Ika-apat na Hakbang
Katotohanan
Pangunahing Alituntunin: Magnilay-nilay at sumulat nang walang takot ng moral na imbentaryo o pagsusuri ng iyong sarili.
Nang gawin mo ang ikatlong hakbang, ipinasiya mong magtiwala sa Panginoon. Ipinaubaya mo ang iyong kalooban at buhay sa Kanyang pangangalaga. Sa ika-apat na hakbang, ipinapakita mo na handa kang magtiwala sa Diyos. Sumulat ka ng isang mapanuri at walang takot na imbentaryo tungkol sa iyong sarili, susuriin o ibubuod ang mga naiisip mo, ang mga nagaganap sa iyo, nararamdaman at ginagawa mo, upang makumpleto ang iyong imbentaryo hanggang maaari.
Ang paggawa nang walang takot at mapanuring imbentaryo ng buhay mo ay hindi magiging madali. Kapag sinabi natin na walang takot,hindi ibig sabihin nito ay hindi ka na matatakot. Iba’t ibang emosyon ang maaari mong maramdaman habang sinusuri mo ang iyong buhay, kasama na rito ang pagkahiya o takot. Ang ibig sabihin ng walang takot ay hindi mo hahayaang pigilan ka ng takot sa pagagawa ng masusing imbentaryo. Sa ika-apat na hakbang, mangangako ka na magiging tapat sa paglalahad ng mga nangyayari sa iyo, kabilang na ang iyong mga kahinaan, at hindi ang mga kahinaan ng iba.
Maaaring dati ay sinisisi mo ang ibang tao, lugar, o mga bagay upang bigyang-katwiran ang mga problemang ginawa mo. Ngayon ay sisimulan mo nang panagutan ang mga ginawa mo noon at ngayon, kahit na kailanganin mong tanggapin ang masakit, kahiya-hiya, o mahihirap na kaisipan, emosyon, kilos, o pangyayari sa buhay mo.
Kung napakahirap ang ideya ng paggawa ng mapanuri at walang takot na imbentaryo ng buhay mo, dapat mong malaman na hindi ka nag-iisa. Nauunawaan ka namin. Naaalala namin ang paghihirap na aming dinanas bago nagkaroon ng pagkukusang kumpletuhin ang hakbang na ito. Itinanong ng marami sa amin na kung lalaktawan ba namin ang buong ika-apat na hakbang ay mapaglalabanan pa rin namin ang adiksiyon. Kalaunan ay naipasiya naming paniwalaan ang mga sinabi ng mga nauna sa amin: “Kapag walang mapanuri at walang takot na imbentaryo ng buhay, … ang pananalig na talagang kailangan sa araw-araw na pamumuhay ay hindi pa rin matatamo” (Twelve Steps and Twelve Traditions [1981], 43).
Ang adiksiyon ay nagpahina ng aming kakayahang pagnilayang mabuti ang aming buhay. Nilimatahan nito ang aming kakayahang unawain ang pinsala at pagkapuksa—ang mga kapahamakan—na idinulot nito sa lahat ng relasyon namin sa mga tao. Bago kami tiwalang makaaasa sa Tagapagligtas, kailangan namin ng framework upang matulungan Niya kami na tapat na alalahanin ang mga pangyayari sa aming nakaraan. Ang ika-apat na hakbang ang nagbigay ng framewok na iyon; ito ay ang “malakas at mapagsumakit na pagsisikap na malaman kung ano ang mga hadlang sa bawat isa sa amin noon, at ngayon” (Twelve Steps and Twelve Traditions, 42).
Ang imbentaryo ay isang hakbang din upang matulungan kaming iayon ang buhay namin sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng imbentaryong ito, natutukoy namin ang mga negatibong bagay sa aming isipan, mga emosyon, at mga ikinilos namin na kumontrol sa aming buhay. Nang malaman namin ang mga nakasisirang bagay sa aming buhay, nagawa na namin ang unang hakbang sa pagtatama ng mga ito. Mahirap gumawa ng imbentaryo, ngunit ang hakbang na ito ang nagbukas ng pinto sa karagdagang pananampalataya at pag-asa na kailangan namin upang patuloy na mapagaling at lubusang makalaya mula sa adiksiyon.
