Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Ipinadala ng Panginoon si Oliver Cowdery


“Ipinadala ng Panginoon si Oliver Cowdery,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan (2024)

“Ipinadala ng Panginoon si Oliver Cowdery,” Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan

1828–1829

3:11

Ipinadala ng Panginoon si Oliver Cowdery

Alamin kung paano tayo kinakausap ng Diyos

Sina Joseph at Emma Smith na nagtatrabaho sa harap ng kanilang maliit na tahanan.

Patuloy na isinalin nina Joseph at Emma ang Aklat ni Mormon. Mahirap ang gawaing ito, at kailangan din nilang magtrabaho sa kanilang bukid. Ipinagdasal ni Joseph na magpadala ang Ama sa Langit ng isang taong tutulong sa kanya na isalin ang Aklat ni Mormon.

Mga Banal, 1:64–67

Si Oliver Cowdery na kinakalembang ang kampana ng paaralan.

Sa malayong lugar ng New York, si Oliver Cowdery, isang batang guro sa paaralan, ay nakatira sa mga magulang ni Joseph Smith. Si Oliver ang nagturo sa mga nakababatang kapatid ni Joseph.

Mga Banal, 1:67

Si Oliver Cowdery na nakaupo malapit sa isang tsiminea at nakikipag-usap sa mga magulang ni Joseph Smith.

Narinig ni Oliver ang tungkol kay Joseph at sa mga laminang ginto. Napukaw ang kanyang interes dito. Kinausap niya ang mga magulang ni Joseph. Sinabi nila kay Oliver na ginagawa ni Joseph ang gawain ng Diyos.

Mga Banal, 1:67–68

Si Oliver Cowdery na nakaluhod sa tabi ng kanyang kama at nananalangin na malaman pa ang tungkol kay Joseph Smith.

Ngayo’y lalo pang napukaw ang interes ni Oliver. Sinabi ng mga magulang ni Joseph kay Oliver na dapat niyang ipanalangin at alamin para sa kanyang sarili kung ito ay gawain ng Diyos. Kaya isang gabi, buong pusong nanalangin si Oliver. Binigyan siya ng Diyos ng kapayapaan sa kanyang isipan. Nalaman ni Oliver na si Joseph Smith ay isang lingkod ng Diyos. Nadama niya na dapat niyang tulungan si Joseph.

Mga Banal, 1:68

Sina Oliver Cowdery at Joseph Smith na nakaupo malapit sa isang tsiminea. Hawak ni Emma ang ilang pahina ng manuskrito.

Nang matapos ang eskwela para sa taong iyon, pinuntahan ni Oliver sina Joseph at Emma. Lumalim na ang gabi, ngunit sina Joseph at Oliver ay patuloy pa rin sa pag-uusap tungkol sa mga laminang ginto at sa gawain ng Diyos.

Mga Banal, 1:69

Si Oliver Cowdery na nagsusulat sa isang pahina ng manuskrito.

Sinabi ni Oliver na magsusulat siya habang nagsasalin si Joseph. Gustung-gusto niya ang natututuhan niya tungkol kay Jesus. May mga tanong din siya at gusto niyang magkaroon ng mas matatag na pananampalataya.

Mga Banal, 1:69–71

Sina Oliver Cowdery at Joseph Smith na nakaupo sa mga upuang malapit sa isang bintana.

Sa pamamagitan ni Propetang Joseph, binigyan ng Panginoon si Oliver ng isang mensahe. Sinabi Niya kay Oliver na alalahanin ang gabing nanalangin siya. Binigyan siya ng Diyos ng kapayapaan. Ang Diyos lamang ang nakaaalam tungkol sa panalanging ito. Lalong lumakas ang pananampalataya ni Oliver. Patuloy niyang tinulungan si Joseph, at maraming bagay ang itinuro sa kanya ng Panginoon tungkol sa kung paano tayo kinakausap ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 6:14–24; 8:1–3; 9:7–9; Mga Banal, 1:71–73