Ika-anim na Hakbang
Pagbabago ng Puso
Pangunahing Alituntunin: Maging lubos na handa upang maalis ng Diyos ang lahat ng kahinaan ng iyong pagkatao.
Matapos maranasan ang matinding paglilinis sa emosyonal at espirituwal na aspeto sa ika-apat at ikalimang hakbang, karamihan sa amin ay namangha sa naging pagbabago sa aming sarili. Nanalangin kami nang mas taimtim, pinag-aralan ang mga banal na kasulatan nang mas regular, at mas dinalasan ang pagsusulat sa journal. Pinaghandaan namin ang paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa pamamagitan ng pagdalo sa sacrament meeting.
Nang gawin namin ang ikalimang hakbang, marami sa amin ang kumausap sa aming mga bishop at humiling na tulungan kaming magsisi. Nadama ng karamihan sa amin na hindi na kami madali at madalas na matukso ng adiksiyon. Ang ilan sa amin ay malaya na mula sa adiksiyon. Ngayong nabago na nang malaki ang ugali at pamumuhay namin, inisip ng ilan sa amin kung bakit kailangan pang gawin ang iba pang mga hakbang.
Ngunit sa paglipas ng panahon, napansin namin na sa pag-iwas sa bisyo parang lalo naming nakita ang kahinaan ng aming pagkatao. Sinikap naming kontrolin ang mga negatibong bagay na naiisip namin ngunit muli’t muli itong bumabalik, parang nagbabanta sa aming pagbabagong-buhay at pagbabalik sa Simbahan. Ang mga nakauunawa ng espirituwal na aspeto ng paggaling ay hinikayat kaming makita na bagama’t maganda ang epekto sa buhay namin ng lahat ng pagbabagong ito, nais ng Panginoon na biyayaan kami ng higit pa rito. Ipinaunawa sa amin ng aming mga kaibigan na kung gusto namin na lubusang iwan ang adiksiyon at hindi lamang iwasan ito, kailangan naming makaranas ng malaking pagbabago ng puso. Ang pagbabagong ito ng puso o pagnanais ang layunin ng ika-anim na hakbang.
“Paano?” marahil ay itatanong mo. “Paano ko sisimulang gawin ang gayong pagbabago?” Huwag kang panghinaan ng loob. Tulad ng ibang mga hakbang, parang napakahirap gawin ng ika-anim na hakbang. Mahirap man, pero kailangan mong tanggapin, tulad ng ginawa namin, na ang pag-amin at pagtatapat ng iyong mga kahinaan sa ika-apat at ikalimang hakbang ay hindi nangangahulugang handa ka nang talikuran ang mga ito. Makikita mo na lang na bumabalik ka pa rin sa dating gawi kapag nagkakaproblema ka sa buhay—marahil lalo na ngayon na tinigilan mo na ang iyong mga adiksiyon.
Marahil ang kapakumbabaang magagawa mo ay aminin na hindi ka makapagbabago nang walang tulong ng Diyos. Ang ika-anim na hakbang ay pagtutulot sa Diyos na alisin ang natitirang kapaluan at katigasan ng puso mo. Tulad ng una at ikalawang hakbang, hinihingi sa iyo ng ika-anim na hakbang na magpakumbaba ka at tanggapin na kailangan mo ang nakapanunubos at nakapagpapabagong kapangyarihan ni Cristo. Ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang tumulong sa iyo sa bawat hakbang hanggang sa makarating ka sa bahaging ito. Hindi naiiba ang ika-anim na hakbang.
Sa paglapit mo kay Jesucristo upang humigi ng tulong sa hakbang na ito, hindi ka mabibigo. Kung magtitiwala ka sa Kaniya at magtitiyaga ka, makikita mo na unti-unting napapalitan ng kapakumbabaan ang iyong kapalaluan. Matiyaga Siyang maghihintay hanggang mapagtanto mong kailangan mo ng tulong upang magbago, at sa paglapit mo sa Kanya, madarama mong muli ang Kanyang pagmamahal at kapangyarihan. Iiwanan mo ang mga dating pag-uugali at magiging bukas na ang isipan sa anumang ipahiwatig ng Espiritu na ikabubuti ng buhay mo. Hindi ka na matatakot sa pagbabago dahil alam mong nauunawaan ng Panginoon ang sakit at sigasig na kailangan upang magawa ito.
