Adiksyon
Ikapitong Hakbang: Pagpapakumbaba


Ikapitong Hakbang

Pagpapakumbaba

Pangunahing Alituntunin: Mapagkumbabang hilingin sa Ama sa Langit na alisin ang iyong mga kamalian.

Lahat ng hakbang ay nangangailangan ng pagpapakumbaba, ngunit lubos na kailangan ito sa ikapitong hakbang: “Mapagkumbabang hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang iwaksi ang iyong mga pagkakamali.” Ang mapagkumbabang puso na tinaglay namin sa ika-anim na hakbang ay naghikayat sa aming hilingin sa Panginoon sa ikapitong hakbang na tulungan kaming iwaksi ang aming mga pagkakamali. Nang nakarating na kami sa puntong ito, handa na kaming manalangin na ang tanging motibasyon lamang ay ang pagnanais na maging kaisa ng ating Ama sa Langit at ng Panginoong Jesucristo sa puso’t isipan. Hindi na kami kuntento na baguhin lamang ang aming mga gawi o istilo ng pamumuhay. Handa na kaming tulutan ang Diyos na baguhin ang mismong pagkatao namin.

Para sa amin, ang ikapitong hakbang ay ganap na pagpapasakop sa Tagapagligtas kaya marami sa amin ang mula sa puso ay nagsumamo tulad ni Alma ng “O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako” (Alma 36:18). Napuno ng tunay na pagsisisi ang aming mga puso, hindi lang dahil sa nagdusa kami o pinagdusa ang iba kundi ikinalungkot namin na kahit magaling na kami ay hindi pa rin namin maiwasang magkamali.

Dahil nadama namin ang pagmamahal ng Diyos, ninais naming talikuran ang lahat ng aming mga kasalanan, maging lahat ng inklinasyong magkasala, upang mas makilala pa namin Siya. Sa huli, taos-puso naming inialay ang aming buong kaluluwa sa Diyos at hiniling sa Kanyang patawarin kami at itulad kami sa Kanyang larawan. Naunawaan na namin na walang ibang pangalan, walang ibang daan o pamamaraan, ang magbibigay sa atin ng ganap na kapatawaran ng ating mga kasalanan. Nang walang itinatago, nagsusumamo kami sa Ama na, sa Kanyang walang-hanggang awa, mapapatawad Niya tayo sa lahat ng ating kapalaluan, pagkakasala at pagkukulang. Hiniling namin na biyayaan Niya kami, upang sa pamamagitan Niya ay mapanatili namin ang pagbabagong ito sa aming buhay.

Hindi tuluyang binago ng Panginoon ang aming buong pagkatao hangga’t hindi namin itinulot na gawin Niya ito. Ang ikapitong hakbang ay aming desisyon. Kailangan namin na kusang magpakumbaba. Dapat naming alisin ang kaliliit-liitang bahid ng pagmamataas at tanggapin na hindi sapat ang kakayahan naming iligtas ang aming sarili. Kinailangan naming madama at maipamuhay ang katotohanang itinuro ni Haring Benjamin—na tayong lahat ay mga pulubi sa harapan ng Diyos at walang pag-asang maliligtas ng sariling pagsisikap kundi sa pamamagitan lamang ng awa at biyaya ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 2:21; 4:19–20).

Sa ikapitong hakbang, sa wakas ay tinanggap na namin nang walang pag-aalinlangan ang walang hanggang katotohanang itinuro sa Mosias 16:4: “Sa gayon naligaw ang buong sangkatauhan; at masdan, dapat na sana silang nangaligaw nang walang katapusan kung hindi lamang tinubos ng Diyos ang kanyang mga tao mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan.” Itinuro sa amin ng aming karanasan na sa paggawa ng ikapitong hakbang na kailangan naming gawin ang ipinagagawa sa amin. Kailangan naming maging matiyaga at “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo”(2 Nephi 31:20).

