Ikalawang Hakbang
Pag-asa
Pangunahing Alituntunin: Maniwala na ang kapangyarihan ng Diyos ay makapagbabalik sa iyo sa lubos na espirituwal na kasiglahan.
Nang maramdaman naming hindi kayang paglabanan ang adiksiyon, karamihan sa amin ay nawalan na ng pag-asa. Ang ilan sa aming lumaking hindi kilala ang Diyos ay naniwala na nagawa na namin ang lahat ng paraang maaaring makatutulong sa amin. Samantala, ang ilan sa aming naniniwala sa Diyos ay kumbinsidong hindi Niya kami tutulungan dahil sa aming pagsuway. Alinman dito ang sitwasyon, ang ikalawang hakbang ay nagbigay ng sagot na hindi namin kailanman naisip o kaya nama’y binalewala—ang lumapit sa Diyos at makahanap ng pag-asa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Matapos matanggap na wala na kaming magagawa, humingi kami ng tulong. Taglay ang kaunting pag-asa, sinimulan naming dumalo sa mga recovery meeting. Sa unang pagpunta namin sa mga miting, puno kami ng takot at pagdududa. Natatakot kami at maaari ding sinikal, ngunit gayunpaman, nagpunta pa rin kami. Napakinggan namin doon ang mga babae at mga lalaki na tapat na ikinukwento kung ano ang buhay nila noon, kung paano sila nagbago, at kung ano ang pakiramdam ng isang gumaling mula sa adiksiyon. Nalaman namin na karamihan ng mga naroon ay nawalan din ng pag-asa tulad namin. Ngunit ngayon ay nagtatawanan na sila, nag-uusap, nakangiti, nagpupunta sa mga miting, nananalangin, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, at nagsusulat sa kanilang recovery journal.
Ang mga alituntuning ibinahagi at ginawa nila ay unti-unting nakatulong sa amin. Sa patuloy na pagdalo, nadama namin ang isang bagay na ilang taon nang wala sa amin—ang pag-asa. Kung may pag-asa ang iba na halos wasak na ang buhay, baka may pag-asa pa rin kami! Nagpasalamat kami nang marinig namin na kung lalapit kami sa Panginoon, “walang bisyo, walang adiksiyon, walang pagrerebelde, walang pagkakamali ang hindi mapapatawad nang ganap” (Boyd K. Packer, sa Conference Report, Okt. 1995, 22; o Ensign, Nob. 1995, 19).
Sa lugar na ito na puno ng pananampalataya at patotoo, nakakita kami ng pag-asa at naunawaan naming na may awa at kapangyarihan ang Diyos. Nagsimula kaming maniwala na magagawa Niyang iligtas kami mula sa pagkaalipin ng pagkakalulong. Sinundan namin ang halimbawa ng mga kaibigan namin na nagpapagaling. Dumalo kami sa mga miting, nagdasal, naging aktibong muli sa Simbahan, at pinagnilayan at ipinamuhay ang mga banal na kasulatan, at nagsimulang magkaroon ng mga himala sa aming mga buhay. Naramdaman naming tinutulungan kami ng biyaya ni Jesucristo na makaiwas sa bisyo nang paunti-unti bawat araw. Sa ikalawang hakbang, handa na kaming ibalik ang tiwala sa aming sarili at ang isuko ang aming adiksiyon na may pananampalataya sa pagmamahal at kapangyarihan ni Jesucristo. Itinuloy namin ang hakbang na ito sa aming isipan at mga puso, at nadama namin ang katotohanan na dapat lamang ay espirituwal ang pundasyon ng paggaling mula sa adiksiyon.
Sa paggawa mo ng mga hakbang na inirekomenda sa gabay na ito, malalaman mo rin ang katotohanang iyon. Ito ay sulit na pagsikapan. Ang programang ito ay espirituwal, at ito ay programa na dapat gawin. Kung ipamumuhay mo ang mga alituntuning ito at hahayang gumana ang mga ito sa iyong buhay, lalakas na muli ang iyong espirituwalidad sa pamamagitan ng iyong nanumbalik na ugnayan sa Panginoon. Sa tulong ng Kanyang Espiritu makikita mong mas tapat at malinaw ang mga dapat mong piliin; makapagpapasiya ka nang naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.
Ang himalang ito ay kaagad na nangyayari sa ilan sa amin; sa iba naman, mas unti-unting nangyayari ang paggaling. Paano man ito mangyari sa iyo, sa huli ay masasabi mo rin sa amin na sa pamamagitan ng “katatagan kay Cristo,” ikaw ay naligtas mula sa adiksiyon at nakararanas ng “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” (2 Nephi 31:20).
