Seminary
Lesson 200—Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya: Pagtitipon sa Iba Patungo kay Jesucristo


“Lesson 200—Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya: Pagtitipon sa Iba Patungo kay Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 200: Paghahanda ng Misyonero

Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya

Pagtitipon sa Iba Patungo kay Jesucristo

paglilingkod sa iba

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, responsibilidad natin sa tipan na ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas “sa mga dulo ng daigdig” (Doktrina at mga Tipan 1:23). Maaari tayong makibahagi sa napakagandang gawaing ito sa pamamagitan ng pagmamahal sa iba, pagbabahagi ng mensahe ni Jesucristo, at pag-aanyaya sa kanila na makiisa sa atin sa paglapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na gumawa ng plano na ipalaganap ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng paggamit ng mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Huwag itago ang iyong liwanag ng ebanghelyo

kuwago sa puno

Upang simulan ang klase, magpakita sa mga estudyante ng larawan ng isang hayop na nakatago. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung bakit nakatutulong sa hayop ang pagtatagong tulad nito.

  • Sa anong mga sitwasyon maaaring naising magtago ng isang tao?

Ibinahagi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang bagay tungkol sa ating sarili na hindi natin gugustuhing itago:

Elder Quentin L. Cook

Ang mahalagang bahagi ng pagsisikap na ito sa gawaing misyonero ay para ang indibiduwal na mga miyembro ay maging gabay na liwanag saanman tayo nakatira. Hindi tayo maaaring magtago. …

… Inaasahan ng Panginoon na ang mga tumanggap ng Kanyang ebanghelyo ay magsisikap upang maging halimbawa ng gumagabay na liwanag na tutulong sa ibang tao na lumapit sa Diyos. Tutulungan nito ang ating mga kapatid sa iba’t ibang bahagi ng mundo na matamasa ang napakagagandang biyaya at ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at ligtas na matitipon sa Kanyang tahanan. (Quentin L. Cook, “Ligtas na Natipon sa Kanyang Tahanan,” Liahona, Mayo 2023, 23)

  • Ano ang makabuluhan para sa iyo sa mensahe ni Elder Cook?

Upang matulungan ang mga estudyante na maihanda ang kanilang puso at isipan para sa lesson na ito, maaari mo silang anyayahang magbahagi ng kuwento tungkol sa isang kapamilya o kaibigan na sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maaari din nilang ibahagi ang sarili nilang kuwento ng pagbabalik-loob. Kung may mga kuwentong ibabahagi ang ilang estudyante, maaari mo silang anyayahang magbahagi sa kapartner o sa maliliit na grupo.

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang study journal ang mga paraan na maaari silang “magtago” at ang mga paraan na maaaring maging “gumagabay na liwanag” ang kanilang personal na gawaing misyonero.

Hikayatin ang mga estudyante na mapanalanging anyayahan ang Espiritu na tulungan silang malaman kung paano nila hayagang maibabahagi ang liwanag ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.

Ang kautusan sa pagmimisyon ng Tagapagligtas

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Quentin L. Cook. Sabihin sa mga estudyante na humingi ng payo sa kung paano epektibong maibabahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Itinuro din ni Elder Cook:

Elder Quentin L. Cook

Magiliw tayong inaanyayahan ng Panginoon na maging Kanyang tinig at Kanyang mga kamay. Ang pagmamahal ng Tagapagligtas ay magiging gumagabay na ilaw sa atin. Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “Kaya’t sa paghayo ninyo, gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa” [Mateo 28:19]. …

Para sa utos ng Tagapagligtas na ibahagi ang ebanghelyo, … dapat nating mahalin ang ating kapwa, ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, at anyayahan ang lahat na pumarito at alamin pa ang tungkol dito. (Quentin L. Cook, “Pagbabalik-loob sa Kalooban ng Diyos,” Liahona, Mayo 2022, 56)

  • Paano mo ipaliliwanag ang mensahe ni Elder Cook sa sarili mong mga salita?

    Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang tulad nito: Tumutulong tayo sa gawaing misyonero ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagmamahal sa ating kapwa, pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo, at pag-aanyaya sa iba na lumapit sa Kanya.

    Maaari mong isulat sa itaas ng tatlong column sa pisara ang mga salitang magmahal, magbahagi, at mag-anyaya. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong, anyayahan silang magsimula ng isang listahan sa bawat column ng mga ideya sa kung paano mapapalapit ang iba sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya.

  • Ano ang ilang epektibong paraan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo na nakita mong ginawa ng iba?

  • Ano ang mga naranasan mo sa pagbabahagi sa iba ng ebanghelyo ng Tagapagligtas?

Magmahal, magbahagi, at mag-anyaya

icon ng handout Ang isang paraan upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya ay ang pagbibigay sa kanila ng mga kopya ng handout na may pamagat na “Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya.” Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo upang pag-aralan ang materyal sa ilalim ng “Magmahal.” Maaari silang bumuo ng mga bagong grupo upang pag-aralan ang “Magbahagi” at pagkatapos ay mga bagong grupo upang pag-aralan ang “Mag-anyaya.”

Bilang alternatibo, maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang mga scripture passage sa ideya sa “Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan” sa pahina 223 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo (2023).

Maaari mong ipakita sa pisara ang mga sumusunod na tanong upang matalakay ng mga estudyante sa kanilang mga grupo ang mga ito habang nag-aaral sila.

  • Ano ang mga kabatirang nakuha mo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo?

