Adiksyon
Ikasampung Hakbang: Pang-araw-araw na Pananagutan


Ikasampung Hakbang

Pang-araw-araw na Pananagutan

Pangunahing Alituntunin: Magpatuloy sa pagsusuri ng sarili, at kapag nagkamali ka, agad itong aminin.

Sa pagsapit mo sa ikasampung hakbang, handa ka nang harapin ang bagong buhay. Nakatulong ang unang siyam na hakbang upang mamuhay ka nang ayon sa mga espirituwal na alituntunin. Ang mga alituntuning ito ang pundasyong sasaligan mo sa buong buhay mo.

Sa paggawa mo ng unang siyam na hakbang, naisagawa mo ang mga alituntunin ng ebanghelyo—pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at pagsisisi. Nakita mo ang mga mahimalang pagbabago sa buhay mo. Nakadama ka ng pagmamahal at pagpapaubaya, at hinangad mo ang kapayapaan. Lubusan nang nawala ang adiksiyon mo. Kapag natutukso ka, iniiwasan mo na ang adiksiyon mo sa halip na hanap-hanapin ito. Nagpapakumbaba at namamangha ka sa nagawa sa iyo ng Ama sa Langit na hindi mo magagawa nang mag-isa.

Ang huling tatlong hakbang na ito ay tutulong sa iyo na mapanatili ang bagong espirituwal na pamumuhay mo, kaya kadalasang tinatawag ito na maintenance steps.

Ang pagsusuri ng sarili ay hindi bagong konsepto. Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Alma na kailangan ng sigasig upang manatili ang malaking pagbabago ng puso. Sa bawat talata, sinabi niya na ang tapat at mapanalanging pagsusuri ng sarili at kaagad na pagsisisi ay dapat patuloy na ginagawang bahagi ng buhay (tingnan sa Alma 5:14–30). Upang mapanatili ang iyong natutunan, dapat na manatiling malakas ang iyong espirituwal na kalagayan. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng uri ng mga tanong na iminungkahi ni Alma na makapagsusuri ng iyong nadarama, iniisip, hinahangad, at ginagawa. Sa araw-araw na pagsusuri ng sarili, maiiwasan mo ang pagkakaila at pagiging kampante.

Tulad ng natutunan mo sa ikaapat at ikalimang hakbang, ang imbentaryo na kinapapalooban lamang ng pag-uugali mo ay hindi sapat na makapagpapabago ng iyong puso. Dapat na suriin mo rin ang mga iniisip at mga nadarama mo. Angkop din ang alituntuning ito sa ikasampung hakbang. Patuloy mong pakiramdaman ang anumang pagmamataas, at mapagkumbabang dalhin ang iyong mga kahinaan sa iyong Ama sa Langit, tulad ng natutunan mo sa ika-anim at ikapitong hakbang. Kung nakakaramdam ka ng pangamba, awa sa sarili, ligalig, galit, maruming pag-iisip, o anupamang takot, lumapit agad sa Ama sa Langit at hayaan mong palitan Niya ng kapayapaan ang lahat ng mga naiisip mong ito.

Kapag pinagtuunan mo ang mga iniisip at nadarama mo, matutuklasan mo rin na may mga pag-aalinlangan ka pa. Hilingin sa iyong Ama sa Langit na pawiin ang mga nararamdaman mong ito. Sa paggawa mo ng ikasampung hakbang, hindi mo na pangangatwiranan o sisisihin ang anuman o sinuman. Ang hahangarin mo ay manatiling bukas ang iyong puso’t isipan sa mga aral na itinuro sa iyo ng Tagapagligtas.

Sinusunod ng karamihan sa amin ang ikasampung hakbang sa paggawa ng imbentaryo bawat araw. Kapag nagplano ka ng mga gagawin sa bawat araw, suriin mo nang may kasamang panalangin ang mga layunin mo. Sobra ba o kulang ang ginagawa mo? Pinangangalagaan mo ba ang mga pangunahing espirituwal, emosyonal, at pisikal na pangangailangan mo? Pinaglilingkuran mo ba ang iba?