Paano gumawa ng imbentaryo
Matapos naming tanggapin na kailangan namin ang ika-apat na hakbang, ang sumunod na tanong ay, “Paano ba gumawa ng imbentaryo? Ano ang mga gagamitin ko?” Ang paggawa ng imbentaryo ay napakapersonal, at hindi lang iisa ang tamang paraan ng paggawa nito. Maaari mong tanungin ang ibang nakagawa na ng imbentaryo at hingiin ang gabay ng Panginoon sa paggawa mo nito. Tutulungan ka Niyang maging matapat at mapagmahal habang inaalala mo ang iyong alaala at damdamin.
Isang paraan sa paggawa ng imbentaryo ay ang paglista ng mga taong naaalala mo; mga institusyon o organisasyon; mga alituntunin, ideya, o paniniwala; mga pangyayari o sitwasyon na nagpapaalala ng maganda at di-magandang naramdaman mo (kasama na rito ang lungkot, panghihinayang, galit, hinanakit, takot, sama ng loob). Maaaring lumabas nang maraming beses ang ilang bagay na nasa listahan. Okey lang iyan. Huwag mo munang pagbukud-bukurin o suriin ang anuman sa listahan. Sa ngayon, ang pinakamahalaga ay ang maging masusi hangga’t maaari.
Sa paggawa mo ng imbentaryo, huwag ka lang magtuon sa mga dating pag-uugali mo kundi suriin mo kung ano ba ang mga naisip, nadama, at paniniwala mo kaya naging gayon ang iyong pag-uugali. Ang mga naisip, nadama, at paniniwala mo ang talagang ugat ng iyong adiksiyon. Hangga’t hindi mo susuriin ang lahat ng iyong pagkiling tungo sa takot, pagmamalaki, hinanakit, galit, katigasan ng ulo, at awa sa sarili, hindi mo ganap na maititigil ang adiksiyon mo. Babalik ka sa dating gawi o kaya’y maghahanap ng ibang bisyo. Ang adiksiyon mo ay sintomas ng iba pang “mga sanhi at kundisyon” (Alcoholics Anonymous [2001], 64).
Ang ginagawa ng ilan ay pinagsasama-sama nila ang mga pangyayari sa buhay nila ayon sa edad, grado sa paaralan, mga lugar na tinirahan, o mga relasyon. Nagsisimula naman ang iba sa brainstorming. Marahil ay hindi mo kaagad maalala ang lahat. Patuloy na maging madasalin at hayaang ipaalala sa iyo ng Panginoon ang mga bagay-bagay. Huwag mong limitahan ang prosesong ito, idagdag sa imbentaryo ang iba mo pang maaalala.
Kapag natapos na ang listahan mo, hingin ang gabay ng Panginoon upang may matutunan ka sa bawat alaala. Ang ginagawa ng ilan sa bahaging ito ng imbentaryo ay inaayos nila ang mga bagay sa mga chart o column sa ilalim ng mga sumusunod na limang heading. Nililimitahan nila ang kanilang mga entry sa maiikling pahayag. Ang ilan naman ay naglalaan ng isang pahina para sa bawat entry sa kanilang listahan, at pagkatapos ay nagsusulat ng mga sagot sa bawat isa sa limang kategorya.
Pangyayari. Ano ang nangyari? Sa ilang salita, maikling ilarawan ang naaalala mo sa pangyayari. Isipin lamang ang buod sa halip na ang buong kwento.
Epekto. Ano ang epekto sa iyo at sa iba?
Damdamin. Ano ang nadama mo nang mangyari ang insidente? Ano ang nararamdaman mo ngayon tungkol dito? Isipin kung paano nakadagdag rito ang iyong takot.
Pagsusuri ng sarili. Paano nakaapekto sa sitwasyon ang mga kahinaan at kalakasan mo? May nakikita ka bang bakas ng pagmamalaki, awa sa sarili, panloloko sa sarili, o katigasan ng ulo sa mga ugali at kilos mo? Siguruhing nairekord mo ang lahat ng pagkakataon na kumilos ka nang tama.
Tutulungan ka ng Espiritu Santo na magpakumbaba at harapin ang katotohanan, kahit na masakit ang katotohanan. Sa tulong ng Panginoon, malalaman mo ang iyong mga lakas at kahinaan (tingnan sa Ether 12:27). Maaaring makatulong ang mga tanong na tulad nito:
-
Ano ang gusto kong mangyari sa sitwasyong ito at bakit?
