1 Corinto 11
Ang mga Natatangi at Banal na Tungkulin ng mga Lalaki at mga Babae
Habang ipinagpapatuloy ang kanyang pagtuturo at paghihikayat sa mga Banal sa Corinto, itinuro ni Pablo na ang mga lalaki at mga babae ay dapat magtulungan at suportahan ang isa’t isa habang sinusunod nila ang Diyos. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang mas maunawaan kung bakit kailangan ng mga lalaki at mga babae ang isa’t isa upang matamo ang mga pinakadakilang pagpapala sa plano ng Ama sa Langit.
Ang mga tungkulin ng mga babae at mga lalaki
Isipin ang mga sumusunod na tanong habang tinitingnan mo ang larawang ito ng tandem bike team.
-
Anong mga kasanayan o kakayahan ang kinakailangan para matulungang magtagumpay ang team na ito?
-
Paanong ang pagkakaiba ng mga indibiduwal ay nagpapatibay sa kanilang samahan at tumutulong sa kanila na mas magkaisa?
Habang pinag-aaralan mo ang 1 Corinto 11, pagnilayan kung paano matwid na magtutulungan ang mga lalaki at mga babae bilang magkasama na may pantay na pananagutan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin na itinalaga ng Diyos at maging karapat-dapat para sa buhay na walang hanggan.
Sa 1 Corinto 11:1–16, tinalakay ni Pablo ang mga kaugaliang panlipunan ng mga taga Corinto noong panahon niya na hindi naaayon sa pananaw ng Panginoon tungkol sa mga banal na tungkulin ng mga lalaki at mga babae. Mahalagang hindi mapagkamalan ang mga kaugaliang ito bilang mga katotohanan na itinuturo ni Pablo.
Sa pamamagitan ni Apostol Pablo, naghayag ang Panginoon ng mga walang hanggang katotohanan tungkol sa mga banal na tungkulin ng mga lalaki at mga babae sa 1 Corinto 11:11–12.
Basahin ang 1 Corinto 11:11–12, at maghanap ng mga katotohanang matututuhan mo tungkol sa Diyos, sa mga lalaki, at mga babae.
Mga babae at mga lalaki na ganap na nakikipagtulungan sa Panginoon
Sa 1 Corinto 11:11 natutuhan natin na sa plano ng Ama sa Langit, kailangan ang mga lalaki at mga babae.
Basahin ang mga sumusunod na pahayag mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak at mula sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, at alamin ang mga paraan na kinakailangan ang mga lalaki at mga babae sa plano ng Ama sa Langit.
Mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak, mababasa natin:
Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan. Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.
(“Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org)
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa plano ng ating Ama sa Langit na nagkaloob ng priesthood sa kalalakihan, ang mga lalaki ay may [natatanging] responsibilidad na pangasiwaan ang priesthood, ngunit hindi sila ang priesthood. Ang kalalakihan at kababaihan ay may mga tungkulin na magkaiba ngunit parehong mahalaga. Hindi man kayang magdalantao ng babae kung walang lalaki, hindi naman lubos na magagamit ng lalaki ang kapangyarihan ng priesthood para magbuo ng walang-hanggang pamilya kung walang babae. … Sa walang-hanggang pananaw, ang mag-asawa ay parehong may ginagampanan sa kapangyarihang lumikha ng buhay at sa kapangyarihan ng priesthood.
(M. Russell Ballard, “Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,” Liahona, Mayo 2013, 19)
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang natatanging kombinasyon ng espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal na mga kakayahan kapwa ng mga lalaki at babae ay kinailangan para ipatupad ang plano ng kaligayahan. “Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon” (1 Corinto 11:11). Ang lalaki at babae ay nilayong matuto sa isa’t isa, palakasin, pagpalain, at kumpletuhin ang isa’t isa.
(David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 41–42)
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano kung hindi magpapakasal o hindi magkakaroon ng anak ang mga taong mahal ko?
Maaaring mag-alala o mag-isip ang ilan tungkol sa kung paano maisasakatuparan sa mga yaong hindi magpapakasal o magkakaroon ng anak ang plano ng Ama sa Langit para sa mga babae at mga lalaki. Dama ang matinding pagkahabag, ipinahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang nakapapanatag na mga salitang ito:
Ang mga taong walang asawa o hindi nagkaanak ay kabilang sa walang hanggang pagpapalang hangad nila ngunit, sa ngayon, ay hindi pa nila ito natatamo. …
Ang inyong mga lihim na inaasam at labis na isinasamo ay aantig sa puso ng Ama at ng Anak. Bibigyang-katiyakan Nila kayo na ang buhay ninyo ay mananagana at ang mga pagpapalang kailangan ninyo ay mapapasainyo.
Bilang lingkod ng Panginoon, na gumaganap sa katungkulan kung saan ako inordena, ipinapangako ko sa mga taong nasa gayong kalagayan na walang bagay na mahalaga sa inyong kaligtasan at kadakilaan na ipagkakait sa inyo sa tamang panahon.
(Boyd K. Packer, “Ang Saksi,” Liahona, Mayo 2014, 95)
Bakit gusto ni Satanas na magkawatak-watak ang mga lalaki at mga babae?
Itinuro ni Pangulong Jean B. Bingham, dating General President ng Relief Society:
Ang kaaway ay bahagyang naging matagumpay sa kanyang mithiin na pag-awayin ang kalalakihan at kababaihan sa kanyang mga pagtatangkang supilin ang ating mga kaluluwa. Alam ni Lucifer na kung masisira niya ang pagkakaisa na nararamdaman ng mga kalalakihan at kababaihan, kung malilito niya tayo tungkol sa ating banal na kahalagahan at mga pinagtipanang tungkulin, magtatagumpay siya sa pagsira ng mga pamilya, na siyang pinakamahalagang bahagi ng kawalang-hanggan.
Nag-uudyok si Satanas ng pagkukumpara na paraan niya para makalikha ng pakiramdam na pagiging mas nakatataas o mas nakabababa, at maitago ang walang-hanggang katotohanan na ang mga likas na pagkakaiba ng mga kalalakihan at kababaihan ay ibinigay ng Diyos at parehong pinahahalagahan. Tinatangka niyang pawalang-halaga ang mga kontribusyon ng mga kababaihan kapwa sa pamilya at sa lipunan, at sa gayong paraan, nababawasan ang kanilang nakapagbibigay-inspirasyong impluwensya para sa kabutihan. Ang kanyang mithiin ay maudyukan sila na magkumpitensya kung sino ang mas maimpluwensya sa halip na ikatuwa ang mga natatanging kontribusyon ng mga kalalakihan at kababaihan na bubuo sa isa’t isa at makaaambag sa pagkakaisa.
(Jean B. Bingham, “Nagkakaisa sa Pagsasakatuparan ng Gawain ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 60–61)