Seminary
Lesson 207—Family History at Paglilingkod sa Templo: Maaari Tayong Magsagawa ng mga Ordenansa para sa Ating mga Yumaong Ninuno sa Bahay ng Panginoon


“Lesson 207—Family History at Paglilingkod sa Templo: Maaari Tayong Magsagawa ng mga Ordenansa para sa Ating mga Yumaong Ninuno sa Bahay ng Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Family History at Paglilingkod sa Templo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 207: Paghahanda para sa Templo

Family History at Paglilingkod sa Templo

Maaari Tayong Magsagawa ng mga Ordenansa para sa Ating mga Yumaong Ninuno sa Bahay ng Panginoon

kabataan na may hawak na mga card para sa ordenansa sa templo

Sa maawaing plano ng Ama sa Langit, ang mga namatay nang hindi nakatanggap ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi mawawala magpakailanman. Maaari nating maibigay sa ating mga yumaong ninuno ang kailangan nilang tulong sa pamamagitan ng paggawa ng family history at paglilingkod sa templo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mahanap ang mga pangalan ng kanilang mga yumaong ninuno at maghandang magsagawa ng mga ordenansa para sa kanila sa mga templo ng Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mga pagpapala ng family history at paglilingkod sa templo

Tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga pagpapalang matatanggap sa pamamagitan ng gawain sa family history at templo. Kung may mga personal na karanasan ang mga estudyante, maaari mo silang anyayahan na ibahagi ang mga pagpapalang nasaksihan nila.

Kung kinakailangan, maaari mo ring ibahagi ang video na “Improve Your Temple Experience; Change Your Life” (3:21), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 1:42 hanggang 3:21.

2:3

Improve Your Temple Experience; Change Your Life

Elder Scott speaks of youth doing family history and how the youth in Kansas City embraced and succeeded in the work.

Maaari mo ring ibahagi ang sumusunod na patotoo.

Ibinahagi ni Pierre-Alban, isang 17 taong gulang na lalaki na nakatira sa France, ang sumusunod na patotoo tungkol sa kanyang karanasan sa pagpunta sa templo:

Noong una akong magpunta sa Bern Switzerland Temple, kasama ko ang pamilya ko at mga kaibigan. Nagdulot sa akin ng malaking kagalakan ang karanasang ito. Nadama naming lahat ang Espiritu. Alam ko na ang ginagawa ko ay mabuti at ipinagmamalaki ng Diyos ang aming gawain. Alam ko na ang templo ay naghahatid sa atin ng maraming pagpapala. Kapag nag-uukol tayo ng oras na gawin ang gawain sa templo para sa ating mga ninuno, pinagpapala tayo ng Ama sa Langit. Magiging masaya Siya sa nagawa natin para sa Kanyang mga anak sa Kanyang bahay. (Pierre-Alban C., Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2022, sa loob ng pabalat sa harapan)

  • Anong mga pagpapala ang nalalaman ninyo na matatanggap sa pamamagitan ng family history at paglilingkod sa templo?

  • Paano ninyo sisimulan ang pagtulong sa isang taong gustong makibahagi sa gawain sa templo at family history ngunit hindi alam kung paano magsisimula?

Pagsasagawa ng mga ordenansa para sa mga yumao

Maaari kang magbahagi ng ilang karanasan mula sa kasaysayan ng Simbahan tungkol sa mga taong nalaman ang pagbibinyag para sa mga patay nang una itong itinuro sa dispensasyong ito. Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang sumusunod na sipi mula sa Mga Banal, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan at talakayin ang natutuhan nila kasama ang isang kapartner.

Nagtipon ang mga Banal sa Nauvoo para sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1840. Itinuro sa kanila ni Joseph ang iba pa tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay, ipinapaliwanag na ang mga espiritu ng mga patay ay naghihintay sa kanilang mga kaanak na buhay na tanggapin ang nakapagliligtas na ordenansa para sa kanilang kapakanan.

Sa pagitan ng mga sesyon ng kumperensya, nagmamadaling tumungo sa Ilog Mississippi ang mga Banal, kung saan maraming elder ang nakatayo sa tubig na hanggang baywang, inaanyayahan silang magpabinyag para sa kanilang mga yumaong lolo’t lola, mga ama, ina, kapatid at mga anak. Hindi nagtagal kalaunan, bininyagan si Hyrum para sa kanyang kapatid na si Alvin.

