“Lesson 160—Ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak, Bahagi 3: Ang Kaligayahan sa Buhay ng Mag-anak,“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak, Bahagi 3,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Ang isang dahilan kung bakit tayo ipinadala ng Ama sa Langit sa lupa sa mga pamilya ay para matulungan tayong makaranas ng kaligayahan. Sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak, inihayag ng Panginoon kung paano natin makakamit ang kapayapaan at kaligayahan bilang mga indibiduwal at pamilya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maipamuhay ang mga turo ni Jesucristo sa kanilang pamilya.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pangungusap na may sanhi at bunga. Kumpletuhin ang unang patlang gamit ang isang parirala na tulad ng “Pagkakaroon ng matataas na grado.” Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na punan ang pangalawang patlang ng isang parirala na kukumpleto sa pahayag, gaya ng “gumagawa kami ng homework.” Maaari ninyong ulitin ang prosesong ito nang ilang beses gamit ang iba’t ibang parirala.
“ ay pinakamalamang na makamit kapag .”
Ipabasa sa mga estudyante ang talata 7 ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak , at alamin ang isang inspiradong paraan para kumpletuhin ang parirala sa pisara. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo . Upang matulungan ang mga estudyante na isipin kung paano hahantong sa kaligayahan sa buhay ng mag-anak ang pagsasabuhay ng mga turo ni Cristo, sabihin sa kanila na pag-isipan ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
Sa iyong palagay, sa anong mga paraan mapag-iibayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang kaligayahan ng inyong pamilya?
Paano nakatulong sa kaligayahang iyon ang mga pagsisikap mong ipamuhay ang Kanilang mga turo?
Sabihin sa mga estudyante na sa katapusan ng lesson na ito, aanyayahan silang kumilos ayon sa isa sa mga turo ng Tagapagligtas na magpapaibayo sa kaligayahan ng kanilang pamilya. Sabihin sa mga estudyante na humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa natitirang bahagi ng lesson para malaman kung aling alituntunin ang dapat nilang pagtuunan. Hikayatin ang mga estudyante na bigyang-pansin ang anumang ideya o damdamin na matatanggap nila mula sa Espiritu Santo.
Ang mga turo ni Jesucristo
Maaari kang maglagay ng larawan ni Jesucristo sa pisara. Ipabasa muli sa mga estudyante ang talata 7 , at sa pagkakataong ito ay hayaan silang markahan ang bawat turo na magpapaibayo ng kaligayahan ng pamilya. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara sa paligid ng larawan ni Jesucristo ang nalaman nila. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo o magpartner-partner para gawin ang sumusunod na aktibidad:
Pumili ng turo ni Jesucristo na natagpuan ninyo sa talata 7 .
Maghanap ng banal na kasulatan o pahayag ng isang lider ng Simbahan na tumutulong sa atin na mas maunawaan ang turong iyon.
Ilarawan kung paano mapag-iibayo ng pagsunod sa turo na iyon ang kaligayahan ng mga pamilya.
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mo silang anyayahan na gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan o magsaliksik sa Gospel Library app. Ang mga sumusunod ay ilang banal na kasulatan na maaaring mahanap ng mga estudyante na nauugnay sa mga turo mula sa talata 7 : 3 Nephi 18:15–16, 21 (panalangin); Moroni 7:45–48 (pagmamahal); Doktrina at mga Tipan 58:42–43 (pagsisisi); Doktrina at mga Tipan 64:9–11 (pagpapatawad).
Kung mayroon nito, anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang “Happiness in Family Life ,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org , para makahanap ng mga turo mula sa mga lider ng Simbahan tungkol sa mga alituntunin sa talata 7 .
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga grupo na ibahagi sa klase ang nahanap nila. Habang nagbabahagi ang mga grupo, sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang scripture reference o bahagi ng pahayag ng lider ng Simbahan na nakatulong sa kanila na maunawaan ang turo ni Jesucristo.
Pagkatapos ay maaari mong gamitin ang mga tanong na tulad ng sumusunod para tulungan ang mga estudyante na pag-isipan at talakayin kung paano makakaapekto sa mga pamilya ang mga turo ni Jesucristo.
