Seminary
Lesson 181—Pananampalataya kay Jesucristo upang Magkaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance: Pagdaig sa mga Balakid sa pamamagitan ng Panginoon


“Lesson 181—Pananampalataya kay Jesucristo upang Magkaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance: Pagdaig sa mga Balakid sa pamamagitan ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pananampalataya kay Jesucristo upang Magkaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 181: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance

Pananampalataya kay Jesucristo upang Magkaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance

Pagdaig sa mga Balakid sa pamamagitan ng Panginoon

kabataang may hawak na larawan ng Tagapagligtas

Bukod pa sa pagpapatawad sa atin at paggaling mula sa kasalanan, mapagpapala tayo ng Tagapagligtas sa mga sitwasyong tulad ng paaralan, trabaho, at mga ugnayan. Kapag sumasampalataya tayo kay Jesucristo, inaanyayahan natin Siya na tulungan tayong maging mas self-reliant sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na manampalataya kay Jesucristo upang magkaroon ng self-reliance.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagpapalipat ng mga bundok

Maaari kang magdrowing ng isang bundok sa pisara at anyayahan ang mga estudyante na magdrowing ng isang bundok na katulad nito sa kanilang study journal, na halos sinasakop ang kalahating bahagi sa itaas ng isang pahina. Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na ang bundok ay nasa pagitan nila at ng pagkakaroon ng espirituwal at temporal na self-reliance. (Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong para maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng self-reliance, ibahagi na kabilang dito ang mga bagay na tulad ng pagtatamo ng sarili nilang espirituwal na lakas, pagtatamo ng edukasyon, at pagkita ng sapat na pera upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.)

Sa loob ng bundok, sabihin sa kanila na isulat ang ilan sa mga balakid na kinakaharap nila na nagpapahirap sa pagkakaroon ng self-reliance sa iba’t ibang aspeto ng kanilang buhay. (Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang kakulangan ng trabahong mapapasukan, oportunidad na makapag-aral, kalusugan, o kailangang suporta mula sa mga mahal sa buhay.) Anyayahan ang mga boluntaryo na magsulat sa bundok na idinrowing mo sa pisara ng ilan sa mga balakid na kinakaharap nila.

  • Paano nagiging tila mga bundok kung minsan ang mga balakid sa buhay?

  • Ano ang iba’t ibang paraan ng pagtugon ng mga tao sa mga ganitong uri ng mga pagsubok?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila binabalak na harapin ang kanilang mga balakid sa pagkakaroon ng self-reliance. Anyayahan sila sa buong lesson na mapanalanging hangarin kung paano makatatanggap ng lakas mula sa Tagapagligtas upang madaig ang mga hamong kinakaharap nila.

Pag-anyaya ng kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay

Ibinigay ni Russell M. Nelson ang sumusunod na payo sa mga taong dumaranas ng mahihirap na hamon sa kanilang buhay.

16:22
Pangulong Russell M. Nelson

Mahal kong mga kapatid, ang pakiusap ko sa inyo … ay dagdagan simula sa araw na ito ang inyong pananampalataya. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, daragdagan ni Jesucristo ang inyong kakayahang maglipat ng mga bundok sa inyong buhay, kasinglaki man ng Mount Everest ang inyong mga personal na problema. …

Magkakaiba ang mga bundok ninyo, ngunit ang sagot sa bawat isa sa inyong mga problema ay dagdagan ang inyong pananampalataya. (Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 102–3)

  • Paano ninyo ibubuod ang itinuro ni Pangulong Nelson?

    Maaaring makagawa ang mga estudyante ng iba’t ibang buod na puno ng kabatiran. Ang isang mahalagang katotohanan ay kapag pinalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo, daragdagan Niya ang ating kakayahang madaig ang mga hamon.

  • Paano maiaangkop ang mga turo na ito ni Pangulong Nelson sa ating mga pagsisikap na maging self-reliant sa ating buhay?

Kunwari ay may kaibigan ka na nangangailangan ng kaunting tulong upang maniwala na talagang tutulungan siya ni Jesucristo sa mga balakid sa kanyang buhay. Maghanap ng doctrinal mastery passage mula sa anumang aklat ng banal na kasulatan na makatutulong sa kanya na madama ang hangarin at kapangyarihan ni Jesus na tumulong.

Maaaring kabilang sa mga doctrinal mastery passage na mahahanap ng mga estudyante ang sumusunod:

  • Mga Kawikaan 3:5–6: “Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala … at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”

  • Mateo 11:28–30: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo ay bibigyan ko ng kapahingahan.”

  • Santiago 1:5–6: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos.”

  • 1 Nephi 3:7: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.”

  • 2 Nephi 28:30: Ang Diyos ay “magbibigay … sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin.”

  • Eter 12:27: “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin … sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.”

  • Doktrina at mga Tipan 6:36: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”

  • Anong passage ang pinili ninyo? Paano makatutulong ang passage na iyon sa inyong kaibigan na maunawaan ang hangarin at kapangyarihan ng Tagapagligtas na tulungan siya?

  • Anong personal na karanasan ang maibabahagi ninyo upang matulungan ang kaibigan ninyo na malaman na handa at may kakayahan si Jesus na tulungan tayo?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng dalawang column sa ilalim ng bundok sa pahina ng kanilang journal. Sa itaas ng isang column, maaari nilang isulat ang “Ang bahagi ko sa pagkakaroon ng pag-asa sa sariling kakayahan o self-reliance.” Sa itaas ng isa pang column, maaari nilang isulat ang “Paano ako mapagpapala ng Tagapagligtas.”