  • Paano ipinakita ng Tagapagligtas ang alituntunin sa Kanyang pakikisalamuha sa iba?

  • Ano ang ilang paraan na maaaring kumilos ang mga tinedyer ayon sa alituntunin sa pagsisikap nilang ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas?

Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya

Magmahal

Juan 13:34–35; Mosias 18:20–22; Doktrina at mga Tipan 12:7–9; 121:41–42

Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Gary E. Stevenson

Tuwing nagpapakita tayo ng pagmamahal na tulad ni Cristo sa ating kapwa, ipinapangaral natin ang ebanghelyo—kahit hindi tayo nagsasalita.

Pagmamahal sa iba ang malinaw na pagpapahayag ng ikawalang dakilang utos na ibigin ang ating kapwa; ipinapakita nito ang nagpapadalisay na proseso ng Banal na Espiritu na pumupukaw sa ating sariling kaluluwa. Sa pagpapamalas ng pagmamahal ni Cristo sa iba, mahihikayat natin ang mga nakakakita sa ating mabubuting gawa na “luwalhatiin [ang ating] Ama na nasa langit” [Mateo 5:16]. (Gary E. Stevenson, “Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya,” Liahona, Mayo 2022, 85)


Magbahagi

2 Nephi 2:6–8; Mosias 28:1–3; Alma 31:5; Doktrina at mga Tipan 60:2

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dieter F. Uchtdorf

Kung may nagtatanong tungkol sa katapusan ng inyong linggo, huwag mag-atubiling banggitin ang naranasan ninyo sa simbahan. Banggitin ang maliliit na batang tumayo sa harapan ng kongregasyon at buong siglang umawit kung paano nila sinisikap na maging tulad ni Jesus. Banggitin ang tungkol sa grupo ng kabataan na gumugol ng oras sa pagtulong sa matatanda sa mga bahay-kalinga upang bumuo ng personal na mga kasaysayan. …

Sa anumang paraan na tila likas at karaniwan sa inyo, ibahagi sa mga tao kung bakit mahalaga sa inyo si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan. (Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 17)


Mag-anyaya

Juan 1:35–46; 4:28–30, 39–41; Alma 5:62; Moroni 10:3–5

Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Gary E. Stevenson

Daan-daang paanyaya ang maipararating natin sa iba. Maaari nating anyayahan ang iba na “pumarito at tingnan” ang isang sacrament service, isang aktibidad ng ward, isang online video na nagpapaliwanag sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang “pumarito at tingnan” ay maaaring maging isang paanyayang basahin ang Aklat ni Mormon o bisitahin ang isang bagong templo sa open house nito bago ito ilaan. Kung minsa’y inaanyayahan natin ang ating sarili—isang paanyaya sa ating sarili, na nagbibigay sa atin ng kamalayan at pananaw sa mga oportunidad na nakapaligid sa atin na magagawa natin. (Gary E. Stevenson, “Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya,” Liahona, Mayo 2022, 86)

Mga epektibong paraan upang magmahal, magbahagi, at mag-anyaya

Tulungan ang mga estudyante na mag-brainstorm ng mga karagdagang ideya sa kung paano ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya. Isama ang kanilang mga ideya sa pisara sa ilalim ng mga kaukulang column. Ang ilan sa mga sumusunod na resources ay maaaring makatulong sa paggawa ng mga ideya:

2:46

Mga Simpleng Paraan Para Magmahal, Magbahagi, At Mag-anyaya

Ipinakita ng Tagapagligtas ang halimbawa ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya. Maghanap ng mga ideya at inspirasyon kung paano mo matutularan ang halimbawang iyan sa share.churchofjesuschrist.org.

54:6

Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya

Inaanyayahan ang mga lider ng ward at stake sa isang espesyal na pandaigdigang brodkast na nakatuon sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya.

Ipamuhay ang natutuhan mo

Maaari kang magbahagi ng isang pagkakataong tinulungan mo ang isang tao sa pamamagitan ng paggamit ng mga alituntunin ng pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya. O maaari mong ibahagi ang isang pagkakataong pinagpala ng isang tao ang iyong buhay sa pamamagitan ng paggamit ng mga alituntuning ito.

Sabihin sa mga estudyante na sundin ang anumang pahiwatig na nadama nila ngayon upang gumawa ng plano na ibahagi ang ebanghelyo. Maaaring kabilang sa kanilang mga plano ang pagpapatupad ng isa o mahigit pa sa mga ideyang nakalista sa pisara. Upang makatulong sa mga detalye ng kanilang mga plano, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at pahiwatig na gagawin ng mga estudyante sa kanilang study journal.

Pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na pahiwatig na gagawin sa iyong study journal:

  • Ipapakita ko ang pagmamahal sa isang tao sa pamamagitan ng .

  • Ibabahagi ko ang nalalaman o nadarama ko tungkol sa ebanghelyo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng .

  • Aanyayahan ko si (pangalan ng isang tao) na .

Para sa (mga) pahiwatig na pinili mong sagutin, kumpletuhin ang sumusunod sa iyong study journal:

  • Ang susunod na hakbang na gagawin ko upang makumpleto ang aking plano ay .

  • Susubukan kong gawin ito sa pamamagitan ng (petsa).

Maaaring panghinaan ng loob ang ilang estudyante kung hindi maganda ang naging tugon sa tapat na pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na minamahal ng Panginoon ang mga pagsisikap na ginagawa nila, kahit tila hindi ito matagumpay ngayon. Anyayahan silang patuloy na kumilos nang may pananampalataya anuman ang mga agarang resulta.