At kapag naisapuso mo na ang paglapit kay Cristo, ang mga maling paniniwala na nagbibigay ng mga negatibong pag-iisip at emosyon ay unti-unting mapapalitan ng katotohanan. Magiging malakas ka habang patuloy mong pinag-aaralan ang salita ng Diyos at pinagninilayan kung paano ito isasabuhay. Sa pamamagitan ng patotoo ng iba, tutulungan ka ng Panginoon na malaman ang katotohanan na kaya kang pagalingin ng Kanyang kapangyarihan. Ang paninisi sa iba sa kalagayan ng iyong pagkatao o ang pangangatwiran na hindi mo kayang baguhin ang iyong puso ay mapapalitan ng pagnanais na magkaroon ng pananagutan sa Diyos at maging masunurin sa lahat ng Kanyang kagustuhan. Sa pamamagitan ng propetang si Ezekiel, ipinahayag ng Panginoon, “Bibigyan ko rin … kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong laman” (Ezekiel 36:26).
Nais ng Panginoon na bigyan ka ng bagong disposisyon upang magkaisa kayo sa puso at isipan, tulad nila ng Kanyang Ama na nagkakaisa. Gusto Niyang lumapit ka sa Diyos Ama at huwag nang ilayo ang iyong sarili, ang paglayo na nagdulot ng takot at nagpalala ng iyong adiksiyon. Gusto Niyang maging pagpapala sa buhay mo ang Pagbabayad-sala, simula ngayon.
Sa pagsunod mo sa mga pahiwatig ng Espiritu at pag-asa sa Tagapagligtas upang maligtas, hindi lamang mula sa adiksiyon kundi mula sa iyong mga kahinaan, makatitiyak ka na mababago ang disposisyon o pananaw mo dahil handa nang magbago ang puso mo. Ang sumisidhing pagnanais na mapabanal ng Diyos ay maghahanda sa iyo na baguhin ang kalikasan ng pagkatao mo. Ang isa sa mga pinakamalinaw na paglalarawan ng prosesong ito ay matatagpuan sa mga salita ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Binabago ng Panginoon ang kalooban. Binabago ng mundo ang panlabas na anyo. Maiaalis ng daigdig ang mga tao mula sa mga magugulo at maruruming lugar. Inaalis ni Cristo ang di-magagandang ugali ng mga tao, at inaalis naman nila ang kanilang sarili sa magulo at maruming lugar. Hinuhubog ng daigdig ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang kapaligiran. Binabago ni Cristo ang mga tao, na siya namang nagbabago ng kanilang kapaligiran. Mahuhubog ng daigdig ang kilos ng mga tao, subalit mababago ni Cristo ang ugali ng mga tao. …
“Nawa’y magtiwala tayo na si Jesus ang Cristo, magpasiyang sundin Siya, magbago para sa Kanya, mapatnubayan Niya, magpasakop sa Kanya, at maisilang na muli” (sa Conference Report, Okt. 1985, 5–6; o Ensign, Nob. 1985, 6–7).
Mga Gagawin
Naising tulutan ang Tagapagligtas na baguhin ang iyong puso; makibahagi sa mga bagay tungkol kay Cristo sa pamamagitan ng pagdalo sa Sunday School at Relief Society o priesthood meeting
Noong bininyagan kami, iilan lamang sa amin ang nakaunawa na ang tunay na pagbabalik-loob ay hindi nangyayari nang minsanan lamang. Gayunpaman, malinaw na ipinaliwanag ito ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan: “Sa isang taong tunay na nagbalik-loob, ang pagnanais sa mga bagay na salungat sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nawala nang lubusan. Ang pumalit dito ay ang pagmamahal sa Diyos, na may matatag na determinasyong sundin ang kanyang mga utos” (sa Conference Report, Guatemala Area Conference 1977, 8).
Sa himalang mararanasan mo sa patuloy na paggaling—una mula sa nakapipinsalang adiksiyon at sa mga kahinaan ng pagkatao—makararanas ka ng tunay na pagbabalik-loob. Magsisimula kang magising, lumapit sa iyong sarili tulad ng alibughang anak na nakapag-isip (tingnan sa Lucas 15:17). Mapag-iisip-isip mo na upang makabalik sa kaharian ng Ama sa Langit, hindi ka lamang dapat gumising kundi bumangon rin at tulutan si Jesucristo na maging iyong Manunubos.
