Unang Hakbang
Katapatan
Pangunahing Alituntunin: Tanggapin na ikaw, sa iyong sarili, ay walang kapangyarihang madaig ang iyong mga adiksiyon at ang iyong buhay ay naging magulo.
Marami sa amin ang nagsimulang magkaroon ng adiksiyon dahil sa kuryusidad. Ang ilan sa amin ay nalulong dahil kailangan namin ng niresetang gamot o nais naming magrebelde. Marami sa amin ay mga bata pa lamang noong nagkabisyo. Anuman ang dahilan at kalagayan namin, hindi nagtagal ay natuklasan namin na hindi lamang sakit ng katawan ang inaalis ng adiksiyon. Pinasigla kami nito at parang wala na kaming naramdamang lungkot o sakit. Tinulungan kami nito na malimutan ang mga problema—o iyon ang akala namin. Pansamantalang nawala ang aming takot, pangamba, lungkot, panghihina ng loob, panghihinayang, o pagkabagot. Ngunit dahil maraming sitwasyon sa mundo ang nagpapadama sa amin nito, mas lalo kaming bumaling sa aming mga adiksiyon upang matakasan ang ganitong pakiramdam. Ngunit marami pa rin sa amin ang hindi matanggap o ayaw aminin na hindi namin kayang labanan at iwasan ito nang kami lamang mag-isa. Ipinahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawa: “Kalaunan aalisan kayo ng adiksiyon ng kalayaang magpasiya. Sa pamamagitan ng kemikal na paraan, literal na nahihiwalay ang tao mula sa kanyang pag-iisip” (sa Conference Report, Okt. 1988, 7; o Ensign, Nob. 1988, 7).
Bihira lamang ang taong umamin na may adiksiyon kahit nahuli pa siya sa akto. Upang hindi namin tanggapin na lulong na kami at upang hindi kami mahuli at ang kinahantungan ng mga pinili naming gawin, pilit naming itinatago ito. Hindi namin naisip na sa panloloko sa iba at sa aming sarili, lalo lamang kaming nalululong. Dahil hindi na namin makontrol ang aming adiksiyon, hinahanapan namin ng kamalian ang aming pamilya, mga kaibigan, mga lider ng Simbahan, at maging ang Diyos. Lalo naming inilayo ang aming sarili sa iba, lalo na sa Diyos.
Nang kami, bilang mga adik, ay magsimulang magsinungaling at maglihim upang hindi kami masisi o upang masisi namin ang iba, humina ang aming espirituwalidad. Sa bawat pagsisinungaling, iginagapos namin ang aming sarili ng “de-ilong lubid,” na halos kasingtibay ng kadena (tingnan sa 2 Nephi 26:22). At dumating ang panahon na dapat na naming harapin ang katotohanan. Hindi na namin maitago ang aming adiksiyon sa pagsisinungaling pa o sa pagsasabi ng “Hindi naman ito ganoon kasama!”
Ang aming mahal sa buhay, ang doktor, ang hukom, o ang lider ng Simbahan ang nagsabi ng katotohanang hindi na namin maikakaila—sinisira ng adiksiyon ang aming buhay. Nang matapat naming binalikan ang nakaraan, inamin namin na walang naitulong ang anumang sinubukan naming solusyon. Inamin namin na lalo pa ngang lumala ang adiksiyon. Nakita namin kung gaano sinira ng adiksiyon ang aming ugnayan sa mga tao at tinanggalan kami nito ng pagpapahalaga sa sarili. Sa puntong ito, ginawa namin ang unang hakbang upang makalaya at gumaling at lakas-loob na inaming hindi lamang problema o bisyo ang kinakaharap namin. Sa wakas ay inamin namin na naging magulo ang aming buhay at kailangan namin ng tulong upang mapaglabanan ang adiksiyon. Ang magandang ibinunga ng tapat na pagtanggap na ito ay nasimulan na sa wakas ang pagpapagaling.
Malinaw na ipinahayag ni propetang Ammon ng Aklat ni Mormon ang katotohanang natuklasan namin noong naging tapat na kami sa aming sarili:
“Hindi ako nagmamalaki sa aking sariling lakas, ni sa aking sariling karunungan; subalit masdan, ang aking kagalakan ay lubos, oo, ang aking puso ay nag-uumapaw sa kagalakan, at ako ay nagsasaya sa aking Diyos.
