Seminary
Lesson 149—Doktrina at mga Tipan 136: Ang Paglalakbay Pakanluran: Isang Tipan ng Paglalakbay patungo sa Salt Lake Valley


“Lesson 149—Doktrina at mga Tipan 136: Ang Paglalakbay Pakanluran: Isang Tipan ng Paglalakbay patungo sa Salt Lake Valley,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 136: Ang Paglalakbay Pakanluran,“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 149: Doktrina at mga Tipan 135–136

Doktrina at Mga Tipan 136: Ang Paglalakbay Pakanluran

Isang Tipan ng Paglalakbay patungo sa Salt Lake Valley

isang babae at mga bata na nagtatrabaho sa bukid

Noong Pebrero ng 1846, umalis sa Nauvoo ang unang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nagtungo sa mga hindi kilalang lupain sa Kanluran. Sa Winter Quarters, Nebraska, natanggap ni Pangulong Brigham Young ang ngayon ay Doktrina at mga Tipan 136. Sa paghahayag na ito, ipinangako ng Tagapagligtas na pagpapalain ang mga Banal kapag tapat nilang tinupad ang kanilang mga tipan sa paglalakbay nila pakanluran. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan na sila ay pagpapalain ng Ama sa Langit sa pagsisikap nilang tuparin ang kanilang tipan na sundin ang Kanyang mga utos.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isang mahaba at mahirap na paglalakbay

Para simulan ang klase, magpakita ng larawan ng isang bagon na may bubong at isang mapa ng landas na tinahak ng mga pioneer. Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang kanilang madarama kung kailangan nilang maglakbay tulad ng ginawa ng mga naunang Banal. Maaari mong basahin o ibuod ang sumusunod na talata upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang isinakripisyo ng mga naunang Banal upang sundin ang utos ng Panginoon na maglakbay sila pakanluran.

bagon na may bubong
ang mapa ng paglalakbay pakanluran

Mahigit 60,000 Banal sa mga Huling Araw ang naglakbay sakay ng bagon na may bubong o kariton mula Nauvoo patungo sa Salt Lake Valley sa pagitan ng 1846 at 1868. Nag-impake lamang ang mga pamilya ng kung ano ang kakasya sa bagon na may bubong o kariton. Naiwan na ang lahat ng iba pa. Wala nang epasyo ang mga bagon para sa mga sasakay maliban kung sila ay may sakit o sugatan. Karamihan sa pamilya ay kinailangang maglakad nang 1,200 milya (1,900 km) mula Nauvoo patungo sa Salt Lake Valley.

Bilang reperensya, maaari mong ipakita ang mapa ng iyong lugar at markahan ang isang lokasyong 1,200 milya (1,900 km) ang layo.

  • Ano kaya ang mga alalahanin ninyo tungkol sa paglalakbay na ito?

  • Paano kayo matutulungan ng Tagapagligtas na matiis ang ganitong uri ng paglalakbay? Paano kayo kikilos nang may pananampalataya sa Kanya habang kayo ay naglalakbay?

Maaari mong itanong sa mga estudyante kung paano maaaring katulad ng ating indibiduwal na paglalakbay sa buhay ang paglalakbay pakanluran ng mga pioneer na Banal noon. Upang dagdagan ang mga sagot ng mga estudyante, ibigay ang sumusunod na pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard:

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong M. Russell Ballard

Bagama’t angkop at mahalagang alalahanin ang makasaysayang paglalakbay ng mga Mormon pioneer noong ika-19 na siglo, dapat nating alalahanin na “ang paglalakbay sa buhay ay nagpapatuloy!” para sa bawat isa sa atin habang pinatutunayan natin ang ating “pananampalataya sa bawat hakbang.” …

Ang paglalakbay pabalik sa ating Ama sa Langit ang pinakamahalagang paglalakbay sa ating buhay, at patuloy ito bawat araw, bawat linggo, bawat buwan, at bawat taon habang pinag-iibayo natin ang ating pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. …

Manatili sa landas ng ebanghelyo sa pagkakaroon ng “pananampalataya sa bawat paghakbang” upang makabalik kayo nang ligtas sa piling ng Ama sa Langit at ng Panginoong Jesucristo. (M. Russell Ballard, “Patuloy ang Paglalakbay!,” Liahona, Nob. 2017, 105–6).

  • Ano ang mahalaga para sa inyo mula sa turo ni Pangulong Ballard?

Habang nag-aaral kayo ngayon, pagnilayan ang kalagayan ng inyong paglalakbay sa buhay. Paano kayo mas napapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Paano ninyo nakita ang Kanilang tulong sa buong paglalakbay na ito? Mapanalanging pagnilayan kung paano kayo umuunlad at kung paano kayo maaaring nahihirapan.

Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang patnubay ng Espiritu upang matulungan sila na malaman kung paano sila pinagpapala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ngayon at kung paano sila patuloy na personal na mapagpapala sa kanilang buong paglalakbay sa buhay.

Ang salita at kalooban ng Panginoon

Maaari mong basahin o ibuod ang sumusunod na talata upang maibigay ang konteksto sa kasaysayan ng Doktrina at mga Tipan 136. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Winter Quarters sa mapa.