Sa pagsunod mo sa Diyos at patuloy na pagpapakumbaba, lalong titibay ang iyong determinasyon na huwag nang balikan pa ang dating pag-uugali. Dahil nakalaya ka na mula sa pasanin ng nakaraan, mas komportable ka nang makasama ang mga kapatid sa Simbahan. Mas gugustuhin mo nang bumalik at matipon bilang anak ng Diyos at ganap na makabilang sa mga tupa ng Kanyang kawan (tingnan sa 1 Nephi 22:24–26; Mosias 27:25–26; Mosias 29:20; Helaman 3:35).
Maging handa na mabago upang mawala ang mga kahinaan mo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos
Ikaw man ay nalulong sa alak, droga, pagsusugal, pornograpiya, masamang sistema sa pagkain, walang kontrol na paggastos, o pag-uugali o bisyo na binabalingan mo upang takbuhan o makaligtas sa problema o hamon ng buhay, matatanto mo na nagsimulang lahat iyon sa puso’t isipan mo. Nagsisimula rin ang paggaling sa iyong puso’t isipan. Sa pagkakaroon mo ng pagkukusang mabago sa pamamagitan ng paglapit kay Jesucristo, malalaman mo ang kapangyarihan Niyang magpagaling.
Sa ika-anim na hakbang, mas titibay ang determinasyon mong iwasan ang dati mong pagkalulong sa pamamagitan ng tumitibay na pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas na si Jesucristo, at sa Ama, na nagsugo sa Kanya. Ipinasiya mo na maging mas mahinahong tulad ng batang propetang si Mormon (tingnan sa Mormon 1:15). Patuloy mong tinatanggap na kailangang umasa ka nang buong puso sa Diyos upang mapalakas ka Niya sa lahat ng iniisip, sinasabi, at ginagawa mo.
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa iyo sa paggawa ng ika-anim na hakbang. Gamitin ang mga banal na kasulatan at mga tanong na ito sa pagninilay-nilay, pag-aaral, at pagsusulat.
Talikuran ang lahat ng iyong mga kasalanan
“Sinabi ng hari … ano ang nararapat kong gawin upang isilang sa Diyos, nang ang masamang espiritung ito ay mabunot mula sa aking dibdib, at matanggap ang kanyang Espiritu, upang ako ay mapuspos ng galak. … Tatalikuran ko ang lahat ng aking pag-aari … upang matanggap ko ang labis na kagalakang ito. …
“… Lumuhod ang hari sa harapan ng Panginoon, sa kanyang mga tuhod; oo, maging sa itinirapa niya ang kanyang sarili sa lupa, at nagsumamo nang taimtim, sinasabing:
“O Diyos … Tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo, at upang magbangon ako mula sa pagkamatay at maligtas sa huling araw” (Alma 22:15, 17–18).
-
Basahing muli nang mabuti ang Alma 22:15, 17–18. Anong mga hadlang—kasama na ang saloobin at damdamin—ang pumipigil sa iyong talikdan ang “lahat ng [iyong] mga kasalanan” at mas lubos na tanggapin ang Espiritu ng Panginoon?
Matutong magpakumbaba
“Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).
-
Dahil tayo ay tao lamang at hindi perpekto, marami tayong kahinaan. Sa talatang ito, ipinaliwang ng Panginoon kung bakit ipinaranas Niya sa atin ang mabuhay sa lupa at magkaroon ng gayong mga kahinaan—upang tulungan tayong maging magpakumbaba. Gayunpaman, kailangan nating ipasiyang magpakumbaba. Bakit bahagi ng pagpapakumbaba ang kahandaang gawin ang ika-anim na hakbang?
-
Ilista ang ilan sa iyong mga kahinaan, at sa tabi nito ilista ang mga kalakasan na maaaring pumalit dito kapag lumapit ka kay Cristo.