“Oo, nalalaman kong ako’y walang halaga; kung sa akin lamang lakas ay mahina ako, kaya nga hindi ako nagmamalaki sa aking sarili, kundi ipagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay.”(Alma 26:11–12).
Mga Gagawin
Magkusang umiwas
Iba’t iba man ang uri ng adiksiyon, may mga katotohanan, tulad nito, na hindi kailanman naiiba—walang masisimulan kung hindi magkukusang magsimula ang isang tao. Ang paglaya at tuluyang pagtigil sa bisyo ay nagsisimula sa kahit katiting na pagkukusa. Sinasabi ng marami na kusa lamang titigil ang mga tao sa bisyo kapag ang sakit na dulot ng problema ay nagiging mas malala pa sa sakit na dulot ng solusyon. Dumating ka na ba sa puntong iyon? Kung hindi pa at patuloy ka pa rin sa iyong adiksiyon, siguradong darating ka sa puntong iyon dahil ang adiksiyon ay isang problemang palala nang palala. Tulad ng lumulubhang sakit, inuunti-unti nitong pinahihina ang kakayahan mong kumilos nang normal.
Ang tanging kailangan upang simulan ang pagpapagaling ay ang kagustuhang itigil ang adiksiyon. Kung hindi matindi at hindi tuluy-tuloy ang pagnanais mong gumaling ngayon, huwag kang mag-alala. Lalakas rin iyan!
Nararamdaman na ng ilang tao na kailangan nilang tumigil na sa bisyo ngunit hindi pa sila handang simulan iyon. Kung ikaw ang nasa gayon pang sitwasyon, maaari mong simulan sa pagtanggap ng iyong pag-aatubili at ang mga naging epekto ng adiksiyon mo. Maaari mong ilista kung ano ang mahalaga sa iyo. Isipin mo ang iyong pamilya, ang relasyon mo sa mga tao at sa Diyos, ang espirituwal na lakas mo, ang kakayahan mong tulungan ang iyong kapwa tao, at ang kalusugan mo. Pagkatapos ay tingnan mo ang pagkakaiba ng pinaniniwalaan at inaasam mo at ang pag-uugali mo. Isipin mo kung paano sinisira ng ginagawa mo ang pinahahalagahan mo. Maaari mong ipagdasal na tulungan ka ng Panginoon na makita ang sarili at buhay mo kung paano Niya nakikita ito—taglay ang lahat ng banal na potensyal na mayroon ka—at kung ano ang mawawala sa iyo kapag patuloy ka pa rin sa adiksiyon mo.
Ang pagkilala sa mawawala sa iyo sa pagpapatuloy sa iyong adiksiyon ay makatutulong sa iyong magkaroon ng kagustuhang tigilan ito. Kapag iyong natagpuan ang kahit katiting na pagnanais, masisimulan mo na ang unang hakbang. At habang ipinagpatuloy mo ang mga hakbang sa programang ito at nakitang nagbabago ang buhay mo, lalong titindi ang iyong pagnanais.
Alisin ang kapalaluan at sikaping magpakumbaba
Ang kapalaluan at katapatan ay hindi maaaring magsabay. Ang kapalaluan ay isang ilusyon at malaking bahagi ng lahat ng adiksiyon. Binabaluktot ng kapalaluan ang katotohanan ng mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito ngayon, kung ano ang mga ito noon, at kung ano ang mga ito sa hinaharap. Napakalaking hadlang nito sa iyong paggaling. Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson ang kapalaluan:
“Maling-mali ang pagkaunawa sa kasalanan ng kapalaluan. …
“Iniisip ng karamihan sa atin na ang kapalaluan ay pagkamakasarili, pagmamagaling, pagyayabang, pagmamataas, o pagmamalaki. Lahat ng ito ay mga sangkap ng kasalanan, ngunit ang sentro, o pinakamahalaga, ay wala pa rito.
“Ang pinakatanda ng kapalaluan ay pagkapoot—pagkapoot sa Diyos at sa ating kapwa. Ang kahulugan ng pagkapoot ay ‘pagkamuhi, pagiging masungit, o pagsalungat.’ Ito ang kapangyarihang hangad ni Satanas upang makapaghari sa atin.
“Ang kapalaluan ay talagang likas na pakikipagkumpitensya. Sinasalungat natin ang kalooban ng Diyos. Kapag nagmamataas tayo sa Diyos, iyon ay dahil sa ugaling ‘ang aking kalooban ang masusunod at hindi ang inyo.’ …
“Kapag sinalungat natin ang kalooban ng Diyos, hindi natin mapipigil ang ating mga pagnanasa, gana, at silakbo ng damdamin (tingnan sa Alma 38:12; 3 Nephi 12:30).