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kapangyarihan ng Panginoon na matululungan ka:
“Hindi natin dapat maliitin o balewalain ang kapangyarihan ng magiliw na awa ng Panginoon. Malaki ang nagagawa ng kasimplihan, kabutihan, at palagiang pagdating ng magiliw na awa ng Panginoon upang mapalakas at maprotektahan tayo sa panahon ng kaguluhan at sa darating na panahon. Kapag hindi mailarawan sa salita ang kapanatagang kailangan natin o kaya’y maipahayag ang kagalakang ating nadarama, kapag walang pag-asang maipaliwanag ang di-maipaliwanag na bagay, kapag hindi kayang unawain ng pangangatwiran ang mga kawalang-katarungan at di-pagkakapantay sa buhay, kapag ang mortal na karanasan at ebalwasyon ay hindi sapat magkaroon ng kanais-nais na kalalabasan, at kapag parang nag-iisa na lang tayo, tunay na pagpapalain tayo ng magiliw na awa ng Panginoon at gagawing malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas (tingnan sa 1 Nephi 1:20).
“Ang ilang tao na mali ang pagkarinig o pagkabasa sa mensaheng ito ay maaaring ipagwalang-bahala o kalimutan na lamang sa kanilang personal na buhay ang magiliw na awa ng Panginoon. … Maaari tayong magkamali sa pag-aakalang ang gayong mga biyaya at kaloob ay para lamang sa mga taong tila mas mabuti o may mas mataas na katungkulan sa Simbahan. Nagpapatotoo ako na ang magiliw na awa ng Panginoon ay makakamit nating lahat at nasasabik ang Manunubos ng Israel na ipagkaloob sa atin ang mga kaloob na iyon” (sa Conference Report, Abr. 2005, 106–7; o Ensign, Mayo 2005, 100–101).
Makikita mo ang magiliw na awa ng Panginoon sa iyong buhay kapag natutunan mong pakiramdaman ito sa buhay mo at kapag naniwala ka na totoong matutulungan ka ng kapangyarihan ng Diyos na gumaling.
Mga Gagawin
Manalangin; basahin at pagnilayan ang mga banal na kasulatan
Kapag inalis mo ang kapalaluan at sinimulang magbalik-loob sa Diyos, magsisimula ka nang mag-isip na may kasamang panalangin. Kalaunan, magiging handa ka nang lumuhod at magdasal nang malakas. Mararamdaman mo kung gaano kasayang maipahayag sa Diyos ang nadarama mo at mga pangangailangan. Madarama mo na muli kang nakikipag-usap sa isang tao na laging handa kang sagutin, hindi man palagiang oo ngunit palagiang may pagmamahal. Sa wakas ay unti-unti nang napapawi ang lungkot na idinulot ng kusang paglayo mo sa mga tao.
Ang pagnanais mo na makaugnay ang Diyos ay maghihikayat sa iyo na pag-aralan ang mga salita ng mga propeta noon at ngayon. Kapag narinig mo na sinasabi ng iba na nakahanap sila ng sagot sa mga banal na kasulatan, madaragdagan ang iyong pag-asa na ikaw ay makakahanap rin. Sa pagsusulat mo ng iyong mga iniisip, marami pang impresiyon ang matatanggap mo mula sa Espiritu. Mag-aral nang may panalangin, at tutugunan ng Panginoon ang iyong mga tanong.
Magandang simulan ang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan sa mga talata sa katapusan ng bawat kabanata sa gabay na ito. Ang bawat talata ay pinili na isinasaalang-alang ang pagpapagaling, at inaasahan na ang bawat tanong ay makatutulong sa iyong isabuhay ang talata. Mag-ukol ng ilang minuto bawat araw upang malaman ang nais sabihin sa iyo ng Panginoon.
Maniwala sa Diyos ang Amang walang Hanggan at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo
Karamihan sa amin ay lumaki na may alam tungkol sa Diyos, at bilang mga miyembro ng Simbahan, kahit paano ay may alam kami tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo. Maaaring naniniwala kami kahit kaunti sa Kanila, ngunit kadalasan ay hindi namin inisip na kailangan namin ang kapangyarihan ng Diyos upang matulungan kami sa mga problema namin.
Ang dapat lamang naming gawin ayon sa ikalawang hakbang ay manalig sa pagmamahal at awa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at sa pagpapala ng Espiritu Santo. Pinatototohanan namin na madarama mo ang ganap na pagmamahal ng Panguluhang Diyos kapag nakita mo ang katibayan ng Kanilang pagmamahal sa buhay mo at sa buhay ng ibang tao.