Alin sa mga turo ni Cristo na nakasulat sa pisara ang nagkaroon ng epekto sa kaligayahang nadarama ninyo sa inyong pamilya?
Alin sa mga turong ito ang gusto pa ninyong pagtuunan sa inyong pamilya? Bakit? Paano ninyo ito maisasakatuparan sa inyong pamilya?
Alin sa mga ito ang gusto ninyong pagtuunan sa magiging pamilya ninyo sa hinaharap? Bakit?
Alin sa mga turo ng Tagapagligtas ang makatutulong sa isang pamilyang nahihirapan dahil sa hindi pagkakasundo, pagtatalo, o magugulong ugnayan?
Habang tinatalakay ng mga estudyante ang naunang tanong, maaari mong ituro sa kanila ang mga alituntunin ng “pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, [at] awa” sa talatang pinag-aralan nila. Patotohanan ang hangarin ng Tagapagligtas na magpatawad, magpagaling, at magpabuti ng mga tao at ugnayan sa pamilya. Ang ating mga pagsisikap at hangaring magsisi at magpatawad sa iba ay maaaring mag-anyaya sa Kanyang nakapagpapagaling na impluwensya sa ating buhay at ugnayan.
Pagpapaibayo ng kaligayahan
Bago anyayahan ang mga estudyante na ipamuhay ang isa sa mga turo ng Tagapagligtas sa kanilang sariling pamilya, tulungan silang pag-isipan ang mga paraan na maipapamuhay nila ang Kanyang mga turo sa iba’t ibang sitwasyon ng pamilya. Maaari kang magsulat ng ilang iba’t ibang sitwasyon ng pamilya sa pisara na maaaring makaugnay ang mga estudyante sa iyong klase. Maaaring kasama sa mga halimbawa ang mga sumusunod:
Aktibo ang buong pamilya sa Simbahan.
Hindi lahat sa pamilya ay miyembro.
Nagdiborsyo ang mga magulang.
Pamilya na isang lang ang magulang.
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga sagot sa mga sumusunod na tanong para sa bawat sitwasyon ng pamilya na nasa pisara:
Aling mga partikular na alituntunin mula sa talata 7 ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak ang irerekomenda mo sa isang tinedyer na nasa ganitong sitwasyon?
Paano maipapamuhay ng isang tinedyer na nasa ganitong sitwasyon ng pamilya ang mga alituntuning pinili mo?
Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag:
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Anumang masasamang bagay ang nangyari sa inyong pamilya, pinatototohanan at ipinapangako ko na ang Panginoong Jesucristo ang pinagmumulan ng paghihilom, pagpapanibago, at panunumbalik na kailangan ninyo. …
Sa tulong ng Panginoon, makalilikha kayo ng walang-hanggang pamilya, kahit hindi kayo nagmula sa klase ng Latter-day Saint home na kung minsa’y itinatampok sa mga pahina ng mga magasing Liahona o Ensign . Lagi sanang alalahanin: nagsisimula ito sa inyo! (David A. Bednar, “Isang Matibay na Dugtong ” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Set. 10, 2017], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org )
Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga turo ni Jesus mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak na nahikayat silang ipamuhay para mapag-ibayo ang kaligayahan sa sarili nilang pamilya. Bigyan sila ng oras na magnilay at magsulat sa kanilang study journal ng plano para simulan, ipagpatuloy, o pagbutihin ang pagsasabuhay sa turong iyon. Kung may oras pa, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang nadama nila na dapat nilang gawin.
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo sa kapangyarihan ni Jesucristo na nagpapaibayo sa kaligayahan ng mga pamilya ng mga nagsisikap na ipamuhay ang Kanyang mga turo.
Sinabi ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa tulong ng Panginoon at ng Kanyang doktrina, ang lahat ng masasakit na epekto ng mga hamon na maaaring kaharapin ng isang pamilya ay mauunawaan at malalampasan. Anuman ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng pamilya, mapapatibay natin ang ating mga pamilya kapag sinunod natin ang payo ng mga propeta.