“Hindi matatanggap ng mga palalo ang awtoridad ng Diyos na papatnubay sa kanilang buhay (tingnan sa Helaman 12:6). Iginigiit nila ang pagkaunawa nila sa katotohanan laban sa dakilang kaalaman ng Diyos, ang kanilang mga kakayahan laban sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos, ang kanilang mga nagawa laban sa Kanyang mga makapangyarihang gawa” (sa Conference Report, Abr. 1989, 3–4; o Ensign, Mayo 1989, 4).
Kapag handa ka nang umiwas at aminin ang mga problema mo, unti-unting mapapalitan ng kapakumbabaan ang iyong kapalaluan.
Aminin ang problema, humingi ng tulong; pumunta sa mga miting
Noong pinabayaan namin ang aming sarili na malulong, nagsinungaling kami sa aming sarili at sa iba. Ngunit ang totoo, hindi namin maloloko ang aming sarili. Nagkunwari kami na wala kaming problema, nagtapang-tapangan at gumawa ng dahilan, pero ang totoo, alam naming mayroong problema. Ang Liwanag ni Cristo ang patuloy na nagpaalala sa amin. Alam naming unti-unti na kaming nasasadlak sa matinding pagdurusa at kalungkutan. Napakahirap ikaila ang katotohanang ito kaya napakagaan sa pakiramdam na aminin sa wakas na may problema kami. May kaunting pag-asa na kaming naramdaman. Nang ipasya naming amining may problema kami at nais naming humingi ng tulong, lumaki ang aming pag-asa na gagaling. Ngayon ay handa na kaming gawin ang susunod na hakbang, ang pagdalo sa recovery meeting.
Ang makabilang sa isang support group o makadalo sa recovery meeting ay maaaring hindi posible para sa lahat. Kung hindi ka makakadalo ng recovery meeting, magagawa mo pa rin ang bawat hakbang, nang may kaunting pagbabago lamang, sa tulong ng iyong bishop o ng maingat na piniling professional counselor.
Kung makakadalo ka sa recovery meeting, malalaman mo na makatutulong ito sa iyo sa dalawang dahilan. Una, pag-aaralan mo sa mga miting na ito ang mga alituntunin ng ebanghelyo na, kapag, isinabuhay mo, ay tutulungan kang magbago. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawa: “Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis na makapagpapabuti sa pag-uugali kaysa sa mismong pag-aaral ng pag-uugali. Ang pagtutuon sa hindi karapat-dapat na ugali ay maaaring humantong sa hindi karapat-dapat na ugali. Ito ang dahilan kung bakit binibigyang-diin natin ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo” (sa Conference Report, Okt. 1986, 20; o Ensign, Nob. 1986, 17). Pangalawa, sa mga miting na ito ay makakasama mo ang ibang gusto ring gumaling at ang mga nakatapos na sa programang ito na nagpapatunay na lubos na makatutulong ito. Madarama mo sa mga recovery meeting ang pang-unawa, pag-asa, at suporta.
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ang mga pahayag ng mga lider ng Simbahan ay tutulong sa iyong simulan ang pagpapagaling. Daragdagan ng pag-aaral na ito ang iyong pag-unawa at tutulungan kang matuto.
Magagamit mo ang mga banal na kasulatan, mga pahayag, at mga kasunod na tanong para sa pag-aaral mo na may kasamang panalangin, sa pagsulat, at sa talakayan ng grupo. Maaaring mag-alala ka na kailangan mong magsulat, ngunit malaki ang maitutulong ng pagsusulat sa iyong paggaling. Bibigyan ka nito ng panahon na makapag-isip nang mabuti; makita at maunawaan ang mga problema, pananaw, at pag-uugali na dulot ng iyong adiksiyon. Sa pagsulat mo, magkakaroon ka rin ng rekord ng mga naiisip mo. Sa patuloy na paggawa mo ng mga hakbang, malalaman mo kung ano ang antas ng iyong pagbabago. Sa ngayon, maging totoo at tapat lamang sa pagsulat ng iyong mga iniisip,at impresyon.
Napipiit ng mga tukso
“Ako ay napipiit dahil sa mga tukso at kasalanang madaling bumibihag sa akin.
