Juan 4, Bahagi 1
Ang Babae sa May Balon
Sa Kanyang paglalakbay patungong Galilea, itinuro ni Jesus sa isang babaeng Samaritana sa may balon ang tungkol sa “tubig na buhay” na ibinibigay Niya. Nalaman niya mismo na si Jesus ang Cristo. Ang lesson na ito ay naglalayong matulungan ka na maunawaang kailangan mo ang Tagapagligtas at maramdaman ang Kanyang pagmamahal sa iyo.
Matutuhan ang tungkol kay Jesucristo
Sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan, maaaring napagtanto mo na madalas ituro ng Tagapagligtas ang mga espirituwal na katotohanan gamit ang mga karanasan at bagay na pamilyar sa mga tao. Tingnang mabuti ang mga sumusunod na larawan, at pag-isipan ang mga espirituwal na katotohanang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagkukumpara ng tubig sa Kanya.
-
Sa iyong palagay, sa paanong mga paraan mauugnay ang tubig kay Jesucristo at magtuturo sa iyo ng tungkol sa Kanya?
Pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong para mapagnilayan ang pangangailangan mo kay Jesucristo.
-
Nadarama mo bang kailangan mo si Jesucristo tulad sa o higit pa sa pangangailangan mo ng tubig sa iyong buhay? Bakit oo o bakit hindi?
Sa lesson na ito, pag-aaralan mo ang isang salaysay kung saan tinulungan ng Tagapagligtas ang isang babae na maunawaan na ang kanyang espirituwal na pangangailangan sa Tagapagligtas ay mas malaki kaysa sa kanyang pisikal na pangangailangan para sa tubig na kanyang sinalok. Habang nag-aaral ka, bigyang-pansin ang mga pahiwatig ng Espiritu na tutulong sa iyong malaman na kailangan mo ang Tagapagligtas at nais Niyang matanggap mo ang mga pagpapalang Siya lamang ang makapagbibigay.
Ang babae sa may balon
Habang naglalakbay mula Judea patungong Galilea, dumaan si Jesus sa Samaria (tingnan sa Juan 4:3–4). Makatutulong na matukoy ang mga lugar na ito gamit ang mapa 1 ng Biblia, “Pisikal na Mapa ng Banal na Lupain,” sa Mga Mapa at mga Larawan sa Biblia na matatagpuan sa Mga Tulong sa Pag-aaral sa Gospel Library.
Noong panahon ng Tagapagligtas, ang mga Judio na naglalakbay sa pagitan ng Judea at Galilea ay madalas na dumadaan sa mas mahabang ruta upang maiwasan ang pagdaan sa Samaria dahil sa pagkapoot na umiiral sa pagitan ng mga Judio at Samaritano. Malamang na pagod at nauuhaw na si Jesus mula sa Kanyang paglalakbay nang umupo Siya sa isang balon sa katindihan ng init ng araw (tingnan sa Juan 4:6). Habang naroon Siya, isang babaeng Samaritana ang dumating din doon upang umigib ng tubig.
Pag-aralan ang mga turo ni Jesus sa babaeng Samaritana sa Juan 4:5–14, at alamin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas.
-
Paano mo ilalarawan ang pagtugon ng babae sa Tagapagligtas sa mga talatang ito? Sa palagay mo, bakit ganito ang naging pagtugon niya?
-
Ano sa palagay mo ang itinuturo ni Jesus nang sabihin Niya na makapagbibigay Siya ng tubig na buhay sa babaeng ito?
Basahin ang Juan 4:15–26, at tunghayan ang pagmamahal at pagkahabag na ipinakita ni Jesus sa babaeng ito habang patuloy silang nag-uusap. Pag-isipan kung paano nauugnay sa iyo ang mga turo ng Tagapagligtas.
-
Sa palagay mo, paano natulungan ng Tagapaglitas ang babae na maunawaan na kailangan niya ang tubig na buhay na ibinibigay Niya?
