. Anyayahan silang maghangad ng paghahayag kung bakit mahalaga na malaman nila ito ngayon sa kanilang buhay.
Sino ang papalit sa pamumuno ni Joseph Smith?
Maaaring makatulong sa mga estudyante na maunawaan ang ilan sa konteksto na hahantong sa unang pagbabago sa pamunuan ng Simbahan. Para magawa ito, maaari mong ibuod o basahin ang sumusunod:
Sa panahong namatay si Joseph Smith bilang martir, hindi pa kailanman naranasan ng mga miyembro ng Simbahan na mamatayan ng isang propeta. Bukod pa sa matinding pagdadalamhati sa pagkamatay ni Joseph, hindi tiyak ng ilan kung paano magpapatuloy ang Simbahan. Karamihan sa mga Apostol ay nasa silangang Estados Unidos at naglilingkod sa misyon nang marinig nila ang tungkol sa pagkamatay nina Joseph at Hyrum. Nang malaman nila ang malungkot na balita, sila at ang iba pang missionary ay nagsimulang maglakbay pabalik sa Nauvoo.
Sa pagkawala ng Pangulo ng Simbahan, ang ilang tao ay nagbigay ng iba’t ibang pahayag tungkol sa kung ano ang dapat na mangyari sa pamunuan ng Simbahan.
Maaari kang mag-anyaya ng tatlong estudyante na pumunta sa harap ng klase. Maaari mong ipabasa nang malakas sa bawat estudyante ang isa sa sumusunod na tatlong talata. Para sa iyong impormasyon, tumutukoy kay Sidney Rigdon ang unang salaysay sa ibaba. Ang pangalawang salaysay ay kay Brigham Young. Ang pangatlong salaysay ay kay James Strang. Huwag munang ipaalam sa mga estudyante ang mga pangalan.
Sinabi ng Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan na sinabi sa kanya sa isang pangitain na walang sinuman ang makahahalili kay Joseph. Iminungkahi niya na siya ang dapat na maging “tagapangalaga“ ng Simbahan.
Sinabi ng Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol na ipinagkaloob ni Joseph Smith sa Korum ng Labindalawa ang awtoridad ng Tagapagligtas na pamunuan ang Simbahan.
Isang miyembro na nabinyagan apat na buwan bago ang pagkamatay ni Joseph ang nagpakita ng liham na may lagda ni Joseph Smith na nagtatalaga sa kanya bilang kahalili ni Joseph.
Sa inyong palagay, paano kayo tutugon sa mga pangyayaring ito kung isa kang miyembro ng Simbahan sa panahong ito?
Ano kaya ang mga alalahanin ninyo tungkol sa anuman sa mga pahayag?
Isang huwaran na itinatag ng Panginoon
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga banal na kasulatan, mga pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, at iba pang tulong o sources na itinalaga ng Diyos kung paano natin malalaman na ang propeta ang piniling tagapaglingkod ng Panginoon. Bilang bahagi ng kanilang pag-aaral, sabihin sa mga estudyante na gamitin ang sumusunod na handout upang matutuhan kung paano nalaman ng mga Banal kung sino ang susundin pagkatapos ni Joseph Smith:
Bago ang kanyang pagkamatay, itinuro ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod sa Korum ng Labindalawang Apostol:
Mga kapatid, … [m]ay mahalagang pangyayari na malapit nang maganap. Maaaring patayin ako ng aking mga kaaway. At sakali mang gawin nila iyon, at hindi ko naigawad sa inyo ang mga susi at kapangyarihan, mawawala ang mga ito sa mundo. Ngunit kung mapagtatagumpayan kong maipatong ang mga ito sa inyong mga ulunan kung gayon maaaari na akong mapasakamay ng mga mamamatay-tao kung tulutan ito ng Diyos, at maaari na akong pumanaw nang may galak at kasiyahan, nalalamang natapos ko na ang gawain, at nailatag na ang pundasyon kung saan itatayo ang kaharian ng Diyos sa dispensasyong ito ng kaganapan ng panahon.
Sa mga balikat ng Labindalawa dapat nakaatang ang responsibilidad na pamunuan ang Simbahang ito hanggang sa humirang kayo ng mga taong papalit sa inyo. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 623 )
Itinuro din ni Joseph Smith na ang Unang Panguluhan lang ang tanging grupo na nasa itaas ng Korum ng Labindalawang Apostol, ngunit kapag namatay ang propeta, nabubuwag ang Unang Panguluhan (tingnan sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume B-1 , 691, josephsmithpapers.org ).
Mula sa natutuhan mo, ano ang makatutulong sa iyo na tumugon sa tatlong pahayag na inilahad kanina?
Anong huwaran ang itinatag ng Panginoon para sa pagpapatuloy ng pamunuan ng Kanyang Simbahan kapag namatay ang propeta?
Nang magsalita si Brigham Young sa mga Banal sa isang malaking pulong, marami ang nakapagtala ng mahimalang karanasan at nakadama ng pagpapatibay ng Espiritu Santo.
