Seminary
Mga Gawa 2


Mga Gawa 2

“Napuspos ng Espiritu Santo”

Maraming tao ang binibinyagan sa ilog sa araw ng Pentecostes.

Bago ang Kanyang kamatayan, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na sa paglisan Niya ay isusugo ng Ama “ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo” (Juan 14:26). Tulad ng ipinangako, dumating ang Espiritu Santo sa Labindalawang Apostol sa mahimalang paraan sa araw ng Pentecostes. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang mapalalim ang iyong pag-unawa sa mga paraan kung paano ka mapagpapala at matutulungan ng Espiritu Santo na matutuhan kung paano aanyayahan ang mga pagpapalang iyon sa iyong buhay.

Pagpapalawak ng ating mga kakayahan

Alamin kung gaano ka sumasang-ayon sa sumusunod na pahayag sa scale na isa hanggang pito, at isulat ang iyong sagot sa iyong study journal: Tiwala ako na malalaman ko kapag nadarama ko ang Espiritu Santo sa buhay ko.

Diagram na may mga salitang Lubos na Hindi Sumasang-ayon at Lubos na Sumasang-ayon.
  • Ano ang mga tanong mo tungkol sa Espiritu Santo?

Sa iyong study journal, isulat ang heading na “Mga paraan kung paano ako matutulungan ng Espiritu Santo.” Maghandang magdagdag ng mga ideya sa listahan habang tinatalakay ang lesson.

Sa pag-aaral mo ngayon, makakakita ka ng mga halimbawa kung paano kumikilos ang Espiritu Santo sa buhay ng mga tao. Isipin kung ano ang matututuhan mo mula sa mga halimbawang ito tungkol sa kung paano maaaring kumilos ang Espiritu Santo sa iyong buhay. Ang isang katotohanan na binibigyang-diin ng mga halimbawang ito ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na lumapit kay Jesucristo.

Ang Espiritu Santo ay saganang ipinagkaloob sa araw ng Pentecostes

Bago ang Kanyang kamatayan, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na isusugo sa kanila ng Ama sa Langit ang Espiritu Santo sa paglisan ni Jesus sa lupa. Nagpatotoo Siya na ang Espiritu Santo ay magbibigay ng kapanatagan, patnubay, at magpapatotoo tungkol sa Kanya (tingnan sa Juan 14:16, 26; 15:26).

Ang Pentecostes ay pista-opisyal ng mga Judio na nangyayari 50 araw pagkatapos ng piging ng Paskua. Ang mga Judio mula sa mga karatig na bansa ay naglalakbay patungong Jerusalem para sa pista-opisyal na ito kung saan ipinagdiriwang ang mga unang bunga ng taon (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pentecostes,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Basahin ang Mga Gawa 2:1–8, at alamin kung paano natupad ang pangako ng Tagapagligtas tungkol sa pagtanggap ng mga Apostol sa Espiritu Santo sa araw na iyon. (Tandaan na ang “parang mga dilang apoy na nahahati” sa talata 3 ay tumutukoy sa nakikitang palatandaan ng presensya ng Espiritu.)

Sa talata 4–8, naranasan ng mga Apostol ang kaloob na mga wika, “isang kaloob ng Espiritu Santo na nagpapahintulot sa taong nabigyan-inspirasyon upang magsalita, umunawa, o magpaliwanag ng mga di kilalang wika” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Wika, Kaloob na mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Paano pinagpala ng Espiritu Santo ang mga disipulo at ang mga nakikinig sa kanila?

  • Sa iyong palagay, paano napag-ibayo ng kaloob na mga wika ang kakayahan ng mga Apostol na tulungan ang iba na lumapit kay Cristo?

  • Paano natin mararanasan ang kaloob na ito ngayon?

Maaari kang magdagdag ng mga kaalaman mula sa mga talatang napag-aralan mo na sa listahang ginawa mo sa iyong study journal.

Nagpatotoo si Pedro tungkol kay Jesucristo

Makakakita tayo ng isa pang paraan kung paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pag-alam sa katapangang ipinakita ni Pedro nang magturo at magpatotoo siya.

Isinasaisip na ang mga pangyayaring inilarawan sa Mga Gawa 2 ay naganap hindi pa natatagalan pagkatapos maipako sa krus si Jesus, basahin ang Mga Gawa 2:22–24, 32–33, 36 at alamin kung paano tinulungan ng Espiritu Santo si Pedro sa sitwasyong ito na mangaral nang buong tapang at walang takot tungkol kay Jesucristo. (Tingnan din sa Mga Gawa 3:12–20.)

