Seminary
Lesson 183—Ang Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance ay Nagbibigay-daan sa Atin na Mas Mapangalagaan ang Iba: Paghahandang Maglingkod na tulad ng Tagapagligtas


“Lesson 183—Ang Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance ay Nagbibigay-daan sa Atin na Mas Mapangalagaan ang Iba: Paghahandang Maglingkod na tulad ng Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Ang Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance ay Nagbibigay-daan sa Atin na Mas Mapangalagaan ang Iba,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 183: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance

Ang Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance ay Nagbibigay-daan sa Atin na Mas Mapangalagaan ang Iba

Paghahandang Maglingkod na tulad ng Tagapagligtas

ang Tagapagligtas na naglilingkod sa mga maysakit

Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na “tulungan ang mahihina … at palakasin ang tuhod na mahihina” (Doktrina at mga Tipan 81:5). Mas masusunod natin ang tagubilin na ito kapag naging mas self-reliant tayo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano nagbibigay-daan sa kanila ang pagiging self-reliant upang mas matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtulong sa iba.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang kakayahang tulungan ang iba

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagkakaroon ng self-reliance ay nakaaapekto sa kakayahan nating tulungan ang iba, maaari kang mag-anyaya ng tatlong estudyante upang basahin ang isa sa mga sumusunod na sitwasyon. Huminto sandali pagkatapos basahin ang bawat sitwasyon at sabihin sa klase na magbahagi ng iba’t ibang bagay na maaaring tumukoy sa kung gaano kalaki ang maitutulong nina Marie, Nathan, o Jane. (Kung nais mo, maaari kang gumawa ng mga alternatibong sitwasyon na mas nauugnay sa iyong mga estudyante.)

  1. Nahihirapan ang kaibigan ni Marie na maunawaan ang kanyang assignment sa matematika at humihingi siya ng tulong kay Marie.

  2. Bilang bagong missionary, may nakilala si Nathan na may maraming tanong tungkol sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Tagapagligtas.

  3. Nalaman ni Jane na ang isang pamilya sa kanyang ward ay hindi nakapagbibigay sa kanilang mga anak ng kasuotang panlamig.

Maaari mong ipakita o bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa kanila na tukuyin at talakayin sa maliliit na grupo ang kahit isang parirala mula sa bawat talata na maaaring naaangkop sa mga sitwasyon sa itaas. (Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na maaaring bahagi ng salitang temporal na ginamit sa pahayag ang maraming aspekto ng kapakanan, tulad ng pinansyal, pang-edukasyon, emosyonal, at pisikal.)

Elder Robert D. Hales

Ang pag-asa sa sarili ay pag-angkin ng responsibilidad sa sarili nating espirituwal at temporal na kapakanan at sa mga yaong ipinagkatiwala ng Ama sa Langit sa ating pangangalaga. Sa pag-asa sa sarili lang natin tunay na matutularan ang Tagapagligtas sa paglilingkod at pagpapala sa iba.

Mahalagang unawain na ang pag-asa sa sarili ay isang paraan para makamit ang isang mithiin. Ang pinakamimithi natin ay maging katulad ng Tagapagligtas, at ang mithiing iyan ay pinag-iibayo ng ating di-makasariling paglilingkod sa iba. Ang kakayahan nating maglingkod ay nadaragdagan o nababawasan sa antas ng ating pag-asa sa sarili.

Sinabi minsan ni Pangulong Marion G. Romney: “Ang pagkain para sa nagugutom ay hindi nagmumula sa mga estanteng walang laman. Ang perang tutulong sa nangangailangan ay hindi nagmumula sa pitakang walang laman. Ang suporta at pag-unawa ay hindi nagmumula sa mga taong may problemang emosyonal. Ang pagtuturo ay hindi nagmumula sa mangmang. At higit sa lahat, ang espirituwal na patnubay ay hindi nagmumula sa taong mahina ang espirituwalidad” (sa Conference Report, Okt. 1982, 135; o Ensign, Nob. 1982, 93). (Robert D. Hales, “A Gospel Vision of Welfare: Faith in Action,” sa Basic Principles of Welfare and Self-Reliance [miting para sa pandaigdigang training sa pamumuno, 2009], 1–2; tingnan din ang ChurchofJesusChrist.org)

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan mo mula kay Elder Hales?

    Sa pagsagot ng mga estudyante sa naunang tanong, tiyaking nauunawaan nila na kapag tayo ay naging self-reliant, tayo ay nagiging higit na katulad ng Tagapagligtas at mas matutulungan at mapaglilingkuran natin ang iba.

    Maaari mong tulungan ang mga estudyante na makaugnay sa lesson sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila na isulat ang kanilang mga naiisip at sagot sa mga tanong na gaya ng mga sumusunod:

  • Paano mo natulungan ang iba sa pamamagitan ng mga kakayahan o pamamaraan na tinulungan ka ng Diyos na magkaroon?

  • Anong mga aspekto ng self-reliance ang maaaring ipagawa ng Ama sa Langit sa iyo ngayon upang mas mapangalagaan mo ang iyong sarili at ang iba sa hinaharap?