Ibinahagi ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901), na kalaunan ay naglingkod sa Unang Panguluhan:
Si Brigham Young … ay tumayo at nagsalita sa mga tao. … Na sa pagkakataong iyon ang mga naroroon ay kailanman hindi malilimutan ang impresyon na ginawa nito sa kanila! Kung si Joseph ay babangong muli mula sa mga patay at muling magsasalita sa kanila, ang epekto ay hindi magiging ganoong nakabibigla sa mga naroroon sa pulong na iyon. Iyon ang tinig ni Joseph mismo; at hindi lamang tinig ni Joseph ang narinig; ngunit tila sa mata ng mga tao ay ang mismong katauhan ni Joseph ang nakatayo sa harapan nila. Wala pa kaming naririnig na pangyayari na higit na kalugud-lugod at kahima-himala kaysa sa nangyari sa araw na iyon sa harap ng kongregasyon. Ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga tao ang patotoo na nagbigay-katiyakan sa kung sinong tao ang Kanyang pinili upang mamuno sa kanila. Kapwa nila nakita at narinig ng kanilang likas na mga mata at tainga, at pagkatapos ay dumating ang mga salitang sinambit, kasama ang nakapanghihikayat na kapangyarihan ng Diyos, sa kanilang mga puso, at sila ay napuspos ng Espiritu at ng labis na kagalakan. Nagkaroon ng lungkot, at, sa ilang puso marahil ay pag-aalinlangan at kawalang-katiyakan; ngunit ngayon ay malinaw sa lahat na narito ang tao na pinagkalooban ng Panginoon ng kailangang awtoridad na kumilos sa kalipunan nila bilang kahalili ni Joseph (George Q. Cannon, “Joseph Smith, the Prophet,” Juvenile Instructor , Okt. 1870, 174–75).
Naitala ito ni Emily Smith Hoyt, isang miyembro na naroon noong nagsalita si Brigham Young sa mga Banal:
“Ang pamamaraan ng pagpapaliwanag, ang ekspresyon ng mukha, ang tinig ng boses ay nagbigay-sigla sa buo kong kaluluwa. Nakita ng sarili kong mga mata ang pinaslang na labi ni Joseph. Ang aking sariling mga kamay, ay nadama sa kanyang noo na noon ay puno ng buhay ang nagyeyelong lamig na dulot ng kamatayan. Alam kong patay na si Joseph. Ngunit madalas pa rin akong namamangha at biglang napapatingin sa pulpito para tingnan kung hindi iyon si Joseph. Hindi nga siya, iyon ay si Brigham Young at kung sinuman ang nagdududa sa karapatan ni Brigham na pamahalaan ang mga gawain para sa mga Banal, ang tangi kong masasabi sa kanila ay ito. Malalaman mo para sa iyong sarili sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos. Maglalaan ang Panginoon sa kanyang mga tao (Emily Smith Hoyt, sa Lynne W. Jorgensen, “The Mantle of the Prophet Joseph Passes to Brother Brigham: A Collective Spiritual Witness ,” BYU Studies , vol. 36, no. 4 [1996–97], 164).
Kung naroon ka, paano ka kaya naapektuhan ng karanasang ito?
Paano maiuugnay ang Moroni 10:5 sa iyong napag-aralan?
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na kapag namatay ang Pangulo ng Simbahan, nabubuwag ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ang namumuno sa Simbahan . Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga Apostol na naglilingkod sa Unang Panguluhan ay babalik sa kanilang posisyon ayon sa seniority sa Korum ng Labindalawa. Tiyakin na nauunawaan din ng mga estudyante na ang Apostol na naglilingkod nang pinakamahaba ay ang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol at, dahil dito, ang magiging susunod na Pangulo ng Simbahan.
Maaari ding tukuyin ng mga estudyante na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, maaari tayong makatanggap ng patotoo na ang yaong mga namumuno sa Simbahan ay tinawag ng Diyos.
Para tapusin ang lesson, maaari mong pahintulutan ang mga estudyante na gamitin ang kanilang natutuhan upang tumugon sa sitwasyon sa simula ng lesson. Ang isang paraan upang magawa ito ay ipasadula sa mga estudyante nang may kapartner. Bilang bahagi ng kanilang sagot, maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isama ang kanilang sariling patotoo na ang propeta ang piniling lider ng Panginoon.
Naitala ng iba pang Banal, tulad nina Benjamin F. Johnson, William C. Staines, at Wilford Woodruff, na narinig nila ang boses ni Joseph Smith o nakita nila si Joseph Smith noong nagsalita si Brigham Young (tingnan sa Benjamin F. Johnson, My Life’s Review [1947], 104; History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume F-1, 300, josephsmithpapers.org ).
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa tugon ng mga miyembro at lider ng Simbahan sa tanong tungkol sa kung paano dapat na magpatuloy ang pamumuno sa Simbahan, tingnan sa kabanata 45 ng Mga Banal , Tomo 1 ([2018], 630–48).
Kasunod ng pagkamatay ni Pangulong Thomas S. Monson, ibinahagi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
2:3
Isang espesyal na pandaigdigang brodkast sa pagpapakilala ng bagong Unang Panguluhan noong Enero 16, 2018.
