Pornograpiya
Kuwento ng Paggaling: Kilalanin si Sidreis


“Kuwento ng Paggaling: Kilalanin si Sidreis,” Tulong para sa Akin (2021)

“Kuwento ng Paggaling: Kilalanin si Sidreis,” Tulong para sa Akin

Kuwento ng Paggaling: Kilalanin si Sidreis

Hinarap ni Sidreis ang adiksyon sa pornograpiya nang halos buong buhay niya, ngunit sa wakas ay nakahanap siya ng pag-asa sa Pagbabayad-sala ni Cristo nang humingi siya ng tulong sa kanyang bishop.

Nilikha ayon sa Kanyang Larawan

Ako ay anak ng Diyos na gumagaling na mula sa seksuwal na adiksyon. Ang adiksyon ko ang pinakamadilim, pinakawalang-pag-asa, at pinakamalungkot na karanasan sa aking buhay. Pakiramdam ko ay nasadlak ako sa malalim na hukay. Ang naririnig ko lang ay ang alingawngaw ng aking sariling tinig habang humihingi ako ng tulong. Ang tugon lamang sa akin ay katahimikan—katahimikan mula sa aking mga kaibigan, pamilya, at tila maging sa Panginoon din. Pakiramdam ko ay talagang mag-isa lang ako at walang pag-asang may mag-aahon sa akin.

Naging sagabal ang seksuwal na adiksyon sa buhay ko sa napakaraming paraan. Dahil sa kahihiyang nadama ko dahil sa aking adiksyon, nadama ko na walang nagmahal sa akin at wala akong layunin o halaga sa buhay na ito. Kahit sinikap kong gawin ang lahat ng makakaya ko, laging may mas mabuti at mas matwid na tao kaysa sa akin. Pakiramdam ko ay literal na unti-unting namamatay ang aking kaluluwa. Sa pagkakaalala ko, napakatagal nang napakahirap ng pinagdaanan ko, pakunwaring ngumingiti para hindi malaman ng iba na talagang nahihirapan ako. Pero hindi ako masaya; nagtitiis lang ako. Palagi kong sinisikap na madaig ang aking adiksiyon sa sarili kong paraan, sinisikap lamang na maiwasan ito sa halip na magsikap gumaling.

Nagpasiya akong kausapin ang aking bishop, at sinabi niya sa akin ang tungkol sa Addiction Recovery Program. Binigyan niya ako ng Addiction Recovery Program guide at iminungkahing dumalo ako sa mga pulong. Tumanggi ako, dahil takot akong humarap sa ibang tao kahit magkapareho ang mga problema namin. Nagpasiya akong gawin ang mga hakbang nang mag-isa at patuloy akong nakipag-usap sa aking bishop linggu-linggo. Tinangka ni Satanas na kontrolin ako araw at gabi, ngunit natuklasan ko na wala siyang impluwensya sa akin kapag nasa simbahan ako para kausapin ang aking bishop.

Tumagal ito, pero nang gawin ko ang Unang Hakbang, lumambot ang aking puso at natanto ko na hindi ko ito magagawa nang mag-isa. Kailangan ko ng maraming kasama para madaig ang aking adiksiyon. Natanto ko na mas malakas si Satanas kapag nag-iisa ako, at bagama’t kahanga-hanga ang aking bishop, hindi siya maaaring maging nag-iisang suporta ko habang buhay. Kailangan kong maghanap at magpanatili sa sarili ko ng support system, kaya nagpasiya akong dumalo sa aking unang pulong.

Malinaw kong naaalala ang gabi sa unang pulong na iyon. Natakot ako na mapanuri akong titingnan ng mga babae sa support group at aalamin lang nila kung gaano ako kasamang tao. Natakot din ako na may makikita akong iba na kilala ako. Natanto ko ngayon na tinatangka ng kaaway na patuloy akong matakot. Takot na takot ako habang papunta roon. Ngunit pagdating ko, naroon ang aking bishop para ihatid ako sa pintuan.

