Apocalipsis 1
“Ang Apocalipsis ni Jesucristo”
Dahil sa paggamit nito ng simbolismo, ang aklat ng Apocalipsis ay tila kakatwa o nakalilito. Totoo na puno ng simbolismo ang aklat ng Apocalipsis kaya mahirap maunawaan ang ilang bahagi nito. Gayunpaman, maraming mensahe sa aklat ng Apocalipsis ay mga simpleng katotohanan tungkol sa mga bagay tulad ng mga tungkuling ginagampanan ni Jesucristo, mga pangyayaring nauugnay sa Ikalawang Pagparito, at ang tagumpay sa huli ng kabutihan laban sa kasamaan. Ang aklat ay isinulat ni Apostol Juan at para ito sa pitong kongregasyon ng Simbahan sa Asia Minor (kasalukuyang Turkey). Tulad ng marami ngayon, ang matatapat na tagasunod na ito ni Jesucristo ay nagdusa dahil sa kanilang paniniwala kay Jesucristo at napanatag sila ng mga mensahe at matalinghagang paglalarawan na isinulat ni Juan. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan ang ilan sa mga simbolismo sa aklat ng Apocalipsis at kung ano ang maituturo nito sa iyo tungkol kay Jesucristo.
Pangitain ni Juan
-
Ano ang nakikita mong nangyayari sa larawang ito?
-
Ano ang mga tanong mo tungkol dito?
Bilang “Apocalipsis ni Jesucristo” ( Apocalipsis 1:1), ang ibig sabihin ng apocalipsis sa salitang Griyego ay “ipinahayag o isiniwalat” (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Apocalipsis ”).
Inihahayag ng aklat ang Panginoong Jesucristo at ang Kanyang awtoridad, kapangyarihan, at pinakadakilang tungkulin sa plano ng kaligtasan ng Ama. Naghahayag din ang aklat ng mahalagang impormasyon tungkol sa mga pangyayaring humahantong sa Ikalawang Pagparito at sa Milenyo.
Si Apostol Juan, ang pinakamamahal na disipulo ni Jesucristo, ang may-akda ng aklat na ito. Isinulat ni Juan ang aklat mula sa pulo ng Patmos sa panahong nahaharap ang mga Kristiyano sa mga maling turo, kawalan ng pagpapahalaga, at matinding pag-uusig (tingnan sa Apocalipsis 1:9 ; 2:4, 10, 14–15 ; 3:16 ; 6:9).
Pinagtitibay ng Aklat ni Mormon na si Juan ay inorden noon pa man upang isulat ang mga bagay na nakatala sa aklat ng Apocalipsis (tingnan sa 1 Nephi 14:18–27 ; Eter 4:16).
Basahin ang Apocalipsis 1:1–3 at pansinin ang itinuro ni Juan tungkol sa paghahayag na natanggap niya. (Tandaan na nakasaad sa Pagsasalin ni Joseph Smith, “Mapalad sila na bumabasa, at sila na nakikinig at nakauunawa sa mga salita ng propesiyang ito.”)
-
Ano ang mahalaga para sa iyo sa mga talatang ito?
-
Ano ang sinabi ni Juan na dapat gawin ng isang tao upang mapagpala ng nilalaman ng aklat ng Apocalipsis?
Tingnan ang bahaging “Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?” para malaman ang tungkol sa “[mga hari] at mga [saserdote]” at “Alpha at Omega.”
1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Ano ang nakita mo sa Apocalipsis 1:4–8 na nais ni Juan na malaman at madama ng mga Banal tungkol kay Jesucristo?
-
Alin sa mga katotohanang ito tungkol kay Jesucristo ang makatutulong sa mga Banal na ito na dumaranas ng pag-uusig?
-
Paano makatutulong sa iyo ang mga katotohanang ito kapag naharap ka sa mga hamon sa buhay?
Ang simbolikong pangitain ni Juan
Sa kanyang pangitain, narinig ni Juan ang tinig ni Cristo (tingnan sa Apocalipsis 1:10–11). Nang bumaling siya sa pinanggagalingan ng tinig ng Tagapagligtas, nakita niya ang simbolikong paglalarawan na katulad ng larawan na ipinakita sa simula ng lesson.
Sa buong banal na kasulatan, gumamit ang mga propeta ng simbolismo upang palalimin ang pag-unawa tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang simbolismo ay maaaring maging epektibong kasangkapan sa pagtuturo dahil mauunawaan ng mga tao mula sa iba’t ibang wika, kultura, at henerasyon. Maipararating din ng simbolismo ang ilang iba’t ibang mensahe. Bukod pa rito, mapapaibayo ng simbolismo ang pag-unawa sa pamamagitan ng mga ideya at damdaming nagbibigay-inspirasyon na mahirap iparating gamit lamang ang mga salita.
-
Gaano kalaki ang kumpiyansa mo sa kakayahan mong maunawaan ang ibig sabihin ng mga simbolo sa mga banal na kasulatan?
-
Isipin ang ilan sa mga simbolong ginamit sa Bagong Tipan upang ilarawan si Jesucristo (tulad ng kordero, tinapay, tubig, bato, at pastol). Paano nakatutulong sa iyo ang mga simbolong ito upang mas maunawaan Siya?
Basahin ang Apocalipsis 1:12–18 at alamin ang mga karagdagang detalye at simbolo sa pangitain ni Juan tungkol kay Jesucristo.
Sa sumusunod na chart, makikita mo ang ilan sa mga simbolo na binanggit sa pangitain ni Juan. Ang isang mahalagang paraan upang maunawaan ang mga simbolo sa mga banal na kasulatan ay gamitin ang iba pang banal na kasulatan.