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan ay maaaring makatulong sa iyo sa paggawa ng ikalawang hakbang. Iminumungkahi naming gamitin mo ang mga banal na kasulatan at ang mga tanong na ito sa talakayan, pag-aaral, at pagsusulat. Tandaan na maging tapat at detalyado sa iyong pagsulat.
Paniniwala sa Diyos
“Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay, kapwa sa langit at sa lupa; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon” (Mosias 4:9).
-
Maraming saksi sa langit at sa lupa ang nagpapatotoo na may Diyos. Ano ang mga naranasan mo na nagpapatunay na may Diyos at mahal ka Niya?
Pananampalataya kay Jesucristo
“Ipangaral sa kanila ang pagsisisi, at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; turuan silang magpakumbaba ng kanilang sarili at maging maamo at mapagpakumbaba sa puso; turuan silang paglabanan ang bawat tukso ng diyablo sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucriso” (Alma 37:33).
-
Marami sa amin ang nag-akala na maititigil namin ang adiksiyon sa pamamagitan ng sariling sikap o sa tulong ng kaibigan o therapist. Sa bandang huli natuklasan namin na hindi sapat ang tiwala sa sarili o sa iba upang mapaglabanan nang lubusan ang adiksiyon. Isulat ang nadarama mo ngayon tungkol sa pagpapakumbaba at kahandaan na lumapit kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo kaysa anupamang paraang makapagpapagaling sa iyo.
Ang habag ng Tagapagligtas
“Pagdaka’y sumigaw ang ama ng bata, at sinabi, Nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya” (Marcos 9:24).
-
Ang lalaking ito ay humingi ng tulong sa Tagapagligtas at natanggap ito. Hindi ikinagalit ni Jesus ang pagdududa niya. Magsulat tungkol sa habag at tiyaga ng Tagapagligtas.
-
Anong pakiramdam ng masasabi mo na sa Panginoon ang saloobin mo?
Ang kaloob na biyaya
“Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo’y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan” (Sa Mga Hebreo 4:16).
-
Sa Bible Dictionary, inilarawan ang biyaya bilang “dakilang tulong o lakas” na ibinibigay sa pamamagitan ng “saganang awa at pagmamahal ni Jesucristo” (“Grace,” 697). Ang dakilang lakas na ito ay makatutulong sa iyo na mas magawa ang mga bagay na hindi mo kayang gawin sa sariling lakas mo. Gagawin ng Tagapagligtas ang mga bagay na hindi mo magagawa para sa sarili mo. Makapagsisisi at mababago ka sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. Sa anong mga paraan mo nadama ang kaloob na biyaya sa buhay mo?
-
Paano ka matutulungan ng dakilang lakas na ito upang patuloy na magpagaling?
Paggaling
“Naniniwala ka ba sa kapangyarihan ni Cristo tungo sa kaligtasan? … Kung naniniwala ka sa pagtubos ni Cristo ay gagaling ka”(Alma 15:6, 8).
-
Kapag iniisip natin ang paggaling, karaniwang naiisip natin ay ang ating mga katawan. Ano pa ang dapat pagalingin sa iyo ng nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo?
-
Isulat kung bakit kailangan mong umasa sa nakapanunubos (nagpapalaya, nagpapabago) na kapangyarihan ni Cristo.
Paggising
Subalit masdan, kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita” (Alma 32:27).
-
Ang alamin—o gisingin at pukawin ang iyong kaisipan—ay mahalagang bahagi ng proseso ng pag-aaral na maniwala. Sa anong mga paraan mo mas nadarama sa buhay mo si Jesucristo at ang Kanyang kapangyariyahan kumpara noong nakaraang linggo? nakaraang buwan? nakaraang taon?
Paglaya mula sa pagkaalipin
“Sila ay nasa pagkabihag, at muli silang pinalaya ng Panginoon mula sa kanilang pagkaalipin sa kapangyarihan ng kanyang salita.”(Alma 5:5).
-
May kapangyarihan ang salita ng Diyos upang mapalaya ka mula sa pagkaalipin. Mahahanap mo ang salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan at sa mga mensahe na naririnig mo sa kumperensya at nababasa sa mga magasin ng Simbahan. Matatanggap mo rin ang salita ng Diyos sa pamamagitan msmo ng Espiritu Santo. Isulat ang ilan sa mga bagay na handa mong gawin ngayon upang matanggap ang nais Niyang sabihin sa iyo.