-
Paano ko sinubukang kontrolin ang sitwasyon?
-
May kinalaman ba ako roon?
-
Ano ang mga ginawa ko o hindi ko ginawa upang makuha ang gusto ko?
-
Binalewala ko ba ang realidad?
-
Makatwiran ba ang mga inaasahann ko sa sarili ko at sa iba?
-
Nagsinungaling ba ako sa sarili ko o sa iba?
-
Binalewala ko ba ang damdamin ng iba at sarili ko lang ang inisip ko?
-
Paako ako nagkunwaring biktima upang manipulahin ang iba, makakuha ng atensyon at simpatiya, itrato nang espesyal, at kung anu-ano pa?
-
Hindi ko ba tinanggap ang tulong ng Diyos at ng iba?
-
Iginiit ko ba na tama ako?
-
Pakiramdam ko ba ay binalewala ako dahil hindi ako ginantimpalaan o kinilala?
Magandang payo. Anong payo ang ibinibigay ng Panginoon tungkol sa pangyayaring ito? Tandaan na wala kang dapat ikatakot kapag sinunod mo ang Tagapagligtas. Narito ka upang malaman ang mabuti sa masama, at tutulungan ka ng Tagapagligtas na patawarin mo ang iyong sarili at ang ibang tao. Irekord ang mga naiisip at nadarama mo habang pinag-iisipan ang magandang payo mula sa mga banal na kasulatan at sa mga lider ng Simbahan.
Apat na kinakailangang elemento
Apat na elemento ang napakahalaga para sa matagumpay na moral na imbentaryo ng buhay—pagsulat, katapatan, suporta, at panalangin. Ang mga elementong ito ng moral na imbentaryo ay makatutulong sa iyo na makilala at mapagtagumpayan ang mga pagkakasala at pagkakamali.
Pagsulat. Ang imbentaryo ng iyong buhay ay mas magiging epektibo kung isusulat mo ito. Maaaring magdala ka ng listahan, rebyuhin ito, at tingnan kung kailangan; ang mga naisip na hindi isinulat ay madaling makalimutan, at madaling mawala ang pokus mo kapag maraming gumugulo sa isip mo. Sa pagsusulat ng iyong moral na imbentaryo, maiisip mo nang mas malinaw ang mga pangyayari sa iyong buhay at makakapokus ka sa mga ito nang hindi naguguluhan.
May mga tao na iniiwasang sumulat ng moral na imbentaryo nila dahil nahihiya o nangangamba silang hindi sila makapagsulat nang mahusay o mababasa ng iba ang isinulat nila. Huwag mong hayaang pigilan ka ng mga pangambang ito. Hindi mahalaga kung mahina ka sa spelling, sa grammar, sa penmanship, o sa pagta-type. Magdrowing ka ng mga stick figure, kung kailangan, upang maisulat mo lang ang imbentaryo mo. Hangga’t hindi mo ito naisusulat, hindi mo pa rin nagagawa ang ika-apat na hakbang. Sa pagkumpleto mo ng ika-apat na hakbang, tandaan na ang kagustuhang maging perpekto—upang makabuo ng perpektong imbentaryo at upang magustuhan ng iba— ay maaaring maging dahilan upang hadlangan ka mula sa pagiging kumpleto.
Ang pangamba na mababasa ng iba ang isinulat mo ay talagang nakapag-aalala, ngunit makakayanan mo iyan. Kinailangan rin naming labanan ang pangambang ito noong gumagawa kami ng imbentaryo. Ginawa namin ang lahat upang manatiling pribado ang aming imbentaryo at pinagtiwalaan ang Diyos sa magiging resulta nito. Mas inisip namin ang paggaling kaysa sa ego o reputasyon namin. Hinihingi ng imbentaryo na palagian kaming humingi ng tulong sa Diyos, hilingin sa Kanya na pangalagaan at gabayan Niya kami habang ginagawa namin ang imbentaryo. Dapat mong tandaan na sa ika-apat na hakbang ay ang pagkawala mula sa anino ng hiya at ang pag-amin na kailangan mong magsisi. Kung magiging madasalin ka sa kung paano at saan mo mapananatiling pribado ang mga isinulat mo sa imbentaryo, gagabayan ka ng Panginoon na gawin ang pinakanararapat.
