Seminary
Lesson 206—Sa Templo, Nakikipagtipan Tayo na Sundin ang Batas ng Paglalaan: Ang Pagsasabuhay sa Batas ng Paglalaan ay Makatutulong sa Atin na Maging Katulad ng Diyos


“Lesson 206—Sa Templo, Nakikipagtipan Tayo na Sundin ang Batas ng Paglalaan: Ang Pagsasabuhay sa Batas ng Paglalaan ay Makatutulong sa Atin na Maging Katulad ng Diyos,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Sa Templo, Nakikipagtipan Tayo na Sundin ang Batas ng Paglalaan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 206: Paghahanda para sa Templo

Sa Templo, Nakikipagtipan Tayo na Sundin ang Batas ng Paglalaan

Ang Pagsasabuhay sa Batas ng Paglalaan ay Makatutulong sa Atin na Maging Katulad ng Diyos

mga kabataang naglalaan ng oras sa templo

Bilang bahagi ng kaloob, o endowment, makatatanggap tayo mula sa Panginoon sa Kanyang mga templo, gumagawa tayo ng mga sagradong tipan. Ang isa sa mga tipang ginawa natin sa Ama sa Langit ay ang sundin ang batas ng paglalaan. Nangangako ang mga miyembrong nakatanggap na ng endowment na ilalaan ang kanilang oras, talento, at iba pang pagpapalang natatanggap nila sa pagtatayo ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang sagradong batas ng paglalaan, na nakipagtipan tayo sa Diyos sa templo na sundin ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagsunod sa isang recipe

Tandaan: Itinuturo sa lesson na ito ang mga tipang ginagawa natin bilang bahagi ng ordenansa ng endowment sa templo at nakatuon ito sa batas ng paglalaan. Tinatalakay ng mga lesson sa ibang kurso sa seminary ang ibang batas.

Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng recipe para sa pagkain na maaaring masiyahan silang kainin. Hikayatin silang maghanap ng mga kasamang larawan ng mga resulta mula sa pagsunod sa recipe. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na maghanap at magbahagi sa maliliit na grupo. Kung hindi makahanap ang mga estudyante ng mga recipe at mga kasamang larawan sa klase, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at hilingin sa mga estudyante kung paano sila mahihikayat na sundin ang recipe kung makikita nila ang resulta nito.

cake na may topping
  • Ano na ba ang nagawa ninyo gamit ang isang recipe?

  • Paano makatutulong ang pagkakaroon ng larawan o video kasama ng recipe?

Nakikipagtipan tayo sa Diyos sa mga banal na templo

Tulad ng larawan o video ng naluto mula sa recipe, makatutulong na malaman ang inaasahang resulta ng pagtanggap ng ating endowment sa templo. Bilang bahagi ng ordenansa ng endowment, nakikipagtipan tayo sa Diyos na sundin ang limang magkakaibang batas. Ang pamumuhay ayon sa mga batas na ito ay tulad ng pagsunod sa bawat mahalagang hakbang ng isang recipe. Ang mga batas na nakipagtipan tayong sundin sa templo ay tumutulong sa atin na maging mas katulad ng Diyos at maihahanda tayo nito na mamuhay kasama Niya sa kahariang selestiyal.

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod (hindi isinasama ang mga salita sa loob ng mga panaklong) at sabihin sa mga estudyante na isulat ang bawat isa sa mga batas na nakikipagtipan tayong isabuhay kapag tinatanggap ang ating endowment sa mga templo. Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante, maaari mong ituro sa kanila ang 27.2, “Ang Endowment,” sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.

  1. Batas ng (pagsunod)

  2. Batas ng (sakripisyo)

  3. Batas ng (ebanghelyo ni Jesucristo)

  4. Batas ng (kalinisang-puri)

  5. Batas ng (paglalaan)

    Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Bilang bahagi ng endowment sa templo, nakikipagtipan tayo sa Diyos na isabuhay ang batas ng paglalaan.

    Maaaring natutuhan ng mga estudyante ang batas ng paglalaan sa nakaraang lesson. (Tingnan sa “Lesson 57: Doktrina at mga Tipan 42:29–39: Inilaan sa Panginoon”)

    Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa batas na ito. Kapag sinuri mo kung ano na ang nalalaman ng mga estudyante, malalaman mo kung sa saan mo tutulungang tumuon ang mga estudyante sa lesson. Maaari mong itanong muli ang ilan sa mga ito sa pagtatapos ng lesson upang matulungan ang mga estudyante na ipahayag ang natutuhan nila.

    • Ano ang alam ninyo tungkol sa batas ng paglalaan?

    • Ano pa ang mga tanong ninyo tungkol sa batas ng paglalaan?

Hikayatin ang mga estudyante na humingi ng tulong sa Espiritu Santo upang maunawaan ang batas ng paglalaan at kung paano sila mapagpapala ng paghahandang makipagtipan sa Diyos sa templo.

Icon ng HandoutBigyan ang mga estudyante ng sumusunod na handout at anyayahan silang tuklasin kung ano ang batas ng paglalaan at kung paano tayo matutulungan ng pagsasabuhay sa batas na ito na maging mas katulad ng Diyos. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring hanapin ng mga estudyante ang Topics and Questions, “Consecration.”