Kopyahin ang chart sa iyong journal (huwag mag-alala tungkol sa pagsusulat ng mga banal na kasulatan). Pagkatapos, basahin ang mga banal na kasulatan sa kanang bahagi ng chart at isulat ang mga posibleng kahulugan ng mga simbolong makikita mo.
Mga Simbolo sa Pangitain ni Juan
Simbolo |
Mga posibleng kahulugan |
1. Pitong gintong ilawan ( Apocalipsis 1:12) |
1. Tingnan sa Apocalipsis 1:20 ; 3 Nephi 18:24 |
2. Kanang kamay ng Tagapagligtas ( Apocalipsis 1:16–17) |
2. Tingnan sa Exodo 15:16 ; Isaias 41:10 |
3. Pitong bituin ( Apocalipsis 1:16) | |
4. Isang matalas na tabak na may dalawang talim ( Apocalipsis 1:16) |
4. Tingnan sa Mga Hebreo 4:12 ; Helaman 3:29–30 |
5. Ang mga susi ng kamatayan at ng Hades ( Apocalipsis 1:18) |
5. Tingnan sa 2 Nephi 9:10–13 |
Habang iniisip ang kaluwalhatian ni Jesus at ang mga potensyal na kahulugan ng mga simbolo sa pangitain ni Juan, balikan ang larawang ipinakita sa simula ng lesson.
-
Paano mo ipaliliwanag kung ano ang inihahayag ng larawang ito?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa ugnayan ni Jesucristo at ng Kanyang matatapat na tagasunod?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Apocalipsis 1:6 . Ano ang ibig sabihin ni Juan nang sabihin niyang ginawa tayo ni Jesus na “[mga hari] at mga [saserdote]”?
Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918):
Ang layunin ng buhay natin dito sa mundo ay magkaroon ng ganap na kaligayahan at maging anak ng Diyos, sa tunay na kahulugan ng salita, bilang tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo [tingnan sa Mga Taga Roma 8:14–17 ], upang maging mga hari at saserdote sa Diyos, upang magmana ng kaluwalhatian, nasasakupan, kadakilaan, mga trono at bawat kapangyarihan at katangian na nahubog at nakamtan ng ating Ama sa Langit. Ito ang layunin ng pagparito natin sa mundo. Upang makamtan ang kadakilaang ito, kailangan nating maranasan ang buhay o pagsubok dito sa mundo kung saan maaari nating mapatunayan na karapat-dapat ang ating sarili, sa tulong ng ating nakatatandang kapatid na si Jesus.
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 180)
Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):
[Ang matatapat] ay pinangakuan na sila ay magiging mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, kasamang tagapagmana ni Jesucristo, at kung sila ay tapat sa mga kautusan at tipang ibinigay sa atin ng Panginoon, na maging mga hari at saserdote at reyna at saserdote, na nagtataglay ng kabuuan ng mga pagpapala ng kahariang selestiyal.
(Joseph Fielding Smith, Answers to Gospel Questions, comp. Joseph Fielding Smith Jr. [1963], 4:61)
Apocalipsis 1:8 . Ano ang matututuhan natin mula sa titulo ni Jesucristo na “Makapangyarihan sa lahat”?
Ang titulong “Almighty [Makapangyarihan sa lahat]” ay salin sa Ingles ng salitang Griyego na Pantokrator, na nagpapahiwatig na mayrooong isang namumuno at nangangasiwa sa lahat ng bagay. Ang isang tema ng aklat ng Apocalipsis ay kahit dumaranas ng pag-uusig at problema ang mga tao ng Diyos sa lahat ng panahon, ang Diyos pa rin ang namamahala sa lahat ng bagay at balang-araw ay wawakasan ang lahat ng kasamaan. Ilang paglalarawan mula sa mga unang kabanata ng Apocalipsis ang nagpapatibay sa tungkuling ginagampanan ng Tagapagligtas bilang “ang Makapangyarihan sa lahat” ( Apocalipsis 1:8): ang Kanyang salita ay inilarawan bilang “isang matalas na tabak na may dalawang talim” ( Revelation 1:16), hawak Niya “ang mga susi ng kamatayan at ng Hades” ( Apocalipsis 1:18), at alam Niya ang mga ginagawa ng mga tao (tingnan sa Apocalipsis 2:2, 9, 13, 19).
Apocalipsis 1:8 . Ano ang ibig sabihin ng si Jesus “ang Alpha at ang Omega”?
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915-1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang mga salitang ito, ang una at huling mga titik ng alpabetong Griyego, ay ginagamit nang patalinghaga upang ituro ang kawalang-hanggan ng pag-iral ng ating Panginoon, na “mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan siya ay gayon din, at ang kanyang mga taon ay hindi natatapos” [ Doktrina at mga Tipan 76:4 ].
(Doctrinal New Testament Commentary [1973], 3:439)
Ano ang kahulugan ng mga ilawan na nakita sa pangitain ni Juan?
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915-1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang mga ilawan o kandelero ay nagdadala ng liwanag; hindi lumilikha nito. Ang gawain nila ay ipakita ito, hindi ang likhain ito. Kaya sa paggamit ng pitong ilawan o kandelero upang ilarawan ang pitong simbahan na kailangang payuhan ni Juan, ipinapakita ng Panginoon na dapat dalhin ng kanyang mga kongregasyon sa lupa ang kanyang liwanag sa buong mundo. Si Cristo ang Ilaw ng sanlibutan ( Juan 8:12). “Itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa” [ 3 Nephi 18:24 ; Mateo 5:14–16 ].
(Doctrinal New Testament Commentary [1990], 3:442)