Katapatan. Ang maging tapat sa sarili tungkol sa mga nagawa mong pagkakamali sa buhay ay maaaring nakakatakot. Kadalasang umiiwas ang mga tao na masusing tingnan ang kanilang sarili sa salamin ng nakaraan, takot na makita nila ang repleksyon ng totoong kinahinatnan ng kanilang buhay. Ngayon sa pagsisimula mo ng ika-apat na hakbang, dapat mong harapin nang diretsahan ang totoong nangyari sa buhay mo at ang mga ikinatatakot mo.
Sa iyong imbentaryo, hindi mo lamang matutuklasan ang mga kahinaan mo kundi mas mauunawaan at mapahahalagahan mo ang mga kalakasan mo. Isama mo sa iyong imbentaryo ang mga magagandang katangian mo at ang mga positibong bagay na nagawa mo. Ang totoo, ikaw ay ang pag-iisa ng iyong mga kahinaan at kalakasan. Kapag handa ka nang tingnan ang buong katotohanan tungkol sa nakaraan mo—mabuti man o masama—tinutulutan mo ang mga kapangyarihan ng langit na ihayag sa iyo ang katotohanan at tulungan kang ilagay ang nakaraan sa tamang pananaw. Tutulungan ka ng Panginoon na baguhin ang takbo ng buhay mo at abutin ang iyong banal na potensyal. Malalaman mo na katulad ka rin ng ibang tao, na may mga kalakasan at kahinaan. Matitingnan mo na ang iba bilang mga kapantay mo.
Suporta. Ang panghihikayat at suporta mula sa mga taong naiintindihan ang proseso ng paggaling ay makatutulong sa iyong pagsisikap. Magagabayan ka nila sa pag-alam kung anong sistema, istruktura, o pamamaraan ang lubos na makatutulong sa iyo sa pagsusuti ng iyong nakaraan. Palalakasin nila ang loob mo kapag nanghihina ka.
Panalangin. Habang pinag-iisipan mo ang kahalagahan ng ika-apat na hakbang at maging ng hamon na dulot nito, isipin kung paano ka tinulungan ng Panginoon sa bawat naunang hakbang. Sa pagdulog mo sa Diyos na bigyan ka ng kapanatagan, tapang, at gabay, malalaman mo na patuloy ang pagdating ng tulong habang ginagawa mo ang imbentaryo. Itinuro ni Pablo na ang Diyos ay “Diyos ng buong kaaliwan; na siyang umaaliw sa atin sa lahat ng kapighatian” (2 Mga Taga Corinto 1:3–4). Kung magdarasal ka sa tuwing ikaw ay magsusulat ng imbentaryo, tutulungan ka ng Diyos. Mapapatunayan mo ang katotohanang ito habang ginagawa mo ang tila imposibleng hakbang na ito—laging naririyan ang Diyos para sa iyo, kung iyong hihilingin.
Palayain ang sarili mula sa nakaraan
May mga tao na takot gunitain ang nakaraan sa pangambang makalikha sila ng maling alaala nang di-sinasadya dahil sa malabo o pinalabis na mga impresyon. Sa paggawa mo ng iyong imbentaryo, isipin lamang ang mga malilinaw na alaala upang mas matugunan at masuri nang mabuti ang mga ito. Sa ganitong sitwasyon, pagtitiwala pa rin sa Diyos ang sagot. Kung gagawin mo ang imbentaryo nang may taos-pusong panalangin, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, maaari kang magtiwala sa Kanya na ipapaalala Niya sa iyo ang mga bagay na makatutulong sa iyong paggaling.
Ang isang napakagandang resulta ng pagkumpleto ng ika-apat na hakbang ay nagagawa mo na ang pinakamalaking hakbang sa pagpapalaya sa sarili mo mula sa mga pag-uugali na bumuo ng iyong nakaraan. Ang repleksyon ng sarili mo na makikita mo kapag nakumpleto mo na ang hakbang na ito ay makahihikayat sa iyong baguhin ang direksyon ng buhay mo kung tutulutan mo ito. Dahil sa pagmamahal at biyaya ng Tagapagligtas, hindi mo na dapat balikan ang dati mong pagkatao. Sa paghingi ng gabay sa Panginoon habang sinusuri mo ang buhay mo, makikilala mo na ang mga karanasan mo bilang daan sa karunungan . Malalaman mo na matapos mong maipaalam ang mga kahinaan na matagal mo nang tinitiis ay makapagsisimula ka na ng bagong buhay.
