“Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)
“Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan
1817–1820
Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith
Isang sagot sa mapagpakumbabang panalangin
Sa lugar na tinitirhan ng pamilya ni Joseph Smith, maraming simbahan ang nagturo tungkol kay Jesucristo. Lahat sila ay nagturo ng magkakaibang bagay tungkol sa Kanya. Hindi sigurado si Joseph kung sino ang tama. Alam niya na kailangan niya ang Tagapagligtas, ngunit hindi niya alam kung aling simbahan ang sasalihan.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–6; Mga Banal, 1:10–12
Matagal itong pinag-isipan ni Joseph. Gusto niyang mapatawad sa kanyang mga kasalanan. Bumisita siya sa maraming simbahan, pero naguluhan pa rin siya.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–10; Mga Banal, 1:10–14
Isang araw, nabasa ni Joseph ang Santiago 1:5 sa Biblia. Sinabi roon na kung kailangan natin ng karunungan, maaari tayong humingi sa Diyos. Alam ni Joseph sa puso niya na ito ang kailangan niyang gawin.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–13
Noong umaga ng isang magandang araw ng tagsibol noong 1820, nagpunta si Joseph sa kakahuyang malapit sa kanyang tahanan. Gusto niyang magpunta sa isang lugar na maaari siyang mapag-isa para manalangin sa Ama sa Langit.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–15
Lumuhod si Joseph at nagsimulang magdasal. Habang ginagawa niya ito, naramdaman niyang may masamang kapangyarihang humawak sa kanya. Naramdaman niyang napaligiran siya ng kadiliman. Parang may pumipigil sa kanya na makipag-usap sa Diyos. Ginamit ni Joseph ang lahat ng kanyang lakas upang hilingin sa Diyos na iligtas siya.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–16
Biglang nakita ni Joseph ang isang maningning na liwanag na bumababa mula sa langit. Nawala ang kadiliman, at nakadama siya ng kapayapaan. Sa liwanag, nakita ni Joseph ang Ama sa Langit at si Jesucristo na nakatayo sa hangin. Tinawag ng Ama sa Langit ang pangalan ni Joseph. Pagkatapos ay itinuro Niya si Jesus at nagsabing, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”
Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17
Sinabi ng Jesus kay Joseph na napatawad na ang kanyang mga kasalanan. Tinanong ni Joseph si Jesus kung aling simbahan ang dapat niyang salihan. Sinabi ni Jesus na hindi siya dapat sumali sa alinman sa mga ito.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:18–19; Mga Banal, 1:18
Sinabi ni Jesus na nawala na ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang ebanghelyo. Sinabi Niya na magpapadala Siya ng mga anghel upang ituro ang mga katotohanang ito kay Joseph, upang maibahagi niya ang mga ito sa mundo.
Mga Banal, 1:18–19
Nang matapos ang pangitain, napuspos ng pagmamahal at kagalakan si Joseph. Hindi na siya nalilito. Alam niyang mahal siya ng Diyos. Kahit na kinamuhian siya ng ilang tao dahil sa pagsasabing nakita niya ang Ama sa Langit at si Jesucristo, alam ni Joseph na totoo ito.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:20–26; Mga Banal, 1:19–20