Apocalipsis 5
“Ang Kordero ... ay Karapat-dapat”
Sa iyong palagay, ano kaya ang ibig sabihin ng sambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo? Sa iyong palagay, bakit natin Sila sinasamba? Nakita ni Juan ang trono ng Diyos at ang iba’t ibang niluwalhating nilalang na pumupuri at sumasamba sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madagdagan ang iyong hangaring sambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo nang may higit na pagmamahal at katapatan.
Ang trono ng Diyos
Maghanap ng isang himno na nagpapaalala sa iyo ng kaluwalhatian, kapangyarihan, at pagmamahal ng Diyos. Paano nakikita sa himnong ito ang nadarama mo para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Ano ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na pumupukaw sa puso mo ng tunay na hangaring sambahin Sila?
Kapag sinasamba natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo, ibinibigay natin sa kanila ang ating pagmamahal, pagpipitagan, at paglilingkod (tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagsamba,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/worship?lang=tgl). Ang pagsamba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay may malaking epekto sa ating buhay at matutulungan tayo na mapalapit sa Kanila.
-
Ano ang ilang pagkakataon na mayroon ka upang sambahin ang Ama at ang Anak?
Pag-isipan sandali kung gaano kadalas mo sinasamba nang taos-puso ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Pagnilayan kung paano magbabago ang buhay mo kung sasambahin mo sila nang mas madalas at makabuluhan. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo habang pinag-aaralan mo ang Apocalipsis 5 upang malaman kung paano mo taos-pusongsasambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Ang Kordero … ay Karapat-dapat
Sa kanyang pangitain, nakita ni Juan ang trono ng Diyos sa kahariang selestiyal. Sa palibot ng trono ay iba’t ibang niluwalhating nilalang at mga hayop na pinupuri at sinasamba ang Diyos (tingnan sa Apocalipsis 4:1–11). Nakita niyang nakaupo ang Ama sa Langit sa Kanyang trono, na hawak ang isang aklat na may pitong tatak (tingnan sa Apocalipsis 5:1). Ang aklat ay naglalaman ng kalooban, mga hiwaga, at mga gawain ng Diyos sa loob ng 7,000 taon ng temporal na pag-iral ng mundo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 77:6–7).
Basahin ang Apocalipsis 5:2–4 , at alamin ang reaksyon ni Juan.
-
Ano ang napansin mo?
-
Dahil kumakatawan ang aklat na may mga tatak sa temporal na kasaysayan ng mundo, maaaring nag-alala si Juan na kung walang taong karapat-dapat na magbukas nito, hindi maisasakatuparan ang layunin ng Diyos sa paglikha ng mundo. Ano ang mangyayari sa mga anak ng Ama sa Langit kung ang Kanyang plano para sa kanilang kaligtasan ay hindi maisasakatuparan?
Basahin ang Apocalipsis 5:5–7 , at alamin kung bakit hindi na dapat umiyak si Juan. Pansinin na sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng talata 6 , ang numerong pito ay pinalitan ng labindalawa (sa Apocalipsis 5:6, Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia).
Pansinin ang paglalarawan ni Juan sa Tagapagligtas. Alalahanin na nagturo si Juan sa pamamagitan ng mga simbolo. Maghanap sa mga talababa o sa bahaging “Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?” para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga simbolong ito.
Basahin ang Apocalipsis 5:8–14 , at alamin kung ano ang ginawa ng iba’t ibang niluwalhating nilalang nang kunin ni Jesucristo ang aklat mula sa kamay ng Ama sa Langit. Maaari mo ring basahin kung paano inilarawan ni Joseph Smith ang mga nilalang sa paligid ng trono ng Diyos sa Doktrina at mga Tipan 76:20–21 .
-
Sa palagay mo, bakit ganito ang ginawa ng mga niluwalhating nilalang?
-
Ipagpalagay na naroon ka. Ano sa palagay mo ang madarama mo? Ano ang gagawin mo?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa paraan kung paano sinamba ng mga niluwalhating nilalang ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
Pagsamba
Itinuro ni Bishop Dean M. Davies (1951–2021) ng Presiding Bishopric ang tungkol sa pagsamba. Maaari mong basahin ang pahayag sa ibaba o panoorin ang “Ang mga Pagpapala ng Pagsamba” (mula sa time code na 3:34 hanggang 4:45 at 8:54 hanggang 11:14), na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org.
Kapag sinasamba natin ang Diyos, lumalapit tayo sa Kanya nang buong galang, pagmamahal, pagpapakumbaba, at paghanga. Kinikilala at tanggap natin Siya bilang ating hari, ang Lumikha ng sansinukob, ating pinakamamahal at mapagmahal na Ama.
Gumagalang at nagpipitagan tayo sa Kanya.
Nagpapasakop tayo sa Kanya.
Iniaangat natin ang ating mga puso sa makapangyarihang panalangin, pinahahalagahan ang Kanyang salita, nagagalak sa Kanyang biyaya, at nangangakong susundin Siya nang buong katapatan. …
Kapag sumasamba tayo, ang ating puso ay nagpupuri sa ating mahal na Diyos sa umaga, tanghali, at gabi.
