Seminary
Lesson 202—Ang Aklat ni Mormon ay Kasangkapan sa Pagbabalik-loob: Paggamit ng Aklat ni Mormon upang Maghandang Ibahagi ang Ebanghelyo


“Lesson 202—Ang Aklat ni Mormon ay Kasangkapan sa Pagbabalik-loob: Paggamit ng Aklat ni Mormon upang Maghanda na Ibahagi ang Ebanghelyo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Ang Aklat ni Mormon ay Kasangkapan sa Pagbabalik-loob,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 202: Paghahanda ng Missionary

Ang Aklat ni Mormon ay Kasangkapan sa Pagbabalik-loob

Paggamit ng Aklat ni Mormon upang Maghandang Ibahagi ang Ebanghelyo

magkakaibigan na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Ang Aklat ni Mormon ay kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos upang tipunin kay Jesucristo ang Israel sa mga huling araw. Upang magamit ng mga estudyante ang kaloob na ito para makatulong sa pagtitipon ng iba, mahalagang matanggap nila ang sarili nilang patotoo mula sa Diyos na totoo ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kanilang mga patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon bilang paghahanda na ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isang kasangkapan upang tipunin ang Israel

Maaaring maglista sa pisara o magpakita ng iba’t ibang kasangkapan na pamilyar sa iyong mga estudyante. Ang ilang halimbawa ay martilyo, screwdriver, toothbrush, stapler, at iba pa. Anyayahan ang mga estudyante na pag-usapan ang mga pakinabang ng mga kasangkapan gamit ang mga tanong na tulad ng sumusunod.

mga kasangkapan
  • Kailan ninyo huling ginamit ang isa sa mga kasangkapang ito? Paano ninyo ito ginamit?

  • Ano ang mangyayari kung gagamitin ang ilan sa iba pang kasangkapan sa gayon ding paggamit?

    Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na mas maayos na magagawa ng ilang partikular na kasangkapan ang ilang partikular na gawain, maaaring hilingin sa isang estudyante na gawin ang isang bagay tulad ng pag-stapler ng ilang papel gamit ang screwdriver o toothbrush.

    Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na may mga partikular na gamit ang mga kasangkapang ito. Gayundin, naglaan ang Diyos ng mga kasangkapan upang maisakatuparan ang mga partikular na bahagi ng Kanyang gawain, at isa na rito ang pagtitipon ng mga tao kay Jesucristo.

  • Ano ang ilang kasangkapan na inilaan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para tipunin ang mga tao sa Kanila?

Maaaring basahin ng mga estudyante ang sumusunod na pahayag para kumpirmahin ang kanilang mga sagot sa naunang tanong o para makakita ng mga karagdagang sagot.

Itinuro ni Elder Shayne M. Bowen ng Pitumpu:

Elder Shayne M. Bowen

Tinitipon natin ang Israel sa huling pagkakataon at ginagawa ito sa tulong ng Aklat ni Mormon—isang aklat na, kapag sinamahan ng Espiritu ng Panginoon, ay siyang pinakamabisang kasangkapan sa pagbabalik-loob. (Shayne M. Bowen, “Ang Papel na Ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa Pagbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2018, 83)

  • Sa inyong palagay, bakit maaaring maging napakabisang kasangkapan ang Aklat ni Mormon sa pagbabalik-loob at pagtitipon ng mga tao kay Jesucristo?

Makinig nang mabuti habang sumasagot ang mga estudyante, at kung naaangkop, anyayahan silang ibahagi kung bakit ganoon ang nadarama nila.

Kung makatutulong sa mga estudyante na makakita ng halimbawa ng kung paano naging kasangkapan ang Aklat ni Mormon sa pagdadala ng isang tao palapit sa Diyos, maaaring ipanood ang “A Book of Mormon Story” (5:15), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

5:15

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Moroni 10:3–5 at ang sumusunod na pahayag. Sabihin sa kanila na maghanap ng mahalagang paraan kung paano tayo makapaghahanda na ibahagi ang Aklat ni Mormon sa iba.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Pangulong Henry B. Eyring

Para malaman natin kung totoo ang Aklat ni Mormon, dapat natin itong basahin at gawin natin ang pasiyang matatagpuan sa Moroni: manalangin para malaman kung ito ay totoo. Kapag nagawa na natin iyan, makapagpapatotoo tayo sa ating mga kaibigan mula sa sarili nating karanasan na magagawa nila ang pasiyang iyan at malalaman ang katotohanang iyon. (Henry B. Eyring, “A Voice of Warning,” Ensign, Nob. 1998, 34)

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa pahayag ni Pangulong Eyring at sa Moroni 10:3–5?

Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila, maaari nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Ang pagkakaroon ng sarili nating patotoo sa Aklat ni Mormon ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na tulungan ang iba na malaman ang katotohanan nito.

Para matulungan ang mga estudyante na isipin ang sarili nilang mga karanasan sa katotohanang ito, maaari mo silang anyayahan na tahimik na suriin ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na pahayag.

Gamit ang isang scale na isa hanggang lima, kung saan ang isa ay “hindi totoo para sa akin” at ang lima ay “napakatotoo para sa akin,” i-rate ang mga sumusunod na pahayag:

  • Maipapaliwanag ko sa isang kaibigan kung ano ang Aklat ni Mormon at kung paano nito mailalapit ang mga tao kay Cristo.

  • Pinag-aaralan ko ang Aklat ni Mormon sa paraang pinapalalim ang aking personal na pagbabalik-loob kay Jesucristo.

  • May mga karanasan ako na nagbibigay-daan sa akin na patotohanan sa iba na ang Aklat ni Mormon ay totoo.

Maaaring anyayahan ang mga estudyante na humingi ng inspirasyon sa kung paano aanyayahan ang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang buhay at sa buhay ng iba sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon.

Pagpapahalaga sa kaloob ng Diyos na Aklat ni Mormon

Sa isang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, binigyang-diin ng Panginoon ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng nadarama niya kapag ipinagwawalang-bahala ito ng mga tao.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:54–57, at isipin kung paano maaaring maiangkop ang mga talatang ito sa mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon na naghahanda na ibahagi ang Kanyang ebanghelyo.

  • Ano ang natuklasan ninyo na maaaring maiangkop sa mga nagnanais na ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas?

  • Ano ang ilang paraan na maipapakita natin kung gaano kahalaga ang Aklat ni Mormon sa ating buhay?

Personal na kaalaman at patotoo sa Aklat ni Mormon

Ang sumusunod na sitwasyon, o ibang sitwasyon na gagawin mo, ay makatutulong sa mga estudyante na ipahayag ang natutuhan at nadama nila sa lesson. Maaaring basahin ang sitwasyon bilang klase at bigyan ng oras ang mga estudyante upang pag-isipan ang maaaring ibahagi nila kay Annie.

Kadadalo lang ni Annie sa isang klase para sa paghahanda ng missionary. Humingi siya ng mga mungkahi sa mga titser na returned missionary tungkol sa paghahanda na ibahagi ang ebanghelyo. Pinayuhan siya ng parehong titser na palakasin ang kanyang kaalaman at patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Sa dinami-rami ng maaari nilang isagot, hindi ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang inaasahang sagot ni Annie.

Anyayahan ang mga estudyante na lumibot sa loob ng silid at sabihin sa kahit dalawang iba pang estudyante kung ano ang maaari nilang ibahagi kay Annie.

Isipin kung paano gumawa ng pagkakataon para magpatotoo ang Espiritu Santo tungkol sa Aklat ni Mormon sa iyong mga estudyante. Maaari mong anyayahan ang mga boluntaryo na ibahagi sa klase ang kanilang mga paboritong passage sa Aklat ni Mormon o ang mga karanasan nila sa pagkakaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Maaari kang magbahagi ng isang passage na nakatulong sa iyo na mas makilala ang Tagapagligtas. Bigyan ng oras ang mga estudyante para maghanda. Kung maraming estudyante ang gustong magbahagi, anyayahan silang gawin ito sa maliliit na grupo para magkaroon ng pagkakataon ang lahat.

Ipamuhay

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na tahimik na sagutin ang sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Ano ang magagawa mo para mapalalim ang iyong ugnayan kay Jesucristo sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon?

    Maaari kang magmungkahi ng ilang opsiyon, tulad ng sumusunod: pagbabasa ng buong Aklat ni Mormon sa isang partikular na yugto ng panahon, paghahanap ng mga talatang maibabahagi sa iba, o paghingi ng patotoo sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ang aklat ay totoo.

    Maaari mo ring ipanood ang video na “The Book of Mormon” (2:10), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Sa video na ito, ibinahagi nina Elder Jeffrey R. Holland at Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano sila inanyayahan ng kanilang mission president na kilalanin si Cristo sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon. Maaaring piliin ng mga estudyante na sundin ang paanyayang iyon.

    2:10
  • Paano kayo maihahanda ng pagsasagawa ng isinulat ninyo upang maibahagi ang Aklat ni Mormon sa buhay sa araw-araw o bilang full-time missionary?

Maaaring makatulong na ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kung paano ka tinulungan ng Aklat ni Mormon na mapalapit kay Jesucristo.