Pornograpiya
Paano ako makahahanap ng mental health professional na angkop para sa akin?


“Paano ako makahahanap ng mental health professional na angkop para sa akin?” Tulong para sa Akin (2021)

“Paano ako makahahanap ng mental health professional na angkop para sa akin?” Tulong para sa Akin

lalaking nakikipag-usap sa isang counselor

Paano ako makahahanap ng mental health professional na angkop para sa akin?

Maaaring makaramdam ng takot sa paghingi ng propesyonal na tulong para mapaglabanan ang pornograpiya. Ang sumusunod na impormasyon ay makatutulong sa iyo na pumili ng mental health professional na angkop para sa iyo.

Ang mga mental health professional ay kwalipikadong sumuri at gumamot ng mga karamdaman sa pag-iisip. Karamihan ay may professional degree o mas mataas na pinag-aralan, pagsasanay, at kredensyal. Tiyakin na ang propesyonal na pinili mo ay lisensyado na magbigay ng mga serbisyo para sa kalusugan ng pag-iisip. Isaisip na hindi palaging batayan ang taas ng singil o pinag-aralan ng mga propesyonal para masabing kwalipikado sila o malaki ang maitutulong nila.

Anong uri ng mental health provider ang kailangan ko?

Magandang magsimula sa pagtukoy sa uri ng mental health professional na pinakaangkop sa iyong mga pangangailangan at sitwasyon.

Ang mga propesyonal ay kadalasang may espesyalisasyon sa partikular na mga kondisyong tulad ng depresyon, paggamit ng nakalululong na sangkap, o family therapy. Ang mga sumusunod ay ilan sa pinakakaraniwang uri ng mga provider:

  • Psychiatrist

  • Psychologist

  • Psychiatric-mental health nurse

  • Lisensiyadong clinical social worker

  • Therapist para sa mag-asawa at pamilya

  • Professional counselor

Para malaman pa ang tungkol sa bawat isa sa mga propesyonal na ito, tingnan sa “Paghahanap ng Isang Mental Health Professional na Tama para sa Iyo.”1

Ano ang dapat kong isaalang-alang kapag pumipili sa iba’t ibang uri ng mga mental health provider?

  • Dahilan sa paghingi ng payo. Karamihan sa mga mental health professional ay kwalipikadong gamutin ang karamihan sa mga problema sa kalusugan ng pag-iisip, ngunit maaari mong piliin ang isang espesyalista sa pagdaig sa pornograpiya o sa iba pang aspeto na direktang nag-aambag sa paggamit mo ng pornograpiya.

  • Ang uri ng gamutan na kailangan. Marami sa mga gumagamit ng pornograpiya ang maaaring may mga problema sa kanilang mga impluwensiyang biyolohikal, sikolohikal, sosyal, at espirituwal. Dahil dito, maaaring hindi lang isang mental health provider ang kailangan mong konsultahin. Halimbawa, maaaring kailangan mong kumonsulta sa psychiatrist para maresetahan ka ng gamot at iba pang mental health provider para humingi ng payo.

  • Ang iyong budget. Dapat kang pumili ng isang propesyonal na kaya mong bayaran. Kung kaya mo, maghanap ng provider na tumatanggap ng iyong insurance. Mahalaga na patuloy kang magamot sa haba ng panahong kailangan mo nang hindi nahihirapan sa pananalapi.

Paano ko matutukoy ang pinakaangkop na mental health provider para sa akin?

Isiping talakayin ang mga tanong na ito sa mga potensyal na mental health provider:

  • Anong edukasyon at pagsasanay ang natanggap nila? Ilang taon na silang nanggagamot?

  • Espesyalista ba sila sa paggamot ng mga indibiduwal na humihingi ng tulong para madaig ang paggamit ng pornograpiya?

  • Anong mga insurance provider ang tinatanggap nila?

  • Anong oras bukas ang kanilang opisina, magkano ang singil nila, at gaano kahaba ang mga sesyon nila?

  • Gaano kalayo ang kanilang opisina mula sa iyong trabaho o tahanan?

  • Tumatanggap ba sila ng mga bagong pasyente?

  • Mayroon ba silang therapy para sa indibiduwal, para sa mag-asawa, o pareho? Anong uri o mga uri ng therapy ang sa palagay mo ay pinakaangkop sa iyong sitwasyon?

  • Ano ang mga pangangailangan ng iyong asawa? Makatutulong rin ba sa kanya ang pakikipag-usap sa propesyonal na ito?

Tama lang na itanong ang mga ito kapag nagpapasiya ka kung angkop sa iyo ang isang mental health provider. Maaari mong itanong ang mga ito bago ang una mong pakikipag-appointment. Bigyang-pansin ang una mong emosyonal na tugon kapag nakikipag-usap ka sa propesyonal. Magtiwala sa iyong sarili at sa iyong pasiya. Pag-isipan kung angkop siya sa iyo, sa iyong mga pangangailangan, at personalidad.

Sa huli, lakasan ang iyong loob. Kapag humingi ka ng patnubay at lakas sa Panginoon, maaakay kang gawin ang mga hakbang tungo sa pagpapagaling na angkop sa iyo.