Roma 2–3
Pagbibigay-katwiran sa pamamagitan ng Pananampalataya kay Jesucristo
Mahal ni Pablo ang mga Banal sa Roma at ninais niyang tulungan silang magkaisa sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Kinailangan ng tulong ng mga Judio at mga Gentil na nagbalik-loob upang maunawaan ang kanilang pag-asa kay Jesucristo at kung paano matatanggap ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong mas maunawaan ang pangangailangan nating lahat na mapatawad sa ating mga kasalanan, o mabigyang-katwiran, sa pamamagitan ni Jesucristo.
Kailangan ng lahat si Jesucristo
Maaari kang magdrowing ng isang paglalarawan ng sumusunod na tagpo sa iyong study journal:
Ipagpalagay na nasa landas ka patungo sa isang napakagandang destinasyon. Gayunpaman, sa pagtahak mo sa landas na ito, nakakita ka ng harang o pader na nakakasagabal sa daan. Dahil sa harang, hindi ka na makaabante pa, at imposibleng malampasan ito nang mag-isa.
Lagyan ang destinasyon ng label na kinaroroonan ng Diyos.
-
Bakit ninanais mong bumalik sa kinaroroonan ng Diyos?
Ang mga miyembro ng Simbahan noong panahon ni Pablo ay nanggaling sa iba’t ibang kultura at pinagmulan. Gayunpaman, ang isang bagay na karaniwan sa kanila ay nagkasala silang lahat at samakatwid ay hindi nararapat na makapasok sa kinaroroonan ng Diyos. Habang pinag-aaralan mo ang Roma 2–3, hangaring maunawaan ang ginawa ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak upang madaig ng lahat ng tao ang harang na humahadlang sa kanila na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos.
Upang mas maunawaan ang mga turo ni Pablo sa mga taga Roma, maaaring makatulong ang mga sumusunod na kahulugan:
Pagbibigay-katwiran, pangatwiranan, mabigyang-katwiran: “Ang mapatawad mula sa kaparusahan sa kasalanan at maipahayag na walang sala. Ang isang tao ay nabibigyang-katwiran ng awa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya. Ang pananampalatayang ito ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagsisisi at pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. Ang pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay sa tao ng pagkakataong magsisi at mabigyang-katwiran o mapatawad mula sa mga kaparusahang kanila sanang matatanggap” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pagbibigay-katwiran, Pangatwiranan ,” SimbahanniJesucristo.org).
Pananampalataya: “Paniniwala at pananalig kay Jesucristo na umaakay sa isang tao upang sumunod sa Kanya” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pananampalataya ,” SimbahanniJesucristo.org).
Ang batas: Ang katagang ito ay tumutukoy sa batas ni Moises at sa kaugnay nitong mga gawain, o “mga gawa” (tingnan sa “Agosto 7–13. Roma 1–6: ‘Ang Kapangyarihan ng Diyos para sa Kaligtasan,’” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Batas ni Moises, Mga ,” SimbahaniJesucristo.org).
Biyaya: Ang mga pagpapala, awa, tulong, at lakas na matatamo natin dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Biyaya ”).
Basahin ang Roma 3:10–12, 20–23, at alamin kung paano inilarawan ni Pablo ang harang o hadlang sa pagitan natin at ng Diyos.
-
Anong mga parirala mula sa mga turo ni Pablo ang makatutulong sa atin na maunawaan kung ano ang harang o hadlang?
Isulat ang mga pariralang ito sa harang sa iyong drowing.Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, at maghanap ng karagdagang kaalaman kung ano ang kinakatawan ng harang:
Dahil lahat tayo ay “nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios” [Mga Taga Roma 3:23] at dahil “walang anumang maruming bagay ang makapapasok sa kaharian ng Diyos”[1 Nephi 15:34], lahat tayo ay hindi karapat-dapat na pumasok sa kinaroroonan ng Diyos.
Kahit maglingkod tayo sa Diyos nang buong kaluluwa, hindi ito sapat; dahil magiging “hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod” pa rin tayo [Mosias 2:21]. Hindi tayo makakapasok sa langit; ang mga hinihingi ng katarungan ang hadlang, at wala tayong kapangyarihan na daigin itong mag-isa.
(Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 108)
Isipin kung saan ka nagkukulang o ang mga kasalanang sinisikap mong talikuran.
Basahin ang Roma 3:24–28 at alamin ang itinuro ni Pablo tungkol sa tanging paraan kung paano tayo mabibigyang-katwiran, o mapapatawad sa ating mga kasalanan.