Sa unang pagpasok ko roon, isang sister lang ang naroon. Masaya niya akong binati kaya medyo nawala ang takot ko. Gayunman, habang pumapasok sa silid ang maraming kababaihan, muli akong natakot. Halos lumubog ako sa kinauupuan ko at hindi makatingin sa sinuman. Nasumpungan ko ang aking sarili na iniisip kung ano ang ginagawa ko roon.

Nang magsimula ang pulong, nadama ko ang Espiritu sa silid at binalot ako ng nakapapanatag na liwanag na nagpapagaling. Kaagad akong napaluha, at naramdaman ko ang pagbulong sa akin ng Ama sa Langit na mahal Niya ako at naroon ako sa tamang lugar. Sa pagbabahagi ng bawat babae, ang matinding kahihiyang nadama ko ay unti-unting napalitan ng lubos na katiyakan—katiyakan na hindi ako nag-iisa, na hindi ako ang masama at mahalay na tao na inakala ko noon. Hindi ko naisip kailanman na may mga katulad ko, at narito ako sa silid na puno ng magagandang anak ng Diyos na nahaharap din sa problemang gaya ng sa akin. Nilisan ko ang pulong nang gabing iyon na nararamdaman ang higit na pagtanggap, pagmamahal, pagpapalakas at determinasyon na noon ko lamang nadama sa buong buhay ko.

Ngayon habang patuloy akong dumadalo sa mga pulong, umuuwi ako nang may panibagong pag-asa na hindi ako nag-iisa sa aking paglalakbay. Marami akong nakilalang kahanga-hangang tao sa landas na ito na patuloy na nagpapalakas sa akin.

Lubos akong nagpapasalamat sa aking Ama sa Langit at kay Jesucristo. Mahal ko na noon pa man ang aking Tagapagligtas, ngunit napakatindi ng aking kahihiyan kaya’t hindi ako naniniwala na karapat-dapat ako na hingin ang Kanyang tulong. Hindi ko alam kung paano personal na aasa sa Kanyang kapangyarihan na iligtas ako. Ang kailangan ko lang gawin ay maniwala na kung hihingi ako ng tulong at magtitiwala sa Kanya, Siya ay darating. At dumating nga Siya. Siya ay nagbaba sa akin ng isang hagdan na may 12 hakbang sa anyo ng mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuro sa mga hakbang ng Addiction Recovery Program. Sa mga hakbang na ito, at dahil nasa aking tabi ang Tagapagligtas na binibigyan ako ng lakas at tapang, hindi ko na maitatanggi ang Kanyang nakaunat na kamay. Nagsimula ako sa pag-amin na wala akong lakas na madaig ang aking adiksyon nang mag-isa. Nagtiwala ako sa Diyos at sinimulan kong kumpletuhin ang mga hakbang sa paggaling.

Kamakailan ay lumipas na ang isa’t kalahating taon na wala na akong adiksyon. Lubos akong nagpapasalamat sa aking Ama sa Langit sa matiyagang pagtulong at paghubog sa akin, at sa pagtulong sa akin na magkaroon ng kaliwanagan at pang-unawa. May pagkakataon na nahirapan akong paglabanan ang aking adiksyon araw-araw, ngunit ngayon ay malaya na ako sa mga sitwasyong iyon na nag-uudyok at mga paghihirap sa araw-araw. Nalaman ko na ang aking adiksiyong seksuwal ay isang sintomas lamang ng isang mas malungkot na trahedya—ang hindi ko pagkatanto sa kahalagahan ng aking sarili. Alam ko na ngayon na ako ay isang magandang anak ng Diyos. Hindi na ako humaharap sa salamin at iniisip na pangit ako at walang silbi. Hindi ko na ikinahihiya ang aking sarili, dahil ako ay nilikha ayon sa Kanyang larawan, at dahil diyan ay walang-hanggan ang aking kahalagahan.

Ang kuwentong ito ay orihinal na mula sa Addiction Recovery Program website.