Seminary
Lesson 159—Ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak, Bahagi 2: “Ang mga Anak ay Mana na Mula sa Panginoon”


“Lesson 159—Ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak, Bahagi 2: ‘Ang mga Anak ay Mana na Mula sa Panginoon,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak, Bahagi 2,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 159: “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”

Ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak, Bahagi 2

“Ang mga Anak ay Mana na Mula sa Panginoon”

mga batang nakangiti

Ipinahayag ng mga propeta ng Panginoon ang kahalagahan ng mga anak sa plano ng Ama sa Langit. Maaaring makibahagi ang mga mag-asawa sa plano ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga anak at pagpapalaki sa kanila sa pagmamahal at kabutihan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagkakaroon at pag-aalaga ng mga anak sa plano ng Ama sa Langit.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Banal na patnubay mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak

Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon o sitwasyong tulad nito na pinakanakakatugon sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante. Maaari mo silang pagpartner-partnerin para talakayin ang tanong pagkatapos ng sitwasyon.

Pinag-uusapan ni Kristen at ng kanyang dalawang kaibigan ang kanilang mga kinabukasan at kung ano ang gusto nila sa buhay. Nang mapunta ang paksa sa mga pamilya, sinabi ni Kristen na nasasabik siyang mag-asawa at magkaroon ng mga anak kapag nasa hustong edad na siya. Sinabi ng isa sa kanyang mga kaibigan, “Gusto kong mag-asawa, pero hindi ko talaga susubukang magpalaki ng mga anak sa magulong mundo na ito.” Sabi ng isa pang kaibigan, “Ayos lang sa akin na magkaroon ng anak balang-araw, pero sa tingin ko ay ayaw kong mag-asawa.” Matapos marinig ang mga opinyon ng kanyang mga kaibigan, nagtataka si Kristen kung bakit tila naiiba ang kanyang nadarama tungkol sa pagkakaroon ng mga anak.

  • Bakit kaya ganoon ang nadarama ng mga kaibigan ni Kristen?

    Sabihin sa ilang magpartner na mga estudyante na ibahagi ang ilan sa kanilang mga sagot. Maaari mo rin silang anyayahan na magbahagi ng mga karagdagan nilang alalahanin o tanong tungkol sa pagkakaroon ng mga anak at pagiging magulang. Magbigay ng mga kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na magagamit ng mga estudyante. Sabihin sa bawat magkapartner na pag-aralan ang talata 4–6, at alamin ang mga salita o pariralang nagpapahayag ng doktrina ng Panginoon tungkol sa mga anak at pagiging magulang. Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga makabuluhang salita o parirala habang nag-aaral sila. Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang pariralang “magpakarami at kalatan ang lupa” ay tumutukoy sa pagkakaroon ng mga anak at ang pariralang “ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata” ay tumutukoy sa seksuwal na intimasiya. Maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod.

  • Anong mga katotohanan ang nalaman ninyo tungkol sa mga anak at pagiging magulang?

  • Sa inyong palagay, bakit nais ng Panginoon na magkaroon ng mga anak ang mag-asawa kung kaya nila?

  • Ano ang mga dahilan kung bakit maaaring ayaw ng mag-asawa na magkaroon ng mga anak?

Bago magpatuloy, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang ilan sa kanilang sariling saloobin at damdamin tungkol sa doktrina ng Panginoon tungkol sa mga anak at pagiging magulang. Hikayatin ang mga estudyante na hingin ang impluwensya ng Espiritu Santo para matulungan sila na maunawaan ang kahalagahan ng pagkakaroon at pag-aalaga ng mga anak bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit.

Paghahanap ng iba pang banal na sources para madagdagan ang pag-unawa

Maaari mong ipakita ang sumusunod na tatlong pahayag ng katotohanan mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak. Ipaliwanag na gagamitin ng mga estudyante ang mga pahayag na ito para magpraktis na maghanap ng mga itinalagang sources ng Diyos na para sa karagdagang pag-unawa. Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tatlong miyembro, kung saan ang bawat estudyante ay mag-aaral ng ibang katotohanan. Marahil ay maaaring piliin ng mga estudyante ang kanilang mga pahayag sa malikhaing paraan; halimbawa, ang pinakabata o pinakamatangkad na estudyante sa bawat grupo ang maaaring maunang pumili kung ano ang pag-aaralan.