Ang susi sa pagpapatibay ng ating pamilya ay ang mapasaating tahanan ang Espiritu ng Panginoon. Ang mithiin ng ating pamilya ay makarating sa makipot at makitid na landas. …
… Tumitibay ang pamilya kapag lumalapit tayo sa Panginoon, at ang bawat miyembro ng pamilya ay tumitibay kapag pinasisigla, pinapalakas, minamahal at inaalagaan natin ang isa’t isa. (Robert D. Hales, “Strengthening Families: Our Sacred Duty ,” Ensign , Mayo 1999, 33–34)
Ganito ang pagpapakahulugan ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan sa mag-anak :
Tulad ng pagkakagamit sa mga banal na kasulatan, ang isang mag-anak ay binubuo ng isang mag-asawa, mga anak, at minsan iba pang mga kamag-anak na nakatira sa bahay ding iyon o nasasailalim ng isang pinuno ng mag-anak. Maaari ring ang isang pamilya ay binubuo ng isang magulang na may mga anak, isang mag-asawa na walang mga anak, o maaari ring maging isang tao na naninirahang mag-isa. (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mag-anak ,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org )
Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa tulong ni Jesucristo, ang Dalubhasang Manggagamot at Tagapagligtas, maaaring magkaroon palagi ng bagong simula; lagi Siyang nagbibigay ng pag-asa.
Si Jesucristo ang lakas ng mga pamilya.
Si Jesucristo ang lakas ng mga kabataan.
Si Jesucristo ang lakas ng mga magulang. (Dieter F. Uchtdorf, “Si Jesucristo ang Lakas ng mga Magulang ,” Liahona , Mayo 2023, 59)
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang mabuting libangan ay kaibigan at kasama tuwina ng paggawa. Ang musika, literatura, sining, sayaw, drama, sports—ay pawang nagbibigay ng kaaliwan upang pagyamanin ang buhay. … Gayundin, hindi na kailangang sabihin pa na ang halos libangan ngayon ay malaswa, nakabababa, marahas, nagpapahina ng isipan, at pag-aaksaya ng oras. Ang nakakatawa, minsan napakahirap humanap ng mabuting libangan. Kapag ang libangan ay ginawang bisyo, ito ang sisira sa buhay na inilaan. (D. Todd Christofferson, “Larawan ng Isang Buhay na Inilaan ,” Liahona , Nob. 2010, 17)
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan na pantay-pantay ang kalalakihan at kababaihan sa harap ng Diyos, maaari mong ipabasa sa kanila ang pangalawang bahagi ng talata 7 (simula sa “Sa plano ng Diyos”), at alamin ang mga responsibilidad ng mga ama at ina. Maaaring isulat ng mga estudyante sa pisara ang nahanap nila. Maaari nilang ibahagi ang ilan sa mahahalaga at natatanging bagay na itinuro sa kanila ng kanilang ina at ama. Pagkatapos ay tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito: Ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan . Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa katotohanang ito, maaari mong hatiin ang klase sa dalawa at ipaaral sa bawat grupo ang isa sa mga sumusunod na pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Mahal ng ating Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak nang pantay, perpekto, at walang hanggan. Ang Kanyang pagmamahal ay magkakapareho sa Kanyang mga anak na babae at mga anak na lalaki. Mahal din ng ating Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo, nang pantay-pantay ang kalalakihan at kababaihan. Ang Kanyang pagbabayad-sala at ang Kanyang ebanghelyo ay para sa lahat ng anak ng Diyos. …
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring magpabanal sa kapwa kalalakihan at kababaihan sa parehong paraan at sa magkatulad na mga alituntunin. Halimbawa, ang pananampalataya, pagsisisi, pagbibinyag, at ang kaloob na Espiritu Santo ay mga kinakailangan para sa lahat ng anak ng Diyos, anuman ang kasarian . … Mahal tayong lahat ng [Ama sa Langit] nang pantay-pantay, at ang Kanyang pinakadakilang kaloob, ang kaloob na buhay na walang hanggan, ay maaaring matamo ng lahat. (M. Russell Ballard, “Equality through Diversity ,” Ensign , Nob. 1993, 89)