Hindi pa kami tuluyang nakalalaya mula sa pagnanais na magkasala. Kinailangan naming tanggapin ang buhay ayon sa mga layunin at itinakdang panahon ng Diyos—kasama na rito ang pagwawaksi ng aming mga pagkakamali. Sa paggawa ng ikapitong hakbang, natuto kaming mamuhay na taglay rin ang kapakumbabaan at tiyaga na ipinakita ni Alma at ng kanyang mga kapatid nang ang kanilang mga pasanin ay pinagaan lamang at hindi inalis: “[Sila ay] nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon” (Mosias 24:15). Tuluyan na naming iwinaksi ang ideyang kaya naming maging perpekto nang walang tulong, at tinanggap namin ang katotohanan na hangad ng Diyos na daigin namin ng aming mga kahinaan sa buhay na ito sa pamamagitan ng paglapit kay Cristo at maging perpekto sa Kanya. Nalaman namin na sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, tinulungan Niya kaming pagkaitan ang aming sarili ng lahat ng kasalanan at unawain na ang kaligtasan ay hindi magmumula sa aming kakayahan kundi sa Kanyang kapangyarihan (tingnan sa Moroni 10:32).

Bawat hakbang, gayunpaman, ay may kasamang babala, at ang ikapitong hakbang ay hindi naiiba rito. Kami na tumanggap ng mga alituntuning ito ay dapat kang balaan na hindi mo magagawa ang hakbang na ito nang walang sakripisyo—at nararapat naman ito. Sa Doktrina at mga Tipan 59:8, iniutos ng Panginoon na “Maghandog kayo ng hain sa Panginoon ninyong Diyos sa kabutihan maging yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu.” Ang hain o sakripisyong ito ang pinakadiwa ng ikapitong hakbang. Kahit mahirapan ka sa iyong muling pagsilang, alalahanin mo na ang Kanyang paghihirap, hindi ang paghihirap mo, ang tiyak na magliligtas sa iyo mula sa kasalanan. Ang sakripisyo mo ay maliit na bahagi lamang ng Kanyang “dakila at huling hain” para sa iyo (Alma 34:14).

Kapag ipinasakamay mo sa Diyos ang lahat, ginawa mo na ang lahat upang matanggap ang katunayan na napatawad na ang mga kasalanan mo, kung gayon ang iyong nakaraan ay tunay ngang lumipas na. Tulad ng mga taong nagbalik-loob dahil sa Aklat ni Mormon, mapapatotohanan mo na ikaw ay “dinalaw ng kapangyarihan at Espiritu ng Diyos, na na kay Jesucristo” (3 Nephi 7:21). Tulad ni Alma ay maipahahayag mo: “Hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan. At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit! (Alma 36:19–20).

Mga Gagawin

Hangarin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na makatulong sa iyong personal na buhay sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga panalangin ng sakramento

Isang epektibong uri ng pagninilay-nilay ay ang mag-isip ng isang talata mula sa banal na kasulatan habang nagdarasal ka upang iyong maintindihan kung ano ang kahulugan nito at paano ito naaangkop sa iyong buhay. Dahil dapat gawin ng bawat isa sa atin ang tipan na paulit-ulit na binabanggit sa mga panalangin ng sakramento, maaari mong pagbulay-bulayan ito.

Bilang pagsunod sa paanyaya ng mga propeta na ipamuhay ang mga banal na kasulatan, maaari mong basahin ang Moroni 4:3 at 5:2 at mapakumbabang pag-isipan ang mga sagradong salitang ito na parang ikaw ang nagsasalita, halimbawa “O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, [ako] ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito [para sa aking kaluluwa sa pagkain ko] nito … at sa [pagsunod ko sa] kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa [akin], nang sa tuwina ay mapasa[akin] ang kanyang Espiritu upang makasama [ko].”

Mapagkumbabang ipanalangin na gawin ng Diyos ang hindi mo magagawa para sa sarili mo

Kapag palagi kang may simpleng panalangin sa iyong puso na tulad ng “Panginoon, ano ang nais mong gawin ko ngayon?” o “Mangyari ang Iyong kalooban,” palaging maipapaalala sa iyo na dapat kang umasa nang lubos sa Panginoon. Ang pagmamahal ng Diyos, pagmamahal mo sa Kanya at pagmamahal Niya sa iyo, ay makatutulong sa iyo na magmahal nang walang pag-aalinlangan. Hinangad mo ang pagmamahal na ito sa lahat ng taon na ikaw ay nakulong sa adiksiyon. Sa ikapitong hakbang, makahahanap ka ng paraan upang matamo mo ang kapayapaan habang tinatanggap mo ang “kapahingahan ng Panginoon” (Moroni 7:3; tingnan din sa Alma 58:11; Ezra Taft Benson, “Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 2).