Pagiging higit na katulad ng Tagapagligtas

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at tanong. Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang aktibidad at talakayin ang tanong sa kapartner.

Basahin ang Lucas 2:40, 52 at markahan ang iba’t ibang aspekto ng progreso na ginawa ni Jesus noong Kanyang kabataan.

  • Paano maaaring maapektuhan ng paglago at pag-unlad ng Tagapagligtas noong Kanyang kabataan ang kakayahan Niyang maglingkod sa iba?

    Matapos magbahagi ng mga magkakapartner, anyayahan ang klase na magbahagi ng mga paraan na maaaring magkaroon ng self-reliance ang isang tinedyer ngayon sa bawat aspektong binanggit sa Lucas 2:40, 52.

    Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante upang tahimik na pagnilayan ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod:

  • Sino kaya ang matutulungan mo sa hinaharap kung lalo kang magiging self-reliant sa isa sa mga aspektong ito? Paano ka makatutulong?

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagsusumikap na maging self-reliant na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?

Mga halimbawa ng paglilingkod na tulad ng kay Cristo sa pamamagitan ng pag-asa sa sariling kakayahan o self-reliance

icon ng handoutMagbahagi ng mga halimbawa ng mga tao sa kasaysayan ng Simbahan na nakapaglingkod sa Diyos at sa iba. Maaari mo itong gawin sa pamamagitan ng pagsasaayos sa klase sa mga grupo sa pag-aaral at pagbibigay sa bawat grupo ng isa sa mga halimbawa mula sa handout na “Mga Halimbawa ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance mula sa Kasaysayan ng Simbahan.” Sabihin sa bawat grupo na basahin ang mga iminumungkahing talata at talakayin ang tanong sa dulo ng kanilang talata.

Mga Halimbawa ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance mula sa Kasaysayan ng Simbahan

Martin Harris: Noong 1827, naharap si Joseph Smith sa pag-uusig at kahirapan habang sinisikap niyang isalin ang Aklat ni Mormon mula sa mga laminang ginto. Nalaman ni Martin Harris, na isang matagumpay na magsasaka, ang tungkol sa sitwasyon ni Joseph. Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:61–62, at alamin kung paano nakatulong si Martin kay Joseph Smith. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:26, 34–35; 104:26 upang makita ang iba pang paraan na napaglingkuran ni Martin Harris ang Panginoon at napagpala ang iba. Naging sapat ang kakayahan ni Martin sa pinansyal na aspekto na kailangan niya upang mapaglingkuran ang Panginoon at ang iba sa mga makabuluhang paraan. Ano ang magagawa ngayon ng mga tinedyer upang magkaroon ng mga kasanayan, edukasyon, at kabuhayan upang matulungan silang makapaglingkod sa Panginoon at sa iba sa hinaharap?

Emma Hale Smith: Si Emma Hale ay isang mahusay na mambabasa, manunulat, titser, at musikero nang makilala niya si Joseph Smith. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:5–7, 11, at alamin ang mga responsibilidad na ipinagkatiwala ng Panginoon kay Emma. Nagkaroon si Emma ng mga kasanayan at edukasyon na nakatulong sa kanya na maglingkod sa Panginoon at sa iba sa mga makabuluhang paraan. Ano ang magagawa ngayon ng mga tinedyer upang magkaroon ng mga kasanayan, edukasyon, at kabuhayan upang matulungan silang makapaglingkod sa Panginoon at sa iba sa hinaharap?

William W. Phelps: Iniutos ng Panginoon kay William W. Phelps, na isang bagong nagbalik-loob sa Simbahan, na lumipat sa Missouri. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 55:4 at 57:11–13, at alamin ang mga natatanging atas na ibinigay ng Panginoon kay William upang maglingkod sa Kanyang Simbahan. Nagkaroon si William ng mga kasanayan at edukasyon na tumulong sa kanya na maglingkod sa Panginoon at sa iba sa mga makabuluhang paraan. Ano ang magagawa ngayon ng mga tinedyer upang magkaroon ng mga kasanayan, edukasyon, at kabuhayan upang matulungan silang makapaglingkod sa Panginoon at sa iba sa hinaharap?

Pagkatapos ay sabihin sa bawat grupo na ibahagi sa klase ang natutuhan nila.

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na mag-isip ng mga makabagong halimbawa ng mga taong naging self-reliant at pagkatapos ay nakapaglingkod sa iba sa paraang katulad ng kay Cristo. Maaari mong ipanood ang video na “Strengthen Thy Brethren” (3:50) o “On the Lord’s Errand: The Life of Thomas S. Monson” mula sa time code na 19:54 hanggang 24:18, na parehong makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

3:50
60:10

Maaari mong ibahagi kung paano ka nakapaglingkod sa iba o kung paano ka napaglingkuran ng iba sa pamamagitan ng mga kasanayan, kabuhayan, at katangiang nakuha mo o ng iba sa buhay.

Upang tapusin ang lesson, maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na mapanalanging pagnilayan o isulat kung ano sa palagay nila ang ipagagawa sa kanila ng Ama sa Langit sa natutuhan at nadama nila ngayon. Maaaring magbahagi sa klase ang mga boluntaryo ng ilan sa kanilang mga naiisip.