Kahit pantay-pantay ang kalalakihan at kababaihan sa harapan ng Diyos sa kanilang mga walang-hanggang pagkakataon, mayroon silang magkakaiba ngunit magkasinghalagang tungkulin sa Kanyang walang hanggang plano. … Maaaring kilalanin at mapatindi pa [ng Diyos] ang ating mga pagkakaiba habang nagbibigay ng pantay-pantay na pagkakataon para sa paglago at pag unlad. …
… Marami sa mga kinakailangan [para sa isang dinakilang buhay ng mag-anak] ay eksaktong magkapareho para sa kalalakihan at kababaihan. Halimbawa, ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay dapat na pareho para sa kalalakihan at kababaihan. Dapat na manalangin ang kalalakihan at kababaihan sa parehong paraan. Pareho silang may pribilehiyong makatanggap ng mga sagot sa kanilang mga panalangin at sa gayon ay magkaroon ng personal na paghahayag para sa kanilang sariling espirituwal na pag-unlad. (M. Russell Ballard, “Equality through Diversity ,” Ensign , Nob. 1993, 89–90)
Upang matulungan ang mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila, itanong ang tulad ng mga sumusunod:
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa kung paano tinitingnan ng Diyos ang kalalakihan at kababaihan?
Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng “magkasama na may pantay na pananagutan”?
Paano makatutulong ang pag-unawa sa katotohanang ito upang mapag-ibayo ang kaligayahan sa inyong pamilya sa kasalukuyan at sa hinaharap?
Maraming estudyante ang mahaharap sa mga sitwasyong nangangailangan ng tapang at pananampalataya kay Jesucristo upang ipagtanggol ang inihayag Niya sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak. Maaari mong ipanood ang video na “Defenders of the Faith ” (6:56), na nagsasalaysay ng tunay na kuwento ni Marie Madeline Cardon na ipinagtatanggol ang alam niyang totoo. Inihahalintulad ito ng video sa kabataan ngayon na ipinagtatanggol ang doktrina ng Panginoon tungkol sa mag-anak, sa kabila ng magkakaibang paniniwala at kalagayan sa kanilang paligid.
6:56
Maaari mo ring ipakita ang sumusunod na pahayag ni Sister Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President:
Kailangang buong tapang nating ipagtanggol ang inihayag na mga [doktrina] ng Panginoon na nagpapaliwanag sa kasal, pamilya, banal na tungkulin ng mga lalaki at babae, at kahalagahan ng tahanan bilang sagradong lugar—kahit isinisigaw ng mundo sa ating mga tainga na ang mga alituntuning ito ay makaluma, mahigpit, at di na mahalaga. Lahat ng tao, anuman ang sitwasyon nilang mag-asawa o ilan man ang anak nila, ay maaaring maging tagapagtanggol ng plano ng Panginoon na inilarawan sa pahayag tungkol sa pamilya. Kung iyon ang plano ng Panginoon, dapat iyon din ang plano natin! (Bonnie L. Oscarson, “Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag Ukol sa Mag-anak ,” Liahona , Mayo 2015, 15)
Pagkatapos ay ipatalakay sa mga estudyante ang mga tanong na tulad ng sumusunod:
Aling mga katotohanan ang inihayag ng Panginoon tungkol sa mag-anak ang hindi pa nauunawaan ng marami sa mundo?
Bakit mahalagang ipagtanggol ang doktrina ng Panginoon tungkol sa mag-anak anuman ang kasalukuyang sitwasyon ng ating pamilya?
Paano tayo mananatiling matatag sa itinuro ng Panginoon sa paraang nagtataguyod ng kapayapaan sa halip na pagtatalo?
Paano kayo maihahanda ngayon ng pag-unawa sa doktrina ng Panginoon tungkol sa mag-anak o pamilya sa pagbuo ng pamilya sa hinaharap?