“Lesson 210—Template: Turo ng mga Lider ng Simbahan: Pag-aralan at Ipamuhay ang Turo ng mga Tagapaglingkod ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Template: Turo ng mga Lider ng Simbahan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 210: Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan
Template: Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan
Pag-aralan at Ipamuhay ang mga Turo ng mga Tagapaglingkod ng Panginoon
Sa buong taon ng seminary, magkakaroon ang mga estudyante ng ilang pagkakataon na pag-aralan ang mga mensahe ng mga lider ng Simbahan. Ang template na ito ay nagbibigay sa iyo ng mga ideya upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga mensahe ng mga lider ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Simulan ang lesson
-
Magbahagi ng tanong mula sa mensahe na nakahihikayat ng pag-iisip at anyayahan ang mga estudyante na talakayin ito sandali o isulat ang kanilang unang sagot sa kanilang journal.
-
Magbahagi ng isang larawan o object lesson na ginamit bilang bahagi ng kanilang mensahe at talakayin sandali kung bakit ito ginamit.
-
Magbahagi ng isang kuwento mula sa mensahe ng tagapagsalita. Maaaring mainam na hindi ibahagi ang buong kuwento sa simula ng lesson ngunit magbahagi lang ng sapat na detalye upang mapukaw ang interes ng mga estudyante. Kalaunan sa lesson, maaaring tapusin ang kuwento upang ilarawan ang layunin ng mensahe ng tagapagsalita.
-
Maaari mong ibahagi ang paksa ng mensahe at sabihin sa mga estudyante na isulat ang ilan sa mga tanong nila na nauugnay sa paksa. Hikayatin silang maghanap ng mga sagot sa lesson.
Pag-aralan ang mensahe
-
Hanapin. Mapanalanging pag-isipan ang mga pangangailangan ng iyong klase at tumukoy ng maaaring “Hanapin” na magagamit habang pinag-aaralan ng mga estudyante ang mensahe. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ng “Hanapin” ang sumusunod: Mga Walang-hanggang Katotohanan, Paanyaya, at Ipinangakong Pagpapala. Maaari ding hanapin ng mga estudyante ang mga sagot sa mga tanong o alalahanin na maaaring mayroon sila.
Maaaring angkop na hayaan ang mga estudyante na pumili ng isang bagay na gusto nilang hanapin sa mensahe. Maaari mong ibahagi ang paksa ng mensahe at bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magsulat sa pisara ng ilang tanong tungkol sa paksang iyon. Matapos mag-aral, maaari mong tukuyin kung aling mga tanong ang nadama ng mga estudyante na nasagot at kung paano.
-
Lagyan ng numero ang mga talata at ipaikot sa klase ang kopya ng mensahe. Isulat o i-type ang mga numero ng talata sa isang kopya ng mensahe. Bigyan ang bawat estudyante ng kopya at sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang bagay na hahanapin. Maaaring magbasa ang mga estudyante ng isa o mahigit pang talata, markahan ang mga ito at magsulat ng mga tala sa margin. Ang papel ay maaaring ipasa sa kasunod na estudyante, na sinusunod ang gayon ding proseso. Matapos nilang pag-aralan ang lahat ng talata, ibalik ang papel sa orihinal na estudyante at patingnan sa kanya ang mga ideyang ibinahagi ng iba pang miyembro ng klase.
-
Kaugnay na sitwasyon. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano maiaangkop ang pinag-aaralang mensahe sa isang tinedyer ngayon o sa mga personal na hamon na maaaring maranasan ng isang tinedyer. Maghanda at maglahad ng isang sitwasyon sa simula ng klase. O maaaring gumawa ang mga estudyante ng sitwasyon ng isang tinedyer na nahihirapan sa isang pangyayari o tanong. Maaaring magdagdag ang mga estudyante ng mga nauugnay na detalye sa sitwasyon na akma sa mga pangangailangan ng mga tinedyer sa inyong lugar.
-
Mga binanggit o kaugnay na banal na kasulatan. Maaaring hanapin ng mga estudyante ang mga banal na kasulatan na binanggit sa mensahe o mga endnote. Maaaring basahin ng mga estudyante ang mga talata at isulat kung paano nakatutulong sa kanila ang mensahe na mas maunawaan ang mga binanggit na banal na kasulatan o kung paano nakatutulong sa kanila ang mga binanggit na banal na kasulatan na mas maunawaan ang mensahe. Sa Gospel Library, maaaring iugnay ng mga estudyante ang mga binanggit na banal na kasulatan sa mensahe o markahan ang kanilang papel na mga banal na kasulatan.
Palalimin ang pag-unawa
-
Magtuon kay Jesucristo. Maaari kang maglagay ng larawan ng Tagapagligtas sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mga salita o parirala na nagbibigay-inspirasyon sa paligid ng larawan na natagpuan nila sa mensahe. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila at kung paano nila nadarama na makatutulong sa isang tao ang salita o parirala na malaman ang pagkatao, mga katangian, at mga tungkulin ni Jesucristo. Maaaring ibahagi ng mga estudyante kung paano makatutulong sa kanila ang mga turo na sundin ang Tagapagligtas at patibayin ang kanilang ugnayan sa Kanya.
-
Turuan ang isa’t isa. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng tatlo hanggang limang minutong mensahe o lesson na itinuturo ang mensaheng pinag-aralan nila. Maaaring isama ng mga estudyante ang mga personal na karanasan o karagdagang scripture reference na sumusuporta sa mensahe. Maaaring magpraktis ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mensahe sa kapartner, sa maliit na grupo, o sa klase.
-
Isulat ang nadarama. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang mga naiisip at nadarama nila nang pag-aralan nila ang mensahe. Maaaring isulat ng mga estudyante ang anumang ipinagagawa sa kanila ng Espiritu. Kung naaangkop, maaari mong sabihin sa mga handang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.
-
Lumikha ng isang bagay. Gamit ang natutuhan nila sa mensahe, maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na lumikha ng isang larawan, drowing, poster, meme, social media post, o ng isang bagay na katulad nito. Maaaring ito ay isang paalala o isang bagay na magbibigay-inspirasyon sa iba. Maaaring ibahagi ng mga estudyante sa isang grupo o sa klase ang ginawa nila.
-
Ibahagi sa iba. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na magbahagi ng isang bagay mula sa mensahe sa kanilang pamilya, mga kaibigan, o sa social media (halimbawa bilang isang post, video, o meme). Habang nagbabahagi sila, maaaring magsama ang mga estudyante ng simpleng patotoo at paanyaya na higit na matuto.
Ipamuhay ang napag-aralan mo
-
Sundin ang mga pahiwatig. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang mga pahiwatig na natanggap nila habang pinag-aaralan nila ang mensahe. Maaaring nadama nila na kailangan nilang gumawa ng ilang partikular na pagbabago sa kanilang buhay, pagsikapang maisakatuparan ang isa sa kanilang mga personal na mithiin, o ibahagi ang mensahe sa ibang tao.
-
Gumawa ng plano. Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang mga sumusunod na pahiwatig na tutulong sa kanila na maipamuhay ang natutuhan nila. Maaaring ibahagi ng ilang estudyante ang kanilang plano sa isang kapamilya o kaibigan upang matulungan sila na maisakatuparan ito.
-
Dahil sa mensaheng ito, ako ay .
-
Ang susunod na hakbang na gagawin ko para makumpleto ang aking plano ay .
-
Susubukan kong gawin ito bago sumapit ang (petsa).
-
Ipapaalala ko sa sarili ko ang aking plano sa pamamagitan ng .