Ang isang katotohanan na matututuhan mo mula sa mga talatang ito ay sa pamamagitan ng tapat na pagtanggap kay Jesucristo, ang buong sangkatauhan ay mabibigyang-katwiran sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.
-
Ano ang naiisip o nadarama mo kapag pinagninilayan mo ang katotohanang ito?
Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano mababago ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pagtingin natin sa ating mga kasalanan at kakulangan:
Lubusang binabago ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang ating pananaw sa ating mga paglabag at pagkakamali. Sa halip na lagi itong isipin at madamang hindi tayo matutubos o wala na tayong pag-asa, may matututuhan tayo mula sa mga ito at makadarama tayo ng pag-asa. Ang nagpapalinis na kaloob na pagsisisi ay nagtutulot na talikuran natin ang ating mga kasalanan at maging isang bagong nilalang.
Dahil kay Jesucristo, hindi kailangang itakda ng ating mga kabiguan kung sino tayo. Maaari tayong [dalisayin] ng mga ito.
(Dieter F. Uchtdorf, “Kasama Natin ang Diyos,” Liahona, Mayo 2021, 8–9)
-
Paano maihahambing ang iyong pananaw sa sarili mong mga pagkakamali at kakulangan sa inilarawan ni Elder Uchtdorf?
Idagdag sa iyong drowing ang isang paglalarawan kung paano tayo tinutulungan ni Jesucristo na malampasan ang hadlang.
1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Nauunawaan na lahat tayo ay nagkakasala at hindi nangakakaabot sa kaligtasan, paano nito nababago ang pagtingin natin kay Jesucristo?
-
Ano ang iyong mga naisip, naramdaman, o impresyon dahil sa natutuhan mo sa lesson na ito?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano ko mas mauunawaan ang pagbibigay-katwiran?
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa kahulugan ng pagbibigay-katwiran:
Dahil sa “walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo,” papawiin o “[tu]tugunin [ni Jesucristo] ang layunin ng batas” para sa ating kapakanan. Ang pagpapatawad ay darating sa pamamagitan ng biyaya Niya na tinugon ang mga hinihingi ng katarungan sa pamamagitan ng Kanyang sariling pagdurusa. … Inaalis Niya ang hatol sa atin nang hindi binabalewala ang batas. Tayo ay pinapatawad at inilalagay sa isang kalagayan ng kabutihan kasama Siya. Tayo ay nagiging tulad Niya, na walang kasalanan. Sinusuportahan at pinoprotektahan tayo ng batas, ng katarungan. Tayo, samakatwid, ay nabigyang-katwiran.
Kaya, angkop na sabihin natin na ang isang taong nabigyang-katwiran ay napatawad, walang kasalanan, o walang pananagutan.
(D. Todd Christofferson, “Justification and Sanctification,” Ensign, Hunyo 2001, 20)
Bakit kailangan ng mundo si Jesucristo?
Hadlang ba ang kasalanan sa plano ng Ama sa Langit?
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:
Alam ng ating Ama sa Langit bago tayo nabuhay sa mundo na tutuksuhin tayo ng masasamang impluwensya na lumihis sa ating landas, “sapagka’t ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios” [ Mga Taga Roma 3:23 ]. Ito ang dahilan kung bakit naghanda Siya ng daan para maitama natin ang mali. Sa pamamagitan ng mahabaging proseso ng tunay na pagsisisi at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapatatawad ang ating mga kasalanan at tayo ay hindi “mapa[pa]hamak, kundi magka[ka]roon ng buhay na walang hanggan” [ Juan 3:16 ].
(Dieter F. Uchtdorf, “Dahil Lamang sa Kaunting Paglihis,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 60)
Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang “ang mga [G]entil … ay gumagawa ng mga bagay ng kautusan”? (Roma 2:14)
“Natanto ni Pablo na ang ilang Gentil ay kusang ipinamumuhay ang moralidad. … Ang mga Gentil na ito ay sumusunod sa Ilaw ni Cristo, na ‘isang [impluwensya] para sa kabutihan sa buhay ng lahat ng tao (Juan 1:9; D at T 84:46–47)’ [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Ilaw, Liwanag ni Cristo” ; SimbahanniJesucristo.org]. Bagama’t wala silang batas ni Moises, sinabi ni Pablo na kanilang ipinakita na ‘ang hinihiling ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso’ (Roma 2:15)” (”Romans 1–3,“ sa New Testament Student Manual [2018], 337).