Pag-aaral at Pag-unawa

Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa iyo sa paggawa ng ikapitong hakbang. Gamitin ang mga banal na kasulatan at mga tanong na ito sa pagninilay-nilay, pag-aaral, at pagsusulat. Maging tapat at detalyado sa iyong pagsusulat.

Ipasiyang magpakumbaba

“At ngayon, tulad ng sinabi ko sa inyo, na dahil sa kayo ay napilitang magpakumbaba kayo ay pinagpala, hindi ba ninyo inaakala na higit na pinagpala sila na tunay na nagpakumbaba ng kanilang sarili dahil sa salita?” (Alma 32:14).

  • Karamihan sa amin ay nagpunta sa mga recovery meeting nang desperado na, hinimok ng mga epekto ng aming adiksiyon. Napilitan kaming magpakumbaba. Ang pagpapakumbaba na inilarawan sa ikapitong hakbang, gayunpaman, ay may ibang layunin. Kusang-loob ito. Resulta ito ng sarili mong pagpapasiya na magpakumbaba. Paano binago ng pagpapakumbaba mo ang iyong sarili mula nang simulan mo ang pagpapagaling?

Napuspos ng kagalakan

“At nakita nila ang sarili sa kanilang makamundong kalagayan, maging higit na mababa kaysa sa alabok ng lupa. At silang lahat ay sumigaw nang malakas sa iisang tinig, sinasabing: O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran ng aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay; sapagkat kami ay naniniwala kay Jesucristo, na Anak ng Diyos, na siyang lumikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay; na siyang bababa sa mga anak ng tao.

“At ito ay nangyari na, na matapos na kanilang sabihin ang mga salitang ito, ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi dahil sa labis na pananampalataya nila kay Jesucristo na paparito” (Mosias 4:2–3).

  • Ang mga tao ni Haring Benjamin ay nag-alay ng panalangin na katulad ng panalanging iniaalay namin sa ikapitong hakbang. Nadama nila ang kapayapaan at kagalakan nang sumakanila ang Espiritu ng Panginoon at pinatawad sila sa kanilang mga kasalanan. Isipin ang mga pagkakataon na nadama mo ang mga ito. Isulat kung ano kaya ang epekto sa buhay mo na lagi kang payapa at masaya.

Maniwala sa Diyos

“Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay, kapwa sa langit at sa lupa; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon.

“At muli, maniwala na kayo ay kinakailangang magsisi ng inyong mga kasalanan at talikdan ang mga ito, at magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Diyos; at humingi nang taos sa puso nang kayo ay kanyang patawarin; at ngayon, kung kayo ay naniniwala sa lahat ng bagay na ito, tiyaking ito ay inyong gagawin.

“At muli, sinasabi ko sa inyo gaya ng sinabi ko noon, sapagkat kayo ay dumating sa kaalaman ng kaluwalhatian ng Diyos, o kung napag-alaman ninyo ang kanyang kabutihan at natikman ang kanyang pag-ibig, at nakatanggap ng kapatawaran ng inyong mga kasalanan, na nagiging dahilan ng labis na malaking kagalakan sa inyong mga kaluluwa, gayundin nais kong inyong pakatandaan, at laging panatilihin sa inyong alaala ang kadakilaan ng Diyos, at ang inyong sariling kawalang-kabuluhan, at ang kanyang kabutihan, at mahabang pagtitiis sa inyo, na mga di karapat-dapat na nilikha, at magpakumbaba ng inyong sarili maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba, nananawagan sa pangalan ng Panginoon sa araw-araw, at matatag na naninindigan sa pananampalataya sa kanya na paparito, na sinabi ng bibig ng anghel.