Patuloy natin Siyang [pinagpipitaganan] at iginagalang—sa ating mga meetinghouse, tahanan, templo, at sa lahat ng ating gawain.
Kapag sumasamba tayo, binubuksan natin ang ating puso sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ang ating buhay ay nagiging tanda at pagpapahayag ng ating pagsamba.
(Dean M. Davies, “Ang mga Pagpapala ng Pagsamba,” Liahona, Nob. 2016, 94–95)
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa pagsamba mula sa pahayag na ito?
Isipin ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Pag-isipan kung ano ang ginawa Nila para sa iyo na nagbibigay-inspirasyon sa iyo na purihin at sambahin Sila.
1. Sagutin ang tatlo sa mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Sa iyong palagay, paano pagpapalain ng taos-pusong pagsamba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang iyong buhay?
-
Kailan mo nadama na malapit ka sa Ama sa Langit o kay Jesucristo dahil sinamba mo Sila nang taos-puso?
-
Paano mas maipapakita ng iyong pagsamba ang nadarama mo para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Pumili ng isa o higit pa sa mga sumusunod na gawa, at isipin kung paano makatutulong ang taos-pusong pagsamba upang maging mas makabuluhan ang mga ito: panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, pagtanggap ng sacrament, paggalang sa Sabbath, pag-aayuno, pagdalo sa templo.
-
Ano ang nadama mo na dapat mong pagbutihin o baguhin sa paraan ng iyong pagsamba?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Sino ang “Leon sa lipi ni Juda” at ang “Ugat ni David”?
Ang dalawang pariralang ito ay mga titulo ni Jesucristo. Ang “Leon sa lipi ni Juda” ay angkop na titulo dahil ang leon ay maringal at makapangyarihan at dahil ang Tagapagligtas ay isinilang sa angkan ni Juda (tingnan sa Genesis 49:8–10 ; Mateo 1:3 ; Mga Hebreo 7:14). Ang titulong “Leon sa lipi ni Juda” ay ganap na kabaligtaran ng maamo at inialay na Kordero na binanggit sa Apocalipsis 5:6 . Ang dalawang paglalarawang ito ay nagpapahiwatig na nagtataglay si Cristo ng kamarhalikaan at kaamuan.
Si Jesus ay tinawag ding “Ugat ni David.” Ang ugat ang naglalaan ng tubig at sustansya para sa halaman—ganyan ang misyon ni Jesucristo sa lahat ng tumatanggap sa Kanya bilang kanilang Tagapagligtas at Manunubos (tingnan sa Juan 15:1–8 ; tingnan din sa Isaias 11:1 ; 53:2). Sa huli sa paghahayag ni Juan, inihayag mismo ni Cristo, “Ako ang ugat at ang supling ni David” ( Apocalipsis 22:16). Madalas bigyang-diin ng mga manunulat ng Ebanghelyo na si Jesus ay inapo ni Haring David (tingnan sa Mateo 1:1 ; Marcos 10:47 ; Lucas 1:32 ; Juan 7:42).
Ano ang isinisimbolo ng mga mata at mga sungay sa Apocalipsis 5:6 ?
Sa mga banal na kasulatan, ang mga sungay ay kadalasang simbolo ng kapangyarihan o awtoridad, at ang mga mata ay maaaring sumimbolo sa liwanag at kaalaman. Sa pagsasalin ni Joseph Smith, ang numerong pito ay pinalitan ng labindalawa (sa Apocalipsis 5:6, Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia). Ang numerong labindalawa ay maaaring sumimbolo sa banal na pamahalaan at organisasyon, o sa priesthood. Nakasaad din sa Pagsasalin ni Joseph Smith na ang labindalawang sungay at mata ay ang “labindalawang tagapaglingkod ng Diyos,” na maaaring kumatawan sa Labindalawang Apostol ni Jesucristo.
Sino ang sinasamba natin?
Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang nagpabago sa buhay ng bawat isa sa atin magpakailanman. Mahal natin Siya at mapagpasalamat na sinasamba Siya at ang ating Ama sa Langit.
(Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 101)
Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sinasamba natin ang Diyos Amang Walang Hanggan at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, hindi si Propetang Joseph ni sinumang mortal na lalaki o babae.
(Gerrit W. Gong, “Lahat ng Bansa, Lahi, at Wika” Liahona, Nob. 2020, 39)
Paano makatutulong sa akin ang pagsamba na maging katulad ng Diyos?
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Halina’t sambahin ang Panginoon! Paano ito ginagawa? Ang perpektong pagsamba ay pagtulad. Iginagalang natin ang mga tinutularan natin. Ang pinakaperpektong paraan ng pagsamba ay maging banal dahil si Jehova ay banal. Ito ay pagiging dalisay tulad ni Cristo na dalisay. Ito ay paggawa ng mga bagay na nagtutulot sa atin na maging katulad ng Ama. …
Paano natin sinasamba ang Panginoon? Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng biyaya sa biyaya, hanggang sa matanggap natin ang kaganapan ng Ama at maluwalhati tayo sa liwanag at katotohanan tulad ng ating Huwaran at Halimbawa, ang Ipinangakong Mesiyas.
(Bruce R. McConkie, The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 568–69)