Ang Batas ng Paglalaan ng Panginoon

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

[Ang] batas ng paglalaan ng Panginoon (halimbawa, tingnan sa D&T 42:32, 53) … [ay] may papel na ginagampanan sa kabuhayan, ngunit, higit pa riyan, ito ay pagpapamuhay ng selestiyal na batas sa buhay na ito (tingnan sa D&T 105:5). Ang paglalaan ay pagtatalaga sa isang bagay bilang sagrado, na inilaan para sa mga banal na layunin. Ang tunay na tagumpay sa buhay na ito ay nagmumula sa paglalaan ng ating buhay—iyon ay, ang ating panahon at mga pagpili—sa mga layunin ng Diyos (tingnan sa Juan 17:1, 4; D&T 19:19). Sa paggawa nito, tinutulutan natin Siya na iangat tayo sa pinakamaluwalhati nating tadhana. (D. Todd Christofferson, “Larawan ng Isang Buhay na Inilaan,” Liahona, Nob. 2010, 16)

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dieter F. Uchtdorf

Ang sakripisyo at paglalaan ay dalawang batas ng langit na nakipagtipan tayong susundin sa banal na templo. Ang dalawang batas na ito ay may pagkakatulad ngunit hindi magkapareho. …

Ang paglalaan ay naiiba sa sakripisyo kahit paano sa isang mahalagang paraan. Kapag inilalaan natin ang isang bagay, hindi natin ito iniiwan para matupok sa ibabaw ng dambana. Sa halip, ginagamit natin ito sa paglilingkod sa Panginoon. Inilalaan natin ito sa Kanya at sa Kanyang banal na mga layunin. Tinanggap natin ang mga talentong bigay ng Panginoon sa atin at sinisikap na mapaunlad ang mga ito, nang maraming beses, upang lalong makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon.

Kakaunti sa atin ang hihilingang isakripisyo ang ating buhay para sa Tagapagligtas. Ngunit lahat tayo ay inaanyayahang ilaan ang ating buhay sa Kanya. (Dieter F. Uchtdorf, “Buong Puso Natin,” Liahona, Mayo 2022, 124)

Ano ang batas ng paglalaan? Paano ito nakakaapekto sa akin?

Ngayon, ipinamumuhay natin ang batas na ito sa iba-ibang paraan. Halimbawa, naglilingkod tayo sa iba, tumatanggap ng mga calling at tungkulin sa Simbahan at ginagawa ang lahat ng makakaya natin, at nagbabayad ng buong ikapu at bukas-palad na handog-ayuno. Kapag sinusunod natin ang ipinagagawa sa atin ng mga propeta at ng Espiritu Santo para maitayo ang kaharian ng Diyos at tulungan ang mga nangangailangan, sinusunod natin ang batas ng lubos na paglalaan. (“Ano ang batas ng lubos na paglalaan? Paano ito nakakaapekto sa akin?,Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2021, 31)

  • Batay sa inyong naunawaan tungkol sa batas ng paglalaan, paano ito naging pagpapala mula sa Diyos?

  • Sa palagay ninyo, paano makatutulong sa atin ang pagsasabuhay sa batas ng paglalaan na maging katulad ang Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Ano ang kahulugan ng pagsasabuhay sa batas ng paglalaan

Upang matulungan ang mga estudyante na maipakita ang natutuhan nila, maaari mo silang anyayahan na gawin ang sumusunod na aktibidad nang mag-isa, kasama ang isang kapartner, o sa maliliit na grupo. Kung pipiliin ng mga estudyante ang isa sa unang dalawang mungkahi, hikayatin silang magsama ng mga larawan o paglalarawan.

Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa paghahanap ng mga halimbawa sa banal na kasulatan para sa unang opsiyon, maaari mong imungkahi ang Mateo 4:23; 26:36–44; Lucas 8:1–3; 10:30–37; Mga Gawa 3:2–8; 4:32.

Gamitin ang isa sa mga sumusunod na opsiyon upang gumawa ng isang bagay na makatutulong sa inyo na ipaliwanag ang mahahalagang detalye tungkol sa batas ng paglalaan. Ang ginawa ninyo ay maaari ding magsilbing paalala habang inihahanda ninyo ang inyong sarili na tumanggap ng inyong endowment mula sa Panginoon.

  1. Magsulat ng dalawa o tatlong pangungusap na nagpapaliwanag ng batas ng paglalaan sa isang tinedyer. Magsama ng ilang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan kung saan ipinakita ni Jesucristo o ng Kanyang mga disipulo ang pagsasabuhay sa batas na ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang oras, talento, o iba pang mga pagpapala sa iba.

  2. Magsulat ng maikling artikulo para sa magasin na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaari mong piliing ituon ang iyong mensahe sa pagtulong sa mga tinedyer na naghahandang tumanggap ng kanilang endowment mula sa Panginoon.

  3. Magsagawa ng maikling role play o skit upang maipakita ang mga paraan kung paano isabuhay ang batas ng paglalaan. Subukang magsama ng mga halimbawa na magkakaroon ng kaugnayan sa pagpili ng mga tinedyer na isabuhay ang batas na ito.

    Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na maipakita ang kanilang pag-unawa sa batas ng paglalaan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng inihanda nila. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi sa klase, o maaaring gusto nilang magbahagi sa isa’t isa sa maliliit na grupo.

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano maituturing kaagad na pagpapala sa kanila at sa iba ngayon mismo ang pagsisimulang isabuhay ang mga alituntunin ng batas ng paglalan. Maaari kang mag-anyaya ng talakayan sa klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga sumusunod na tanong at pagsasabi sa mga estudyante na sagutin ang isa sa mga ito. Maaari mo ring idagdag ang iyong patotoo sa ibinabahagi ng mga estudyante.

    • Ano ang isang bagay na natutuhan ninyo ngayon na makatutulong sa inyo na maghandang dumalo sa templo at tumanggap ng inyong endowment mula sa Panginoon?

    • Sa palagay ninyo, paano makakaapekto ang pagsasabuhay sa batas ng paglalaan sa inyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?