Itanong sa iyong sarili ang mga bagay na ito at ang iba pa na may layuning mabalanse at mapayapa ang araw mo. Sa pagtatapos ng araw, maaari mong pigilan agad ang naiisip o nadarama mo na mukhang makapagpapahina sa iyo. Maging alerto upang maiwasang bumalik sa dating gawi o pag-iisip lalo na sa mga sitwasyon na puno ng problema.

Ang tawag ng ilang tao sa ganitong imbentaryo ay time-out. Sa time-out na ito, mag-isip-isip sandali at iakma sa kasalukuyang sitwasyon ang bawat alituntunin na natutunan mo sa pagsunod sa mga hakbang. Hindi magtatagal ay maaalala mo kung gaano kalahalaga na magtiwala sa Panginoon sa lahat ng pagsisikap mo na gumaling. Masasabi mo sa iyong sarili sa mga sandali ng kagipitan, “Anong kahinaan ko ang pinalilitaw? Ano ang ginawa ko na nagpalala sa problemang ito? May masasabi o magagawa ba ako, nang walang pagkukunwari, na magdudulot ng solusyon na katanggap-tanggap sa akin at sa ibang tao? Ang Panginoon ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Magiging kalmado lamang ako at magtitiwala sa Kanya.”

Kung may nagawa kang masama sa isang tao, humingi ng tawad at itama agad ang pagkakamali mo. Isantabi ang pagmamataas, at ipaalala sa sarili na sa pag-aayos ng gusot sa relasyon, ang totoong pagsasabi ng “nagkamali ako” ay kadalasang kasing halaga ng pagsasabi ng “mahal kita.”

Bago matulog, suriin ang nagyari sa iyo sa maghapon. Itanong sa sarili kung kailangan mo pa rin bang sabihin sa Panginoon ang anumang di-magandang inuugali, iniisip, o nadarama mo. Maliban sa paghingi ng gabay sa Panginoon, maaari mo ring kausapin ang isang tagapayo o isang kaibigan sa programa, isang taong mapagkakatiwalaan mo na hindi iimpluwensiyahan ng sarili niyang opinyon ang iniisip mo.

Patuloy kang magkakamali sa iyong mga pakikisalamuha, ngunit ang ipinangako mong gagawin sa ikasampung hakbang ay pangako na pananagutan mo ang mga pagkakamali mo. Kung susuriin mo ang iyong mga iniisip at ginagawa bawat araw at nireresolba ito, hindi madaragdagan ang masasamang iniisip at nadarama mo na siyang aabot sa puntong magbabalik ka sa dating bisyo. Hindi mo na kailangang ilayo ang sarili mo sa Panginoon o sa ibang tao. Magkakaroon ka ng lakas at pananampalataya na harapin ang mga problema at lutasin ang mga ito. Magagalak ka sa progreso mo at magtitiwala na ang sikap at tiyaga ang magtitiyak sa iyong patuloy na paggaling.

Mga Gagawin

Magpainterbyu sa mga priesthood holder bilang bahagi ng pangakong suriin ang sarili; patuloy na palakasin ang ugnayan sa iba pang mga miyembro ng Simbahan

Naaalala namin ang panahon na takot kaming suriin nang tapat ang aming sarili. Ang pag-iwas sa gayong mga pagkakataon ang isang dahilan kung bakit marami sa amin ang hindi gaanong aktibo sa Simbahan. Gayunpaman, nang patuloy kaming sumailalim sa programa ng mahigpit na katapatan, naunawaan namin ang kahalagahan na suriin ang sarili.

Hindi na kami natatakot sa mga pagkakataong masuri ang sarili na ginagawa sa mga aktibidad ng Simbahan. Napahalagahan na namin ang katotohanan sa itinurong ito ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawa:

“Ang pagiging karapat-dapat sa mga interbyu, sa sacrament meeting, pagdalo sa templo, at iba pang mga miting ng Simbahan ay bahaging lahat ng planong inilaan ng Panginoon upang turuan ang ating kaluluwa, tulungan tayo na ugaliing alamin palagi kung nananatili ba tayo sa landas ng pananampalataya. Ang alamin palagi ang antas ng ating espirituwalidad ay tutulong sa atin sa pagtahak sa iba’t ibang landas sa buhay. …

“… Tayong lahat ay … matutulungan ng pagtingin sa saloobin ng ating puso sa mapitagang pagsamba at panalangin at pagtatanong sa ating mga sarili ng simpleng tanong na, ‘Ako ba ay tapat?’