Maaari mong ipakita o ipamahagi ang mga kopya ng sumusunod na pahayag. Sabihin sa mga estudyante na basahin ito, at alamin kung ano ang maidaragdag nila sa dalawang column. Maaaring gumawa ang mga estudyante nang mag-isa, nang magkakapartner, o sa maliliit na grupo.

Ipinaliwanag ni Bishop W. Christopher Waddell ng Presiding Bishopric kung paano nagtutulungan ang mga pagsisikap at pananampalataya natin sa Panginoon.

Elder W. Christopher Waddell

Mula pa sa simula ng panahon, ang Panginoon ay nagbibigay ng mga tagubilin para matulungan ang Kanyang mga tao na maghanda sa espirituwal at temporal laban sa mga kalamidad at pagsubok na alam Niyang darating bilang bahagi ng mortal na karanasang ito. Ang mga kalamidad na ito ay maaaring personal o pangkalahatan, ngunit ang patnubay ng Panginoon ay magbibigay ng proteksiyon at suporta hanggang sa ating dinggin at gawin ang Kanyang payo. …

Hindi inaasahan ng Panginoon na gumawa tayo nang higit sa ating makakaya, ngunit ang inaasahan Niya ay gawin natin ang kaya natin, kapag kaya na natin itong gawin. …

Ang ibig sabihin ng pagiging handa sa temporal at pagiging self-reliant ay ang “paniniwala na sa pamamagitan ng biyaya, o nagbibigay-kakayahang kapangyarihan, ni Jesucristo at ng ating sariling pagsisikap, kaya nating makamit ang lahat ng espirituwal at temporal na pangangailangan ng buhay na kailangan natin sa ating sarili at sa ating pamilya.” (W. Christopher Waddell, “May Pagkain,” Liahona, Nob. 2020, 42–43, 44)

Hatiin ang klase sa mga grupo na may tigda-dalawa o tigta-tatlong miyembro at kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad at talakayan. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa na matutukoy ng mga estudyante ay si Joseph Smith na nangangailangan ng mga sagot upang magkaroon ng higit na espirituwal na lakas (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–20) at ang kapatid ni Jared na nangangailangan para matustusan ang mga temporal na pangangailangan ng kanyang pamilya habang naglalakbay patungo sa lupang pangako (tingnan sa Eter 2:183:6).

Tukuyin ang isang salaysay mula sa mga banal na kasulatan o kasaysayan ng Simbahan tungkol sa isang taong ginamit ang sarili niyang pagsisikap at pananampalataya kay Jesucristo upang madaig ang mga balakid sa kanyang pag-unlad.

  • Anong balakid ang kinaharap niya?

  • Anong mga personal na pagsisikap ang ginawa niya upang madaig ang balakid?

  • Paano siya tinulungan ng Panginoon dahil sa kanyang pananampalaya?

    Kapag natapos na ng mga estudyante ang talakayan ng grupo, anyayahan ang isang miyembro ng bawat grupo na isulat sa tuktok ng bundok sa pisara ang pangalan ng tao mula sa mga banal na kasulatan o kasaysayan ng Simbahan na naisip nila.

    Talakayin ang sumusunod na tanong bilang klase.

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga taong ito na magagamit ninyo sa sarili ninyong pagsisikap na magkaroon ng self-reliance sa tulong ng Tagapagligtas?

Paano kaya ito mangyayari sa buhay sa araw-araw?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano sila praktikal na kikilos habang nagtitiwala sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas na pagpapalain ang kanilang mga pagsisikap. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isa sa mga sumusunod na sitwasyon at isipin kung paano maaaring sumampalataya ang indibiduwal kay Jesucristo habang nagsisikap siyang maging mas self-reliant.

  1. Nais ng isang binatilyo na magmisyon at mag-aral ngunit wala siyang sapat na pera upang gawin ang alinman sa mga ito.

  2. May mga problema sa kalusugan ang isang dalagita na humahadlang sa kanya na makapasok sa karamihan sa mga trabahong nakukuha ng iba.

  3. Isang binatilyo ang may matinding pagkabalisa. Ang mga sitwasyon sa lipunan, kabilang na ang pag-aaral at kanyang trabaho, ay napakahirap para sa kanya.

  4. Nais ng isang dalagita na magtagumpay sa paaralan ngunit hindi siya natututo nang kasing husay ng marami sa kanyang mga kaklase. Dahil dito, nag-aalala siya na hindi siya matanggap sa unibersidad kung saan inaasam niyang makapag-aral.

Maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na talakayin ang mga sitwasyong ito:

  • Anong mga hakbang ang maaaring gawin ng taong ito upang matugunan ang kanyang problema sa paraang nagbibigay-daan sa Panginoon na tulungan siya?

  • Ano ang maaari niyang gawin upang sumampalataya kay Jesucristo?

  • Sino ang maaari niyang hingan ng payo? Paano makapag-aanyaya ng tulong ng Panginoon ang paggawa nito?

Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa huling tanong, maaari mong imungkahi na maaaring humingi ng payo ang mga nasa sitwasyon sa mga magulang, lider, at propesyonal. Dagdag pa rito, maaari silang sumangguni sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin kung paano pinakamainam na tumugon sa kanilang sitwasyon.

Ipamuhay

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano makakaapekto ang pagpiling sumampalataya kay Jesucristo sa kanilang kalagayan sa kasalukuyan at maging sa hinaharap. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na pagnilayan at sagutin sa kanilang journal ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa anong aspeto ng iyong buhay gusto mong maging mas self-reliant?

  • Ano ang magagawa mo upang madaig ang mga balakid na maaaring kaharapin mo?

  • Paano ka kikilos nang may pananampalataya kay Jesucristo habang hinihingi mo ang tulong na kailangan mo?