-
Ano ang matututuhan mo mula sa hangarin ng Tagapagligtas na tulungan ang babaeng ito sa kabila ng mga kakulangan nito?
-
Paano nakatutulong sa atin ang salaysay na ito na maunawaan ang nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa bawat isa sa atin—sa kabila ng sarili nating mga kakulangan?
Basahin ang Juan 4:28–30, at alamin ang reaksyon ng babaeng Samaritana matapos sabihin sa kanya ni Jesus na Siya ang Mesiyas.Ikumpara ang kababasa mo lang sa unang reaksyon ng babae kay Jesus nang magsimula silang mag-usap.
-
Sa palagay mo, ano ang mayroon sa pakikipag-usap niya kay Jesus na naging dahilan para magbago siya?
-
Paano nabago o naimpluwensyahan ni Jesucristo ang iyong pag-iisip?
-
Anong mga pagpili ang magagawa mo ngayon na makatutulong sa iyong mas mapalapit kay Jesucristo?
Ibinahagi ni Elder Robert C. Gay ng Panguluhan ng Pitumpu ang ilan sa mga katotohanang matututuhan natin mula sa salaysay na ito. Maaari mong panoorin ang video na “Taglayin sa Ating Sarili ang Pangalan ni Jesucristo” mula sa time code na 7:41 hanggang 9:23. Matatagpuan ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Juan 4:4. Bakit mahalaga na dumaan si Jesus sa Samaria?
Ang mga Judio ay karaniwang naglalakbay paikot ng Samaria sa halip na dumaan dito dahil sa pagkapoot na nadarama ng mga Judio at mga Samaritano sa isa’t isa. Nagkaroon ng labis na pagkapoot sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano “dahil ang mga Samaritano ay tumalikod mula sa relihiyon ng mga Israelita” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan “Samaritano, Mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Gayunpaman, napansin ni Juan na si Jesucristo ay “kailangang dumaan sa Samaria” (Juan 4:4), na malinaw na nagbibigay-diin sa layunin ng Tagapagligtas para sa gawaing gagawin Niya roon.
Juan 4:24. Ang Diyos ba ay espiritu?
Maaaring malito ang ilan sa sinabi ni Jesus sa Juan 4:24 na ang Diyos ay espiritu. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito ay nagbibigay ng mahalagang paglilinaw: “Sapagkat sa mga [tunay na sumasampalataya ay] ipinangako ng Diyos ang kanyang Espiritu” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 4:26 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]). Itinuturo din ng makabagong paghahayag na ang Diyos ay may katawang may laman at mga buto (tingnan sa Doktrina at Mga Tipan 130:22–23; tingnan din sa Genesis 5:1–3; Mga Hebreo 1:1–3).
Paano nakaapekto sa babae sa may balon ang pakikipag-usap niya kay Jesucristo?
Itinuro ni Pangulong Bonnie H. Cordon, Young Women General President:
Si Cristo ay nahabag sa [babae sa may balon] at alam ang kanyang mga pangangailangan. Kinausap Niya ang babae sa paraang mauunawaan nito at nagsimula Siya sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa isang bagay na pamilyar at pangkaraniwan. Kung itinigil Niya ang pag-uusap sa puntong ito, malamang na positibo pa rin ang kahihinatnan ng tagpong iyon. Ngunit hindi iyon magbubunga sa pagpunta ng babae sa bayan upang magpahayag, “Magsiparito kayo, tingnan ninyo … : mangyayari kayang ito ang Cristo?” [Juan 4:29]. Unti-unti, sa pamamagitan ng pag-uusap na iyon, nakilala niya si Jesucristo, at sa kabila ng kanyang nakaraan, nagsilbi siyang ilaw na nagbibigay-liwanag sa daan upang makita ito ng iba.
(Bonnie H. Cordon, “Upang Makita Nila,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 79)