  • Ano ang nalaman mo?

  • Ano ang natutuhan mo sa salaysay na ito tungkol sa kung paano ka matutulungan ng Espiritu Santo? (Tingnan din sa Mga Gawa 1:8; 4:31.)

Idagdag ang iyong mga naisip sa iyong listahan sa iyong study journal.

Ang epekto ng mga turo ni Pedro sa iba

Ang Espiritu Santo ay nakaimpluwensya sa mga taong nakarinig sa mga turo ni Pedro tungkol kay Jesucristo. Basahin ang Mga Gawa 2:37–38, 41, at alamin kung paano tinulungan ng Espiritu Santo ang mga taong ito. Ang ibig sabihin ng salitang nasaktan sa talata 37 ay namighati o nagsisi at nagpapahiwatig na hinangad ng mga tao na magbago.

  • Ano ang mahalaga para sa iyo sa mga talatang ito?

  • Paano nakatulong sa mga taong ito na mas lumapit kay Jesucristo nang “nasaktan ang kanilang puso”? (talata 37).

Ihambing ang nangyari sa mga taong tinuruan ni Pedro sa pangakong ginawa ng Diyos sa Kanyang mga tagapaglingkod sa Doktrina at mga Tipan 100:5–8.

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga pagbabagong magagawa natin sa tulong ng panghihikayat ng Espiritu Santo na makatutulong sa atin na mas lumapit kay Jesucristo?

Maaari mong idagdag ang iyong mga nalaman mula sa Mga Gawa 2:37–38, 41 sa listahan sa iyong study journal.

Pagninilay sa napag-aralan mo

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 1. Rebyuhin ang listahang ginawa mo sa iyong study journal tungkol sa mga paraan kung paano ka matutulungan ng Espiritu Santo. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Aling pagpapala mula sa Espiritu Santo ang pinaka-pumukaw sa iyong puso?

  • Bakit mahalaga ang Espiritu Santo upang matulungan tayong lumapit kay Jesucristo at madala ang iba sa Kanya?

  • Anong mga hakbang ang magagawa mo upang mas lubos na matamasa ang mga pagpapala ng Espiritu Santo?

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dallin H. Oaks

Ang misyon ng Espiritu Santo ay sumaksi sa Ama at sa Anak (tingnan sa Juan 15:26; 2 Nephi 31:18; 3 Nephi 28:11), gabayan tayo sa katotohanan (tingnan sa Juan 14:26; 16:13), at ipakita sa atin ang lahat ng bagay na dapat nating gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:5). Ang personal na linyang ito ng pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu ang pinagmumulan ng ating patotoo sa katotohanan, ng ating kaalaman, at personal na patnubay ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Ito ay mahalagang bahagi ng Kanyang kagila-gilalas na plano ng ebanghelyo, na nagpapahintulot sa bawat isa sa Kanyang mga anak na tumanggap ng personal na patotoo sa katotohanan nito.

(Dallin H. Oaks, “Dalawang Linya ng Pakikipag-ugnayan,” Liahona, Nob. 2010, 83)

Nagpatotoo si Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong M. Russell Ballard

Kapag nadama ng mga tao … ang pag-antig ng Espiritu sa kanila, o kapag nakita nila ang katibayan ng pagmamahal at awa ng Panginoon sa kanilang buhay, sila ay espirituwal na mapapasigla at mapapalakas at mas titibay ang kanilang pananampalataya sa Kanya.

(M. Russell Ballard, “Now Is the Time,” Ensign, Nob. 2000, 75)

Ano ang pakiramdam kapag nariyan ang Espiritu Santo, at paano mo ito maaanyayahan?

Ang video na “Feeling the Holy Ghost” (3:17) ay nagbibigay ng mga halimbawa ng mga paraan kung paano nadarama ng mga tao ang Espiritu Santo. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

3:17

Feeling the Holy Ghost

Feelings of the Holy Spirit can be likened to hope, joy and peace in your heart and mind.

Ang video na “Having the Holy Ghost” (2:56), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, ay nagbibigay ng mga halimbawa kung paano anyayahan ang Espiritu Santo.

2:56

Having the Holy Ghost

You can invite the Holy Spirit into your life through prayer, scripture study and being obedient to God’s commandments.