  • “Ang kautusan ng Diyos [sa Kanyang mga anak] na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa.”

  • “Ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.”

  • “Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan.”

    Hikayatin ang mga estudyante na gumamit ng resources tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan o ng Gospel Library app para makahanap ng karagdagang impormasyon tungkol sa kanilang mga pahayag ng katotohanan. Kung kailangan nila ng patnubay, imungkahi na hanapin ang mga salitang tulad ng “magpakarami at kalatan ang lupa,” “kapangyarihang lumikha ng bata,” o “mabubuting magulang.” Sabihin sa kanila na hanapin ang mga pahayag ng mga lider ng Simbahan, mga scripture passage, o mga artikulo sa magasin ng Simbahan na magpapalalim sa kanilang pag-unawa.

    Kapag natapos nang maghanda ang mga estudyante, hikayatin silang ibahagi sa kanilang grupo ang natutuhan nila. Maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod.

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga pahayag ng katotohanan na ito na sa palagay ninyo ay makabuluhan?

  • Bakit kailangan ang pananampalataya kay Jesucristo para maipamuhay ang mga katotohanang ito sa mundo ngayon?

  • Anong mga halimbawa ang nakita ninyo tungkol sa kung paano maaaring humantong sa higit pang pagmamahal ang pagsasabuhay sa mga katotohanang ito, samantalang ang pagbalewala sa mga katotohanang ito ay maaaring humantong sa pighati o pagsisisi?

  • Ano ang magagawa ninyo ngayon para maghanda na maipamuhay nang tapat ang mga katotohanang ito sa hinaharap?

Walang hanggang doktrina tungkol sa mga anak

Maaari mong patotohanan ang kahalagahan ng mga anak sa walang hanggang plano ng Diyos at ibahagi ang sumusunod na pahayag.

Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang kahalagahan ng mga anak sa plano ng Diyos.

14:47
Pangulong Dallin H. Oaks

Ang walang hanggang doktrina … ay naglalaan din ng naiibang pananaw tungkol sa mga bata. Sa pananaw na ito nauunawaan natin ang pagkakaroon ng mga anak at pag-aaruga sa kanila bilang bahagi ng dakilang plano. Ito ay nakagagalak at sagradong tungkulin ng mga taong nabigyan ng kakayahan na makibahagi rito. Kaya nga, iniuutos sa atin na ituro at ipagtanggol ang mga alituntunin at gawi na nagbibigay ng pinakamainam na kalagayan para sa pag-unlad at kaligayahan ng mga bata sa ilalim ng plano ng Diyos. (Dallin H. Oaks, “Banal na Pagmamahal sa Plano ng Ama,” Liahona, Mayo 2022, 102)

  • Paano ninyo nakitang napagpala ng mga anak ang inyong pamilya o ang iba pang kakilala ninyo?

  • Paano makatutulong sa inyo ang pagkakaroon ng mga anak at pagpapalaki sa kanila nang may pagmamahal na maging mas katulad ng ating mga magulang sa langit?

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na pahiwatig at anyayahan ang mga estudyante na tahimik na suriin ang kanilang pag-unawa tungkol sa natutuhan nila ngayon.

Suriin ang iyong pag-unawa sa mga sumusunod na pahayag sa pamamagitan ng pagsagot sa iyong study journal ng lubos na sumasang-ayon, sumasang-ayon, medyo sumasang-ayon, o hindi sigurado. Magsulat ng maikling paliwanag kung bakit mo pinili ang bawat sagot.

  • Nauunawaan ko kung bakit nananatili pa rin hanggang ngayon ang utos ng Diyos na magpakarami at kalatan ang lupa.

  • Nauunawaan ko kung bakit ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay gagamitin lamang sa pagitan ng isang babae at isang lalaki na ikinasal nang naaayon sa batas.

  • Nauunawaan ko kung bakit dapat palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak nang may pagmamahal at kabutihan.

Kung may mga karagdagang tanong o alalahanin ang mga estudyante tungkol sa doktrina ng Panginoon tungkol sa mga bata o tungkol sa batas ng kalinisang-puri, hikayatin silang magtanong sa mga magulang o lider ng Simbahan.

Para tapusin ang lesson, sabihin sa ilang estudyante na ibuod ang natutuhan nila tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon at pag-aalaga ng mga anak bilang bahagi ng plano ng Ama sa Langit.