Adiksyon
Ikawalong Hakbang: Paghingi ng Tawad


Ikawalong Hakbang

Paghingi ng Tawad

Pangunahing Alituntunin: Gumawa ng listahan ng lahat ng taong nasaktan mo at maging handa na makipagkasundo sa kanila.

Bago kami nagsigaling, ang buhay naming lulong sa adiksiyon ay tila buhawi na humahagupit sa lahat ng aming relasyon, at nag-iwan ng malaking pinsala. Ang ikawalong hakbang ay isang pagkakataon upang gumawa ng plano na ayusin at buuing muli ang maaari pang isalba. Nang nadama namin ang nagpapagaling na kapangyarihan ng awa ng Tagapagligtas habang ginagawa namin ang ikapitong hakbang, ninais naming tulungan ang iba at buuin ang nasirang mga relasyon. Gayunman, nalaman namin na ang pabigla-biglang pakikipagkasundo na hindi ipinagdasal at inihingi ng payo sa isang mapagkakatiwalaang lider, gaya ng bishop o iba pang mga priesthood leader, ay maaaring magpasama sa halip na magpabuti. Ang ikawalong hakbang ay isang paniniguro na wala kaming masasaktan kapag sinimulan namin silang kausapin sa ikasiyam na hakbang.

Bago namin inayos ang mga nasirang relasyon, inalam muna namin kung ano ang mga nasirang relasyon. Sinimulan naming ilista ang mga taong nasaktan namin, ngunit marami sa amin ang nakabatid na hindi namin sila maisama sa listahan nang hindi ginugulo ng galit laban sa mga nanakit sa amin. Matapat naming inamin sa Panginoon ang mga negatibong damdamin na naramdaman namin. Bilang tugon, ipinakita Niya sa amin na katulad kami ng naranasan ng isang lalaki sa talinghaga na, matapos mapatawad sa lahat ng kanyang kasalanan, ay kinailangan ding magpatawad. Parang naririnig namin ang Panginoon na nagsabi, “Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na yaon, sapagka’t ipinamanhik mo sa akin: Hindi baga dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapuwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo?” (Mateo 18:32–33).

Kung makakaharap ka ng ganitong problema, maaari mong tularan ang ginawa ng marami sa amin. Bago ka gumawa ng listahan ng mga tao na kailangan mong hingan ng kapatawaran, ilista mo muna ang mga taong kailangan momg patawarin. Huwag kang magulat kapag nakita mong may mga pangalan na lumitaw sa parehong listahan. Madalas matagpuan ng mga tao ang kanilang sarili sa terible at walang-humpay na pagpapalitan ng paghihiganti sa isa’t isa. Upang matigil ang walang-humpay na paghihiganting ito, kailangang may isa na handang magpatawad.

Upang masimulan ang proseso ng pagpapatawad, nakita naming muli na malaki ang naitutulong ng pagsusulat. Sa tabi ng mga pangalan ng mga taong kailangan naming patawarin, isinulat namin ang unang naramdaman namin noong mangyari ang masasakit na insidenteng ito at kung ano ang muntik na naming magawa. Nakatulong sa amin ang listahan upang maging espisipiko sa aming pagdarasal habang ibinabahagi sa Ama ang lahat ng mga kinikimkim naming damdamin. Hiniling namin na tulungan kami ni Cristo na ibigay sa iba ang awa na ibinigay Niya rin sa amin. Kung may mga tao sa listahan namin na nahihirapan kaming mapatawad, sinusunod namin ang payo ng Tagpagligtas na ipagdasal ang kanilang kapakanan, hilingin na ibigay din sa kanila ang mga pagpapalang nais namin para sa aming sarili (tingnan sa Mateo 5:44).

Nang ipagdasal naming tulungan kami na magpatawad—kahit parang hindi ito taimtim noong una—paglaon ay tumanggap kami ng mahimalang pagkahabag. Maging sa mabibigat na sitwasyon, ang mga tao na ganito rin ang ginawa ay nagawang magpatawad nang hindi nila sukat akalain. Isang sister ang ilang linggong nagsulat tungkol sa kanyang kabataan at ipinagdasal ang kanyang mapang-abusong ama. Nagpatoo siya nang may galak na inalis sa kanya ng Tagapagligtas ang anumang hinanakit niya sa kanyang ama. Nang gawin rin namin iyon, nalaman namin sa masusing pagsusulat ng imbentaryo ng lahat ng galit at hinanakit at pagpapaubaya nito sa Tagapagligtas, sa wakas ay hindi na kami biktima ng mga nakasakit sa amin. Nang tapat naming kinalimutan ang mga nagawang pagkakamali sa amin ng iba, nagawa na naming maisulat ang mga pangalan ng mga taong inaasam namin na mapatawad kami.

Kapag narating mo na ang puntong ito at sinimulan mo nang gumawa ng listahan, ipagdasal mo sa Panginoon na patnubayan ka. Maaaring makatulong sa iyo ang mga gabay na ito. Itanong sa sarili, “Mayroon bang sinuman sa nakaraan o sa kasaluyan ko na nahihiya o asiwa ako na makasama?” Isulat ang kanilang mga pangalan, at labanan ang tukso na pangatwiranan ang nararamdaman mo o pangatwiranan ang hindi maganadang pakikitungo mo sa kanila. Isama sa listahan ang mga taong gusto mong saktan, pati na ang mga taong hindi mo sinasadyang masaktan. Isama pati ang mga namatay na at pati ang mga hindi mo na alam kung nasaan. Babalikan mo ang naiibang listahang ito kapag nagsimula ka na sa ikasiyam na hakbang. Sa ngayon, habang ginagawa mo ang ikawalong hakbang ay tumutok ka sa iyong kagustuhang maging mahigpit at walang tinag sa iyong katapatan.

Alaming mabuti ang mga bagay na nakaligtaan mong gawin o mga bagay na hindi mo ginawa na nakasakit sa iba. Isama mo pati ang maliliit na bagay. Matapat mong isipin ang mga sakit at pinsalang naidulot mo dahil sa adiksiyon, kahit na hindi ka agresibo laban sa kanila. Aminin ang sakit at hirap na ibinigay mo sa mga mahal mo sa buhay at mga kaibigan dahil sa iyong pagiging iresponsable, magagalitin, mapamintas, bugnutin, at kahiya-hiya. Alamin ang anumang malaki o maliit na bagay na nakadagdag sa hirap ng iba o nakapagpalungkot o nagbigay ng problema sa iba. Alamin ang mga kasinungalingang sinabi mo o mga pangakong hindi mo tinupad at mga paraan upang manipulahin o gamitin ang ibang tao. Isulat ang lahat ng naapektuhan. Makatutulong sa iyo ang imbentaryong ginawa mo sa ika-apat na hakbang bilang gabay sa prosesong ito.

Matapos mong mailista ang lahat ng nasaktan mo, idagdag ang isa pang pangalan—ang pangalan mo. Noong nagpakalabis ka sa iyong mga adiksiyon, nasaktan mo ang iyong sarili gayundin ang iba.

Tandaan mo na ang ikawalong hakbang ay hindi tungkol sa paninisi o paghiya sa iba—sa sarili mo man o sa mga taong nasa listahan mo. Aalisin ng Tagapagligtas ang mga pasaning dulot ng paninisi at kahihiyan kapag talagang inalam mo ang mga problema sa mga relasyon mo at kung ano ang naging bahagi mo rito. Sa pagiging handa mong ayusin at itama ang mga mali mo, mapapanatag ka na natutuwa ang Ama sa Langit sa mga ginagawa mo. Ang hakbang na ito ang tumutulong sa iyo na gawin ang mga bagay na nagbigay-daan sa Tagapagligtas na tulungan kang makalaya mula sa iyong nakaraan. Handa ka na ngayong simulan ang ikasiyam na hakbang.

Mga Gagawin

Patawarin ang sarili at iba; gumawa ng listahan ng mga taong maaari mong nasaktan o napahamak

Sa ikawalong hakbang, sisimulan mo ang napakasayang paglalakbay ng pakikipag-ugnayan na may bagong pananaw sa sarili, sa iba, at sa buhay. Handa ka nang mag-ambag ng kapayapaan sa mundo sa halip na makadagdag sa mga alitan at mga negatibong bagay. Hindi mo na huhusgahan ang iba at hindi mo na pakikialaman ang buhay at pagkakamali ng iba. Hindi mo na pangangatwiranan o hahanapan ng dahilan ang pag-uugali mo. Handa ka nang gumawa ng isa pang masusing imbentaryo—sa pagkakataong ito ay ang imbentaryo ng mga taong nasaktan mo.

Bagama’t nakakatakot na gawin ito, gugustuhin mo nang makita ang mga tao sa listahan mo kapag may pagkakataon. Maihahanda mo ang lahat ng makakaya mo upang maitama ang nagawa mong pagkakamali sa kanila. Manalig sa Panginoon, at huwag kang matakot sa maaaring gawin ng iba. Sa ikawalong hakbang ay maaari mong naising mabuhay nang may gabay ng mga alituntunin sa halip nang may kahihiyan o takot.

Hangaring magkaroon ng pag-ibig sa kapwa tao; ipanalangin ang iba

Sa loob ng libu-libong taon, nabasa ng mga tao ang dakilang mensahe ni Pablo tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao at sinikap na iayon dito ang buhay nila. Marami ang nahihirapang magmahal sa kapwa at karaniwang hindi sapat na nagagawa ito.

Malinaw na naipaliwanag sa mga isinulat ni propetang Moroni ang pag-ibig sa kapwa at kung paano ito matatamo. Ipinaliwanag niya ang pag-ibig sa kapwa bilang “dalisay na pag-ibig ni Cristo” at itinuro na ibinibigay ito ng Ama sa lahat ng “nananalangin sa Ama nang buong lakas ng puso” at sa “lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo” (Moroni 7:47, 48).

Ang pag-ibig sa kapwa ay kaloob na natanggap namin nang matutuhan naming sundin si Jesucristo at mahalin Siya nang buong puso, isipan, at kaluluwa. Dahil napuno ng dalisay na pagmamahal mula sa Kanya at para sa Kanya, nagawa naming mahalin ang iba tulad ng pagmamahal Niya sa amin. Nagawa naming patawarin ang mga pagkakasala ng iba at itinama ang sarili naming mga pagkakamali.

Sa paghahanda na maitama ang aming mga pagkakamali, nakatulong sa amin ang sumusunod. Isipin ang taong iyong nakasamaan ng loob. Sa loob ng dalawang linggo, ipagdasal siya bawat araw. Irekord mo ang mga pagbabago sa iyong naiisip at nararamdaman sa taong iyon. (Tingnan sa Mateo 22:37–38; I Mga Taga Corinto 13; I Ni Juan 4:19; Moroni 7:44–48.)

Pag-aaral at Pag-unawa

Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa iyo sa paggawa mo ng ikawalong hakbang. Gamitin ang mga banal na kasulatan at mga tanong na ito sa pagninilay-nilay, pag-aaral, at pagsusulat.

Mga mapamayapang tagasunod ni Cristo

“Ako ay mangungusap sa inyo na nasa simbahan, na mga mapamayapang tagasunod ni Cristo, at na nagkaroon ng sapat na pag-asa kung saan kayo ay makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon, simula sa panahong ito hanggang sa kayo ay mamahingang kasama niya sa langit.

“At ngayon, mga kapatid ko, inihahatol ko ang mga bagay na ito sa inyo dahil sa inyong mapayapang paglalakad kasama ng mga anak ng tao” (Moroni 7:3–4).

  • Sa unang pitong hakbang, sinimulan mo ang paraan kung paano maging mapayapang tagasunod ni Cristo. Kapag payapa ang kalooban mo sa Panginoon, mas handa ka nang makipagkasundo sa iba. Ano pa ang ibang hakbang na kailangan mo upang makipagkasundo sa mga tao sa buhay mo?

  • Isulat kung bakit dapat gawin ang mga hakbang ayon sa pagkakasunud-sunod.

Ang perpektong pagmamahal ng Panginoon

“Walang takot sa pag-ibig: kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot, sapagka’t ang takot ay may kaparusahan. Ang natatakot ay hindi pa pinasasakdal sa pagibig.

“Tayo’y nagsisiibig, sapagka’t siya’y unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:18–19).

  • Ang makipagkasundo ay maaaring nakakatakot kung ang iisipin mo lang ay magawa ito nang perpekto. Paano ka lalong nahihikayat na itama ang mga pagkakamali mo hangga’t maaari ng iyong pagtitiwala sa perpektong pagmamahal ng Panginoon sa iyo at sa taong hihingan mo ng kapatawaran?

Pagtulong sa iba

“Huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo’y palalayain:

“Mangagbigay kayo, at kayo’y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka’t sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin” (Lucas 6:37–38).

  • Kahit natatakot ka na maaaring tutol makipagkasundo sa iyo ang mga tao, huwag hayaan ang takot na ito na pagilan kang isama sila sa listahan at ihanda ang sarili mo na lapitan at kausapin sila. Ang pagpapala ay mas matimbang kaysa sa sakit. Pag-aralan ang mga talatang ito, at isulat ang mga pagpapala ng kagustuhang itama ang mga maling nagawa mo.

“Kapag mas napapalapit tayo sa ating Ama sa langit, mas nahahabag tayo sa mga taong naliligaw ng landas; nais natin silang pasanin, at balikatin ang kanilang mga kasalanan. … Kung gusto ninyong kaawaan kayo ng Diyos, kaawaan ninyo ang isa’t isa” (Joseph Smith, sa History of the Church, 5:24).

  • Kung wala si Jesucristo, tayong lahat ay mga kaluluwang naliligaw ng landas at di-perpekto. Paano nakatutulong sa iyo na malaman na sa paggawa ng ikawalong hakbang na isa kang kaluluwang naliligaw ng landas na nais makipagkasundo sa isa pang naliligaw ng landas?

Pagpapatawad at paghingi ng tawad

“Pagkatapos ay lumapit si Pedro sa kanya, at nagsabi, Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin, siya ‘y aking patatawarin? hanggang sa makapito?

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito” (Mateo 18:21–22).

  • Ang pagpapatawad at paghingi ng tawad sa iisang pagkakamali ay mas madali kaysa pagpapatawad o paghingi ng tawad sa maraming pagkakamali. Isipin ang mga naging relasyon mo sa mga tao noon at ngayon kung saan maraming pagkakamali ang nagawa at kailangang ihingi ng tawad o patawarin. Paano ka makahahanap ng lakas na magpatawad at humingi ng tawad?

  • Paano naging pinakamagandang halimbawa ng pagpapatawad si Jesucristo? Isipin ang Kanyang kahandaang tulungan ka na mapatawad ang iba.

“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.

“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (D at T 64:9–10).

  • Itinuro ni Jesus na ang kabiguang magpatawad ay mas malaking kasalanan kaysa sa naunang sala o pagkakamali. Sa anong paraan maituturing na pagbabalewala sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang hindi pagpapatawad sa sarili o sa isang tao?

  • Paano nakapipinsala sa iyo sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na aspeto ang galit at hinanakit?

Pagtapos sa paulit-ulit na hinanakit at pananakit

“Wala nang ibang paraan upang mailayo ang mga tao sa pagkakasala kundi hawakan sila sa kamay, at bantayan sila nang buong giliw. Kapag nagpakita ng kahit kaunting kabaitan at pagmamahal sa akin ang mga tao, lubos na naaantig ang aking damdamin, samantalang ang paggawa ng kabaligtaran nito ay nagpapatindi ng lahat ng di-mabuting damdamin at nagpapalungkot sa isip ng tao” (Joseph Smith, sa History of the Church, 5:23–24).

  • Inilarawan ni Propetang Joseph Smith kung paano humahantong sa pagsisisi at kapatawaran ang kabaitan. Pag-isipang mabuti at isulat kung paano mo kusang tatapusin ang paulit-ulit na hinanakit at pananakit.

  • Isipin ang mga tao na nagpakita ng kabaitan at pagmamahal sa iyo. Paano nakahikayat sa iyo na magbago ang kabaitan at pagmamahal na ito?

  • Isipin ang mga relasyon sa buhay mo na puno ng problema. Sa anong paraan mababago ang mga ito kapag pinakitaan mo ng pagmamahal at kabaitan ang mga tao?