“Higit na nagiging epektibo ang tanong kapag tapat natin itong sinasagot at kung hinihikayat tayo nito na magsisi at itama ang ating pagkakamali na magpapanatili sa atin sa landas ng pananampalataya” (sa Conference Report, Abr. 1997, 20; o Ensign, Mayo 1997, 17).

Sa pakikibahagi mo sa mga pagkakataong ito na masuri ang sarili, madaragdagan ang pagmamahal mo sa mga kapatid sa Simbahan.

Suriin ang iyong iniisip, sinasabi, at ginagawa, at kaagad na itama ang mga pagkakamali

Ang ikasampung hakbang ay naglalarawan ng pagtanggap sa katotohanan na dapat na patuloy kang mamuhay ayon sa mga espirituwal na alituntunin. Kung malihis ka, kaagad na magsisi at hilingin sa Diyos na payapain kang muli sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Ang pagiging matapat at mapagkumbaba ay makapagpapalakas sa iyo. Mas mararamdaman mo sa buhay mo ang presensya ng Ama sa Langit kapag humihingi ka ng tulong sa Kanya na manatiling espirituwal na malinis. Matututunan mo na pahalagahan ang pag-unlad at unawain ang kakulangan mo at ng iba. Hindi mo na gugustuhing salungatin ang anuman o sinuman. Makakagawian mo na ang pagsusuri sa sarili kapag inalis mo ang mga takot at paglalabanan mo ang tukso sa bawat araw.

Pag-aaral at Pag-unawa

Pag-aralan ang mga sumusunod na banal na kasulatan at mga pahayag ng mga lider ng Simbahan. Gamitin ang mga banal na kasulatang ito, mga pahayag at mga tanong para sa pagninilay-nilay, pag-aaral, at pagsulat. Maging tapat at espesipiko sa iyong pagsusulat.

Bantayan ang inyong mga isipan, mga salita, at mga gawa

“Kung hindi ninyo babantayan ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa, at susunod sa mga kautusan ng Diyos, at magpapatuloy sa pananampalataya sa inyong mga narinig hinggil sa pagparito ng ating Panginoon, maging hanggang sa katapusan ng inyong mga buhay, kayo ay tiyak na masasawi. At ngayon, O tao, pakatandaan at nang huwag masawi” (Mosias 4:30).

  • Maaaring mapanganib o nakamamatay kung hindi ka nakatutok sa dapat mong gawin habang nagmamaneho ng sasakyan. Paano ka natulungan ng ikasampung hakbang na manatiling gising at alerto sa patutunguhan mo sa buhay?

  • Magsulat ng tungkol sa pagiging mapag-obserba sa sarili. Paano nakatutulong sa iyo ang pagsusuri sa mga kahinaan at kalakasan mo upang maiwasang bumalik sa adiksiyon (at pagkaligaw)?

Pagpapakumbaba at pagpipigil sa sarili

“Pinagpala sila na nagpapakumbaba ng kanilang sarili na hindi kailangang piliting magpakumbaba” (Alma 32:16).

  • Ang malugod na pagpayag na alisin ang mga negatibong bagay sa isipan bago pa ito makapinsala ay isang paraan ng pagpapakumbaba nang hindi pinipilit. Magsulat tungkol sa iyong kusang pagpapakumbaba. Subukan mo sa loob ng isang araw na alisin ang mga negatibong bagay sa iyong isipan. Anong mga pagpapala ang dumating sa iyo?

Mabuhay sa kasalukuyan

“Kapag ang tao ay mas naliwanagan, mas hinahangad niya na magsisi, at mas sinisikap niyang makalaya sa kasalanan sa sandaling masuway niya ang kagustuhan ng Diyos. … Nararapat lamang kung gayon na mapatawad ang mga kasalanan ng mga may takot sa Diyos at ng mabubuti dahil sila ay nagsisisi at muling lumalapit sa Panginoon sa bawat araw at sa bawat oras” (Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 3:342–43).