Mga Gagawin
Sumulat sa personal journal; hingin ang gabay ng Espiritu Santo
Para sa karamihan sa amin, ang imbentaryo ang unang pagkakataon na nagsulat kami ng tungkol sa aming buhay. Ang personal journal ay napakalaking tulong sa paggaling. Madalas na itinuro ng mga propeta ng Panginoon ang kahalagahan ng journal. Isang halimbawa na rito ang ipinayo ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Isulat … ang mga ginagawa ninyo, ang mga pinagninilayan, ang mga nakamit at mga kabiguan, ang pakikihalubilo at ang inyong mga tagumpay, nadarama at mga patotoo” (“The Angels May Quote from It,” New Era, Okt. 1975, 5).
Kapag mapanalangin kang nagsulat ng tungkol sa iyong buhay, binibigyan mo ang Espiritu Santo ng pagkakataon na tulungan kang makita at maunawaan ang mga maaari mong matutuhan sa bawat isa sa mga karanasang iyon. Kung hindi ka pa nagsusulat sa journal, hinihikayat ka naming magsimula na. Kung nagsusulat ka na sa journal, hinihikayat ka namin na maging mas madasalin ka sa pagsusulat upang maturuan ka ng Panginoon at mapalalim ang pang-unawa mo sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu.
Suriin ang buhay mo, noon at ngayon
Kailangan ng mahabang panahon upang makumpleto ang imbentaryo. Hindi ito kailangang madaliin, ngunit kailangan mo nang magsimula. Hindi gaanong mahalaga kung saan ka magsisimula, ang mas mahalaga ay masuri mo ang nakaraan hanggang kaya mong maaalala sa tulong ng inspirasyong mula sa Panginoon. Isulat mo lang agad ang mga maaalala mo. Pribado ang anumang isusulat mo, at ibabahagi mo lamang ang isinulat mo sa isang mapagkakatiwalaang support person na mapanalangin mong pipiliin kapag sisimulan mo na ang ikalimang hakbang. Ang iyong imbentaryo ay tungkol sa iyo at sa relasyon mo sa iyong sarili, sa Diyos, at sa iba. Habang nagtitipon ka ng lakas na tingnan ang sarili sa kung sino ka talaga, imumulat ng Diyos ang iyong mga mata, at magsisimula mong makita ang sarili mo kung paano ka Niya nakikita—bilang isa sa Kanyang mga anak na may banal na pamana. Gawin ang hakbang na ito, at manatiling nakatuon sa banal na pamanang iyon.
Huwag nang alalahanin pa ang iyong mga kasalanan
Matapos mong makumpleto ang isinulat mong imbentaryo at kapag nasa tamang panahon na, ang mga ekspresyon na negatibo o puno ng galit, ang mga kasalanang ginawa mo at anupamang maseselang bagay na hindi dapat ikuwento sa iba o ipabasa sa mga susunod na henerasyon ay dapat sirain. Ang pagsira ng mga isinulat na ito ay simbolo ng pagsisisi at isang mabisang paraan upang makalimot. Ipinangako ng Panginoon kay Jeremias patungkol sa Kanyang mga tao, “Aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahan” (Jeremias 31:34). Dapat nating tularan ang halimbawa ng Panginoon sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan at mga kasalanan ng ibang tao.
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang mga banal na kasulatan at pahayag na ito mula sa mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa iyo upang makumpleto ang ika-apat na hakbang. Gamitin ang mga ito sa pagninilay-nilay, pag-aaral, at pagsusulat. Tandaan na maging tapat at detalyado sa iyong pagsulat.
Suriing muli ang iyong buhay
“Inaanyayahan ko kayo na suriing muli ang inyong buhay. Lumihis ba kayo sa mga pamantayang alam ninyo na magdudulot ng kaligayahan? May kasalanan ba kayong itinatago na dapat pagsisihan? May ginagawa ba kayo na alam ninyong mali? Pinupuno ba ninyo ng maruruming bagay ang inyong isipan? Kapag tahimik at malinaw kayong nakapag-iisp, sinasabi ba sa inyo ng inyong konsiyensya na magsisi?