Pakikibahagi sa mga aktibidad ng Simbahan
“Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama, ng ating Panginoong Jesucristo,
“Na sa kaniya’y kumukuha ng pangalan ang bawa’t sangbahayan sa langit at sa lupa,
“Upang sa inyo’y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo’y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob;
“Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kung kayo’y magugat at magtumibay sa pagibig,
“Ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim;
“At makilala ang pag-ibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo’y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios” (mga Taga Efeso 3:14–19).
-
Kapag tinaglay mo sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo at napalakas ng Kanyang Espiritu, madarama mo na kabilang ka sa mga Banal—mga kapatid na nabinyagan at naging bahagi ng Kanyang pamilya sa mundo (tingnan sa Mosias 5:7). Nang mas nakilala mo ang iyong mga kapwa miyembro, paano mo mas ninais na mas ganap silang makasama at makibahagi sa priesthood, Relief Society, at Sunday School?
Pagtubos
“Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig” (Mosias 3:19).
-
Marami sa atin ang nagiging Banal sa pangalan lamang kapag bininyagan at pagkatapos nito ay nahihirapang “hubarin ang likas na tao” at taglayin ang mga katangiang nakalista sa talatang ito. Paano ka inihanda ng paghihirap na ito na tanggapin na tanging sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Cristo—sa pakikiisa kay Jesucristo at sa Ama—ka lamang magkakaroon ng kaligtasan?
Paglapit kay Cristo
“Kahit ano ang pinagmumulan ng hirap at kahit paano mo sisimulang makadama ng kapanatagan—sa pamamagitan ng isang kwalipikadong propesyonal na therapist, doktor, priesthood leader, kaibigan, magulang na nag-aalala, o mahal sa buhay—paano ka man magsisimula, ang mga solusyong iyon ay hindi kailanman magbibigay ng ganap na kasagutan. Nangyayari ang lubusang paggaling sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo, nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu at pagsunod sa Kanyang mga kautusan” (Richard G. Scott, sa Conference Report, Abr. 1994, 9; o Ensign, Mayo 1994, 9).
-
Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawa na anumang tindi ng suporta o pakikisama ang ibigay sa iyo—maging ng mga recovery group o mga kongregasyon sa Simbahan—ay hindi makapagliligtas sa iyo. Maaaring suportahan at tulungan ka ng ibang tao sa pinagdadaanan mo, ngunit sa huli dapat ay lumapit ka kay Cristo Mismo. Isulat kung paano nagsimula ang iyong pagpapagaling.
-
Sino ang nakatulong sa iyo na simulan ang pagsisisi at paggaling? Paano ka inaakay nito sa Tagapagligtas?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas na nakatulong o nakaimpluwensya sa iyong mga hangarin o kakayahan na baguhin ang ugali mo?
Pagtitiyaga sa proseso
“Kayo ay maliliit na bata at hindi ninyo makakaya ang lahat ng bagay sa ngayon; kailangan kayong lumaki sa biyaya at sa kaalaman ng katotohanan.
“Huwag matakot, maliliit na bata, sapagkat kayo ay akin, at aking nadaig ang daigdig, …
“At wala sa kanila na ibinigay ng Ama sa akin ang mawawala” (D at T 50:40–42).
-
Kung minsan nawawalan tayo ng tiyaga o pinanghihinaan ng loob dahil hindi natatapos ang proseso ng paggaling. Ipinapakita ng mga talatang ito ang pagtitiyaga ng Tagapagligtas at ng Ama sa Langit sa atin na parang “maliliit na bata.” Ipamuhay ang mga talatang ito at isulat na parang ikaw ang pinatutungkulan nito.
-
Paano ka na pinalalakas ng mga pangako sa banal na kasulatang ito kapag pinaghihinaan ka ng loob?
Tulong mula sa Panginoon
“Mga minamahal kong kapatid, matapos na kayo ay mapasamakipot at makitid na landas, itatanong ko kung ang lahat ay nagawa na? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat hindi pa kayo nakalalapit maliban sa ito ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo na may hindi matitinag na pananampalataya sa kanya, na umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas.
“Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:19–20).
-
Pag-isipan at isulat kung paano ka tinulungan ng Panginoon sa pagtahak sa tuwid at makipot na daan. Paano ka natulungan ng nag-iibayong pagmamahal mo sa Diyos at sa ibang tao na makawala mula sa adiksiyon, iwasang bumalik sa bisyo, at mabigyang muli ng pag-asang magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan?