“Alamin ang antas ng paggamit mo ng pornograpiya,” Tulong para sa Akin (2021)
“Alamin ang antas ng paggamit mo ng pornograpiya,” Tulong para sa Akin
Alamin ang antas ng paggamit mo ng pornograpiya
Maaaring nakapanlulumo at nakatatakot ang masangkot sa paggamit ng pornograpiya. Ang unang hakbang na makatutulong ay ang alamin kung gaano kalala ang paggamit mo ng pornograpiya at kung gaano na ito nakaaapekto sa iyo. Kapag mas alam mo kung gaano na kalala ang paggamit mo ng pornograpiya, mas magkakaroon ka ng pagkakataong mapaglabanan ito.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na may apat na iba’t ibang antas ng pagkasangkot sa pornograpiya1:
-
Di-sadyang pagkalantad: “Naniniwala ako na lahat ay nalantad na nang hindi sinasadya sa pornograpiya. Hindi ito kasalanan kapag umiwas tayo at hindi na natin itinuloy ito.”
-
Paminsan-minsang paggamit: “Ang panganib ng anumang sadyang paggamit ng pornograpiya, nagkataon man o madalang, ay na humahantong ito sa mas madalas na pagkalantad, hanggang sa hindi na mawaglit pa sa isipan ang damdamin at pagnanasang seksuwal.”
-
Matindihang paggamit: “Ang paulit-ulit na sadyang paggamit ng pornograpiya ay maaaring makagawian na. … Sa paulit-ulit na paggamit, nararamdaman ng isang tao na kailangan niya ng iba pang bagay na pupukaw sa reaksyong iyon para masiyahan siya.”
-
Walang kontrol na paggamit (adiksyon): “Ang gawi ng isang tao ay masasabing isang adiksyon kapag ‘nakaasa’ na siya rito (isang katagang medikal na nauugnay sa paggamit ng droga, alak, pagkagumon sa sugal, atbp.) na humahantong sa ‘di-mapaglabanang simbuyo’ na ‘nangingibabaw sa halos lahat ng iba pang bagay sa buhay.’”2
Maraming tao na nahihirapang paglabanan ang pornograpiya ang maaaring ituring ang kanilang sarili na lulong na rito. Ang ituring ang sarili nang ganito ay maaaring makasama at makalito kung hindi totoo. Ano talaga ang ibig sabihin ng maging lulong sa isang bagay? Ang adiksyon ay tumutukoy sa mga pag-uugali na paulit-ulit na ginagawa ng tao na udyok ng hindi mapigilang damdamin kahit masama ang mga ibubunga nito. Ang mga pag-uugaling iyon ay kadalasang humahantong sa iba pang mga problema, tulad ng:
-
Mga problema sa mga ugnayan.
-
Problema sa trabaho, pag-aaral, o iba pang kaugnay na mga problema.
-
Pagnanais na mapag-isa o magtago.
-
Paghahanap ng mas matindi at mas mahalay na uri ng pornograpiya upang matugunan ang matinding pangangailangan sa estimulasyon.
-
Kapansanang seksuwal.
-
Nakadarama ng kahihiyan at mababang pagpapahalaga sa sarili.
Narito ang ilang bagay na maaari mong itanong habang iniisip mo kung lulong ka na ba sa pornograpiya.
Dalas: Gaano ako kadalas nanonood ng pornograpiya?
Kapag mas madalas nanonood ng pornograpiya ang isang tao, mas malala ang problema. Ang paminsan-minsang panonood ng pornograpiya ay karaniwang nagpapahiwatig ng di-gaanong malaking problema at mas malamang na hindi adiksiyon, bagama’t ang pag-uugaling ito ay mali at nakapipinsala pa rin.
Tagal: Gaano katagal na akong gumagamit ng pornograpiya?
Kung hindi mo napigilang tumigil sa panonood ng pornograpiya sa loob ng mahabang panahon—tulad ng ilang taon—maaaring mas mahirapan kang daigin ito kaysa sa panonood nito sa loob nang mas maikling panahon. Kung nanonood ka ng pornograpiya mula pa noong bata ka pa, mas malamang na magkaroon ka ng adiksyon sa paglipas ng panahon.
Sumusuong sa peligro: Gaano ako kahandang sumuong sa peligro para makapanood ng pornograpiya?
Kung handa kang sumuong sa paligro para makapanood ng pornograpiya, maaaring mas mahirap mabago ang iyong pag-uugali. Maaaring kabilang sa pagsuong sa peligro ang pagtatangkang itago ang paggamit ng pornograpiya, pagsisinungaling sa asawa, o panonood ng pornograpiya sa trabaho. Ang pag-uugaling ito ay maaaring humantong sa diborsyo, mga problema sa pamilya, pagkawala ng trabaho, o paggawa ng krimen.
Paghihirap sa araw-araw: Mas humihirap ba ang mga gawain ko sa araw-araw dahil sa pornograpiya?
Kung lulong ka na sa pornograpiya, maaaring mahirapan kang gawin ang mga gawain sa araw-araw. Ang pag-iisip tungkol sa pornograpiya ay maaaring magpahina sa indibiduwal kung saan nagiging mahirap ang pagtulog, pagtatrabaho, o iba pang mga gawain. Maging ang pakikipag-usap o aktibidad sa pamilya ay tila mahirap din. Ang pagkahumaling na ito sa pornograpiya ay maaaring makaapekto nang masama sa mga relasyon sa kaibigan at pamilya, responsibilidad, at aktibidad.
Alamin ang Iyong Pag-uugali
Kahit napag-isipan mo na ang mga tanong na ito, maaaring hindi pa rin malinaw sa iyo kung lulong ka na ba sa pornograpiya. Gayunman, kapag sinuri mo ang iyong pag-uugali, maaaring mas maunawaan mo ang antas ng paggamit mo ng pornograpiya. Makatutulong ito na masimulan mo ang pagpaplano para sa pagbabago.
Kung natuklasan mo na mas malala ang problema mo o kung nahihirapan kang sumulong, maaaring kailangan mo ng propesyonal na tulong. Alamin pa ang tungkol sa paghahanap ng propesyonal na tulong sa pagbabasa ng “Paano ako makahahanap ng mental health professional na angkop para sa akin?”
Kapag nag-uukol ka ng oras at pagsisikap na malaman ang antas ng paggamit mo ng pornograpiya, ginagawa mo na ang unang hakbang patungo sa pagbabago ng iyong pag-uugali. Ang pagbabago ay palaging posible.
Kumilos
-
Isiping isulat ang iyong mga sagot sa mga tanong sa artikulong ito. Ilarawan kung gaano kalala ang iyong gawi sa pornograpiya.
-
Tukuyin ang mga indibiduwal o grupo na mahihingan mo ng tulong. Ang Family Services Pornography Addiction Support Groups (PASG), Sexaholics Anonymous (SA), Fortify, at ang iba pang mga support group ay makatutulong sa maraming tao. Makatutulong din sa mga asawa ang dumalo sa isang support group. Kabilang sa iba pang resources na makatutulong ang Addiction Recovery Program, ang Association of Latter-day Saint Counselors and Psychotherapists, Family Services, at ang Society for the Advancement of Sexual Health.