Matapos ang mahaba at mahirap na paglalakbay sa Iowa, nakahanap ang mga Banal ng pansamantalang kanlungan sa isang lugar na pinangalanan nilang Winter Quarters sa Nebraska. Hindi handang magpalipas ng taglamig doon, ang mga Banal ay nagdanas ng gutom, sakit, at kamatayan, na sumubok sa kanilang lakas at pagtitiis. Sa Winter Quarters noong Enero 1847 natanggap ni Pangulong Brigham Young ang ngayon ay Doktrina at mga Tipan 136. Sa paghahayag na ito, tinagubilinan ng Tagapagligtas ang mga Banal kung paano maghahanda at magpapatuloy sa kanilang malayong paglalakbay pakanluran.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 136:1–11, at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Banal habang sila ay naglalakbay pakanluran.

  • Ano ang mahalaga para sa inyo mula sa mga talatang ito?

Pakinggang mabuti ang mga sagot ng mga estudyante. Kung makatutulong, itanong ang ilan sa mga sumusunod: “Sa talata 2 at 4, ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga Banal tungkol sa paggawa at pagtupad ng kanilang mga tipan?” “Paano pinangangalagaan ng mga Banal ang isa’t isa at ang mga sumunod sa kanila?” “Ayon sa talata 11, anong mga pagpapala ang ipinangako ng Tagapagligtas kung gagawin at tutuparin ng mga Banal ang kanilang mga tipan sa buong paglalakbay?”

Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanan na kapag tinutupad natin ang ating mga tipan na sundin ang mga kautusan ng Panginoon, pagpapalain Niya tayo sa lahat ng bagay.

Basahin ang Mosias 18:8–10 at Doktrina at mga Tipan 20:77, at alamin ang anumang pagkakatulad sa mga tipan na ginagawa natin sa pagbibinyag at sa sakramento.

Pananampalataya sa bawat paghakbang

Para sa susunod na bahagi ng lesson, maaari mong iorganisa ang mga estudyante sa “mga grupo ng mga pioneer.” Maaari mong ayusin ang mga mesa o upuan nang pabilog upang sama-samang talakayin ng mga grupo ang mga talata at tanong. Bawat grupo ay maaaring pumili ng isang “kapitan” na magbabahagi sa klase kung ano sa palagay nila ang makabuluhan mula sa kanilang talakayan.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 136:19–29 at markahan ang mga kautusang ibinigay ng Tagapagligtas sa mga Banal habang sila ay naglalakbay pakanluran. Pumili ng ilang kautusan na mahalaga sa inyo.

  • Bakit mahalagang sundin ng mga grupo ng mga pioneer ang mga napili ninyong mga kautusan?

  • Paano makatutulong sa atin ang pagsunod sa mga kautusan ding iyon?

  • Anong mga pagpapala ang maaaring ibigay sa atin ng Panginoon sa pagsunod sa mga kautusang iyon ngayon?

Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang mga sumusunod na kuwento ng mga pioneer at talakayin ang mga sumusunod na tanong sa mga grupo o bilang isang klase. Kung gagawin sa mga grupo, tiyakin na mayroon ang mga estudyante ng lahat ng tagubilin at tanong na kakailanganin nila at alam ng mga lider ng grupo na ibabahagi nila ang mahahalagang napag-usapan sa talakayan o maaaring atasan ang iba pang miyembro ng grupo na magbahagi.

Masunuring naglakbay ang mga Banal nang libu-libong milya patungo “sa lugar na pagtatayuan ng Panginoon ng isang istaka ng Sion” (Doktrina at mga Tipan 136:10). Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ilan sa mga paraan na pinagpala ng Panginoon ang mga pioneer nang magsikap silang tuparin ang kanilang mga tipan na sundin ang Panginoon, maaari mong gawin ang isa sa sumusunod:

  • Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng paboritong kuwento tungkol sa paglalakbay ng mga pioneer patungo sa Salt Lake Valley upang ibahagi sa kanilang grupo.

  • Magbigay ng mga pagpipiliang kuwento mula sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846–1893 (2020), 64–115 at mula sa “Pioneers” o “The Trek West” sa ChurchofJesusChrist.org na maaaring basahin ng mga estudyante sa kanilang mga grupo.

  • Ipakita ang video na “Watched Over by God: Elizabeth Panting’s Journey to Zion” mula sa time code na 7:47 hanggang 11:16, ang kuwento ng isang himala sa landas na tinahak ng mga pioneer.

16:20
  • Paano ipinapakita ng kuwento ng mga pioneer na ito ang mga pagpapala ng Panginoon kapag nagsisikap tayong sundin ang Kanyang mga kautusan?

  • Paano makatutulong ang kuwentong ito sa mga tinedyer ngayon kapag nakipagtipan sila na susundin ang mga kautusan ng Diyos?

Mga aral sa paglalakbay ng mga pioneer

Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano sila pinagpala ng Ama sa Langit sa kanilang paglalakbay sa buhay nang sundin nila ang Kanyang mga kautusan. Itanong kung may mga estudyante na gustong magbahagi ng kanilang mga karanasan. Maaari mo ring ibahagi ang iyong mga karanasan.

Anyayahan ang lahat ng miyembro ng klase na isulat ang kanilang natutuhan ngayon na maaari nilang ibahagi sa isang kapamilya o kaibigan. Maaari ding isama ng mga estudyante kung paano tayo matutulungan ng mga kuwento ng mga pioneer na maging tapat sa ating mga tipan na sundin ang mga kautusan ng Panginoon ngayon at kung paano tayo pagpapalain ng Panginoon sa ating mga pagsisikap. Anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila sa isang kapamilya o kaibigan sa labas ng klase.