“Para sa kapayapaan ninyo ngayon at para sa walang hanggang kaligayahan, nakikiusap ako na magsisi kayo. Buksan ang inyong puso sa Panginoon at isamo sa Kanya na tulungan kayo. Matatamo ninyo ang kapatawaran, kapayapaan, at kaalaman na kayo ay dinalisay at pinagaling. Lakasan ang loob na humingi sa Panginoon ng lakas upang makapagsisi ngayon” (Richard G. Scott, sa Conference Report, Abr. 1995, 103; o Ensign, Mayo 1995, 77).
-
Ang ika-apat na hakbang ang isang paraan ng pagsunod sa payo ni Elder Scott. Humanap ng oras na payapa mong maipagdarasal na gabayan ka at palakasin ang loob mo habang sinusuri mo ang iyong buhay. Mapanalanging maghanap ng ng oras para sa pagsusuri ng sarili, at irekord ang mga ideyang maiisip mo habang pinag-aaralan mo ang mga tanong ni Elder Scott.
Tanggapin ang nakaraan
“Talikuran ang inyong mga kasalanan; iwagwag ang mga tanikala niya na gagapos sa inyo nang mahigpit; lumapit sa yaong Diyos na siyang bato ng inyong kaligtasan.” (2 Nephi 9:45).
-
Ang pagtalikod sa kasalanan at pagwagwag ng tanikala ng adiksiyon ay hindi magsisimula hanggang hindi mo tinatanggap na ikaw ay may kasalanan at may tanikala. Isulat ang pagtutol na nadarama mo na habang iniisip mo ang pagiging tunay na tapat tungkol sa iyong nakaraan.
Palitan ang pagkakaila ng katotohanan
“Kung sinasabi nating tayo’y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin” (1 Ni Juan 1:8).
-
Ang pangunahing katangian ng adiksiyon ay pagkakaila o pandaraya sa sarili—kapag ipinagkakaila o ayaw tanggapin ng isang tao na siya ay may problema. Paano makatutulong sa paggaling ang pagtanggap ng katotohanan sa halip na ipagkaila ito?
-
Paano makatutulong sa iyo ang ika-apat na hakbang upang maisagawa iyon?
Ang pag-asang gumaling
“Naalaala ko ang lahat ng aking kasalanan at mga kasamaan, kung saan ako’y pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno; oo, nakita ko na ako’y naghimagsik laban sa aking Diyos, at na hindi ko sinunod ang kanyang mga banal na kautusan” (Alma 36:13).
-
Maaaring masaktan ka kapag inalala mo ang mga naging kasalanan mo, pero ito rin ang tutulak sa iyo na magkaroon ng tahimik na buhay (tingnan sa Alma 36:19–21). Itanong sa mga nakakumpleto na ng hakbang na ito kung paano ito nakatulong sa kanila. Paano nakatulong sa iyo ang pag-asa na gagaling ka upang mapagtiisan ang sakit ng pagsisisi at maging maligaya na napatawad ka?
Ang katotohanan
“Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).
-
May mga tao na nahihirapang alalahanin o tanggapin ang masakit na katotohanan tungkol sa nakaraan, ngunit matutulungan ka ng Espiritu Santo na makaalala at mapanatag habang ginagawa mo ang ika-apat na hakbang. Matatanggap mo ang mga pagpapalang ito kahit wala kang kaloob na Espiritu Santo. Isulat kung paano ka magagabayan ng Espiritu Santo sa paggawa ng imbentaryo.
-
Bakit mahalagang malaman ang katotohanan tungkol sa sitwasyon mo ngayon?
-
Bakit mahalagang malaman ang katotohanan na ikaw ay anak ng Diyos?
Kahinaan at lakas
“Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).
-
Iangkop ang talatang ito sa buhay mo sa pamamagitan ng pagkopya at pagsingit ng pangalan mo na parang ang Panginoon ang direktang nakikipag-usap sa iyo. Isulat ang mga naiisip mo tungkol sa banal na kasulatang ito at sa pagsasabuhay nito.
“Ang katotohana’y magpapalaya sa inyo”
“Inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32).
-
Ang pagiging tapat sa sarili at sa Panginoon, na kilala rin bilang “Espiritu ng katotohanan” (D at T 93:9), ay ang susi upang makalaya ka mula sa kasinungalingang umaalipin sa iyo. Kapag nakilala mo Siya, ang Kanyang kapangyarihan at presensya sa buhay mo ay magpapalaya sa iyo mula sa adiksiyon. Paano mapagbubuti ng pagkilala sa katotohanan ang pakikipag-ugnayan mo kay Jesucristo?