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
Alam ng Diyos ang lahat ng bagay, ang wakas mula sa simula, at walang tao na nagiging pangulo ng simbahan ni Jesucristo nang hindi sinasadya, o nananatili roon nang nagkataon lang, o pumapanaw nang hindi sinasadya. (Ezra Taft Benson, “Jesus Christ—Gifts and Expectations ,” New Era , Mayo 1975, 16–17)
Ang sumusunod na Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan ay nagbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa mga pangyayaring naganap kasunod ng pagkamatay ni Propetang Joseph Smith hinggil sa pamunuan ng Simbahan: “Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan ,” ChurchofJesusChrist.org/study/history/topics .
Ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ginawa ng kanyang asawang si Kathy upang makatanggap ng patotoo na ang tungkulin ni Pangulong Russell M. Nelson ay mula sa Diyos:
2:3
Itinuro ni Elder Andersen na may kaligtasan at kapayapaan sa pagsunod sa propeta, na ang pinakamahalagang tungkulin ay ang ituro ang daan patungo sa Tagapagligtas.
Mayroon tayong pribilehiyo bilang mga Banal sa mga Huling Araw na tanggapin ang isang personal na kumpirmasyon na ang tawag ni Pangulong Nelson ay mula sa Diyos. Bagama’t halos tatlong dekada nang personal na nakikilala ng aking asawang si Kathy si Pangulong Nelson at walang pag-aalinlangan sa kanyang banal na balabal, nang siya ay inorden at itinalaga, sinimulan ng aking asawa na basahin ang mga mensahe ni Pangulong Nelson sa nakalipas na 34 na taon, nananalangin para sa mas malalim na katiyakan ng kanyang tungkulin bilang propeta. Ipinapangako ko sa inyo na magkakaroon kayo ng ganitong mas malalim na patotoo kapag hinangad ninyo ito nang may pagpapakumbaba at pagkamarapat. (Neil L. Andersen, “Ang Propeta ng Diyos ,” Liahona , Mayo 2018, 25–26)
Upang higit pang mailarawan ang katotohanan na pinamunuan ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Simbahan pagkatapos ng pagkamatay ng propeta, maaari mong ibahagi ang karanasan ni Brigham Young sa pagbabasa ng liham na nagbabalita ng pagkamatay ni Joseph Smith. Itinala ni Brigham ang sumusunod:
Nang natanggap namin ang liham na iyon, naroon ako at si Orson Pratt at binasa ang liham. Nadama ko noon ang kailanman ay hindi ko nadama sa buhay ko. … Nalugmok sa paghihinagpis ang ulo ko akala [ko] ay mabibiyak ito. … Wala na ba sa lupa ang Pagkasaserdote? Wala na sina Joseph at Hyrum Smith. [Pagkatapos] ay bigla kong naisip. Ito ay dumating sa akin tulad ng Paghahayag—narito ang mga susi ng kaharian. (Brigham Young, sa Historian’s Office General Church Minutes, Feb. 12, 1849, 2, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay, pagbabantas, at balarila sa pamantayan)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang nangyari sa Unang Panguluhan matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith, maaari mong ipaliwanag na ang Unang Panguluhan ay hindi palaging agaran na inoorganisang muli matapos ang pagkamatay ng Pangulo ng Simbahan.
Maaari mong itanong sa mga estudyante kung alam nila kung gaano katagal bago muling inorganisa ang Unang Panguluhan matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith.
Depende sa kanilang pag-unawa, maaari mong ibahagi ang ilan o ang lahat ng sumusunod:
Matapos ang pagkamatay ni Propetang Joseph Smith, pinamunuan ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Simbahan nang tatlo at kalahating taon bago muling inorganisa ang Unang Panguluhan. Gayundin, pinamunuan ng Labindalawa ang Simbahan nang mahigit tatlong taon kasunod ng pagkamatay ni Pangulong Brigham Young at sa loob ng halos dalawang taon kasunod ng pagkamatay ni Pangulong John Taylor. Gayunpaman, nang mamatay si Pangulong Wilford Woodruff noong Setyembre 2, 1898, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Lorenzo Snow at ang iba pang miyembro ng Labindalawa na muling iorganisa ang Unang Panguluhan pagkaraan lamang ng 11 araw, noong Setyembre 13 (tingnan sa George Q. Cannon, “Remarks,” Deseret Weekly , Okt. 8, 1898, 514). Mula sa panahong iyon, ang Korum ng Labindalawang Apostol ay karaniwang namumuno sa Simbahan sa maikling panahon lamang bago maitalaga ang bagong Pangulo ng Simbahan at maiorganisang muli ang Unang Panguluhan.
Upang mabigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibuod ang kanilang natutuhan, maaari kang magbigay ng mga larawan ng kasalukuyang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa 15 estudyante. Maaaring tumayo ang mga estudyante na ito sa harapan ng silid at iorganisa ang kanilang sarili bilang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na ipakita kung ano ang mangyayari sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol, ayon sa huwaran ng Panginoon, kapag namatay ang Pangulo ng Simbahan.