“At kapag nais kong magsaya, ang aking puso ay dumaraing dahil sa aking mga kasalanan; gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala.
“Ang aking Diyos ang aking naging tagapagtaguyod; pinatnubayan niya ako sa aking mga kahirapan sa ilang; at pinangalagaan niya ako sa ibabaw ng tubig ng malawak na dagat.
“Pinuspos niya ako ng kanyang pag-ibig, maging hanggang sa madaig ang aking laman” (2 Nephi 4:18–21).
-
Pakiramdam mo ba na para kang nakapiit o hindi malaya? Kailan mo madalas na nararamdaman ito?
-
Anong mga sitwasyon o mga damdamin mo ang nagpahina sa iyo kaya ka nalulong sa adiksiyon mo?
-
Noong nagulumihanan si Nephi, kanino siya nagtiwala? Ano ang magagawa mo upang mas magtiwala sa Panginoon?
“Aking nalaman na ang tao ay walang kabuluhan”
“At ito ay nangyari na, na maraming oras ang lumipas bago natanggap muli ni Moises ang kanyang likas na lakas tulad ng sa tao; at sinabi niya sa kanyang sarili: Ngayon, sa kadahilanang ito, aking nalaman na ang tao ay walang kabuluhan, siyang bagay na hindi ko inakala kailanman” (Moises 1:10).
-
Paano ikinumpara ni Moises ang sarili sa Diyos?
-
Bakit ang isang musmos na napakahalaga ay wala pa ring kabuluhan kung ikukumpara sa kanyang mga magulang?
-
Sa anong mga paraan nawawalan ka ng kabuluhan kapag wala ang tulong ng Diyos?
-
Sa anong mga paraan naging walang hanggan ang iyong kahalagahan?
-
Isulat kung paanong ang pagtanggap mo na hindi mo kayang paglabanan ang adiksiyon sa sariling lakas ay makakahikayat sa iyo na amining wala kang kabuluhan at naging tila isang batang maliit.
Gutom at uhaw
“Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka’t sila’y bubusugin” (Mateo 5:6).
“At ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya; oo, at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa ang aking tinig sa kaitaasan kung kaya’t iyon ay nakarating sa kalangitan” (Enos 1:4).
-
Sa dalawang banal na kasulatang ito, nalaman natin na nagugutom ang ating kaluluwa. Nakakaramdam ka ba ng gutom o kahungkagan kahit hindi ka pisikal na nagugutom? Ano ang sanhi ng kagutumang iyon?
-
Paano ka natutulungan na maging mas tapat kapag inaasam mo na mabago ka ng mga bagay ng Espiritu?
Katapatan
“Maaaring ituring ng ilan na ang pagiging matapat ay napaka-ordinaryong bagay. Ngunit naniniwala ako na ito ang pinakadiwa ng ebanghelyo. Kung walang katapatan, ang buhay natin … ay mapupuno ng kasamaan at kaguluhan” (Gordon B. Hinckley, “We Believe in Being Honest,” Ensign, Okt. 1990, 2).
-
Isulat ang mga pagkakataong nagsinungaling ka at nagtangkang ikaila sa iyong sarili at sa iba na may adiksiyon ka. Paano nagdulot ng “kasamaan at kaguluhan” ang pag-uugaling ito”?
Pagpapakumbaba
“At ngayon, dahil sa kayo ay napilitang magpakumbaba, kayo ay pinagpala; sapagkat ang isang tao kung minsan, kung siya ay napilitang magpakumbaba, ay naghahangad na magsisi; at ngayon, tiyak na ang sinumang magsisisi ay makasusumpong ng awa, at siya na nakasumpong ng awa at makapagtitiis hanggang katapusan, siya rin ay maliligtas” (Alma 32:13).
-
Isulat ang mga sitwasyon na naging dahilan kaya napilitan kang magpakumbaba at magsisi. Anong pag-asa ang ibinigay sa iyo ni Alma? Paano mo mahahanap o matatanggap ang pag-asang iyan?
Ang Kaluguran ng Panginoon
“Mga sinungaling na labi ay kasuklasuklam sa Panginoon: ngunit ang nagsisigawang may katotohanan ay kaniyang kaluguran” (Kawikaan 12:22).
-
Ang pagsulat ng sagot sa mga tanong na ito ay kailangan ng lubos na katapatan tungkol sa iyong sarili. Paano nauugnay ang banal na kasulatan na ito sa ganitong katapatan? Paano ka magiging kalugud-lugod sa Panginoon?