  • Isa sa mga pinakakapaki-pakinabang na epekto—sa isipan, sa damdamin, at sa espirituwal—ng pamumuhay ng mga alituntuning inilarawan sa mga hakbang na ito ay ang matutunan mong mabuhay sa kasalukuyan. Paano ka natulungan ng ikasampung hakbang na harapin ang buhay sa bawat oras kung kinakailangan?

  • Paano nakatutulong sa iyo na malaman na kailangan mo lamang ipamuhay ang mga alituntunin nang bawat araw?

Patuloy na pagsisisi at kapatawaran

“Kasindalas na sila ay magsisi at humingi ng kapatawaran, nang may tunay na layunin, sila ay pinatatawad” (Moroni 6:8).

  • Ang kaalaman na handa kang patawarin ng Panginoon kung magsisisi ka nang may tunay na layunin ay magbibigay sa iyo ng tapang na sumubok muli sa tuwing ikaw ay nagkakamali. Isulat ang ibig sabihin sa iyo ng pagsisisi at paghingi ng kapatawaran nang may tunay na layunin.

Ipagpatuloy ang iyong espirituwal na pag-unlad

“At ngayon nais ko na kayo ay maging mapagpakumbaba, at maging masunurin at maamo; madaling pakiusapan; puspos ng tiyaga at mahabang pagtitiis; mahinahon sa lahat ng bagay” (Alma 7:23).

  • Sinuman ang nakaisip ng kasabihang “Practice makes perfect” “[nagiging perpekto ang ginagawa kapag laging pinapraktis]” ay hindi binanggit kung gaano karaming tiyaga ang kailangan sa palaging pagpaparaktis. Paano nakatutulong ang pagsusuri ng sarili at pagtatama ng mali araw-araw upang magpatuloy ang iyong pagpapakumbaba at espirituwal na pag-unlad?

“Masdan, sa mga huling araw, … kapwa yaong mga darating sa lupaing ito at yaong mga nasa mga ibang lupain, oo, maging sa lahat ng lupain sa mundo, masdan, malalango sila sa kasamaan at lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain. …

“… Masdan, lahat kayong gumagawa ng kasamaan,magsitigil kayo at manggilalas, sapagkat kayo ay magsisigawan, at mananangis; oo, malalango kayo subalit hindi sa alak, gigiray-giray kayo subalit hindi sa matapang na inumin” (2 Nephi 27:1, 4).

“Nang sumapit ang gabi sila ay nalango sa galit, maging tulad ng isang lalaking nalalango sa alak; at muli silang nagsitulog sa kanilang mga espada” (Eter 15:22).

  • Sa mga talatang ito, inilarawan ang mga tao na nalalango o nalalasing ngunit hindi sa alak. Ang karaniwang tawag ng mga nagpapagaling sa adiksiyon sa sitwasyong ito ay “dry drunk”o “emotional bender [may mga negatibong bagay pa rin na nararamdaman kahit wala ng adiksiyon].” Isulat ang tungkol sa anumang inklinasyon na mayroon ka upang kimkimin mo ang galit o iba pang nakakasakit na damdamin.

  • Paano nakatutulong ang paggawa ng imbentaryo tuwing matatapos ang araw upang mapaglabanan mo ang inklinasiyong ito?

Habambuhay na pagpapabuti

“Nadarama ko pa rin na kailangan kong itanim sa isipan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pangangailangan sa isang masusing pagsasagawa ng mga alituntunin ng Ebanghelyo sa ating buhay, kilos at mga pananalita at sa lahat ng ating ginagawa; at hinihingi nito ang kabuuan ng isang tao, ang buong buhay upang italaga sa patuloy na pagsulong nang sa gayon ay malaman ang katotohanang tulad ng taglay ni Jesucristo” (Brigham Young, Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 11).

  • Ang paggawa ng mga hakbang na ito ay mailalarawan bilang “masusing pagsasagawa” ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Paano nakatutulong ang pagkakaroon ng kagusutuhang suriin ang iyong sarili araw-araw sa bawat aspeto—ginagawa, sinasabi, iniisip, nadarama, at mga paniniwala—upang patuloy na pagbutihin ang pamumuhay mo?