“…Kung ito ay inyong gagawin kayo ay laging magsasaya, at mapupuspos ng pag-ibig ng Diyos, at laging mananatili ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan; at kayo ay uunlad sa kaalaman ng kaluwalhatian niya na lumikha sa inyo, o sa kaalaman ng yaong makatarungan at totoo” (Mosias 4:9–12).

  • Mapanalanging isulat ang mga bagay na sinabi ni Haring Benjamin na dapat nating gawin. Paano nauugnay ang mga bagay na ito sa paggawa ng ikapitong hakbang?

  • Anong mga pangako ang darating sa paggawa ng tagubilin ni Haring Benjamin? (Tingnan sa huling talata.)

  • Kung matanggap mo ang mga pangakong ito, ano ang mababago sa buhay mo?

Pagsunod sa batas at mga kautusan

“Sapagkat, sa layuning ito ibinigay ang mga batas; dahil dito nawalang-saysay ang mga batas sa atin, at buhay tayo kay Cristo dahil sa ating pananampalataya; gayon man sinusunod natin ang mga batas dahil sa mga kautusan” (2 Nephi 25:25).

  • “Buhay tayo kay Cristo dahil sa ating pananampalataya” sa Kanya. Ano ang ibig sabihin ng nawalang-saysay ang batas sa atin? Bakit patuloy nating sinusunod ang batas o ang mga kautusan?

  • Ano ang palagay mo ngayon sa pagsunod sa batas?

  • Paano mo naipakita sa pagsunod sa mga utos ang iyong pagmamahal sa Diyos?

Ang pagmamahal ng Diyos

“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pag-ibig natin sa Panginoon ang mananaig sa ating damdamin, sa ating pag-uukulan ng panahon, ng ating mithiin, at prayoridad” (Ezra Taft Benson, sa Conference Report, Abr. 1988, 3; o Ensign, Mayo 1988, 4).

  • Ngayong nalaman mo na ang awa at kabutihan ng Diyos, marahil ay nagsimula mo nang madama ang pagmamahal mo sa Diyos at ang pagmamahal Niya sa iyo. Pag-nilayan at isulat mo ang anumang dagdag na pagmamahal na iyong nadama habang ginagawa mo ang mga hakbang.

  • Paano maituturing ang ikapitong hakbang bilang pinakamatinding pagpapakita mo ng pagmamahal?

Taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Cristo

“Sinuman ang gagawa nito ay matatagpuan sa kanang kamay ng Diyos, sapagkat malalaman niya ang pangalang itatawag sa kanya; sapagkat siya ay tatawagin sa pangalan ni Cristo” (Mosias 5:9).

  • Iniisip ng karamihan sa atin ang pagtataglay natin ng pangalan ni Cristo sa konteksto ng binyag at ng sakramento, na tama naman. Isipin isipin sandali kung ano kaya ang kahulugan ng matawag sa pangalan ni Cristo at taglayin ang Kanyang reputasyon.

  • Ano ang kailangan mong gawin upang matagpuan ka sa kanang kamay ng Diyos? Anong tipan ang ginagawa mo sa binyag at sa pagtanggap sa sakramento?

  • Isulat ang mga nararamdaman mo kapag iniisip mo na nakahanda Siyang ibigay sa iyo ang Kanyang pangalan o reputasyon kapalit ng lahat ng iyong mga pagkukulang.

Talikuran ang inyong mga kahinaan

“Ang isang relihiyong hindi nangangailangan ng sakripisyo sa lahat ng bagay ay hindi kailanman magkakaroon ng sapat na kapangyarihan na makapagbigay ng pananampalatayang kinakailangan ng buhay at kaligtasan” (Joseph Smith, comp., (Lectures on Faith [1985], 69).

  • Iniisip ng ilang tao na nakabasa nito na ang mga salitang “lahat ng bagay” ay tumutukoy sa lahat ng ari-arian. Paano mo mas naintindihan ang ibig sabihin ng isakripisyo ang lahat ng bagay nang isuko mo sa Diyos ang lahat ng iyong mga kahinaan?