Habang pinagmamasdan ni Vilate Kimball ang mga elder sa ilog, inasam niya na mabinyagan para sa kanyang ina, na pumanaw mahigit isang dekada na ang nakararaan. Ninais niya na sana ay nakabalik na mula sa England si Heber upang gawin ang ordenansa, ngunit dahil hinikayat ni Joseph ang mga Banal na tubusin ang mga patay sa lalong madaling panahon, nagpasiya siyang kaagad magpabinyag para sa kanyang ina.

Inisip din ni Emma Smith ang kanyang pamilya. Ang kanyang amang si Isaac Hale ay pumanaw noong Enero 1839. …

… Mahal ni Emma ang kanyang ama at nabinyagan para sa kanya sa ilog. Hindi niya tinanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buhay na ito, ngunit inaasahan niya na ito ay hindi magiging gayon magpakailanman. (Mga Banal, 1:483)

  • Ano ang nakita ninyong makabuluhan mula sa mga karanasang ito?

Bukod sa iba pang bagay na nabanggit, maaari mong ipaliwanag na ang mga pagbibinyag na ito ay isinagawa sa Ilog Mississippi at hindi sa templo. Noon, wala pang templo o bautismuhan sa Nauvoo. Maaari ding mapansin ng mga estudyante na nabinyagan si Emma Smith para sa kanyang ama. Maaari mong ipaliwanag na kalaunan, inihayag ng Panginoon na sa pagsasagawa ng mga ordenansa, ang mga babae ay magsasagawa para sa mga babae at ang mga lalaki ay para sa mga lalaki (tingnan sa Mga Banal, 1:660).

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 124:29–36, at alamin ang inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa mga pagbibinyag na isinasagawa ng mga Banal sa Nauvoo para sa mga patay.

  • Ano ang inihayag ng Panginoon?

  • Ano rin ang maituturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa Kanya?

    Malamang na tumukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan tungkol sa Panginoon na nagbibigay-diin sa kahalagahang ibinibigay Niya sa Kanyang mga templo. Ang isang halimbawa ay tinatanggap ng Panginoon ang mga ordenansang isinasagawa natin para sa ating mga yumaong ninuno sa Kanyang mga banal na templo.

    Maaari ding mabanggit ng mga estudyante ang mga katotohanan tungkol sa katangian ng Panginoon. Maaari nilang matukoy na si Jesucristo ay matiyaga at makatarungan dahil nangako Siya sa mga Banal ng “sapat na panahon” (talata 3133) upang maitayo ang templo. Bagama’t ang natitirang bahagi ng lesson na ito ay nakatuon sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa mga templo na partikular para sa ating mga ninuno, kung nais ng mga estudyante, huwag mag-atubiling maglaan ng oras upang talakayin ang mga katangian ni Jesucristo.

  • Ano ang matututuhan natin sa paggamit ng Panginoon ng mga salitang “mga pagbibinyag para sa inyong mga patay”? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:32–33; 127:5).

Ganito ang sinabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa ating mga ninuno:

Elder Quentin L. Cook

Tinukoy ng Panginoon sa paunang inihayag na mga tagubilin ang “pagbibinyag para sa inyong mga patay” [Doktrina at mga Tipan 127:5; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Ang obligasyon natin ayon sa doktrina ay sa sarili nating mga ninuno. Ito ay dahil ang selestiyal na organisasyon ng langit ay nakabatay sa mga pamilya. (Quentin L. Cook, “Mga Ugat at mga Sanga,” Liahona, Mayo 2014, 45)

  • Paano nakaimpluwensya sa inyo ang pag-alam ng tungkol sa inyong mga ninuno? Paano kayo maaaring maimpluwensyahan nito?

  • Sa inyong palagay, paano maaaring makaapekto sa ugnayan ninyo sa inyong Ama sa Langit ang pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa inyong mga yumaong ninuno?

Ang bahagi na maaari ninyong gampanan sa gawain ng kaligtasan ng Panginoon

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin ang kanilang mga karanasan sa gawain sa family history at templo sa pamamagitan ng pagninilay kung gaano naaangkop sa kanila ang mga sumusunod na pahayag.

Sa scale na 1 hanggang 5 (1 = hindi totoo at 5 = napakatotoo), i-rate kung gaano kayo nailalarawan nang mabuti ng mga pahayag na ito.

Alam ko kung paano hanapin ang mga pangalan ng aking mga ninuno.

Alam ko kung paano isumite ang mga pangalan ng aking mga ninuno sa templo.

Gusto kong mahanap ang mga pangalan ng aking mga ninuno at magsagawa ng mga ordenansa para sa kanila sa templo.

Nadarama ko ang kahalagahan ng paggawa ng mga ordenansa para sa aking mga yumaong kamag-anak.

Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga naunawaan at karanasan sa gawain sa templo at family history. Itanong sa kanila kung ano ang gusto nilang matutuhan at kung saan nila kailangan ng tulong. Anyayahan sila na matuto mula sa isa’t isa at sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagtakalay sa mga pagpapalang maidudulot ng gawain sa templo at family history.

Kung kinakailangan, maaari mong ipanood ang isa sa mga sumusunod na video.

Magtuon sa Templo” (7:18; panoorin mula sa time code na 3:50 hanggang 4:36)

7:19

Magtuon sa Templo

Si Pangulong Nelson ay nagturo ng tungkol sa kahalagahan ng mga templo at nag-anunsiyo ng mga plano na magtayo ng maraming templo.

Spiritual Dynamite” (2:40)

2:40

Spiritual Dynamite

Family history and temple service combine to create a spiritual power that will enable you to become the person God wants you to be. You can read Elder Renlund's talk from Family Discovery Day here.Read about Alfred Nobel - Man of Peace.

Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos” (4:18)

4:18

Gathering the Family of God

Family History enthusiasts share touching experiences they had while finding their ancestors’ stories.

Mga hakbang na maaari mong gawin

Ipakita ang mga sumusunod na hakbang na makatutulong sa mga estudyante na makibahagi sa gawain sa family history at sa templo. Hikayatin ang mga estudyante na dati nang ginawa ang mga hakbang na ito na tulungan ang ibang estudyante hangga’t maaari.

  • Hakbang 1. Gumawa ng account sa Simbahan.

  • Hakbang 2. Tingnan ang booklet na My Family: Stories That Bring Us Together, FamilySearch, o ang Family Tree app.

  • Hakbang 3. Gamitin ang feature na Ordinances Ready.

  • Hakbang 4. Mag-iskedyul ng appointment at pumunta sa templo.

Sabihin sa isang estudyante na ipakita kung paano gamitin ang feature na Ordinances Ready (Handa na para sa mga Ordenansa). Hikayatin ang mga estudyante na i-download at alamin kung paano gamitin ang Family Tree app. Sa app, maaari nilang i-click ang icon ng templo at ang Ordinances Ready link para hanapin ang mga pangalan ng mga kapamilya na gagawan nila ng mga ordenansa. Tulungan ang mga estudyante na malaman kung paano humiling at mag-print ng mga name card na dadalhin sa templo. Kapag nahanap na ng mga estudyante ang pangalan ng ilang ninuno, hikayatin sila na alamin kung paano sila naging magkamag-anak at ang anumang personal na impormasyong malalaman tungkol sa mga ninuno na iyon. Sabihin sa mga estudyante na may temple recommend na magpaiskedyul ng appointment sa pagdalo sa templo.

Kung kinakailangan, ang sumusunod na impormasyon ay maaaring magbigay ng karagdagang patnubay.

Kapag natulungan na ng mga estudyante ang isa’t isa na mahanap ang mga pangalang dadalhin sa templo, maaari mo silang anyayahan na magbahagi ng mga ideya at aral na natutuhan nila. Hikayatin silang pag-isipan ang tungkol sa Tagapagligtas at ang Kanyang hangarin na matulungan natin ang ating mga ninuno. Maaari mong itanong:

  • Sa inyong palagay, paano makatutulong ang pakikibahagi sa gawain sa templo at family history ngayon na maihanda kayo sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos sa Kanyang templo?

  • Paano mapapalalim ng paggawa ng family history at paglilingkod sa templo ang inyong pagmamahal para sa Tagapagligtas?